Opinion

Sa mga ala-ala ng pakikibaka

Words by Kobi Tolentino

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ng UPLB Perspective kay Kobi Tolentino.

Maaari niyo po bang ibahagi ano ang naging epekto ng Bloody Sunday massacre sa inyong alyansa noong nangyari ito at sa kinalaunan?

Sa lahat ng mga naging victims, at least, ng Bloody Sunday massacre, siyempre sa bahagi namin sa Cavite, ang pinakamalapit sa amin ay si Manny [Asuncion]. Kung tutuusin, ‘yung Bloody Sunday massacre, in general, ay nagsanhi ng malaking takot sa hanay ng mamamayang nakikibaka, pati mismo doon sa mga masa na nakakadaupang palad ng mga organisador mula sa iba’t-ibang mga grupo. Gayunpaman itong sinasabi kong takot na ito, ay sa saglit na panahon lang siya. 

Ibig ko sabihin nadadama siya pero hindi ito ‘yung naging dahilan para ‘yung mga tao, ‘yung mga organisador, ‘yung mga miyembro ng mga progresibong grupo ay tumigil sa kanilang pakikilahok sa gawain at ‘yung mismong pag-abot sa kanilang mga kaniya-kaniyang layunin bagkus itong nangyaring Bloody Sunday massacre. Ang nakita natin sa mga taong naiwan ay ‘yung kanilang kasigasigan, [at] pati ‘yung kanilang katapangan sa kabila ng mga takot at pangamba na maaaring kaharapin ng mga naiwan. 

Nagpatuloy sila at kapansin-pansin naman doon mismo sa mga kilos-protesta na inilunsad sa mga sumunod na mga araw. ‘Yung mismong pagkakaroon ng indignation rally sa parehas na araw noong si Ka Manny ay pinaslang sa tapat ng opisina, doon nag-rally. Dito mo makikita ‘yung mga tao na galit, na sa kabila ng sakit na mawalan ka ng malapit na mga kasama, ng isang mabuting kasama, nakita mo ‘yung determinasyon ng mga taong naiwan para maningil, para abutin ‘yung hustisya para kay Ka Manny at siyempre para pa doon sa ibang biktima ng Bloody Sunday massacre. 

Kaya kung susumahin natin ang naging epekto nito sa Alyansa o partikular na sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), higit na pinagtibay nito ‘yung hangarin, higit na pinagtibay ‘yung pagkakaisa ng iba’t-ibang sektor na saklaw ng Bagong Alyansang Makabayan. Higit na nakita ‘yung pagkakaisa ng iba’t-ibang mga organisasyon para dito sa sinasabi kong dakilang layunin na sinusundan ni Ka Manny. 

Kaya siguro iyon ang maibabahagi ko sa bahagi namin sa BAYAN Cavite, pero nagsisinungaling ako kapag sinabi ko na “okay na kaming lahat,” from time to time, we would reminisce ‘yung mga karanasan namin na kasama si Manny, minsan may mga pag-uusap kami na tinatanong na lang namin sa aming mga sarili, “paano kaya kung si Manny ay nabubuhay pa? Paano niya kaya haharapin ‘yung mga halimbawa mga ganitong klaseng mga problema o mga hamon sa pakikibaka?,” pero gayunpaman dahil mismo dito sa obhektibong hangarin at interes nung mga mamamayan, [mula kay] Ka Manny, ay kalaunan nakukuha namin ‘yung mga sagot, pero siyempre wala na naman si Manny. Hindi mo na siya mababalik pero ang mapupulot mo sa kaniya ay ‘yung aral na iniwan niya sa mga kabataan, sa mga matatanda, sa mga maralita, sa mga lokal ng iba’t-ibang komunidad at sektor na eventually makikita mo rin sila na mapagpasyang at mulat na tinatahanan, kumbaga tinatanggap ‘yung hamon ng pakikibaka sa kasalukuyang panahon.

Paano ninyo hinarap at isinabuhay ang pakikibaka nina Ka Manny at iba pang biktima ng Bloody Sunday massacre?

Kung may pagkakataon na makatrabaho mo si Manny, isang bagay na ituturo niya sa’yo at lagi’t-lagi niyang ipapaalala sa’yo, una, ay ‘yung kasabihan natin na “tiwala sa kasama, tiwala sa masa,” na ang kahulugan din nito ay magtiwala sa isa’t-isa, na ‘wag maging pabaya at magtiwala. Dahil ito ‘yung magiging lifeline ng pakikibakang ito, kaya through that ‘yung gano’ng klase ng laging pagpapaalala ni Manny na magtiwala sa kasama, na magtiwala sa masa, kumbaga naging kultura na namin dito sa Cavite ‘yung gano’n klaseng attitude ng pakikitungo sa isa’t-isa at sa lahat ng makakasalamuha namin. 

Bagaman napakahirap harapin ng ganitong klaseng hamon at napakahirap harapin ng mga sumusulpot na mga bagong problema. May mga panahong mahirap makipagtunggali. Pero ayan naman ay mga normal na bagay na. Kumbaga ang ibig kong sabihin ay sad’ya mo ng mararanasan, sad’yang hindi mo siya pup’wedeng iwasan. Kaya ‘yung sinasabi ni Manny na tiwala, ito ‘yung mismong naging tulak sa amin after the Bloody Sunday massacre. Mula kami sa iba’t-ibang sektor at si Manny naman ay hindi naman karaniwang miyembro lang ng BAYAN Cavite kundi siya ang Secretary-General, so basically siya ‘yung utak, siya ‘yung nag-iisip, malaki ‘yung kaniyang parte sa BAYAN. Ibig sabihin malaki rin ‘yung katumbas ng nawala para sa mga mamamayan ng Cavite. Pero dahil nga doon sa lagi’t-lagi niyang sinasabi sa amin na magtiwala, na kung anuman ang aming harapin ay laging ibuhos ang lahat, laging ubos-lakas na gumampan ng mga gawain at ‘wag magpakaliberal, ‘yan ‘yung naging gabay namin sa mga sumunod na buwan after the Bloody Sunday massacre. 

Hanggang sa ngayon naman may mga takot pa rin kami, we never know anong mangyayari sa mga susunod na panahon, lalo na itong political situation natin ay palala nang palala. Hindi naman bumubuti ang ating kalagayan everyday. Kaya naging battle cry na namin dito sa Cavite na ‘yung takot ay normal naming haharapin; p’wedeng matakot ang lahat pero hindi pup’wedeng maduwag dahil ito yung inaasahan na sadyang risky ang pakikibaka kasi mismo ‘yung sitwasyon ay nilagay tayo sa panganib—naging mapanganib na ‘yung sitwasyon bago pa maging mapanganib ‘yung pakikibaka—ibig ko sabihin sadyang mapanganib ang pakikibaka kasi in the first place ganito na ‘yung nararanasan, ‘yung naabutan nating sitwasyon. 

Sa ating kasalukuyang klimang pampolitikal, ano sa tingin niyo ang kahalagahan ng pagsasariwa nitong Bloody Sunday massacre?

Alam mo ‘yung ‘pag nananawagan tayo ng “Never again, Never forget” sa Martial Law? While it is true na nagsimula talaga ito na panawagan for Martial law, pero ngayong pagkakataon, hindi na lang siya dapat maging phrase. Hindi na lang siya dapat maging hashtag o panawagan. Ang ibig sabihin natin kapag sinabi natin na “never again,” hindi na p’wedeng mangyari itong karahasan. Hindi na p’wedeng mangyari itong impunity under the Duterte regime at sa mga susunod pang rehimen. and when we say “never forget,” hindi lang ito simpleng panawagan na ‘wag kalimutan ang Bloody Sunday. Kailangan natin maipakita kung ano ‘yung Bloody Sunday at kung anong nangyari noong Bloody Sunday massacre. Kailangan natin ipakita, iparinig, at ipakalat ‘yung mismong nangyari noong Bloody Sunday massacre—kung paano hinuli si ganito, kung paano tinorture si ganito, kung paano pinatay si ganito, kung saan pumasok ang bala, kung anong nangyari sa opisina, kung ano ‘yung accounts ng mga witnesses—ayon ‘yung kinakailangan nating maipakita dahil hangga’t wala ‘yan, hangga’t hindi natin nababanggit ‘yan, makakatakas at makakatakas lang ‘yung mga berdugo sa kanilang mga kriminalidad. 

Hindi lang tayo titigil lang doon sa mismong pag-alala natin buwan-buwan, pag-alala natin ngayong ika-1 taon at sa mga susunod pang taon. Hindi siya dapat maging isang panahon para lang tayo ay magtipon-tipon. Kundi siya dapat ay maging isang araw-araw na panahon ng paniningil, ng pagbawi ng mamamayan ng kanilang karapatan at ng kanilang lakas, kasi ayan ‘yung pinagkait sa atin. Iyong sinasabi nating pagsasariwa, hindi lang siya basta dapat maging isang event o isang panahon para maglabas ng pahayag, muling ipakita sa balita, kundi isa dapat siyang kilusang masa ng paniningil hindi lang para sa biktima mismo ng Bloody Sunday massacre pero para sa lahat ng biktima ng pamahalaang ito, sa lahat ng biktima ng terorismo ng estado. [P]

Si Kobi Tolentino ay miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan – Cavite (BAYAN Cavite). Ang BAYAN Cavite ay isang alyansa ng mga organisasyon at indibidwal na nagkakaisa para sa pambansang demokrasya, hustisyang panlipunan, at tunay na kapayapaan.

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ng UPLB Perspective kay Kobi Tolentino.


The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com

0 comments on “Sa mga ala-ala ng pakikibaka

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: