Sa paparating na eleksyon, hindi pinakawalan ng Isko’t Iska ang oportunidad na talakayin ang kahalagahan ng politika, pagboto, at kung saan pumapalagay ang aktibismo sa ganitong konteksto. Ngayong taon, ipinakita ng Isko’t Iska 2021 sa apat na segment ang iba’t ibang hugis ng pagbabago – sa mga kanto ng komiks, sa poster ni Diether Ocampo, sa caller ID ng mangingibig, at higit sa lahat, sa pagsulong ng kalayaan sa labas ng kompyuter.
Gayunpaman, mabigat ang mga isyu na tinalakay ng Isko’t Iska. Bukod sa nakatapat sa panahon ng eleksyon at krisis ng pandemya, halos kasabayan rin nito ang unang taong anibersaryo ng COPLAN ASVAL o Bloody Sunday Massacre na naganap noong ika-7 ng Marso, kung saan pinaslang ng estado ang siyam na unyon-leader, manggagawa, at aktibista. Dalawang araw lang din bago ang pagpapalabas ng dula, naibalita naman ang brutal na pagpatay sa New Bataan 5, mga guro at health worker sa mga komunidad ng Lumad. Maingat, matalas, at matapang na tinalakay ng Isko’t Iska ang mga isyung ito.
Mahaba at matiyagang panunuyo para sa demokrasya
Isa sa mga paboritong eksena ang pagpupulong ng mga tauhan sa labas ng tindahan ni Manang Maria. Si Cesar, isang binatilyong magsasaka, naniniwalang walang mapapala sa pagboto. Ngunit pursigido ang kanyang ina, si Ka Edra, pati ang mga kasama sa inuman, na hamigin ang binata sa kahalagahan ng demokrasya.
Si Ka Edra ay kwela, palaban, at malakas uminom! Marami sa atin ay may kilalang Ka Edra mula sa mga sariling komunidad – mga nagbibigay ng payo kahit hindi mo tinanong, nag-aalok ng tagay kahit hindi mo hiningan, pero kukunin mo pa rin. Mahalaga ang papel ni Ka Edra di lamang kay Cesar kundi sa mga manonood ng Isko’t Iska. Si Ka Edra ang tumayong taga-organisa ng mga kainuman, taga pag daloy ng diskusyon, at pangunahing guro ng kanilang maliit na grupo. Para kay Ka Edra, mahalaga na malinawan ang anak na si Cesar sa kahalagahan ng demokrasya, kahit na matagal at komplikado itong usapan.
Bukod kay Ka Edra, puno ang dula ng palaban na babae. Si Peggy na natutong magsuri at kumilatis, nariyan ang kababaihang empleyado ng COMELEC na nag-walk out noong 1986 na nagsilbing gatilyo para sa People Power Revolution, at si Mariang Banga, isang single mother at dating Marcelo-supporter at scholar (si Marcelo ay isang diktador, sigurado akong alam niyo kung sino ang tinutukoy nila dito!).
Ilan sa mga pinaka-matalas na panulat sa buong dulaan ay makikita sa Segment ni Maria Banga. Sa kanyang monologue, ipinaliwanag niya kung bakit hindi ganun kadali kumalas sa mga dating paniniwala, at kung paano nagtutunggali ang prinsipyo sa hirap ng buhay.
Saglit. Sumiklo pabalik. Alam ko ang doktrina na tinuro ay mali.
Pero hindi Hindi makalihis
Paginiwa’t pinabayaang mag-isa ang buntis
Mag-isa sa panahong gahasa ang demokrasya
At kailangang doble ang hain sa mesa
Prinsipyo’y aking uulamin
Hail Mary ako’y patawarin
Pero ang kulminasyon ng mensahe ay nasa Segment 4 Isko at Iska. Ipinakita ang umaapaw na galit sa mapang-aping sistema, at ang nagliliyab na pag-ibig sa kalayaan ng bansa. Sa Segment na ito, iginiit ng kabataan na hindi tumitigil sa botohan, sa entablado ng dula, o sa screen ng kompyuter ang pakikibaka – kundi sa kalsada, sa mga komyunidad, sa lupain mismo na sinasaka. Dito nating isisigaw ang hinaing na itigil ang mga atake sa mamamayang Pilipino, hanggang sa tagumpay.
Nagliliyab na galit, pag-ibig, at pagkilos
Gusto ko lang din balikan ang Segment 1 kung saan komunidad ng mga magsasaka ang tauhan. Tingin ko may totoong peligro sa paggamit ng boses ng magsasakang Pilipino bilang tauhan sa teatrong kathang-isip, at ganun na rin sa ibang uri ng sining. Kahit na sabihin nating hango sa totoong buhay ang dula, nararapat na ang boses ng magsasaka ay kanila, at hindi basta-basta ipapahiram sa tauhan sa entablado. Kuhanin natin halimbawa ang linya mula kay Cesar:
Manalo na kung sino manalo, pero ang totoo niyan – magsasaka’t magsasaka pa rin naman tayo eh! Magbubungkal pa rin naman tayo ng mga lupang hindi naman satin. At kahit ilang beses kayo bumoto, mga sarili pa rin natin ang aasahan natin para gumaan iyung mga lintik na buhay natin.
Kahit na sabihin nating totoo na sikliko ang paghihirap ng magsasaka, mahirap mapinta kung ano ang sinasaisip ng magsasakang Pilipino – ito ba ay representasyon o pangunguna sa kanilang salita? Bilang mga artisa’t manunulat sa Unibersidad, ang “tunay” na representasyon para sa mga magsasaka ay mahirap maabot, lalo na’t kung hindi lumalabas sa panulat ang danas na partikular sa kanila. Magbabago ba, halimbawa, ang naratibo ng kwento kung iniba natin ang setting at trabaho ng mga tauhan? Kung sila ay mga manggagawa sa factory? O mga residente sa komunidad na pilit na gigibain para patayuan ng mall? O mga jeepney driver na nangangamba sa phaseout? Mag-iiba ba ang daloy ng kwento o nagmumukha bang ginamit ang tauhang magsasaka para lang maisingit ang nangyari sa Mendiola?
Matagal at komplikadong diskusyon ito para sa mga artista’t manunulat ng UPLB, pero gayunpaman, kitang-kita ang nais na makibaka sa mga magsasakang Pilipino, kaya’t kami ay sabik sa kung anumang ilalabas muli ng Isko’t Iska sa susunod na taon.
Ang Isko’t Iska ay aktibismo muna, at sining pangalawa. Lagi’t lagi pinaalala ng dula kung saan makikita ang pagbabago – nasa angas ito ng ating sining, sa talas ng panulat, sa kumpas ng musika, at higit sa lahat, sa labas at sa pag oorganisa. Hindi lang bilog ang hugis ng pagbabago, dahil makikita ito sa lahat ng uri ng pagkilos – kahit na gaano kahaba ang tatahakin na landas.
Inialay ang Isko’t Iska 2021 sa mga martyr na pinaslang ng rehimeng Duterte.
Carlo Alberto
Rjei Manalo
Melvin Dasigao
Mark Bacasno
Ana Mariz “Chai” Lemita Evangelista
Ariel Evangeista
Emannuel “Manny” Asuncion
Randy Dela Cruz
Puro Dela Cruz
Edward Esto
Abner Esto
Dandy Miguel
Kevin Castro
Chad Booc
[P]
0 comments on ““Mahaba ang tatahaking landas”: Isko’t Iska 2021 Review”