News Southern Tagalog

2 lider-aktibista mula sa Batangas, dinakip sa Quezon, binansagang NPA; pulisya at militar, sadya umanong pinabagal ang proseso

Dagdag ng Tanggol Batangan na binugbog at nilagyan ng kemikal ang blindfold ng isa sa kanila habang nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Matapos ang iligal at sapilitang pagkaka-aresto nitong ika-6 ng Oktubre sa Brgy. Manggalang 1, Sariaya, Quezon, kasalukuyan pa ring nasa kustodiya ng pulis sina Erlindo “Lino” Baez at Willy Capareño. Si Baez ay ang tagapagsalita ng alyansang multisectoral na Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Batangas, si Capareño naman ang tagapag-ugnay ng Anakpawis Batangas.

Ayon sa alyansang pang-karapatang pantao na Karapatan Timog Katagalugan (TK), sinalakay at tinaniman ng armas at pampasabog ng ilang pulis ang tahanan ni Baez sa Sto. Tomas, Batangas nitong ika-7 ng Marso. Mas kilala ang nasabing araw bilang “Bloody Sunday,” kung saan siyam na progresibo ang pinaslang at pito pa ang inaresto ng mga pulis at militar sa iba’t-ibang bahagi ng Timog Katagalugan.

Ayon sa ulat ng Bulatlat, si Ronilo Baez, isa sa mga anak ni Lino Baez, ay nadakip noong ika-3 ng Hunyo, 2010 sa isang reyd sa Taysan, Batangas, matapos siya at dalawa pang progresibo ay pinagbintangang miyembro ng rebolusyonaryong grupong New People’s Army (NPA). Kasalukuyan pa ring nakakulong si Ronilo.

Samantala, ang isa pang anak ni Baez na si Edrean, miyembro ng Anakbayan, ay pinatay nitong ika-26 ng Mayo, matapos ang isang “engkwentro” sa pagitan ng militar at NPA.

(MGA NAUUGNAY NA BALITA: Expert confirms Bloody Sunday deaths ‘intentional,’ demands probe; 9 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan)

Karagdagan pa, nakatanggap ng text message si Capareño noong 2019 na inutusan siyang umuwi sa San Juan, Batangas, kundi’y siya’y aarestuhin. Ayon naman sa Karapatan-TK na sa parehong taon, si Capareño ay inakusahan din bilang kasapi ng NPA.

Inakusahan naman ng 59th Infantry Batallion ang dalawa bilang mga kasapi ng NPA na may hawak umanong mga armas, pampasabog, at iilang mga dokumentong na inuugnay sa rebolusynaryong grupo. Ang nasabing paratang ay madalas na ginagamit na akusasyon upang bigyang-katuwiran ang pag-aresto o pagpatay sa mga progresibo, ngunit ilang beses na itong pinabulaanan ng mga grupo. Iginigiit nilang ang mga armas ay “itinatanim” lang ng mga pulisya bilang mga ebidensya.

“Ang iligal na pagkakaaresto kina Baez at Capareño ay klarong manipestasyon ng patuloy na serye ng panggigipit ng pasistang rehimeng Duterte sa mga progresibong indibidwal sa probinsya at sa rehiyon,” opisyal na pahayag ng Tanggol Batangan.

Noong hindi pa nakakausap ng legal team si Capareño, pauna nang pinaniwalaan ng Tanggol Batangan na nagsisinungaling ang pulisya ukol sa kalagayan nina Baez at Capareño.

“Malinaw na nagsisinungaling na ang kapulisan upang pagkaitan si Capareño ng kanyang karapatan para sa legal na proseso ng isinampang gawa-gawang kaso laban sa kanya at kitang-kitang pinatatagal talaga ng kapulisan ang pagkikita ng paralegal team at ni Capareño!

Dahil dito, nangangamba ang paralegal team kung ano ang tunay na kalagayan ng lider-aktibista,” ani ng Tanggol Batangan.

Sa kabila ng sali-saliwang pahayag ng pulisya at militar hinggil sa kalagayan ng dalawang lider-aktibista, nitong Biyernes ay nakausap na ng paralegal team ng Karapatan-TK si Baez sa Tanauan Municipal Police Station (MPS), at noong hapon ng ika-10 ng Oktubre naman ay matagumpay nang nakita si Capareño sa Sariaya MPS. 

Taliwas sa pahayag ng pulisya mula sa Camp Dolor, nakaranas umano si Baez ng pambubugbog, pagtutok at pagdidiin ng baril sa dibdib, at paglalagay ng kemikal sa kaniyang blindfold na nagdulot ng panghihina at pagsama ng kaniyang pakiramdam. 

Malabong pagpapaliwanag

Apat na araw makalipas ang pagka-aresto, wala pa ring inilalabas na pormal na pahayag ang pulisya ukol rito. Nagbabadya na ang kampo ng dalawang organisador na magsampa ng kasong illegal detention.

Base sa mga litrato na inilabas ng First Quezon Provincial Mobile Force Company (1st QPMFC), pinangalanan si Capareño bilangco-accused” sa kaso ni Lino Baez na kasalukuyang dinidinig sa Branch 6 ng Tanauan Regional Trial Court (RTC). Dagdag din ng Tanggol Batangan na “ang kaso na ito ay isinampa kasabay ng mga pagpatay at pag-aresto sa mga kapwa niya aktibista noong Bloody Sunday”.

Alinsunod rito, hindi pa rin umano malinaw ang mga detalyeng ibinibigay sa paralegal team ng Karapatan-TK hinggil sa sitwasyon ng dalawa sa loob ng kampo. Anila, isinawalang-bahala lamang ang mga dokumento ng pamilya ni Baez. Ayon sa Facebook posts ng Tanggol Batangan, ilang beses itinanggi ng pulis na nasa Sariaya MPS pa ang dalawang lider-aktibista, at sinabi na na-turnover na sa Camp Soledad Dolor sa Candelaria, Quezon sina Baez at Capareño.

Pinagbantaan pa ng kapulisan ang paralegal team dahil sa kanilang panawagang pagpapabilis sa pagproseso ng mga dokumento hinggil sa pag-aresto, sapagkat labag umano ito sa mga protocol

Giit ng Tanggol Batangan, kapwa masisikhasay na organisador sina Baez at Capareño na nangunguna sa iba’t-ibang inisyatiba sa komunidad tulad ng konsultasyon, relief operations, medical missions, at iba pang aktibidad na naglalayong palakasin at suportahan ng mga lehitimong panawagan ng mga batayang sektor ng lipunan. 

Patuloy na panggigipit

Bago pa man ang insidenteng ito, kaliwa’t kanan na ang militarisasyon sa Batangas. Kabilang dito ang panggigiit at paglalabas ng “gawa-gawang” kaso laban sa pamilya Lemita noong Agosto 2021 at paniniktik kay Gigi Bautista, na mas kilala dating pangkalahatang-kalihim ng Samahan ng Magbubukid sa Batangas (SAMBAT) at organisador ng Bakasan at Lakas ng mga Magniniyog sa Batangas (BALAYBAY) noong ika-9 ng Oktubre (BASAHIN: Sister of Bloody Sunday victim subpoenaed for trumped-up ‘multiple attempted murder’ charge).

Kaugnay sa iligal na pag-aresto, nagpasya namang lumikom ng donasyon ang Tanggol Batangan para sa mga organisador. Samantala, naglabas rin ng opisyal na pahayag ang nasabing organisasyon hinggil sa ika-pitong buwang komemorasyon ng Bloody Sunday Massacre. 

“Matapos ang pitong buwan, wala pa ring tunay na hustisya para sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre at patuloy pa rin ang panggigipit ng rehimeng Duterte sa mga progresibong indibidwal sa Timog katagalugan,” pahayag ng Tanggol Batangan.

Tahasan ding kinondena ng Gabriela-TK ang pagdakip, panggigipit, at paglalapastangan sa karapatang pantao nina Baez at Capareño, at nanawagang sila ay palayain. 

“Ang nangyaring pagdakip kay Lino Baez at Willy Capareño ay malinaw na manipestasyon ng patuloy na pagpapatahimik ng administrasyon sa mga lumalaban para sa karapatan ng nakararami. Sinusulit ni Duterte ang ilang buwang natitira sa kanyang termino upang maghasik ng lagim at karahasan – isang dahilan kung bakit hindi na dapat mahalal ang sino mang kaalyado ni Duterte sa puwesto sa darating na halalan,” ani Gabriela-TK.

Kinundena rin ng Kabataan Partylist Laguna ang naganap na insidente, at sinabi na “sa kabila ng lumalalang krisis dahil sa kapabayaan ng rehimeng Duterte, karahasan at panunupil ang sagot nila sa mga mamamayang ipinaglalaban ang ating mga karapatan at demokrasya.” [P]

Mga litrato mula sa Karapaan-TK, Panday Sining Batangas, at Tanggol Batangan / Facebook

Paglalapat ni Kyle Hendrick Sigaya

Maan Curioso is a multimedia reporter for UPLB Perspective, covering education and Southern Tagalog issues. She first joined [P] as a news staff in September 2021. She is currently studying for a bachelor’s degree in Development Communication at the University of the Philippines Los Baños. Before joining the UPLB Perspective, she was part of the media organization, Filipinas: Malayang Balita Online, where she covered various issues on the verge of the pandemic. Got story tips? Send Maan an email at mscurioso@up.edu.ph or shoot her a tweet @maancurioso.

1 comment on “2 lider-aktibista mula sa Batangas, dinakip sa Quezon, binansagang NPA; pulisya at militar, sadya umanong pinabagal ang proseso

  1. Pingback: Peasant month protests; Cristina Magistrado arrest – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: