ni Paul Carson
Marahil hindi ninyo na naabutan si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, lider-manggagawa ng Nestle na pinagbabaril habang pauwi sya sa kanyang bahay sa Calamba, Laguna noong 2005. Ako rin, hindi ko na rin siya naabutan. Noong 2005, pilit ko pang kinakabisado ang multiplication table, nakikipaghabulan sa mga kaklase. Pero lahat tayo, saksi kay Dandy Miguel.
Si “Pang” Dandy (automatic ang “Pang” sa mga pangulo ng unyon, o sa mga kinikilalang lider) ang pangulo ng unyon ng manggagawa sa Fuji Electric — pabrika ng mga electronic components para sa mga sasakyan sa Carmelray Industrial Park I, Calamba, Laguna. Ama ng tatlo, nagsimula sya bilang opisyales ng bagong-tayong unyon hanggang sa naging pangulo noong 2016 matapos magbitiw sa pagawaan ang dating pangulo.
Sa dalawang termino niya bilang pangulo, malaki ang inabante ng kalagayan ng mga manggagawa sa Fuji Electric. Lagpas isang libong piso kada araw na ang sahod ng mga manggagawa, at nakakapag-uwi sila ng maraming benepisyo para sa mga kapamilya at kamag-anak ng mga manggagawa, at maraming mga naregular na kontrakwal sa kumpanya. Batid nila na sobra-sobra pa sa minimum na 373 piso kada araw ang halaga ng ginagawa nila sa loob ng 12 oras nilang shift. Hindi lang kasi mga unyonista ang nakikinabang kapag may bagong Collective Bargaining Agreement (CBA) ang unyon at ang kumpanya, kundi lahat ng manggagawang nagtatrabaho rito. Sa katunayan, napirmahan pa niya ang pinakabagong CBA nila noong Disyembre 2020, matapos ang ilang buwang negosasyon.
Pinagdebatehan nila ang maraming probisyon ng CBA, tulad na lang ng paid pandemic leave benefits, regularisasyon at priority employment kung sakaling mamatay ang manggagawa. Isang araw noong Hulyo 2020, kasagsagan ng lockdown, nagkaroon sila ng unang kaso ng COVID-19 sa pagawaan. Hindi alam ng mga manggagawa ang gagawin, laluna’t hindi rin malinaw ang health and safety measures na ginawa ng kumpanya nila noon. Hindi pinansin ang usapin ng pagpapagamot at testing sa mga nagka-COVID na manggagawa ni anumang porma ng tulong na maihahatid sa kanila. Sa sobrang disgusto, hindi sila pumasok nang dalawang araw.
Sabi ngayon ng kumpanya, bayaran ng mga opisyales ng unyon ang $1.857 milyong “lugi” nila sa dalawang araw na pagliban ng mga manggagawa. Pero hindi nagpatinag sila Pang Dandy at kanyang mga kasama, kahit sa dulo ay hinihingan sila ng apology para sa nangyaring walkout. Sabi nya, hindi sila, kundi ang kumpanya ang may sagutin sa pagpapabaya sa kapakanan ng mga manggagawa.
Tatlong buwan lang ang lumipas, mga kamag-anak ni Pang Dandy ang isa sa mga unang nakinabang ng “next of kin” na probisyon sa CBA. Pwedeng palitan ng sinuman sa kanyang mga kapatid ang posisyon nya sa pagawaan. Kahit wala na sya, naisip pa rin nya ang kapakanan ng mga kamag-anak at katrabaho niya–walang mawawalan ng trabaho kahit may pandemya.
Sinimulan ko ang pagbabahagi ko sa buhay ni Pang Dandy sa pagkakapareho nila ni Ka Fort. May karisma at nirerespeto ng lahat ng mga manggagawa, responsable at mapagpakumbaba–pangulo ng mga pangulo, kumbaga. Masigasig sa pagdadala ng kampanya ng mga manggagawa at sa pagtagpo sa iba’t ibang mga sektor. Pareho silang aktibo at nanguna sa paglaban ng manggagawa sa noo’y nakaupong kontra-manggagawa na si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ngayon ay si pangulong Rodrigo Duterte. Pareho rin ang naging karir nila sa kilusang paggawa bilang mga tumayong hinete ng PAMANTIK-KMU sa rurok ng pananakot at harassment sa mga unyon at lider nito. At pareho rin silang pinaslang habang nakasakay sa kanilang motor, pauwi sa kanilang mga pamilya.
Dalawang linggo bago pinatay si Pang Dandy, nasa Batangas sya; kahit natatakot sa nangyari noong Bloody Sunday, sumama pa rin sya upang alamin ang nangyari kila Chai at Ariel Evangelista, at tumulong para dalhin sila sa independent autopsy.
Si Pang Dandy ang Ka Fort ng ating panahon. Nalulungkot pa rin ako hanggang ngayon kapag naaalala kong wala na siya. Ngunit mawawala lang ang kanyang alaala kung titigil din tayo sa pagkilos para sa katotohanan at karapatan ng bawat manggagawa. Hindi dapat tayo mamuhay ng takot kung lahat tayo ay nagugutom at naghihirap. Sa halip, dapat maging mas pursigido tayong kamtin ang makatarungang pagbabago, at kailangan pa nating paramihin nang ilang ulit ang mga Pang Dandy ng ating panahon.
Higit tatlong taon nang walang dagdag-sahod sa CALABARZON at MIMAROPA. Dumami pa ang kontraktwal na manggagawa dahil lumiit ang bilang ng mga trabahong nakasasapat. Labas sa pangangalampag sa DOLE, ang isang paraan na lang para magtaguyod ng karapatan ng manggagawa ay ang mag-unyon—wala nang iba pa!Ngayong halalan, pagkakaisa ang pinakamatining na salitang banggitin ng mismong mga pamilyang sanhi ng ating kahirapan at ng kamatayan ng mga tulad ni Pang Dandy. Ngunit sa kasaysayan, ang kilusang paggawa ang isa sa mga pinakamadadagundong na porma ng pagkakaisa hindi lamang para makapag-uwi nang mas marami araw-araw, pero para isakatuparan ang kahilingan ng lahat ng manggagawa at mamamayan. Mula sa mga sanaysay at kwento, buhay na halimbawa ang mga kwento nila Ka Fort at Pang Dandy sa mga lider-manggagawa at sa lahat ng mamamayan, habang binabaybay natin ang ating araw-araw na krusada. [P]
Pingback: Pagdaluyong ng hukbong mapagpalaya – UPLB Perspective