News Southern Tagalog

Humigit-kumulang 1200 residente, apektado ng demolisyon sa Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite

Tatlong residente ang sugatan matapos magpaputok ng baril ang pwersa ng pulisya at pribadong security guards sa gitna ng demolisyon.

Mga salita nina Aron Sierva, Yani Redoblado, Jeco Gonzalez, at Marilou Lorzano

Trigger warning: Violence

Tatlong residente ng Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite ang sugatan matapos ang demolisyong ikinasa ng mga pwersa ng Philippine National Police (PNP) at mga pribadong security guard ngayong araw, ika-13 ng Enero, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Cavite.

Kaninang hapon, 12 beses umanong nagpaputok ng baril ang pwersa ng pulisya at mga pribadong security guard sa gitna ng demolisyon, dahilan upang masugatan ang tatlo sa mga residente.

Sa halip na bigyan ng tulong-medikal ang mga sugatan, hinarang pa umano ng pulisya ang pagpapagamot sa mga nasaktan.

“Ayon sa mga saksi, ay agad dinala ang sugatan at sinikap itawid sa dagat para agarang mapagamot, ngunit, hinarang ito ng mga kapulisan at dinala sa kanilang detatsment kung saan pinagtulungang bugbugin ng demolition team,” dagdag ng BAYAN – Cavite.

Sugatang residente sa gitna ng demolisyon.
Larawan mula sa Bagong Alyansang Makabayan – Cavite

Gayunpaman, iginiit ni Pmaj Mary Ann Crester Torres, regional spokesperson ng Police Regional Office-4A, na mga miyembro pa umano ng demolition team ang nasugatan. 

“Wala pong katotohanan [‘yung tatlong] residente [na] sugatan […] Kanina po [tatlo] from demolition team ang sugatan at recently po e 20 [na] pulis natin ang sugatan dahil sa pambabato ng mga residente,” ani Torres sa isang panayam sa pahayagang Philstar.

Sa kabila nito, patuloy ang panawagan ng mga progresibong organisasyon para sa proteksyon ng mga karapatan ng mga apektadong residente.

“Nananawagan ang BAYAN – Cavite sa Commission on Human Rights of the Philippines at mga concerned na mga organisasyon at indibidwal para sa kagyat ng pagtulong sa mga sugatan at residente,” ani ng BAYAN – Cavite.

Samantala, umalma rin ang mga residente ng Brgy. Patungan dahil sa pagpapahintulot ng alkalde ng Maragondon na si Rey Rillo sa demolisyon, habang ang buong Cavite ay kasalukuyang nasa Alert Level 3 kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

“Anong pagpapabaya ba naman ang ginawa ni Mayor Rillo na maranasan ng mga residente ang dagdag na pasakit sa gitna ng pandemya?” ani ng isang lokal.

Nanawagan din ang Save Patungan Movement sa lokal na pamahalaan na tumindig para sa kapakanan ng kanilang mga mamamayan.

Hanay ng demolition team.
Larawan mula sa Bagong Alyansang Makabayan – Cavite

Ang laban ng mga mamamayan ng Patungan

Ang Brgy. Patungan ay sumasaklaw sa 602-ektaryang lupain ng mga mangingisda at magsasaka. Ayon sa BAYAN – Cavite, nasa humigit-kumulang 1200 residente ang maaapektuhan ng nasabing demolisyon.

“Kung ang pinoproblema ng ibang mga kababayan natin ay ang pangangailangan sa araw-araw, ang mga mamamayan ng Patungan ay ipinaglalaban ang kanilang mga bahay at tirahan. Saan pupulutin ang mga taga-Patungan kung karahasan ang ibinibigay nyo sa mga mamamayan sa gitna pa ng pandemya?” ani ng grupong Save Patungan Now Movement.

Dagdag pa ng BAYAN – Cavite, matagal nang pinalalayas ang mga residente ng Brgy. Patungan.

“Alam ng mamamayan na mainit sa mata ng mga kapitalista ang lugar ng Patungan dahil sa napakaganda nitong tanawin,” pahayag ng alyansa.

Ang lugar ay sinubukang angkinin ng isang nagngangalang Maria Theresa Virata, na may-ari ng M.T.V. Properties and Holdings Corporation.

Ayon sa Pamalakaya, pederasyon ng mga organisasyon ng mga mangingisda sa Pilipinas, ang karahasan ay nagsimula nang ibenta ng nasabing korporasyon ang komunidad sa Manila Southcoast Development Corporation (MSDC), na pagmamay-ari naman ng pamilya Sy. Nais umanong magtayo ng MSDC ng isang “exclusive beach resort” sa Brgy. Patungan.

Sa kasalukuyan, hindi pa nakapagbibigay ng tugon ang MSDC sa Perspective kaugnay ng nasabing isyu.

Mahabang kasaysayan ng panghaharas

Sa lathalaing inilabas ng media network na Altermidya noong 2016, napag-alamang taong 2012 pa nagsimula ang mga demolisyon at pagpapalayas sa mga residente sa Brgy. Patungan. Ang tinatayang 600 na kabahayan sa barangay noong 2012 ay bumaba na lang sa bilang na 300 noong 2016, matapos ang mga isinagawang demolisyon.

Sa katunayan, dekada ng 1990 nang makatanggap ang ilang mga benepisyaryong magsasaka sa Brgy. Patungan ng collective Certificate of Land Ownership sa Hacienda Looc sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). 

Subalit noong 1994, ibinenta ng Asset Privatization Trust (APT) ang Hacienda Looc sa pamilya Sy na may-ari ng MSDC at sa pamilya Sobrepañas na may-ari naman ng Fil-Estate Corporation, at kabilang dito ang lupang iginawad na sa mga magsasaka.

Iginiit ng Save Patungan Now Movement na hindi kabilang ang komunidad ng mga residente ng Brgy. Patungan sa lupaing pagmamay-ari umano noon ng pamilya ng mga Virata. Gayunpaman, pinabulaanan ito ng nasabing pamilya at iginiit na ang komunidad ay bahagi ng kanilang 602-ektaryang titulo sa lupa.

Samantala, noong 2013, sa pagsisikap umano ng M.T.V. Properties and Holdings Corporation na maitaboy ang mga residente sa Brgy. Patungan, kinasuhan ng kompanya ang maraming mangingisda ng “trespassing with malicious mischief”, kabilang ang iba pang mga kaso. 

Noong 2014, pinasok ng tatlong batalyon ng pinagsamang pwersa ng PNP at Special Weapons and Tactic (SWAT) teams ang Patungan. Inaresto ang mga lider ng komunidad na sina William Castillano at Lorenzo Obrado, at sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives

Ibinahagi ni Susan Agner, kasamahan nina Castillano at Obrado, na matagal nang naninirahan ang mga mangingisda sa lugar bago pa man dumating ang mga Sy at ang MTV Corporation. Aniya, humigit-kumulang 150 taong nanirahan ang kanilang mga ninuno sa Brgy. Patungan.

“Daang taon na kaming naninirahan sa baybayin at kalupaang ito. Dito na binuhay ng aming mga ninuno ang aming mga magulang at aming mga anak,” ani ng Save Patungan Now Movement.

Ayon sa grupo, sila ay binabalot ng takot at pangamba, ngunit patuloy nilang ipaglalaban ang kanilang mga karapatan.

“Napakahirap ng aming hinaharap. Takot at pangamba ang bumabalot sa amin, pero para sa aming mga anak at apo, sa aming hanapbuhay at panirahan, para sa kalikasan, handa kaming protektahan ito hangga’t kaya ng aming pagkakaisa!” [P]

Mga larawan mula sa Bagong Alyansang Makabayan – Cavite

Paglalapat ni Mich Monteron

2 comments on “Humigit-kumulang 1200 residente, apektado ng demolisyon sa Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite

  1. Pingback: Southern Tagalog peasants form unity caravan commemorating Mendiola Massacre – UPLB Perspective

  2. Pingback: Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022 – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: