News Southern Tagalog

Pagbaba ng presyo ng bilihin, pagsusulong ng karapatan, ipinanawagan sa IWD 2022

Itinala ang pinakamalaking oil price hike sa bansa noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ika-8 ng Marso.

Mga salita ni Shelow Monares

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong ika-8 ng Marso, nagtipon ang iba’t ibang progresibong grupo ng mga kababaihan at iba’t ibang sektor upang tumindig laban sa mga kontra-mamamayang polisiya ng pamahalaan.

Kabilang dito ang pagpapanagot sa kapabayaan ng administrasyong Duterte sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang mga bilihin habang nasa krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya.

Sa pangunguna ng Gabriela, nagmartsa ang daan-daang women’s and children’s rights advocates sa kahabaan ng Morayta hanggang Mendiola upang ipanawagan ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at pagsuspinde ng excise tax sa langis. Ito ang nagiging dahilan sa mas mataas na presyo ng langis na humahantong sa walang ampat na pagsirit ng presyo ng mga bilihin.

Ang excise tax sa langis ay kasama sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na isinabatas noong 2017. Sa pahayag na inilabas ng Gabriela Southern Tagalog (ST), binigyang-diin na ito ay dagdag pahirap at pasakit sa bulsa ng mga tsuper at ordinaryong mamamayan lalo na’t patuloy ang paglobo ng presyo ng produktong petrolyo.

“Kung aalisin ang excise tax, bababa ng P6 kada litro ang diesel at P10 kada litro ang gasolina. Mababawasan din ng P3 kada litro ang presyo ng LPG ng siyang gamit ng mga kababaihan sa pagluluto,” pahayag ni Joms Salvador, secretary-general ng Gabriela.

Sa Timog Katagalugan, ang minimum wage ng mga manggagawa ay P374 kung kaya’t ramdam ang epekto sa kanilang kakayahan upang masuportahan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Tinalakay rin ang ibang isyu at panawagang dala ng mga progresibong grupo sa programang ginanap sa Liwasang Bonifacio. Kabilang dito ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa at ang pahirap na Rice Liberalization Law (RLL) sa mga magsasaka.

Sa caravan na isinagawa ng Gabriela ST sa General Trias, Cavite, idiniin din ang laban para sa agrikultura, kalagayan ng kababaihang magsasaka, pagpapataas ng minimum wage, pagtatatag ng Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) bill, pagsasabatas ng divorce bill, at pagtatanggol sa karapatang-pantao.

Kalagayan ng kababaihang magsasaka, manggagawa

Umapela rin ang iba’t ibang grupo sa hanay ng mga manggagawa na pataasin ang national minimum wage.

Sa pahayag ni Cham Perez, executive director ng Center for Women’s Resources, malaking hamon ang kinakaharap ng mga kababaihan lalo na dahil sa krisis na dala ng pandemya, kawalan ng mga trabaho, at mababang sahod. 

Loss of jobs coupled with multiple lockdowns and lack of access to transportation has limited women’s access to maternal and reproductive health services. Domestic abuses were also expected to rise during lockdowns and women had much less access to services at the height of the pandemic. All these have caused stress and anxiety to women, who had to find means for the family to survive everyday,” pahayag ni Perez.

[“Ang pagkawala ng mga trabaho na sinabayan pa ng maraming lockdown at kawalan ng access sa transportasyon ay nililimitahan ang access ng mga kababaihan sa mga serbisyong maternal at reproductive health. Inasahan ding tataas ang mga kaso ng pang-aabuso sa tahanan sa panahon ng mga lockdown, at mas mababa rin ang access ng mga kababaihan sa mga serbisyo sa kasagsagan ng pandemya. Ang lahat ng ito ay nagdudulot ng stress at pagkabalisa sa mga kababaihan, na kailangang humanap ng paraan para mabuhay ang pamilya sa araw-araw.”]

Nagpahayag ng pagkadismaya ang representante ng Amihan National Federation of Peasant Women at tagapagsalita ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo kaugnay ng kawalan ng reporma ng lupa ni Pangulong Rodrigo Duterte, na sinabayan pa ng kaniyang mga hindi-makataong patakaran sa mga magsasaka.

Binigyang-diin din ni Estavillo ang epekto ng land use conversion kung kaya’t kaliwa’t-kanan ang pagpapaalis sa mga magsasaka sa kanilang sinasakahang lupa. Ipinaliwanag din ni Estavillo ang mga epekto ng RLL.

Kung sa araw na ito ay all-time high ang pagtaas ng presyo ng langis, sa loob ng tatlong taong implementasyon ng Rice Liberalization Law ay all-time low ang presyo ng palay ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Estavillo sa Facebook livestream.

Inabot lang ng P7 hanggang P13 ang presyo ng palay ng mga magsasaka, samantalang kaagad ding nakaapekto ang linggo-linggong pagtaas ng presyo ng langis sa kanilang production costs.

“Napakababa nito given na ang pangangailan sa pagsasaka ay tuloy-tuloy ang pagtaas,” dagdag pa ni Estavillo.

Mula nang maisabatas ng RLL, umaalma na ang mga magsasaka sa malubhang epekto nitong nagiging dahilan ng kanilang pagkalugi dulot ng mababang presyo ng palay, samantalang mataas pa rin ang halaga ng mga kinakailangan sa produksyon.

Nanawagan din si Estavillo sa pagsulong ng Rice Industry Development Act (RIDA), na sinasabing makatutulong sa pag-angat ng industriya ng bigas sa bansa.

“Tuloy-tuloy naming ipaglalaban ang tunay na reporma sa lupa, [at] ang pagsasabatas ng Rice Industry Development Act na siyang susi sa pagkamit ng kasiguraduhan sa pagkain,” ani Estavillo. 

Samantala, binanggit din naman ni Salvador ang mga kalupitan at pang-aabusong naranasan ng mga kababaihan sa nakalipas na anim na taon sa ilalim ng rehimeng Duterte.

“Hindi na po makahinga ang marami sa atin sa kabi-kabilang mga pahirap at ng [mga] atake ng isa na sa pinakamasahol na naging pangulo ng bansa, ang tiranikong salot sa kababaihan, si Rodrigo Duterte,” pahayag ni Salvador sa Facebook livestream na inilathala ng Altermidya. 

Kinondena rin ni Salvador ang tangkang pagbabalik ng kapangyarihan ng mga Marcos sa Malacañang. 

“Mas lalong madilim na kinabukasan ang haharapin natin kung mananatili sa puder ang mga Duterte at higit pa rito, kung manunumbalik sa upuan ng kapangyarihan ang mga Marcos na pinatalsik,” dagdag ni Salvador.

Samu’t saring insidente ng karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan ang naitala sa panahon ng diktaduryang Marcos. [P]

Larawan mula sa Gabriela / Facebook

1 comment on “Pagbaba ng presyo ng bilihin, pagsusulong ng karapatan, ipinanawagan sa IWD 2022

  1. Pingback: “Wakasan na!”: Laguna youth, student sector demands response to remote learning problems, oil price hike for 2nd lockdown anniversary – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: