Opinion

Ang EDSA sa mata ng isang magsasaka

Trigger Warning: Violence, Torture

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ng UPLB Perspective kay Ka Orly Marcellana.

Ano ang ibig sabihin at sinisimbolo ng 1986 EDSA People Power?

Sinisimbolo nito ang pagkakaisa ng malawak na mamamayang Pilipino sa pagnanais na paalisin ang kurap at diktador na pangulong Ferdinand Marcos, na nagpahirap sa sambayanang Pilipino. Lalong higit sa mga magsasaka ng kanayunan ng buong bansa na nakaranas ng matinding pagmamalupit mula sa kamay ng Philippine Constabulary, o PNP noon at ng Civilian Home Defense Force noon, na ngayon ay CAFGU o Civilian Armed Forces Geographical Unit—sila ang mga lumalabag at yumuyurak sa karapatang pantao sa panahong iyon, lahat ng mga magsasaka na pinaghihinalaan nila na may kaugnayan o nakikipagmabutihan sa mga New People’s Army ay biglang nawawala, tino-torture, pinapatay ng mga kasundaluhan katulad doon sa naganap sa aming kamag-anak sa bahagi ng dekada ‘70 noon. 

Ako ay bata pa rin [noon], ‘di ko matandaan anong isyu pa noon, ang aking pinsan na dalawa, si Rogelio at Alberto Marcellana ay dinukot ng mga kasundaluhan. Gabi noon, nagkakahulan ‘yung mga aso doon sa bahay ng aking tiyuhin na kalapit bahay namin. [Nang] kinabukasan ay pinuntahan ng aking ama at ako ay nagsuga ng baka at kalabaw, at noong makita ko, ako ay pauwi na kasama ng dalawa kong pinsan na at kasama rin ‘yung aking ama at kami ay isinama rin sa pulisya. At kami ay pinabalik kasama ng aking ama. Subalit ‘yung aking dalawang pinsang binata ay hindi na nakabalik, sila ay tinorture, patiwarik na inilubog sa drum ng tubig, pinaghiwa-hiwa ang mga kamay, pinapakain ng kanin na may nakalugdo o nilagyan ng ahas. Iyong isa kong kapamilya na si Rogelio ay pinaghukay ng lupa at siya ay inilibing sa pinaghukayan niya, at ‘yung isa kong pinsan na si Alberto ay pinaanod sa dagat na may pabigat sa dibdib na bato. At ‘yung aking tiyuhin, na may deperensya sa mata at putol ‘yung isang kamay, at ‘yung isang kamay ay may tatlong daliri na lamang, siya’y napaghinalaan na NPA, siya ay dinukot, at ‘di na rin namin siya nakita kaya napakalupit ng naranasan ng mga magsasaka sa panahong iyon. 

At doon ako ay nagpasya na tumungo diyan sa bahagi ng Lopez, Quezon dahil nandiyan ‘yung pamilya ng aking nanay. At pagdating ko doon naganap naman ang 1981 Guinayangan Massacre na kung saan kumilos ‘yung mga libo-libo nating mga magsasaka sa bahagi ng Quezon at naglunsad ng protesta sa Guinayangan, Quezon. Ito ay pagtutol doon sa sapilitang pangongolekta ng pondo ng coco levy fund. Napakababa ng presyo ng copra at napaktindi ng hatian ng kita o ng ani ng mga magsasaka at ng mga may-ari ng lupa. [Ang hatian ng mga magsasaka at panginoong maylupa] ay 80-20, 70-30, pabor sa may-ari ng lupa; kung sa isang libo ay may P200 o hanggang P300 piso lamang ang nakabahagi sa mga magsasaka habang P800 o P700 naman sa may-ari ng lupa. At ang mga magsasaka pa ang magbabayad sa pagkakawig ng niyog, pagbubunot at pagtatalop, at ‘yung pagdadala sa pamilihan. Kaya wala ng kikitain pa ‘yung mga magsasaka.

[BASAHIN: Coconut farmers demand cash distribution, control over coco levy funds – Bulatlat]

Kaya nagpasya ang mga magsasaka na magprotesta. Subalit ay sinalubong ng massacre, ng bala sa bahagi ng pababa ng bayan ng Guinayangan, na nagresulta ng kamatayan ng dalawa at napakaraming mga nasagutan diyan. Simula noon ako ay naging kabahagi ng unang taon ng paggunita, at naging kabahagi na ng mga kabataan na naging aktibista, na taun-taong naglulunsad kami ng pagkilos.

Paano ipinakita ng mga magsasaka ‘yung lakas nila noong EDSA People Power?

Bago maganap ang People Power noong 1986, ang mga magsasaka simula pa sa Quezon noong 1981 kami ay patuloy nang nagsasagawa ng pagkilos sa mga lansangan, at noong 1985 kami ay nagsagawa ng Lakbayan, mula sa Bayan ng Gumaca, Quezon papunta sa lungsod ng Lucena. Na kung saan tinutuligsa namin ang pandarahas, panunupil, at kahirapang nararanasan ng mamamayang Pilipino. Sapagkat noong kinapos tayo ng bigas pumipila ang mga magsasaka, makatikim lamang ng NGA rice na ngayon ay NFA. Ang kinakain namin noon ay mga saging, mga kamote, at mga gabi, na talagang hirap na hirap ang buhay noong panahon. Mahirap kumita ng pera ‘yung mga taumbayan. Kaya ang kahirapang ito at ‘yung mga karahasan ng militar iyan ang nagpaliyab ng galit ng mga magsasaka upang lumahok sa mga pagkilos at tuligsain ang mga baluktot na pamamalakad ng pamahalaan, lalo na ‘yung iligal na pagkaltas ng mula sa buwis at coco levy fund na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na binabawi ng mga magsasaka. 

Kaya naganap ‘yung EDSA I dahil sa nagkakaisang galit ng taumbayan, sawang-sawa na sa korapsyon, habang nagpapasarap ang pamilyang Marcos at mga crony nito. Habang patuloy naman na naghihirap ang ating mga kababayan, at walang karapatan ang taumbayan na mag-organisa, walang karapatan na mamahayag, at lahat ay delikado ang buhay. Kung hindi ka madukot, mawala, p’wede kang makulong, p’wede ka patayin ng mga kasundaluhan. Kaya lumaban at nag-organisa ang mga magsasaka para makiisa at bilang paglahok sa EDSA People Power.

Naging sapat ba ang EDSA People Power para magkaroon ng pagbabago lalo na sa mga sektor ng magsasaka?

Hindi sapat [ang EDSA I upang magkaroon ng pagbabago], sapagkat una napabagsak natin ang diktador na si Marcos at umupo si pangulong Corazon Cojuangco Aquino at nagpanggap siyang liberal at didinggin n’ya ang daing ng mamamayang Pilipino. Subalit wala pang isang taong nakakaupo sa puder, naganap ang tinaguriang Mendiola Massacre, na kung saan labing tatlo na magsasaka ang napatay sa paanan ng Mendiola, at pito mula sa labing tatlo ay mga magsasaka at mamamayan ng lalawigan ng Laguna. 

Napatalsik nga natin ang diktador na si Marcos, subalit umupo naman ang crony ng pamilyang Aquino. Ang Comprehensive Agrarian Reform Program na programa ni Cory sa pamamahagi ng lupa ay fake, binabayaran at p’wedeng bawiin sa mga magsasaka at p’wedeng palitan ng gamit sa lupa ng mga developer at panginoong maylupa. Maraming malalawak na lupain ang kailanman hindi naipamahagi, ang isang pagpapatunay diyan ay ang 7,100 ektaryang lupain ng Hacienda Yulo na matatagpuan sa bahagi ng tatlong bayan ng Calamba City, Cabuyao, at Sta. Rosa, sa Laguna. Maging ‘yung pinakamalaking lupa, ‘yung 40,000 ektaryang Yulo King Ranch sa bahagi ng Coron at Busuanga, Palawan ay sapilitan siyang kinuha ng diktador na si Marcos sa mga magsasaka, sapagkat siya ay puppet, ibinigay kay Jose Yulo na s’yang nagmamay-ari ng Hacienda Yulo, na isang lokal na kapitalista sa bahagi ng Palawan. Kaya walang pagbabago na naganap, lumala ang korapsyon at patuloy ang pagyurak sa karapatang pantao. 

[BASAHIN: More Hacienda Yulo homes ransacked, residents harassed by ‘hired goons’ as farmers hold ground against onslaughts]

Sa bahagi ng Quezon, nagkaroon ng mga vigilante group na kung saan katuwang ng mga sundalo na dinadahas ang mga magsasaka. Kapag ikaw ay nagreklamo, o ikaw ay nakipagdiyalogo, sa mga pamahalaang lokal para baguhin ang partihan at presyo ng copra, ikaw ay babansagan kaagad nila na mga komunista o may kaugnayan sa mga NPA. 

Kaya napalitan man natin ang diktador, subalit hindi naman natin nabunot ang kaniyang mga ugat at patuloy na sumibol hanggang sa kasalukuyan at nagbabanta nga ang panganib ng dalawang pamilyang pinakasalot sa bansa–ang pamilyang Marcos at pamilyang Duterte, na nagnanais makabalik sa puder ng kapangyarihan.

Sa konteksto ng mga kaganapan ngayon, ano sa tingin niyo ang kahalagahan ng pagsasariwa nitong EDSA People Power?

Mahalagang sariwain ang EDSA People Power na kung saan pwedeng maganap ang isang pagbangon sa ating bansa. Subalit sinubukan na tayo ng EDSA I at ng EDSA Dos, napatalsik natin ang diktador na si Marcos, at sa EDSA Dos kung saan napatalsik natin ang korap na si Estrada. Nagpapakita lamang ito na kapag nagkaisa ang taumbayan ay kaya niyang sipain ang kung sinumang abusado na nakaluklok sa kapangyarihan, kapag ang taumbayan ay nagkaisa at naghahangad ng pagbabago. Subalit hindi matatapos ang tiraniya kung ang mga nakaupo sa kapangyarihan ay mula sa uri ng mga panginoong maylupa, kapitalista at tuta ng mga dayuhang bansa. [P]

—–

Si Ka Orly Marcellana ang regional coordinator ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan (TM-TK). Ang TM-TK ay isang progresibong grupo ng mga pesante at magsasaka sa buong Timog Katagalugan.

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ng UPLB Perspective kay Ka Orly Marcellana.

The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com

0 comments on “Ang EDSA sa mata ng isang magsasaka

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: