Opinion

Mga Makina ng Neoliberal na Edukasyon

nina Aira Domingo at John Michael Monteron

Sa mga pagawaan, nasusukat ang presyo ng gawa batay sa taas ng gastos na ginugol sa isang produkto. Ganito itinuring ng pamahalaan ang edukasyon – isang produkto. Habang itinuring naman na mga makina ang mga mag-aaral na walang boses sa kanyang amo at umaandar lang batay sa sistemang nakatakda sa kanya. Dahil dito, patuloy na dumadami ang bilang ng mga batang hindi nakakatamasa ng pormal na edukasyon, lalo na sa ilalim ng online learning. Manipestasyon ito ng neoliberal na edukasyon sa Pilipinas.

Ang makina ay pinapatakbo kung kailan gustuhin ng amo. “Education cannot wait,” sabi ni DepEd Secretary Leonor Briones. Ngunit ipagpapatuloy at mamadaliin ba natin ang edukasyon hanggang sa madiskaril at tuluyang mawalan ng gana ang mga bata sa pag-aaral? Aminin na natin mababa ang kalidad edukasyon natin at maliwanag na hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin ng ating gobyerno. Gaya na lamang ng pag-implementa ng K-12 program sa bansa kung saan tila minadali at wala man lang konkretong plano bago ito isagawa. Naging lab rats lamang ang mga estudyante na lalo pang naging pasakit para sa mga Pilipinong mahirap dahil dagdag gastos lamang ito. Isa ito sa bunga ng neoliberal na edukasyon.  

Ang tanging importante para sa neoliberal na edukasyon ay ang interes ng mga naghaharing-uri habang ginagawang makina ang mga estudyante na nagpapasa na lang bilang compliance at sumusunod sa gusto ng nagpapatakbo ng sistema. Sa ilalim ng ganitong sistema, mas prayoridad ng kapitalista na makapag-prodyus ng maraming manggagawa na nakakapagbigay sa kanya ng kita imbes na kalidad ng edukasyon ang binibigyang pansin. Kaya’t nakapanghihinayang ang mga mahuhusay na batang hindi na nabibigyan ng pagkakataon upang makapag-aral at mas hasain pa ang kanilang talento.  

Miski ang makina ay napapagod, nasisira at nagkukulang. Paano na lamang ang mga batang walang kakayahan upang makapag-online class? Hindi ba nila naisip na maraming pamilya at batang Pilipino ang walang kakayahan na bumili ng mga gadget at materyales na kinakailangan para sa online class? 

Ngayong pandemya, lalong nabaon sa hirap ang maraming Pilipino dahil sa kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang kakarampot na kinikita ng ilan. Batay sa datos ng Picodi.com na inilabas noong Agosto 2020, nasa Php 15,200 ang average salary sa Pilipinas. Higit itong mas mababa sa mga karatig bansa nito sa timog-silangang Asya. Kulang na kulang itong pambili ng mga dekalidad na gadyet para sa online setup na tinatayang aabot ng Php 18,000, ayon sa Rappler. Bwelta naman ng DepEd, may mas murang alternatibo naman daw na maayos ding magagamit. Subalit kahit hindi ay hindi kakayaning bilhin ng mga nasa  laylayan ng lipunan. 

Oo, sabihin na nating naglunsad ang iba’t ibang sektor ng pamahalaan ng mga programa para makapamahagi ng mga kagamitang ito, ngunit sapat ba ito? Nakapanlulumong isiping ginawa na ngang makina ang mga mag-aaral para sa ganansya ng naghaharing-uri, sinasagad pa sa trabaho kahit kulang sa kakayahan kaya lalong humihina at nasisira.

Kung ang makina ay gawa sa materyal na bagay, pwes ang tao ay binubuo ng mga dugo at laman! Mayroong kumakalam na tiyan, ang mga estudyanteng tinitipid ang sarili para makapagpa-load o ‘di kaya’y bumili ng gadget. Kung iisipin, ang PHP 30 o PHP 50 na pera ay pambili na ng bigas o ng pagkain na pampawi sa kumakalam nilang sikmura. Ang masakit pa, nagiging dilemma ng mga bata ang pagpili sa trabaho o edukasyon kahit nararapat na pag-aaral ang kanilang prayoridad.. Pantay-pantay dapat nating natatamasa ang edukasyon. Ngunit, ano nga naman ang aasahan natin sa isang sistemang tinuring na pagkakakitaan ang dapat ay karapatan? 

Bilang mga estudyante, matindi naming tinututulan maging kabahagi ng neoliberal na sistema ng edukasyon. Ang makina ay tumutunog din kapag may mali na sa sistema. Kaming mga mag-aaral din ay umaaray. Ngunit hindi kagaya ng makina, patuloy ang aming pagsigaw sa panawagang “no student should be left behind”. 
Hindi kami makina kundi mga buhay, may emosyon, at higit sa lahat mayroong karapatang pantao. Ang aming karapatang mag-aral ay hindi dapat inaabuso upang gawing minahan ng pera. Ang edukasyon namin ay hindi dapat magastos at nakakagutom. Higit sa lahat, hindi na ito dapat nakakulong sa online setup. At kung sakali mang bumalik na kami nang tuluyan sa pisikal na paaralan, patuloy ang panawagan para sa makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon sapagkat ito ang tunay na lunsaran ng progresibong kinabukasan. Kami ay tao, hindi makina! [P]


Dibiho ni Katrina Gonzales

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “Mga Makina ng Neoliberal na Edukasyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: