Opinion

Kababaihang magbubukid para sa lupa, ayuda, at hustisya!

Mga salita ng Amihan National Federation of Peasant Women

Mga salita ng Amihan National Federation of Peasant Women

Ang buwan ng Oktubre ay buwan ng magbubukid kasama ang kababaihang magsasaka, manggagawang agrikutural, mangingisda, katutubo, kabataan, at lahat ng kababaihan sa kanayunan para sa “Lupa, Ayuda, at Hustisya!” 

Sa panahon ni Duterte, kinakaharap ng kababaihang magbubukid ang patung-patong na epekto ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala, diskriminasyon, malawakang paglabag sa karapatang pantao, at kapabayaan ng gobyerno ngayong pandemya.

Sa kanayunan, karamihan sa kababaihang magbubukid ang walang akses sa lupa at umaasa lamang sa mababang parte at kita bunga ng pagiging alipin sa kawalang lupa. Pinalala pa ito ng napakataas na upa sa lupa, mababang sahod, mataas na interes ng usura, at mataas na gastusin sa pagsasaka. Natutulak na magpasailalim sa unpaid family labor at libreng paggawa sa haciendero o panginoong maylupa para lamang manatili sa lupa. Namamasukan din bilang labandera, yaya-katulong, tindera at natutulak sa ilang anti-sosyal na gawain o kaya nama’y nagiging OFW. Bukod dito, biktima din sila ng diskriminasyon tulad ng hindi pantay na pasahod sa mga arawang paggawa sa mga sakahan.  

Ngayong pandemya, imbes na ayuda at subsidyo ang ibigay sa mga pamilyang magsasaka, kaliwa’t kanan ang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ng gobyerno’t mga panginoong maylupa. Nitong taong 2021, may bantang pagpapalayas sa Hacienda Yulo sa Laguna; Lupang Kapdula, Lupang Ramos, Aguinaldo Estate sa Cavite; sa Orion, Bataan; San Jose del Monte Bulacan (SJDM) at iba pa. 

Lumala rin ang militarisasyon sa kanayunan at malawakang paglabag sa karapatang pantao dulot ng counter-insurgency program ni Duterte at ng NTF-ELCAC kagaya ng Enhanced Community Local Integration Program (E-CLIP) at Barangay Development Program (BDP). 

Sa kasalukuyan, umabot na sa 340 ang biktimang magbubukid ng extra-judicial killings, 45 sa kanila ay kababaihang magbubukid. Maraming kaso na rin ang naitala ukol sa pananakot, rape at banta ng rape, sexual harassment, red-tagging, illegal arrest and detention, harassment, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at iba pa. 

Dahil hindi prayoridad ni Duterte ang national food security, umaasa lamang ito sa pag-aangkat ng bigas, mga gulay, isda, at karne na nagbubunga ng pagkalugi at pagkabaon sa utang ng mga magsasaka, at pagkatanggal sa kanila mula sa lupa.  Sa kadulu-duluhan, ito ay nagbubunga ng malawak na kagutuman sa buong bansa, na pangunahing nararanasan ng mga kababaihang magbubukid.  

Kaugnay nito, nananawagan ng suporta ang kababaihang magbubukid sa lahat ng sektor sa buong bansa upang epektibong maisulong ang mga panawagan at biguin ang mga pakana ng papet at pasistang rehimeng Duterte.

Sa kanayunan, tuluy-tuloy ang signipikanteng papel ng kababaihang magbubukid para sa higit pang pagkakamit ng Tunay na Reporma sa Lupa, pagpawi sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala, kasapatan sa pagkain, pagkakamit ng hustisya, at pagharap sa pasistang atake ng gobyernong Duterte. 

Gayundin, napanghahawakan nito ang mga tagumpay na nakamit kagaya ng pananatili at pagdepensa sa kanilang lupang sinasaka, pagtataguyod ng mga bungkalan o communal farms, at patuloy na paglakas ng kilusang kababaihang magbubukid sa buong bansa. [P]

dibuho ni Ralph Caneos

Ang Amihan National Federation of Peasant Women ay isang pederasyon at organisasyon ng mga kababaihang pesante na nagsusulong ng mga panawagan tungo sa tunay na agraryong reporma at karapatan ng mga kababaihan.

The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com

0 comments on “Kababaihang magbubukid para sa lupa, ayuda, at hustisya!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: