Mahigit isang taon ang nakalipas matapos ang masalimuot na pangyayari noong Marso 2021 kung saan walang habas na pinatay ng puwersang AFP at PNP ang siyam na lider-aktibista mula sa Timog Katagalugan, ay pinatunayan ng mga ito na ang pwersa ng estado ay lantarang pumapatay at hindi paparusahan. Sa napakabagal na pagsasara ng kanilang kaso at patuloy na pambabastos sa mga martir ng bayan, hindi maaasahang sa legal na proseso lamang makakamit ang hustisya.
Sa kalagitnaan ng pagdadalamhati ng Timog Katagalugan ay na-appoint si Jose Lorenzo dela Rosa bilang associate justice ng Court of Appeals (CA).
Si Jose Lorenzo dela Rosa ay ang naghain ng 42 arrest warrants—na kung tutuusin ay death warrants—para sa ilang mga biktima ng Bloody Sunday na siyang kumitil sa buhay ng siyam na lider-aktibista. Kasama na rito ang death warrants para kay Manny Asuncion, organisador mula sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite na pinatay sa loob ng Workers’ Assistance Center. Si dela Rosa rin ang responsable sa paghahain ng death warrants para sa 9 na lider ng Tumandok na pinatay sa Panay noong 2020.
Ipinapakita lamang nitong appointment kay dela Rosa na ang mga sangay ng pamahalaan, sa ilalim ng mga pasistang tulad ni Duterte, ay binabaluktot upang pagsilbihan ang mapagsamantalang uri. Ang pangyayaring ito ay isang sampal sa mga mamamayang pinaglalaban ang kanilang karapatan, sa mga inosenteng sibilyang nais mamuhay nang wasto at mapayapa.
Ang karahasan ng Rehimeng Duterte ay hindi nagtatapos sa Bloody Sunday Massacre. Wala pang isang buwan ang lumipas matapos ang Bloody Sunday, pinaslang din lider-unyonista na si Pang Dandy Miguel, na halos apat na dekadang nanilbihan bilang vice chairperson ng PAMANTIK-KMU. Dagdag pa rito, ang brutal na pamamaslang sa New Bataan 5, kung saan kasama sa mga dinakip at pinaslang ang dalawang Lumad Bakwit School Teachers na sina Chad Booc at Jurain Ngujo. Naganap din sa umaga ng ika-10 ng Marso 2022 ang pagdakip ng mga lider-pesante sa Sitio Silangan, Bacoor, Cavite. Kasama dito ang coordinator ng Anakpawis Party-list at tagapagsalita ng organisasyong kultural na Teatro Kabataan Mula Sa Nayon (TEKAMUNA) na si Jonathan Mercado.
Subalit mabigat pa rin ang pagkamatay para sa mga pamilya, kaibigan, at kasama ng mga martir at bilanggong pulitikal ng Bloody Sunday, malakas din ang galit at hangad ng katarungan. Patuloy pa rin ang paniningil ng hutisya para kay: Manny Asuncion, Mag-asawang Chai at Ariel Evangelista, Abner at Damas Esto, Puroy at Randy Dela Cruz, Greg Dasigao, Makmak Bacasno, Dandy Miguel, at iba pang mga biktima ng “anti-insurgency” operation na kung saan kinitil at inaresto ang mga progresibong sibilyan.
Hindi tumitigil sa pagpaslang sa hindi mabilang na mga aktibista ang patuloy na panawagang panagutin ang Rehimeng Duterte na siyang kumitil sa libo-libong buhay ng mga Pilipino. Kaakibat ng kanilang kamatayan ang nag-aalab na damdamin na tumindig upang labanan ang karahasan at inhustisya sa ilalim ni Duterte.
Sa nagbabalang pag-upo ng tambalang Marcos-Duterte sa puwesto, lumilitaw ang mga posibilidad ng muling pagdanak ng dugo ng mga aktibista na siyang kinikilalang kalaban ng gobyerno noon pa man. Ang karahasang naganap lagpas pa sa Bloody Sunday, ang siyang dapat magsilbing paalala na walang puwang sa Malacañang ang gobyernong ang tanging nais ay kumitil at posasan ang mga taong ang hangad lamang ay maglingkod sa bayan.
HUSTISYA PARA SA MGA MARTIR AT BILANGGONG PULITIKAL NG BLOODY SUNDAY! HUSTISYA PARA KAY DANDY MIGUEL! HUSTISYA PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG REHIMENG DUTERTE!
0 comments on “Hustisyang salat para sa masang itinakwil”