Mga salita nina Kyn Aguirre at Yani Redoblado
Karagdagang ulat nina Michael Ian Bartido at Ron Babaran
Babala: May banggit ng mga insidente ng karahasan, tortyur
“Isa sana itong [Quezon] masiglang lupa ng mga masisipag na magsasaka […] pero dahil sa mga banta sa buhay, nagmumukhang lugar ng ligalig. Nalulungkot ang mga magsasakang ayaw sana mag-bakwit [evacuate] pero naoobliga sila dahil ang kanilang paraiso, ginagawang impyerno ng militarisasyon.”
Ito ang pahayag ni Victoria Lavado, na mula sa Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK) at convenor ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan (TMTK), sa isang panayam kasama ang Perspective. Patungkol ito sa patuloy na panghaharas sa Quezon, kasabay pa ng kawalan ng maayos na programa para sa tunay na ikabubuti ng mga magsasaka sa probinsya.
Hindi nakaligtas ang 8,700 kilometro kwadradong probinsya ng Quezon sa tumitinding panghaharas ng mga pwersa ng estado sa Timog Katagalugan mula pa nang mag-umpisa ang pandemya.
Maiuugat ang kasaysayan ng militarisasyon sa probinsya ilang dekada na ang nakalilipas sa panahon ng rehimen ni Ferdinand Marcos Sr., kung kailan puwersahang kinolekta sa mga magniniyog ang coco levy funds.
Nagbayad ng P60 kada 100 kilong kopra ang mga magsasaka para sa buwis na ilalaan umano para sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa. Sa kabila nito, napunta ang mga pondong nakolekta para sa mga personal na interes nina Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., pamilyang Marcos, at iba pa nilang kaalyado (BASAHIN: The land plunderer: Harrowing ghost of Danding Cojuangco).
Patuloy na umaasa ang mga magsasaka na mababawi ang coco levy funds. Nangunguna sa labang ito ang Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM), isang lehitimong organisasyong nangangampanya sa pamamahagi ng P105-bilyong coco levy fund para sa kapakanan ng mga maliliit na magniniyog.
Sa kabila ng pagiging lehitimo ng laban para sa coco levy fund, patuloy na panghaharas ang kinakaharap ng mga magniniyog mula sa kamay ng mga pwersa ng estado. Siyam na munisipalidad sa Quezon ang nakaranas ng sunod-sunod na puwersahang pagpapasuko simula Setyembre 2021.
Sa hiwalay na panayam kasama ang Perspective, idinagdag ng tagapagsalita ng Anakbayan Quezon na si Romeo Jara na matatagpuan sa Lucena City ang headquarters ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) na mas nagpaigting pa sa presensya ng mga militar sa Quezon sa kasalukuyan.
Ayon pa kay Jara, maituturing na hacienda belt ang ikatlo at ikaapat na distrito ng probinsya na kilala rin bilang South Quezon Bondoc Peninsula. Kasabay ng pyudal na paghahari ng mga malalaking hacienda rito, militarisado ang lugar upang pigilan ang pagkilos ng mga magsasaka laban sa pangangamkam ng lupa.
(KAUGNAY NA BALITA: Estado ng agraryo sa Timog Katagalugan)
Samantala, militarisado rin ang Hilagang Quezon dahil sa proyektong Kaliwa Dam na isinusulong ng administrasyong Duterte.
Kaugnay ng lokal at pambansang halalan sa darating na Mayo, iba’t ibang miyembro ng mga progresibong grupo sa Quezon ang naglahad ng mga malalagim na isyung patuloy na gumugulo sa probinsyang itinuturing nilang paraiso.
Paglalapat ni Dayn Loren
Panunupil sa pilapil
Matapos ang rehimeng Marcos, hindi nagtagumpay ang mga sumunod na administrasyon na tunay na ipamahagi pabalik sa mga magniniyog ang coco levy funds.
Parehong pangako ang binitawan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 sa kanyang pangangampanya na ibabalik niya sa mga magsasaka ang pondo sa unang 100 araw ng kanyang termino. Sa kabila ng pangakong ito, umabot ng halos limang taon bago nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act o Republic Act No. 11524.
Dalawang panukalang-batas sa coco levy ang pinawalang-bisa ni Pangulong Duterte noong 2019. Lubos itong ikinadismaya ng mga magsasaka, dahil ang mga panukalang ito ang sila na sanang magtatakdang maibalik sa mga magsasaka ang mga ninakaw na pondo.
Maliban pa sa mga isyung ito, at sa mga batas na hindi tunay na sumasalamin sa interes ng mga magniniyog, patuloy rin ang panghaharas na kanilang nararanasan sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sa pinakahuling insidente ng pag-atake sa sektor ng mga pesante sa Quezon, iligal na inaresto ng 85th Infantry Battalion (IB) ang organisador ng CLAIM na si Carlo Reduta noong ika-18 ng Marso habang tumutulong sa mga magsasakang apektado ng pandemya sa Brgy. Cawayan, Gumaca, Quezon. Isa si Reduta sa mga nagpapanawagan at umoorganisa ng mga magsasaka para sa pagbawi ng coco levy fund.
Kasalukuyan siyang nakapiit sa Gumaca Municipal Police Station habang kinakaharap ang mga gawa-gawang kasong murder, frustrated murder, at paglabag sa proviso sa Anti-Terror Law.
Isa ang pamilya Reduta sa mga miyembro ng CLAIM na patuloy na hinaharas ng mga pwersa estado. Matatandaang parehas na bilanggong-pulitikal ang yumaong ama at ang nakalayang kapatid ni Reduta na kapwa sinampahan din ng gawa-gawang kaso.
Sa nakaraang panayam kasama ang Perspective, ibinunyag ng pangrehiyong tagapag-ugnay ng TMTK na si Ka Orly Marcellana ang paggamit ng militar sa usapin ng coco levy funds upang linlangin ang mga magsasaka na dumalo sa mga umano’y pagpupulong para sa mga nasabing pondo. Kapagdaka’y palalabasin ng mga militar na mga sumukong rebelde ng New People’s Army (NPA) ang mga dumalong magsasaka.
Buhat nito, ibinahagi ni Ka Orly sa panayam ang takot na nararamdaman ng mga magsasaka: “Takot nang umakyat sa bukid ang mga magsasaka; takot nang magsaka, takot nang umakyat sa mga dampa nila [sa bukid] sapagkat sila’y nangangamba na baka sila naman ang mapatay at sila’y maakusahan na mga miyembro ng New People’s Army.”
Sa kabila ng mga insidenteng ito, nagpahayag ang kaalyado ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at gobernador ng Quezon na si Gobernador Danilo Suarez ng suporta sa kandidatura sa pagkapangulo ng anak ng diktador na dahilan ng coco levy fund scam na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon pa kay Gob. Suarez, nais nilang makuha ang kasiguraduhan mula kay Marcos Jr. na tutulungan sila ng kandidatong ibalik sa mga magsasaka ang pondo. Naniniwala rin siyang hindi umano maaapektuhan ng kronyismo si Marcos Jr. kahit na hindi pa niya ito direktang nakakausap tungkol sa isyung ito.
Giit din ng gobernador, walang scam na naganap sa isyu ng coco levy funds. Aniya, “Ang coco levy, the money was never stolen. It was there, kumita nag-interest lahat. Ang hindi lang talaga napa-implementa ay yung ruling ng Supreme Court during ng time ng dilawan that it should be reverted back to the coconut farmers.”
Dahil dito, agad na pinabulaanan ng Bantay Cocolevy Alliance ang sinabi ng gobernador. Idiniin nila ang makasaysayang Cocofed v. Republic ruling kung saan kinilala ng Korte Suprema ang mga iskema at makinaryang ginamit ng rehimeng Marcos at mga kaalyado nito para sa pandarambong.
Itinuring naman ng pambansang tagapangulo ng Anakpawis Partylist at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform na si Rafael Mariano na “flagrant effort of historical revisionism” ang paghingi ng kasiguraduhan mula kay Marcos Jr. na ibalik ang coco levy funds sa mga magsasaka.
Ani Mariano, “It is like stupidly asking the thief to voluntarily return the stolen money and just let the robber walk away.”
[“Tila pinakiusapan mo ang magnanakaw na boluntaryong ibalik niya ang nakaw na pera at hayaang makaalis ang nasabing magnanakaw.”]
Sa kabila ng kaniyang mga pahayag, kasama si Gob. Suarez at ang katunggali nito sa kanyang muling pagtakbo bilang gobernador na si 4th District Representative ng Quezon na si Angelina “Doktora Helen” D.L. Tan sa bicameral conference committee na nag-apruba sa Coconut Levy Trust Fund Bill noong 2018.
Isa ang panukalang batas na ito sa dalawang coco levy bills na pinawalang-bisa ni Pangulong Duterte noong 2019 dahil sa mga probisyong ipinaglalaban mismo ng mga magniniyog.
Ang mga probisyong ito ay nagtakda ng pagbuo ng trust fund committee sa ilalim ng opisina ng presidente kung saan mas marami ang representante sa hanay ng mga magsasaka at limang estaryang limit para sa mga beneficiary ng mga magsasaka.
Sinuportahan din ni Gob. Suarez si Marcos Jr. sa kanyang pagtakbo bilang bise-presidente noong 2016 ngunit nanalo sa probinsya si Bise-Presidente at ngayo’y presidential aspirant na si Leni Robredo.
Ngayong nalalapit ang pambansang halalan, nangako si Robredo na pagtutuunan niya ng pansin ang inhustisya sa mga magniniyog at ang pagpapamahagi ng coco levy fund sakaling siya’y mahalal bilang pangulo.
Nagpahayag din ang bise presidente ng pagtutol sa R.A. 11524 dahil umano sa mga probisyong nagtatalaga ng hindi sapat na representasyon ng mga magsasaka kumpara sa gobyerno. Sa parehong ulat ng Inquirer, tatlo lang sa siyam na pwesto sa board ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang para sa sektor ng mga magsasaka.
Samantala, maliban sa panggigipit sa pamamahagi ng coco levy funds, na sinabayan pa ng pwersahang pagpapasuko sa mga progresibong nakikipaglaban para rito, umabot na rin sa pagpatay ang ilang operasyon ng militar sa probinsya. Naging biktima ng mga mas pinaigting na focused military operations sa Timog Quezon ang dalawang sibilyang magsasakang sina Jorge Coronacion at Arnold Buri (BASAHIN: Residents, progressive groups oppose NPA allegations on slain Sampaloc farmers).
Parehong naging biktima ng red-tagging sina Coronacion at Buri bago tuluyang pinaslang ng 59th IB sa Sampaloc, Quezon noong Nobyembre 2021. Ito ay sa kabila ng mga patunay na hindi kasapi ng kahit anong organisasyon o naimpluwensyahan ng kahit anong antas ng progresibong pag-oorganisa ang dalawa, ayon kay Jara at Ka Orly.
Patotoo pa sa malalang militarisasyon sa probinsya ang serye ng pambobomba at strafing na isinagawa ng pinagsamang pwersa ng 59th at 85th IB noong Pebrero 2021, kung saan mahigit 26,000 na indibidwal ang nalagay sa peligro. Ang pambobomba ay isinagawa matapos ang engkwentro sa pagitan ng puwersa ng estado at ng NPA.
Larawan mula sa Anakpawis Party-list / Facebook
Idinagdag ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) na isa ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga pangunahing nagtutulak sa mga puwersahang pagpapasuko, dahil sa pagbibigay-insentibo sa bawat pekeng pinasusukong miyembro ng NPA.
Sa ilalim ng ECLIP, libu-libong “benepisyong pinansyal” ang ipamimigay sa mga sumuko upang matulungan ang kanilang “pagbabalik-loob” sa komunidad. Subalit sinabi ni Ka Orly na nagiging tulay lang ang programa sa korapsyon lalo na’t hindi naman nakatatanggap ng mga sinasabing benepisyo ang mga magsasakang puwersahang pinasuko.
(MGA KAUGNAY NA BALITA: 485 coconut farmers from Quezon coerced by state forces to surrender as affiliates of CPP-NPA-NDF; Intensified Quezon militarization draws fear on residents, relatives of slain farmers)
Kinondena rin ni Lavado ang iskemang Oplan Kapanatagan ng administrasyong Duterte na itinatag upang supilin ang insurhensya sa bansa. Laksa-laksang progresibong indibidwal, lider-pesante, at mga aktibista ang pinunterya ng programang nagdulot ng pagkabahala sa mga komunidad sa Quezon.
“Nasa’n do’n ang safety kung nasa-sandwich ng isang kampo ‘yong mga daycare at paaralan? Kaya walang kapanatagan d’yan sa Oplan Kapanatagan dahil ligalig at karahasan ang nararanasan ng mamamayan sa kanayunan,” ani Lavado.
Bilang isa sa mga prodyuser ng niyog sa bansa na mayroon ding mga palaisdaan at sakahan, isang malaking balakid sa produksyon ng probinsya ang lumalalang militarisasyon. Binigyang-diin ni Jara na maliban sa malubhang trauma na nararanasan ng mga mamamayan dahil sa pambobomba, apektado rin ang kabuhayan ng mga residente.
Noong ika-10 ng Abril, muling nanggulo ang mga pwersa ng estado sa isinagawang libreng medical mission ng KASAMA-TK sa Agdangan, Quezon, kung saan inangkin ng mga militar ang programa ng KASAMA-TK bilang “joint medical mission”.
Agad itong pinabulanan ng Kabataan Partylist Southern Tagalog (ST) na sinabing hindi kasama ang mga miyembro ng 2nd Infantry Division at 85th IB sa paghahanda at pag-organisa ng medical mission.
Dagdag pa ng Kabataan Partylist ST, kinunan din ng mga militar ng video ang mga volunteer at medical personnel, maging litrato ng listahan ng mga pasyente na naglalaman ng kanilang mga pribadong impormasyon.
Bilang tugon din sa inilabas na pahayag ng KASAMA-TK, ni-red-tag ng 201st IB noong ika-14 ng Abril ang organisasyon ng mga magbubukid, kabilang ang ilang progresibong grupong Kabataan Partylist, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Laguna, at pati ang Perspective.
Mariin naman itong kinondena ng pahayagan sa inilabas na editoryal na naglalaman ng kanilang opisyal na pahayag. Ayon sa Perspective, “Ang panre-red–tag ng 201st Infantry “Kabalikat” Brigade ng Philippine Army sa UPLB Perspective ay direktang pag-atake laban sa malayang pamamahayag. Mariing kinukundena ng pahayagan ang inilabas na black propaganda ng militar laban sa malayang pamamahayag ng UPLB Perspective, at laban sa medical mission ng KASAMA-TK.”
(BASAHIN: OPISYAL NA PAHAYAG NG UPLB PERSPECTIVE HINGGIL SA PAN-RE-REDTAG NG 201ST INFANTRY BRIGADE)
Ibinalita ng mga residente na mula 2015, mainit na ang panghaharas na kanilang nararanasan dahil sa madalas na “pagbisita” ng pwersa ng militar sa kanilang tahanan. Ayon kay Jonnabelle Almeyda ng Tanggol Quezon, nabayaran man ng danyos ang mga magsasaka at mangingisda sa isinagawang demolisyon, hindi naman sapat ang halaga para sa mga apektadong sektor.
Noong 2020, pinalayas ng San Miguel Corporation (SMC) ang 3,000 magniniyog, prodyuser ng kopra, at mangingisda sa apat na barangay sa Sariaya, Quezon upang magbigay-daan sa isang industrial zone na bubuuin ng coal-powered na planta, cement grinding na planta, brewery, tank farm, at pier and port facilities (BASAHIN: San Miguel Corp. to evict 3,000 farmers and fishermen in Sariaya, Quezon).
Matatandaang sumulat ang presidente at chief operating officer ng SMC na si Ramon Ang sa Quezon Provincial Council noong 2019 upang mahingi ang endorso at pahintulot sa pagtatayo ng industrial complex.
Larawan mula sa Anakbayan Quezon / Facebook
Pagdepensa sa kalikasan at lupang ninuno
Apektado rin ng militarisasyon sa Quezon ang mga indigenous peoples (IP) sa kanilang laban kontra sa mga kapitalista at sa mismong gobyerno, hindi lang dahil sa mga insidente ng red-tagging sa kanila kundi pati na rin sa pagkakait ng karapatan nila sa kanilang lupang ninuno.
Patuloy na tinututulan ng indigenous group na mga Dumagat ang Kaliwa Dam, proyektong bahagi ng programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte. Samu’t saring kritisismo ang natanggap ng programa dahil sa pagpapalayas at panghaharas sa mga mamamayan.
Ang pagpapatayo sa Kaliwa Dam ay nagbabanta ng pagkasira sa kalikasan at pagyurak sa karapatan ng mga IP, sapagkat ayon sa pag-aaral ay lulubugin ng proyekto ang 12,000 na ektaryang forest ecosystems sa Sierra Madre (BASAHIN: Defending Makidyapat’s land: Dumagats continue fight against Kaliwa Dam project; What the Build! Build! Build! Program truly destroys).
Noong Enero 28, 2022, nagpatawag ng mahigit 100 na Dumagat ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa paglagda ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng mga IP at ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS). Sa kabila ng alert level 3 sa Quezon, pinirmahan ang MOA kahit na nakiusap ang mga Dumagat na pakinggan ang lahat ng hinaing ng mga IP bago ang paglagda.
Isiniwalat ng mga grupo ng IP na piling mga lider lang na sang-ayon sa Kaliwa Dam ang tanging inimbitahan ng NCIP. Anila, hindi isinama ang mga miyembro ng mga direktang maaapektuhang komunidad tulad ng Yokyok, Baykuran, at Makid-ata. Ayon pa sa isang lider ng mga Dumagat na si Marcelino Tena, sinuhulan ang iba nilang mga kasamahan upang pumirma sa kasunduan (BASAHIN: MOA signatories for Kaliwa Dam ‘bribed’ by gov’t agencies – Dumagat leader; Government agencies rush negotiations on Kaliwa Dam construction).
“Nagsabwatan ang NCIP at MWSS. Nagtipon sila ng mga pekeng lider-Dumagat na hindi naman talaga sila ‘yong may say, kung sino lang ‘yong tingin nilang kayang bilhin,” dagdag ni Jara.



Hiling ng mga Dumagat.
Mga larawan mula sa Project Dumagat. Facebook
Ilang iregularidad sa mga prosesong ito ang binanggit ni Lavado bilang mga taktika umano upang tusong makuha ang boto mula sa mga IP, katulad ng mga pangakong milyones na kapalit. Mariin din niyang pinuna ang NCIP sa kanilang palpak na pagsasakatuparan ng kanilang mandato upang protektahan ang interes ng mga apektadong IP.
Dagdag pa ni Lavado, takot at pangamba ang nararamdaman maging ng mga Dumagat dulot ng puwersahang pagpapasuko sa kanila ng NTF-ELCAC bilang mga rebelde. Giit ni Lavado, malayo sa pagiging rebelde ang mga Dumagat-Remontado, kundi sila ay mga payak na katutubong nais lang na manatili sa kanilang lupang ninuno.
“‘Di sila rebelde, yung mga Dumagat-Remontado, kundi sila ay mga payak na mga katutubong gusto lamang manatili do’n sa kanilang lupang ninuno at mapanatili ang kanilang tahanan, mga ilog na pinagmulan ng sibilisasyon, ilog na highway sa mga kalakal, pero lahat yun mawawala kung magpapatuloy itong mga dambuhala at mapangwasak na proyekto, mga agresyong-pangkaunlaran na tampok na tampok dito sa Timog Katagalugan,” ani Lavado.
Malungkot din niyang ipinahayag ang kaniyang saloobin bilang saksi sa kawalan ng pag-asa ng mga katutubo.
“Ang kwento ng mga lokal d’yan sa North Quezon […] aaminin na lang kahit hindi talaga sila rebelde kasi ‘yon na lang nakikita nilang paraan para mabuhay pa […] Nakakaramdam sila ng kawalan ng pag-asa dahil tinuturing silang parang hayop,” dagdag pa niya.
Noong Marso 7, 2021, kabilang ang mga Dumagat IP na sina Randy at Puroy dela Cruz sa siyam na progresibong pinaslang sa tinaguriang Bloody Sunday Massacre na yumanig sa Timog Katagalugan. Noong Mayo 6, 2021, iligal namang inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives ang lider-Dumagat na si Rene “Kuruntoy” Doroteo sa Rizal. Ito ay matapos ang isinagawang raid at pagtatanim ng armas at bomba sa kanilang tirahan.
(KAUGNAY NA BALITA: No blood spared: A year after Bloody Sunday)
Inilahad din ni Lavado ang kwento ng isang Dumagat na si Elmer Kilangan, na dinakip noong Marso 2020 ng mga hininalang elemento ng 80th IB. Dinala siya upang maghukay ng sariling paglilibingan samantalang nakaranas din ng tortyur, ayon kay Lavado.
Matatandaang nagprotesta na ang mga katutubo at ordinaryong mamamayan noon pang rehimeng Marcos laban sa pagtatayo ng malaking dam. Nahinto ang proyekto dahil sa malakas na pagkilos ng mga mamamayan.
Sa kabila ng pagkamatay ng martir ng mga Dumagat-Remontado na si Nicanor “Ka Kano” delos Santos noong Disyembre 8, 2001, mariin pa ring tinutulan ng mga katutubo at mamamayan ng Quezon ang pagtatayo ng dam hanggang sa administrasyon ni Pangulong Duterte.
Samantala, noong Pebrero 27, 2022, sugatan naman sa pamamaril ang isang opisyal na matunog sa pagtutol sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam. Si Mayor Filipina Grace America, na alkalde ng Infanta, Quezon, ay nagpahayag ng oposisyon sa nasabing dam (BASAHIN: Quezon LGU, citizens cry justice after assassination attempt injures Infanta mayor).
Sa mga serye ng diyalogo kasama ang mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong munisipalidad, tanging Infanta lang ang hindi sang-ayon sa pagpapatayo ng dam, samantalang bumoto pabor dito ang Real at General Nakar, ayon kay Lavado.
Dagdag pa niya, nagbibigay ng mga pahayag ng pagsuporta si Mayor America sa mga organisasyon at alyansang tumututol sa dam. Matagal na ring kilala ang alkalde bilang tagapakinig sa mga katutubo.
“Talagang malayang pumapasok sa opisina niya at nadadayalogo sila na parang magkaibigan dahil ganoon niya nilalapitan ang mamamayan at ganun siya kasinsero,” ani Lavado.
Ayon kay Jara, ang malalang flash floods at mudslides noong Nobyembre 29, 2004 na pumatay sa mahigit sanlibong katao sa Infanta ang isa sa mga pangunahing rason ng mariing pagtutol ni Mayor America.
“Kapag kumukulog-kidlat, parang bumabalik ang trauma kasi nasalanta sila [Infanta] noon. Marami na silang kinaharap na pinsala ng kalamidad, ‘yon ang ayaw nila maranasan kaya marami rin ang masidhing pagtutol sa dam,” dagdag din ni Lavado.
Noong Nobyembre 2020, 70,000 na indibidwal ang apektado ng pagbaha sa Real, Infanta, at General Nakar matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Larawan mula sa STOP Kaliwa Dam / Facebook
Panahon ng paniningil
Binanggit ni Jara na wala pang malinaw na pagtutol noong 2019 si Gob. Suarez at ang kaniyang anak na kasalukuyang nanunungkulan bilang 2nd District Representative na si David Suarez, ngunit malinaw na mas pinapaboran nila ang pagtayo ng Kanan Dam. Pagdating ng 2020, nagsimulang maging aktibo si Gob. Suarez sa pagpapahayag na haharangin niya ang pagtatayo ng Kaliwa Dam.
Sa unang ulat ng Perspective noong 2020, binigyang kapangyarihan ng Quezon Sangguniang Panlalawigan si Gob. Suarez na gawin ang lahat ng kailangang hakbang upang pigilan ang konstruksyon ng Kaliwa Dam (BASAHIN: Quezon gov’t moves to stop Kaliwa Dam building).
Giit ng gobernador, makakasiguro ang Save Sierra Madre Network na kasangga siya ng mga grupong ito at nagsabi pang posibleng magdemanda kung sakaling ituloy ang dam sa kabila ng oposisyon ng mga direktang apektado ng proyekto.
Matapos ang dalawang taon, kasado na ang pagtatayo ng dam.
Ayon kay Jara, hindi niya masasabing may sala si Gob. Suarez sa pagratsada ng pagtatayo nito. Aniya, “Hindi muna natin titingnan kung guilty siya o hindi, pero kailangan niyang ilinaw ano ‘yong totoo niyang posisyon sa Kaliwa Dam at ano ang plano niyang aksyon laban doon sa Kaliwa Dam.”
Sa isang kolum noong Mayo 2021, hinikayat ni Gob. Suarez na pag-isipan ng pambansang pamahalaan ang kanilang posisyon sa Kaliwa Dam.
Sa kabila nito, idiniin ni Lavado na may kapangyarihan ang lokal hanggang panlalawigang pamahalaan na tutulan ang proyekto: “Itong si Gob. Suarez, may kamay siya sa pagpapasya sa pagtuloy ng dam, gano’n din naman ‘yong mga LGU [local government unit] na pumapayag. Dapat kondenahin ‘yong pagpayag ng lokal hanggang sa panlalawigang antas dahil kaya nilang humindi katulad ni Mayora Filipina America.”
Sinubukan ng Perspective na kunan ng pahayag si Gob. Suarez, ngunit hindi pa nagbibigay ng tugon ang kaniyang panig tungkol sa kasalukuyan niyang tindig sa isyu ng Kaliwa Dam.
Isa ang mga Suarez sa hindi bababa sa 18 na political families na mayroong dalawa o higit pang miyembro na nasa Kongreso, ayon sa in-depth report ng Rappler noong Agosto 30, 2019.
Nanalo bilang 2nd District Representative si David Suarez noong 2019 matapos maging gobernardor ng Quezon mula 2010 hanggang 2019. Samantala, ang asawa niyang si Anna Villaraza Suarez ang kinatawan ng ALONA (Alliance of Organizations, Networks and Associations) Party-list.
Ang ama ni David Suarez na si Gob. Suarez ang pumalit sa kaniya bilang gobernador. Matapos naman itong palitan si Gob. Suarez ng kaniyang asawang si Aleta Suarez bilang 3rd District Representative. Ang nakatatandang mag-asawang Suarez ay nagpapalitan lang ng posisyon bilang 3rd District Representative mula pa 1992.
Mga larawan mula sa House of Representatives at Gov. Danilo Suarez / Facebook
Sa kabila ng dekadang panunungkulan, sinabi ni Almeyda na ang mga nagawa ng mga Suarez ay hindi para sa mga mahihirap. Aniya, “May mga nagagawa ang mga Suarez, [pero] ang problema, mas napapaboran ‘yong mga meron, hindi napapaboran ‘yong mga as in nangangailangan ng tulong.”
Giit din ni Lavado na marami ang galit sa kasalukuyang gobernador at maging sa anak niya dahil sa kawalan ng maayos na programang tunay na para sa pakinabang ng mga magsasaka.
Ayon pa kay Jara, mayroong rekord si Gob. Suarez ng pagiging masugid na tagapagpatupad ng counterinsurgency program ng administrasyong Duterte at tagasunod sa militar at NTF-ELCAC sa lalawigan ng Quezon.
Sa isang Facebook post noong Oktubre 2021, sinabi ni Gob. Suarez na nakiisa siya sa aktibidad ng Joint National and Regional Task Forces on Ending Local Communist Armed Conflict (NTF-RTF-ELCAC) dahil sa kahalagahan umano ng “kaligtasan at katiwasayan”. Gayunpaman, kilala ang NTF-ELCAC sa panghaharas, pananakot, at pag-red-tag sa mga progresibong grupong nagsusulong ng karapatan ng iba’t-ibang batayang sektor sa lipunan.
“May consistent siyang [Gob. Suarez] pagpapahayag ng support doon sa mga programa ni Duterte, pero bingi-bingihan pagdating doon sa mga panawagan ng mamamayan hinggil sa kalagayan nila sa lalawigan ng Quezon,” dagdag pa ni Jara.
Ayon kay Jara, sa kabila ng pagsumite ng Anakbayan Quezon ng mga papeles na naglalaman ng mga hinaing at tala ng mga iligal na pag-aresto, pamamaslang, at sapilitang pagbabakwit, walang sagot ang kampo ni Gob. Suarez sa mga ito.
“May experiences tayo diyan sa mga dialogue with Gob. Suarez then Gob. Jay-Jay [David] Suarez na nakikipag-usap ang mga magsasaka hinggil sa militarization, bagsak na kabuhayan at presyo ng mga agricultural produce, tapos pinapalayas tayo [at] aabutan lang ‘yong mga magsasaka ng pamasahe, pambili ng bigas. Gano’n lang pero walang malinaw na tugon sa mga isyu,” ani Jara.
Sa darating na halalan, makakaharap ni Gob. Suarez sa pagkagobernador ang kasalukuyang 4th District Representative ng Quezon na si Helen Tan. Ayon kay Jara, kailangan pang kilalanin si Tan at alamin kung tunay nga ba siyang oposisyon bilang unang beses na tatakbong gobernador.
Sa ulat noong Oktubre 29, 2020, pinabulaanan ni Tan ang administratibo at kriminal na mga reklamong isinampa ni Quezon Councilor Arkie Manuel Yulde laban sa asawang si Ronnel Tan, na regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region I.
Ayon sa ulat, nagpamigay umano si Ronnel Tan ng humigit-kumulang P2-3 milyon sa isang pagtitipon nilang mag-asawa upang pag-agawan ng mga bisita. Ayon kay Yulde, labag ito sa Section 4 ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na nagsasaad na “public officials and their families must live modest lives.”
Nang tanungin sa maaaring implikasyon nitong kontrobersiya ng mga Tan, sagot ni Jara na isa itong tanong na dapat harapin ng mga kilusan ng mamamayan sa Quezon.
“Kapag napatunayan ito at sila’y [Tan] tumatakbo para maging gobernador, at ang kanilang kalaban ay isang political dynasty, manifestation siya kung gaano kabulok ang pulitika hindi lang sa Quezon pero sa buong Pilipinas na people are left with no choice. Mas challenge siguro siya sa people’s movement na ‘Paano ‘to? Parehong bulok at korap ang mga tumatakbong mga gobernador. Paano natin ngayon ito haharapin?’”
Sa kabilang dako, ibinahagi naman ni Lavado ang pagtakbo bilang konsehal ng lider-Dumagat na si Henry Borreo. Layunin ni Borreo na magkaroon ng tunay na representasyon ang mga katutubo sa kanilang lokal na pamahalaan.
Ngayong papalapit na eleksyon, sinabi ni Jara na may malaking pangangailangan na singilin sa mga kumakandidato ang kanilang tugon sa militarisasyon.
“Wala pang nagpapahayag ng condemnation or criticism nila kaya challenge ‘yon ng mga mamamayan sa kanila, lalo na ng mga magsasaka, na tumindig sila doon sa panig ng mga biktima.”
Samantala, hiling din ni Lavado na patampukin ang panawagang palayain ang mga katutubong bilanggong-pulitikal at magkaroon ng pakikiisa sa pagtutol sa Kaliwa Dam.
“Sabay-sabay nating ipanawagan na ang lupang ninuno, depensahan [at] ipaglaban. Tumindig tayo sa hanay ng mga katutubo na hanggang ngayon ay nakakaranas ng malaking diskriminasyon at hindi nilulubayan ng mga paglabag sa mga karapatang pantao.” [P]
Pingback: Humanitarian team ng Karapatan ST, hinaras ng militar sa Quezon – UPLB Perspective
Pingback: Hindi natatapos sa halalan ang laban – UPLB Perspective
Pingback: 93 pesante, food security advocates, iligal na inaresto sa Tarlac – UPLB Perspective
Pingback: Kakulangan ng aksyon sa ekonomikong krisis, iprinotesta ng mga progresibo sa unang SONA ni Marcos Jr. – UPLB Perspective
Pingback: Walang pinagkaiba ang anak ng diktador – UPLB Perspective
Pingback: ‘Lupa, ayuda, hustisya’, panawagan ng mga pesante sa gitna ng ekonomikong krisis, kakapusan sa pagkain – UPLB Perspective
Pingback: ‘Lupa, ayuda, hustisya’, panawagan ng mga pesante sa gitna ng taas-presyo, kakapusan sa pagkain – UPLB Perspective