Culture

Sakit ng Lipunan at Mga Aninong Kinalimutan

Dalawang taon sa gitna ng pandemya, dalawang taon na rin nating ipinagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon nang malayo sa ating mga kapamilya at kaibigan. Kung gaano kabilis nagdaan ang dalawang taon, ganoon din kabilis ang pagdami ng mga naulila sa kapamilya at kaibigan bunsod ng pandemya at nakaraang mga unos. Habang ang ilan sa atin ay may nakahaing hamon at keso de bola sa ating hapag, may mga maralitang ang Pasko at Bagong Taon ay tulad lamang ng ibang araw, pandemya o hindi, na isang hamon kung papaano tutugunan ang kalam ng sikmura at kahirapan. 

Paulit-ulit nang sinabi na sintomas lamang ito ng mas malaking problema. Pandemya man o hindi, anuman ang okasyon, ganito na ang sitwasyon ng ilang maralita: kinakalimutan at nakakulong sa rehas ng kahirapan dahil sa kapabayaan ng mga taong namumuno sa bansa.  

Ilang Dekadang Pagkalimot

Mula 1975-1986, pumailalim sa malalang krisis ang bansa. Kulang–kulang 27 milyong Pilipino o halos kalahati ng populasyon ng Pilipinas ang nasa ilalim ng poverty line sa panahon ng Martial Law. Anim sa sampung pamilya ang naiwang naghihirap sa pagtatapos ng termino ng diktador na si Ferdinand Marcos dahil sa mga nakahihindik na pagtaas-presyo ng mga bilihin habang pababa ang sweldo ng mga manggagawa, kulang ang trabaho, at lumolobo ang utang ng Pilipinas sa ibang bansa–utang na nakapatong na sa ating mga ulo noon, ngayon, at patuloy na babayaran ng mga Pilipino hanggang sa mga susunod na henerasyon. 

Marami pa rin ang mga pamilyang naghihirap pagkatapos ng panahon ng diktadurang Marcos. Sa pag-aaral ni Emmanuel S. de Dios, mayroong 5.8 milyong pamilyang Pilipino ang naninirahan sa ilalim ng poverty line. Ito ay katumbas ng 55% ng kabuuang populasyon ng bansa noong taong 1988. Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba man ang poverty incidence, ngunit ito ay ⅓ lamang ng kabuuang bilang ng pamilya sa bansa at 37% ng kabuuang populasyon ang nanatiling nasa ibaba ng poverty threshold sa taong 1997. 

Sa pagpasok ng taong 2000s, muling tumaas ang poverty incidence ng bansa mula 37% noong 1997 hanggang sa kulang-kulang 40% sa taong 2000, ayon pa rin sa ulat ng PSA. Nagpatuloy ang dagling pagtaas at pababa sa bilang ng mga pamilyang naghihirap sa Pilipinas sa loob ng isang dekada bunsod ng mataas na level ng inequality sa bansa. Ayon sa ulat ng Asian Development Bank (ADB), ang mataas na inequality, o ang ‘di pagkakapantay-pantay sa kita at sahod, ang dahilan sa mabagal na pagbaba ng kahirapan sa bansa. 

Sa pagtatapos ng anim na taong administrasyon ni Benigno Aquino III noong 2010-2016, nag-iwan ito ng mahigit 26 milyong Pilipino na mahirap–halos kalahati rito o 12 milyon dito ay nasa extreme poverty at walang sapat na kakayahang bumili ng sarili nilang mga pagkain. 

Sa pag-upo ng kasalukuyang pangulong Rodrigo Duterte, sinasabi ng istatistika at mga numero na bumaba ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap. Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumatak sa 21.1% o kulang-kulang 22.6 milyong mga Pilipino ang mga nasa laylayan ng lipunan noong 2018. Bumaba man ang bilang ng mga mahihirap, ngunit mga mahihirap din ang naging target ng administrasyon sa madugo nitong kampanya kontra droga. Ayon sa Human Rights Watch, pumalo na sa 12,000 Pilipino ang pinatay dahil sa “war on drugs” na karamihan ay mula sa urban poor. Sa administrasyon ding ito mas lumala ang gutom at kahirapan bunsod ng pandemya at kapabayaan.

Pandemya ng Kahirapan

Makalipas ang tatlong taon, tumaas sa 26.14 milyong Pilipino ang nasa ibaba ng poverty threshold para sa unang semestre ng 2021. Gayundin, umakyat sa 4.74 milyong pamilyang Pilipino ang naghihirap sa gitna ng pandemya, mas mataas ito sa 4.04 milyong pamilya noong 2018. 

Sa isang sarbey na ginawa ng Department of Science and Technology (DOST), mahigit 60% naman ng pamilya ang nakararanas ng moderate hanggang severe food insecurity. Ang food insecurity ay kalagayan kung saan kakaunti lamang ang nakakaing masustansyang pagkain ng isang tao o pamilya. Ito ay bunsod ng kawalan ng perang pambili ng pagkain, kakulangan sa pampublikong sasakyan, kawalan ng trabaho, limitadong akses sa mga tindahan, at ang ilan ay mga matatandang walang ibang inaasahang bibili ng pagkain. Upang ito ay “tugunan”, naglaan ang gobyerno ng ayuda para sa mga Pilipino. 

Bagamat mayroong Social Amelioration Program (SAP) na itinatag ang gobyerno, kung saan maaaring makatanggap ang bawat pamilya ng hindi hihigit sa 4,000 pesong ayuda, maituturing lamang itong isang panakip butas, pansamantala at kakarampot na limos sa mga mamamayang deka-dekada ng dumaranas ng krisis dahil sa kapabayaan ng mga nasa pwesto. Nariyan rin ang walang kamatayang korapsyon at kawalan ng konkretong tugon ng gobyerno laban sa pandemya. 

Bukod pa rito, nagpapanting na rin ang tenga ng mga mamamayan sa mga pangakong napako. Ayon kay Duterte, pangungunahan niya ang pag-aalis ng pandemya sa bansa sa kanyang huling taon sa gobyerno. Ngunit dalawang taon na tayong nasa gitna ng pandemya. Nangangapa sa dilim, hindi alam kung paano itatawid ang Pasko sa taong ito. Ang mas masaklap, may mga taong patuloy na hinaharap ang dilemang gutom o sakit ang maaaring tumapos sa kanilang mga buhay.

Bago pa man ang pandemya, sakit na ng bansa ang gutom at kahirapan. Hangga’t hindi masosolusyunan ang problema sa paghahanapbuhay at ekonomiya, sa maayos at kalidad na mga pampublikong serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, at pagsasaayos ng kapaligiran; at hangga’t patuloy na nilalapastangan ang karapatang pantao ng mga Pilipino, walang administrasyong makakagamot sa panlipunang sakit na ito at walang anumang okasyon ang makapagpapagaan sa bigat ng mga pasaning ito. 

Habang marami sa atin ay masayang kapiling ang ating mga kapamilya, may mga taong sinalubong ang Pasko at Bagong Taon nang ulila sa kapamilya at kaibigan dulot ng sakit, mga bagyo, at kawalan ng respeto sa karapatang pantao. Habang ang karamihan sa atin ay masayang kumain sa noche buena at media noche, may mga taong kumakalam ang sikmura at umaasa sa aguinaldo ng kalsada. Itong pasakit na ito ang bitbit natin sa araw-araw nating paniningil sa papel at lansangan. 

Ilang Pasko, Bagong Taon at pandemya man ang dumaan, ang lipunan ay matagal nang may sakit. Anuman ang sakit na ito, silang kinalimutan ang unang makararamdam. [P]

dibuho ni Jase Manatad

0 comments on “Sakit ng Lipunan at Mga Aninong Kinalimutan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: