Features

Ikinubli ng Paraiso: Ang mahabang kasaysayan ng land-grabbing sa Palawan

Matagal nang napatunayan ng lalawigan ng Palawan na isa ito sa pinakamagandang tirahan na isla sa buong mundo. Ganoon na lamang din ang mga papuring natatanggap nito dahil sa angkin nitong ganda. Naisin mang tumira ng karamihan dito, sa kabilang banda naman ay tila nawawalan ng tirahan ang mga mamayang namumuhay sa lupang nanggaling pa sa kanilang mga ninuno gaya na lamang ng mga Indigenous People (IP) dahil sa walang habas na pagsupil sa mga karapatan at pagnakaw sa mga tirahan nila.

Simula sa pagdating ng mga kasamahan nila Magellan na sina Antonio Pegafetta at Juan Sebastian Elcano, hanggang sa kasalukuyang panahon, binubulabog ng mga kapitalista at mapagsamantalang opisyal ng gobyerno ang paraisong tinitirhan ng mga pesante. Hanggang ngayon, patuloy ang kanilang laban, hindi lamang sa lupain, pati na rin sa kanilang pamumuhay.

Expedisyon ng opresyon

Matatandaan mula sa ating mga libro sa kasaysayan at sibika ang pagdating ng mga Espanyol sa ating bansa at kung paano sila naghasik ng kristiyanismo at lagim. Lingid sa kaalaman ng karamihan na lumapag din sa isla ng Palawan ang mga alagad ni Ferdinand Magellan, na pinamumunuan ni Juan Sebastian Elcano. Pagkatapos ng madugong sagupaan sa Mactan ay tumungo sila sa Palawan sa layong magpahinga at sakupin na rin ang mga ito. 

Una silang lumapag sa munisipyo ng Aborlan, ngunit sinalubong sila ng mga armadong Tagbanua na handang depensehan ang kanilang lupain laban sa mga interes ng mga ito. Yumaon ay dumaong din sila sa ibang munisipyo gaya ng Brooke’s Point, Bataraza, Balabac, at Sofronio Espanola na kanilang pinalagian.

Ang mga Tagbanua ay ang isa sa mga pinaka-unang pangkat etniko sa Pilipinas. 

Pinaniniwalaan na sila ay nagmula sa mga Taong Tabon o Tabon Man sa munisipalidad ng Quezon sa Palawan, ang mga kauna-unahang tao sa mundo. Ang tangkang pananakop sa mga ito ay mitsa ng mahabang kasaysayan ng pang aabuso, pangungupkop, at pag-aangkin ng lupain ng mga IP.

Hindi rin nakawala sa bagsik ng batas militar ang bahagi ng Northern Palawan at daan-daang pamilya, kabilang ang grupo ng mga Tagbanua sa mga pinalayas. Matatandaang ninais ni Imelda Marcos ang pagkakaroon ng mga hayop na galing sa ibang bansa, ngunit naging problema ang magiging paglalagyan nito. Napilitang maghanap ng magiging tirahan ng mga exotic animals na ninais ni Marcos at inilagay ito sa isla ng Calauit.

Kapalit ng tirahan ng mga buhay-ilang ay ang pagpapalayas sa humigit kumulang 254 na pamilyang naninirahan sa 3,600 ektaryang lupain ng Calauit. May mga kilusan mang naglalayong sa pagpapabalik sa mga natanggalan ng tirahan gaya ng “Balik Calauit Movement,” hindi nito mabubura ang pagnanakaw ng lupa ng mga Marcos mula sa mga IP at pagbabalewala sa karapatang pantao. 

Sa kabilang banda naman, ang Department of Environment and National Resources (DENR) ay isang saklaw ng gobyerno na nangangasiwa at nagbibigay dapat ng proteksyon sa kalikasan. Kabilang sa mga tungkulin nila ang pangangalaga sa mga lugar or lupain na pinaninirahan ng mga katutubo at IP.

Ngunit paano magagawang protektahan ng nasabing ahensya ang lupain ng mga IP kung ang mga tauhan nila mismo ay sangkot sa talamak na land grabbing. Noong taong 2015, kinwestiyon ang 10 tauhan ng DENR dahil sa ilegal na koneksyon nito sa pagbebenta ng tinatayang 1000 ektarya ng lupa sa Sitio Sia, Brgy. Buenavista sa bayan ng Puerto Princesa.

Ang 1000 ektaryang lupain na kinamkam ng mga opisyales ay pinaninirahan ng humigit kumulang 500 pamilya na karamihan ay IP. Pagmamay-ari ng Cuyunin, uri ng pangkat etniko sa Palawan, na sina Felix at Natividad Abrea ang lupain. Idinulog umano nila ang panunupil ng mga lupain sa mga nakakataas ngunit ito’y tila hindi pinansin.

Kamakailan lamang ay ibinasura ng Department of Tourism (DOT) ang inihaing reklamo ng mga IP sa bayan ng El Nido, ito ay laban sa malalaking kumpanya gaya ng Ayala na kinukuha at pinagkakait sa kanila ang kanilang mga lupain. Ayon sa mga IP, sinira nito ang kanilang kinalakhang payapang buhay, kawalan ng respeto sa mga sagradong instrumento, at pagkasira ng kalikasan sa patuloy na pagwasak sa kanilang lupain. (READ: Panawagan ng mga Tagbanua, ibinasura ng DOT; operasyon ng mga Ayala sa lupain, kanselado.)

Kahit na nakasaad sa batas na pumoprotekta sa karapatan ng katutubo at IP ay tila bulag sa batas ang mga kumpanya at patuloy sa pagnanakaw sa karapatan ng mga ito. Nakasaad sa Republic Act 8371 Chapter III Section 10 (RA 8371) o Indigenous People’s Rights Act of 1997 na ang walang habas na pagpasok ng walang paalam at paggamit sa mga tinatawag na ancestral domain ng mga katutubo ay labag sa batas at maaaring pumataw ng parusa. Ngunit bigo pa ring maipaglaban nang patas ang kanilang hinaing.

Modus Operandi

Sa pagsulpot ng mga kaso ng kabi-kabilang land-grabbing sa Palawan ay tila ba nakabisado na ng mga mamamayan ang estilo ng mga magnanakaw ng lupain. Ginagamit nila ang kamangmangan ng mga katutubo upang linlangin sa isang kasunduan na ang mga interes lamang nila ang pinapaburan.

Isa sa mga subok nang paraan ng mga kumpanya o kaya mga interesanteng tao sa lupa ay ang tahasang pag angkin sa mga ito sa pagpapakita ng mga papeles na di umano’y sumusuporta sa kabilang panig. Dahil nga sa walang kaalaman sa batas bunsod ng walang karanasan sa paaralan ay madalas niloloko ang mga katutubo. 

Ayon kay Mary Ann Delos Santos, OIC ng National Coalition for Indigenous People (NCIP), patuloy ang nangyayaring panlalapastangan at panlilinlang sa mga ito dahil sa kawalan ng abogasya at mga taong maalam sa batas, sa mga lugar na kung saan namamalagi ang katutubo. Aniya, Dito ay wala tayong lawyer, naghihintay tayo kung sino ang magpapaka bayaning lawyer ng NCIP para harapin lahat ng issues and concerns na hinaharap natin.”

Sa kawalan ng malalapitan na propesyonal na maaaring magbigay-linaw sa mga potensyal na hakbang sa pang-aabuso ay tuluyang nasisiil ang mga katutubo dahil walang sinuman ang magtatanggol sa kanilang karapatan kundi ang kanila ring mga sarili.

Isa pang gawain ng mga land-grabbers ay ang direktang pagpapatitulo sa mga lupain ng mga katutubo kahit na kasalukuyan pa ring naninirahan ang mga ito rito. Ito ay isang halimbawa ng paggamit ng batas laban sa mga IP. Dahil sa kawalan ng agarang aksyon sa kawalan ng batas na masasandigan ay namamanipula ng mga mapanamantala ang sitwasyon upang paburan ang kanilang interes na mapasakamay ang mga lupain.

Lantarang panloloko naman sa mga mamamayan ng Brgy. Cocoro sa bayan ng Magsaysay ang pagbebenta sa kanilang lupain sa isang Facebook market group noong nakaraang Setyembre.  Dagdag pa rito, wala itong pahintulot ng mga residente, at agaran silang pinapaalis sa pagkakatira dahil titulado di umano ang isla at pagmamay-ari ito ng isang Stimson Salazar. Iginiit naman ng mga katutubo na naninirahan doon na ang isla ay isang ancestral domain at dito na sila lumaki. 

Ang mga ancestral domain o mga lugar na sinasabing pinagmulan ng mga IP galing pa sa kanilang mga ninuno. Ito ay maaaring mga lupain, katubigan, at mga likas na yaman na kanilang inaangkin na may patnubay at pagkilala galing sa batas.  

Ang pananamantala ni Salazar sa kawalan ng mga mamamayan ng kaalaman sa teknikalidad ng mga lupain at batas ay isa nang gasgas na gawain ng mga land-grabber. Gagamitin ang kamangmangan ng mga mamamayan sa lupa laban sa kanila at sa huli sila rin ang laging natatalo at naa-agrabyado.

Nang matauhan ang mga residente ng nasabing isinasanglang isla ay tumindig ang mga ito at isinaad na kailanma’y hindi ito ipinagbebenta ito’y minana na nila sa kanilang ninuno. Sa kasamaang palad ay muntik nang gamitan ng dahas ang mga residente dahil binantaan ang mga ito sa pamamagitan ng pagbunot ng baril. Ito ang nagmitsa sa galit ng mga mamamayan sa mga nagtatangkang magnakaw ng kanilang lupain.

Ang tangkang pag-angkin ni Salazar sa lupain ng mga katutubo ay lulan ng interes at ang pagmamaliit sa kakayahan ng mga ito na gumamit ng batas. Tila ginamit na rin ni Salazar ang kapitan upang sapilitang mapalayas ang mga katutubo, ngunit matibay ang tindig ng mga ito sa paglaban para sa kanilang kinagisnang lupain.

Batas na sumasaklaw

Saklaw ng maraming batas ang pangangalaga at pagpreserba sa mga tirahan ng IP, ganun din ang pagpapahalaga sa kanilang mga kultura, tradisyon, at paniniwala. Ang pinaka-pangunahing batas na itinatag para sa mga ito ang RA 8371 o IP Rights Act na direktang kumikilala sa mga karapatang nakaugat na sa kanilang kultura.

Sa ilalim ng batas na ito ay ang iba’t-ibang karapatan ng mga IP laban sa pang-aagrabyado sa kanila at mayroon itong tatlong pangunahing probisyon. Una na rito ang karapatan para magpaunlad at pamunuan ang sarili. Bilang Pilipino na mulat at laki sa ibang kultura, tradisyon at paniniwala, kinikilala nitong dokumento ang kanilang karapatan upang gawin ang mga bagay na hahantong sa kanilang pag-unlad, gayundin ang pagtatatag ng sariling pamunuan sa mga tribo na kinikilalang pinuno o nakakataas.

Ang ikalawang probisyon naman ng batas ay ang pagkakaroon ng karapatan sa sarili nilang mga lupain o tinatawag na ancestral domain. Itinatag ang probisyon na ito upang ihinto ang karahasang nararanasan ng mga IP upang ipaglaban ang kanilang mga lupain. 

Ngunit ang probisyong ito ay sumasalungat sa 1987 Constitution na nagsasaad na lahat ng lupain sa Pilipinas ay pagmamay-ari ng estado. Hindi pagmamay-ari ng mga IP ang mga natural resources sa mga lupain na ito pero sila ang binibigyang karapatang mangasiwa sa mga likas yaman na ito at gamitin ayon sa kanilang pangangailangan.

Ang huling probisyon naman ng panukalang ito ay naglalayong bigyan ng karapatan sa pagkamit ng hustisya at karapatang pantao. Hindi iba ang mga IP sa pangkaraniwang mamamayan sa Pilipinas, patas ang karapatang pantaong dapat na kanila ring tinatamasa. 

Kabilang sa probisyon na ito ang pagkakaroon ng sapat at patas na proteksyon mula sa estado, karapatan na mailigtas sa gitna ng armadong hidwaan at mailipat sa protektadong lugar. Kabilang din sa mga karapatan na kanilang tinatamasa ay ang pagkakaroon ng basic services mula sa ating pamahalaan gaya ng  SSS, GSIS, Pag-IBIG, atbp. Pinahahalagan din ang kababaihan, mga bata, at ang kabataan sa probisyon na ito, gaya ng paglulunsad ng inklusibong daycare program para sa mga katutubo.

Sa kabila ng pagkakaroon ng sariling batas na sumasaklaw sa buhay ng mga IP ay tila bang walang pangil ang batas dahil hindi ito nasusunod. Patuloy pa ring nagdurusa ang mga katutubo sa kamay ng mga mapang-abusong tao na tinutulak ng pansariling interes.

At sa pagtatapos ng buwan ng Oktubre na siya’y buwan din ng mga pesante at IP, kasama ng mga IP ang UPLB Perspective sa patuloy na paniningil sa mga pang-aabusong ginagawa laban sa kanila. Patuloy na palalakasin ang mga pilit binubusalang boses ng mga katutubo, at kaisa ang publikasyon sa hinaing nila.

Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ng rehimeng Duterte ay hindi pa rin nahihinto ang mga ilegal na gawain laban sa mga katutubo gaya ng pagsupil sa karapatan, boses, at tahanan. Ang pagprotekta sa buhay at karapatan ng mga IP ay nangangahulugan ding pagbibigay halaga sa Palawan at sa buong Pilipinas—kung paano ito pinagtibay ng samu’t-saring kultura, mayaman na tradisyon, at pagkakaiba-iba ng mga tao. [P]

0 comments on “Ikinubli ng Paraiso: Ang mahabang kasaysayan ng land-grabbing sa Palawan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: