Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ng UPLB Perspective kay Jovelyn Salinas.
Malaki ang pagkakaiba ng pisikal na klase sa mga klase sa ilalim ng pandemya dahil matagal na panahong nasanay tayo sa pisikal na klase; naipapaliwanag sa atin ng ating mga guro kung ano ‘yung mga topics, kung may mga tanong tayo, direkta natin itong matatanong sa ating guro. Hindi po tulad sa ngayon na kung nagtatanong ka, lalo na sa group chat, bihira ka ng masasagot o hindi pa talaga ito masasagot ng ating mga guro kasi nga naiintindihan naman natin na sobrang busy nila. Para sa akin po, ang pinakamalaking pinagkaiba iyong kung noon madali kong maintindihan ‘yung mga topics, sa ngayon mahirap po maintindihan kasi nga dapat ‘yung mga topics ay maayos na nadi-discuss ng mga guro doon mismo sa ating paaralan.
Para sa akin ang pag-aaral habang may pandemya’y may malaking epekto sa ating kalusugan. Unang-una ang mga estudyante, hindi na normal ‘yung mga ginagawa, nafo-focus na sa mga cellphone, laptop gano’n, so unang-una nakakaapekto ‘yon sa kalusugan ‘yung radiation. Isa pa nakaka-pressure kasi nga, halimbawa, sa akin kailangan ko ‘tong tapusin na activities ko tapos minsan nape-pressure ako kasi kailangan kong intindihin ito, pinipilit kong intindihin para maipasa ko ito sa aming guro dahil ito ay kailangan ipasa, so malaking epekto ito sa mental at sa buong katawan natin.
Malaki ang epekto ng pandemya lalo na sa pag-aaral kasi sa ngayon kapag nag-aaral ka, kailangan talaga ng financial [resources] kasi may mga klase, may mga topics si sir, si ma’am na ibibigay sa mga estudyante online. Ise-send ang files sa [group chat], sa Google. Marami silang pinapasa doon para doon kami matuto.
Dahil sa pamamaraan ng internet, ang pinakamahirap ngayon para sa mga estudyante ay kung wala kang [connection], hindi ka makakapagpasa ng activities. Hindi mo magawa ‘yung mga activities kasi wala kang load, so ‘yun malaki itong epekto sa mga mag-aaral lalo na kapag, halimbawa, may [COVID-19] positive na isang guro o kahit primary contact man lang na positive, halos lahat din ng estudyante ay apektado kasi magde-declare na naman na wala munang pupunta dito sa school para kumuha ng module, magla-lockdown muna, so maraming mga estudyante ang naaapektuhan dito.
Sa pandemya ngayon, marami talagang hirap ang nararanasan natin; sa pamilya man, sa komunidad, lalong lalo na sa pag-aaral kasi nga nalilimitahan tayo sa mga gawain natin. May mga iba diyan na nawalan ng trabaho, nawalan ng lahat. Malaking epekto ‘to hindi lamang para sa aming mga kabataan kundi sa lahat ng mga tao, sa lahat ng mga mamamayan.
Ngayon, kami bilang mga kabataang Lumad, patuloy na inaatake ‘yung mga paaralan namin, patuloy na hinaharas; kaya sa ngayon, hindi muna kami doon sa community namin, lumipat muna kami sa ibang lugar para ipagpatuloy ‘yung mga pag-aaral namin. Sobrang nakakapanibago doon pa man dahil nga sanay kami sa kabundukan na tahimik at madali mong maintindihan ‘yung mga klase. Nakakapanibago rin bilang mga lumipat na mga mag-aaral dito sa siyudad para makapagpatuloy sa pag-aaral kasi nga inaatake ‘yung paaralan namin, pinepwersa na ipasara ang mga ito; may malaking epekto ito dahil kahit nasa siyudad kami, kahit nasa kalunsuran kami, patuloy na inaatake kaming mga kabataang Lumad, patuloy na tinatakot, hina-harass.
Imbes na mag-aral ka, mag-focus ka sa klase, hindi mo ‘yun magawa kasi natatakot ka baka haharasin, baka tatakutin ka. Parang may pinaghahandaan akong mga pagbabanta na baka ‘di ko makamtan ‘yung pangarap ko dahil dito. Kung doon sana kami sa aming community nag-aaral, nakaka-focus kami.
Tapos kung wala sanang mga threat, wala sanang mga pananakot sa amin, makaka-focus kami sa aming pag-aaral dahil doon sa amin hindi na masyado maabot ng COVID-19 kasi nga sobrang masagana, marami kang makukuha do’n. Nando’n na lahat ng ospital, nando’n na lahat ‘yung mga pangangailangan mo doon sa kagubatan pero dahil nga itong mga ahensiya ng gobyerno, halimbawa, itong mga militar nagpunta doon, sila mismo ‘yung nagdala ng virus sa aming mga Lumad kasi sila ang galing dito sa siyudad.
Para sa akin, ang kampanyang Ligtas na Balik Eskwela, mahalaga ito. Siguro nga hindi lang ako, halos lahat ng mga estudyante ito ang nais; na makabalik sa eskwela nang normal at ligtas. Bilang estudyante, suporta ako dito, sang-ayon ako sa Ligtas na Balik Eskwela para makabalik sa community, sa eskwelahan. Kasi ngayon, marami talagang estudyante, hindi lang galing sa Lumad school, galing sa iba’t ibang eskwelahan, ang napilitan tumigil sa pag-aaral.
Suporta ako sa kampanyang Ligtas na Balik Eskwela at dapat gawin ito ng pamahalaan natin para mapabalik na ang mga estudyante sa eskwelahan nang normal at ligtas dahil ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
Maraming kabataan ang natigil sa kanilang pag-aaral.
Paano namin makakamit ‘yung mga pangarap namin kung patuloy ang ganitong sitwasyon? [P]
—-
Si Jovelyn Salinas ay isang estudyanteng Bakwit at kasalukuyang nag-aaral ng sekondarya sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) kurikulum.
The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com
0 comments on “Paano na ang aming mga pangarap at kinabukasan?”