ni John Daryl Alcantara ng UPLB Writers’ Club
Mula sa Patnugot: Ang tulang ito ay mula sa UPLB Perspective Bolyum 46, Isyu 1.
“Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao,
ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay
o higit na magaan kaysa balahibo”
—SZUMA CHIEN
i.
bago sumabog ang balita
bumagsak muna ito
bilang bulong sa araw
mismo ng mga puso:
isang kasama,
kinitil sa engkwentro.
bagaman batid naman naming sasapit
ang takipsilim sa lahat,
umasa muna kami
sa mirakulong baka pagkagising
kinabukasan ay mali pala
ang impormasyong nakarating
ii.
mayroon munang pagtanggi.
hindi maaring ganito
ngunit ganito pala talaga
kadali at kakagyat na kayang
putulin ng mga pasistang papet
ang lubid ng buhay ng isang tao:
matapos balasubasin sa digma
ibinibilad na lang basta sa larang!
iii.
kasabay ng mga pakikiramay
sa burol mo magpipyesta
ang mga panatikong nanghihinayang
di umano
sa sinayang mong talino,
ay baka graduate ka na rin daw,
at masaganang nagpapakasasa
sa yamang tulad ng sa kanila
ay dapat ay sa iba!
bakit ka ba raw kasi nagpabulag
sa mga hangal mong pangarap
ng panlipunang pagbabagong hindi
naman kailanman magaganap
iv.
bukambibig nilang mga kumitil sa ‘yo
na prayoridad daw nila ang kaligtasan
ng mga tulad nating kinabukasan ng bayan
kaya’t huwag na lang daw tayo mag-aklas
at imik na lamang na hayaan
ang pambubusabos nila sa ating kapwa,
sa ngalan ng tubo,
sa ngalan ng reaksyonaryong gobyero
sa ngalan ng bulok na estado
wala naman raw silang masamang hangarin
kundi preserbahin ang kapayapaang
hindi para sa masang inaapi,
kundi para lamang sa iilan.
v.
hanggang huling hantungan mo
ay malinaw mo pa rin naiparating
yaong aral na madalas bigkasin
noong walang kaparis ang kasikhayan
na kung ang pakikibaka
para interes ng masa
ay isang kahibangan
mas mabuti nang matawag na hangal
kaysa pilosopong walang inatubili
kundi ang sariling tiyan.
vi.
matagal na tayong binalaan
na huwag na raw mangialam
at manahimik na lang. sa klase,
makinig. hayaan na silang
mga pulitikong pulpol
ang mamroblema sa problemang
sila rin ang may pakana.
ngunit di gaya naming kamag-aral mo,
mas bibo ka carlo, sa pagtugon,
hindi ng sagot, kundi ng tanong,
ng walang humpay na pagtatanong,
pagkat hindi ka takot sa pagharap
sa higit pang kontradiksyon
ng paulit-ulit na “para kanino?”
vii.
nang lisanin mo ang pamantasan
at nagpasyang sumampa,
ibang pagtatapos na ang pinangarap mo
higit sa pagtupad ng pangarap
ng iyong mga magulang,
inuna mo ang pangarap ng milyong higit
na pamilya, na bagaman di kilala,
ay kasama ring nangagarap ng pagtatapos
ng hirap, gutom at pasakit!
kaya marapat lang din
na ikuyom namin ang aming mga kamao
at isuntok ito sa langit
sa ritmo ng pagtibok ng puso
at ibaling itong dilim
ng pagluluksa sa pagpapanday
ng malayang bukas
at silangang mapula!
0 comments on “Para kay John Carlo Alberto, Martir ng Sambayanan”