Nakikiramay ang buong pwersa ng UPLB Perspective sa mga iniwang pamilya, kaibigan, at mag-aaral nina Kevin Castro at Chad Booc – mga tunay na magigiting na iskolar ng bayan at bayani ng sambayanan.
Marapat lang na tularan ng bawat iskolar ng bayan ang diwang mapanlaban nilang dalawa. Kahanga-hanga ang kanilang pag-unlad hindi lang bilang estudyante ng pamantasan, kundi bilang mga tao. Sila ay nagpanibagong-hubog at hindi nagpakulong sa mga petiburgis na ambisyon at piniling tumungo sa kanayunan upang paglingkuran ang masang-api.
Malawak ang saklaw ng kanilang impluwensya sa mga kabataan, at naging inspirasyon sa bawat taong nakasalamuha nila.
Sa buhay ni Kevin bilang mahusay na estudyante at aktibista, marahas siyang lumaban kasama ang malawak na hanay ng masa. Pinili niyang ialay ang kanyang kakayahan upang magturo sa komunidad sa Quezon. Dati siyang Chairperson ng UPD Eduk Student Council at tagapagsalita ng National Union of Students of the Philippines, na magna cum laude ang standing bago piliing iwanan ang komportableng pamumuhay para pagsilbihan ang sambayanan.
Kinatawan naman ni Chad ang pagiging mapanghamig, at ginagamit ang bawat interaksyon sa kanyang mga nakikilala bilang pagkakataon sa diskursong pampulitika. Nang dahil sa kanya, marami ang pumiling lumaban sa pang-aapi ng estado.
Binawi man ng estado ang kanilang mga buhay, hindi sila mawawala sa mga puso’t isip ng mga taong pinaglingkuran nila. Pareho silang naglingkod bilang mga guro ng bayan, sa panahon na binabaliwala ng estado ang mga mag-aaral.
Sa aming mga mambabasa, manatili itong imbitasyon na lumabas sa pangkaraniwang pamamaraan ng pag-aaral ng lipunan at lumubog sa masa. Hindi hahayaan ng mamamayang mabaon sa limot ang kanilang ala-ala; bibitbitin natin ang kanilang ipinaglaban hanggang sa itinagumpay natin ang tunay na demokratikong lipunan. [P]
0 comments on “Isabuhay ang palabang diwa nina Kevin Castro at Chad Booc”