Noong ika-10 ng Abril, naglabas ang UPLB Perspective ng balita kaugnay ng paggambala ng pwersa ng militar mula sa 2nd Infantry Division at 85th Infantry Battalion sa isang libreng medical mission na isinagawa ng progresibong organisasyong Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) sa probinsya ng Quezon.
Sa pahayag ng KASAMA-TK, binigyang-linaw ng organisasyon ang panggugulong kinaharap nila mula sa pwersa ng militar. Ayon sa organisasyon, ipinakabit ng isang Sgt. Johnathan Vender ang isang tarpaulin upang magmukha umanong “joint activity” ang nasabing programa, sa kabila ng programang pawang inorganisa lang ng KASAMA-TK. Kinilala ito ng organisasyon bilang isang uri ng intimidasyon at harassment sa kanilang medical mission. Dagdag pa ng tagapangulo ng KASAMA-TK na si Jerry Luna, ang mga sumama sa programang ito ay hinarang at tinakot, kahit malinaw na may matinding pangangailangan ang mga pasyente.
Matapos nitong nasabing medical mission ay naglabas ng isang Facebook post ang 201st Infantry “Kabalikat” Brigade ng Philippine Army, kung saan binansagan nila na ang aming pahayagan kasama ang ibang progresibong organisasyon tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Laguna, Kabataan Partylist, at KASAMA-TK, ay “front organization” ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon muli kay Luna, ang inilabas na gamot at reseta ng mga militar ay hindi mula sa kanilang medical mission. Sa kabila nito, handang maglabas ng resibo ang organisasyon para sa mga gamot na binili para sa medical mission.

Bago pa man ang medical mission, patuloy na ang panre-red-tag ng militar para pabanguhin ang mga atake at pagpatay ng AFP. Ang dalawang-taong gulang na sibilyan na si Jayr Lastiques ay pinatay noong ika-9 ng Abril ng isang lasing na sundalong nasa ilalim din ng 201st Infantry Brigade.
Ang probinsya ng Quezon ay matagal nang biktima ng panghaharas mula sa mga pwersa ng estado. Sa mga huling bahagi ng taong 2021, saksi ang probinsya sa lumalalang militarisasyong nagbunsod sa kamatayan ng dalawang magsasakang sina Jorge Coronacion at Arnold Buri (BASAHIN: Intensified Quezon militarization draws fear on residents, relatives of slain farmers; Residents, progressive groups oppose NPA allegations on slain Sampaloc farmers).
Kaliwa’t-kanan din ang intimidasyon at pwersahang pagpapasuko sa mga magsasakang binabansagan ng mga pwersa ng estado bilang mga kasapi umano ng Communist Party of the Philiippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) (BASAHIN: 485 coconut farmers from Quezon coerced by state forces to surrender as affiliates of CPP-NPA-NDF).
Ang mga insidenteng ito ng intimidasyon, panghaharas, at pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa iba’t-ibang parte ng Timog Katagalugan ay patuloy na ibinibalita ng UPLB Perspective, ang opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, na may layuning magbigay-liwanag sa walang-katapusang inhustisyang sinasapit ng bansa mula sa kamay ng estado.
Ang UPLB Perspective ay ang unang pahayagang pangkampus na itinatag sa kainitan ng batas militar ni Ferdinand Marcos noong 1973. Mula noon hanggang ngayon, bilang kabilang sa alternatibong midya, tungkulin ng UPLB Perspective na paglingkuran ang masang Pilipino sa pamamagitan ng paghahatid ng mga makabuluhang balita at palakasin ang panawagan ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan.
Kabilang na sa saklaw ng mga ibinabalita nito ay ang panghaharas at pamamaslang ng mga pwersa ng estado sa mamamayang tumitindig para sa kanilang mga karapatan. Nariyan ang Bloody Sunday massacre, ang malawakang crackdown ng kapulisan sa mga progresibong indibidwal sa Timog Katagalugan (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).
Ang panre-red–tag ng 201st Infantry “Kabalikat” Brigade ng Philippine Army sa UPLB Perspective ay direktang pag-atake laban sa malayang pamamahayag.
Mariing kinukundena ng pahayagan ang inilabas na black propaganda ng militar laban sa malayang pamamahayag ng UPLB Perspective, at laban sa medical mission ng KASAMA-TK.
Ilang taon nang nasa peligro ang mga mamamahayag, litratista, at manunulat mula sa kamay ng estado. Ngayon ay lalo pa itong umiigting nang mas pinalakas pa ng kasalukuyang administrasyon ang pulis at militar upang sapilitang patahimikin ang bawat kumpas ng panulat.
Ang malayang pamamahayag ay kinakailangan para sa isang malaya at mapagpalayang lipunan. Sa kasalukuyang panahon, nagiging sandata ang malayang pamamahayag laban sa disinformation, misinformation, at black propaganda. Isinisiwalat nito ang konkretong kondisyon ng masa sa kamay ng sistemang mapanikil at mapang-api. Ngunit sa patuloy na pagbabanta, pananakot at pag-red-tag sa mga alagad ng midya, napipigilan ang malaya at sapat na pamamahayag.
Ang karapatang ito ay kinakailangan para sa isang malaya at mapagpalayang lipunan. Ang pag-atake sa aming karapatang makapagpahayag ay katumbas ng pagsupil sa aming tungkuling ilantad ang mga inhustisyang patuloy na umiiral sa lipunan. Hindi lamang mga mamamahayag ang minamaliit sa lantarang panghaharas ng estado, ipinagkakait din nito ang tapat at totoong impormasyon na kailangan ng mamamayan para sa mapanuri at demokratikong pag-iisip.
Ang mismong paraan ng red–tagging na ito ang nagbibigay-katwiran sa kabi-kabilang panghaharas at pagpaslang ng mga kapulisan at militar laban sa mga progresibong grupo. Patunay na rito ang pagpatay kay Chad Booc – isang boluntaryong guro ng mga Lumad na matagal na pinag-iinitan ng serye ng red–tagging at panghaharas na mula mismo sa mga militar, at humantong hanggang sa pagpaslang sa kaniya ng militar sa isang insidenteng pinalabas bilang isang armadong engkwentro, kahit pa man ayon sa autopsy ay mayroon “intent to kill” ang naturang pagpaslang (BASAHIN: ‘Iskolar para sa Bayan’: Progressives, relatives testify to the spirit of service lived by slain Lumad teacher Chad Booc).
Subalit sa kabila ng mga atakeng ito, matapang na ipagpapatuloy ng UPLB Perspective ang makatotohanang pamamahayag, ang kritikal na pagsuri sa makakapangyarihan, ang pagtaguyod ng malayang pamamahayag, at ang pagtindig para sa demokrasya. [P]
#DefendPressFreedom
#StopTheAttacks
#NoToRedTagging
Pingback: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon – UPLB Perspective
Pingback: Mga progresibong grupo, pahayagan, kinondena ang pag-red-tag, pagbulabog ng militar sa medical mission sa Quezon – UPLB Perspective
Pingback: Humanitarian team ng Karapatan ST, hinaras ng militar sa Quezon – UPLB Perspective