Mga salita ni Charleston Jr Chang
“Lantarang harassment ang ginagawa ng 1st IB [Infantry Battalion] sa humanitarian team na tumungong Quezon upang tugunan ang mga kagyat na pangangailangang ligal at humanitarian. Sa halip na makipagtulungan upang tiyakin ang karapatan ng mga nasawi at ng kanilang pamilya, ang naging sagot ng kapulisan at 1st IB ay red-tagging, paniniktik, at harassment.”
Ito ang pahayag ng Karapatan Southern Tagalog (ST) sa isang Facebook post matapos ang panghaharas na sinapit ng kanilang pangkat mula sa militar. Ayon sa grupo, tahasang sinundan at ni-red-tag ng militar ang kanilang humanitarian team sa General Nakar, Quezon.
Umaga ng ika-23 ng Abril nang agad sinundan ng militar na lulan ng isang 6×6 military truck ang humanitarian team ng Karapatan ST. Matapos na manmanan ng militar ang grupo, agad nitong ni-red-tag ang mga progresibong partylist kabilang ang Kabataan, BAYAN MUNA, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Anakpawis, at Gabriela.
Nakatakdang magtungo ang humanitarian team sa munisipyo ng General Nakar upang isangguni ang pagkakakilanlan ng dalawang indibidwal na pinaslang sa isa umanong armadong engkwentro noong ika-18 ng Abril. Pakay ng grupo na ipaalam ang impormasyong ito sa mga kaanak ng mga biktima upang masiguro ang kanilang maayos at payapang burol.
Ayon pa sa Karapatan ST, sa halip na tulungan ang mga nasawi na makamit ang isang disente at makataong libing, sinolo ng militar ang pagpapalibing sa mga labi nang hindi ipinapaalam sa local government unit o maging sa mga pamilya ng mga nasawi.
“Nais ng team na matiyak ang karapatan ng mga nasawi at pamilya sa disente at makataong pagpapalibing sa kanila alinsunod sa International Humanitarian Law,” pahayag ng progresibong grupo.
Matapos silang buntutan at manmanan ng militar, halos limang oras na hinarang ng 1st IB ng 2nd Infantry Division (ID) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang humanitarian team sa isang checkpoint sa Brgy. Gumian, Infanta, Quezon.
Habang sila ay ginigipit ng militar, pilit na hiningi at kinuhanan ng litrato ng mga miyembro ng 1st IB ang mga ID at vaccination card ng mga miyembro ng humanitarian team. Dagdag pa rito, bagamat walang awtoridad na kumuha ng pribadong impormasyon sa checkpoint, ipinalista ng mga militar ang mga pangalan ng bawat isa sa humanitarian team.
Sa ilalim ng Section 6 ng Commission on Elections (COMELEC) Resolution 10741, nakasaad na tanging “visual search” lang ang kinakailangang isagawa. Dahil dito, iginiit ng Karapatan ST na hindi dapat kunin ang kanilang mga pagkakakilanlan.

Section 6 ng Commission on Elections (COMELEC) Resolution 10741. Screenshot mula sa COMELEC Resolution
“Ayon sa [team], sila lang ang hinarang sa checkpoint at malayang nakakagalaw ang ibang mga sasakyang dumadaan. Malinaw na lumagpas ang 1st IB at 202nd IBde sa kanilang mandato sa mga checkpoint na itinakda ng COMELEC,” ani Kyle Salgado, tagapagsalita ng Karapatan ST.
Matapos ang halos limang oras na pagharang ng militar ay ganap nang nakalagpas ang humanitarian team matapos humingi ng tulong ligal mula sa Commission on Human Rights (CHR).
Ayon sa humanitarian team, sinubukan pa silang pakiusapan ng 1st IB na huwag nang humingi ng tulong sa CHR at tanggalin ang mga ipinaskil na mga report at alert sa social media account ng Karapatan ST.
“Hindi ba palaging sinasabi ng mga sundalo at pulis na ‘kung walang ginagawang masama, wag matakot’? Pero bakit pinapa-delete nila ang alerts ng Karapatan? Kasi matagal nang peke ang malinis umanong human rights record ng AFP, dahil sa pagrereklamo pa lang ng mga biktima ay pinipigilan na sila sa pamamagitan ng pananakot at harassment. ‘Yan ang Duterte legacy na binabandilyo nila, at ‘yan ang dapat baguhin sa susunod na administrasyon,” dagdag ni Salgado.
Pugad ng militarisasyon
Mula pa man noong nakaraang taon, naging pugad na ng pinaigting na militarisasyon ang lalawigan ng Quezon.
Matatandaang noong Nobyembre 2021 ay mayroon ding isang parehong kaso ng panggigipit ng militar, sa labi naman ni Roderick Sinas na namatay umano sa isang armadong engkwentro laban sa 85th IB sa Gumaca, Quezon noong ika-12 ng Nobyembre (BASAHIN: Gumaca local police refuses to release remains of alleged NPA combatant despite humanitarian team’s ‘sufficient documents’).
Pormal na inilatag ng humanitarian team ng Karapatan ST ang lahat ng mga kinakailangang dokumento, kabilang na ang Special Power of Attorney upang makuha ang labi ni Sinas noong ika-17 ng Nobyembre, ngunit tumanggi pa ring humarap sa pangkat ang pulisya. Tumanggi rin ang 201st Infantry Brigade of the Philippine Army (IBPA), 85th IBPA, at ang Philippine National Police (PNP) Gumaca na kilalanin ang mga dokumentong isinumite ng humanitarian team.
“This delaying tactic of Gumaca MPS is a clear violation of the Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law,” dagdag ni Salgado.
[“Itong mga taktika sa pag-aantala ng proseso ng Gumaca MPS ay isang malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.”]
Nakasaad sa ikatlong artikulo ng ika-apat na parte ng Comprehensive Agreement for Human Rights and International Humanitarian Law na bahagi ng mga prohibisyon ang paggipit sa labi ng mga napaslang.
“The following acts are and shall remain prohibited at any time and in any place […] desecration of the remains of those who have died in the course of the armed conflict or while under detention, and breach of duty to tender immediately such remains to their families or to give them decent burial.”
[“Ipinagbabawal ang mga sumusunod na akto sa anumang panahon o lugar […] paglapastangan sa mga labi ng mga namatay sa armadong pakikibaka habang nasa ilalim ng detensyon, at paglabag sa tungkulin na agarang ibigay ang mga labi sa pamilya ng napaslang, o bigyan ito ng disenteng libing.”]
Samantala, sa kasagsagan ng mga pangyayaring ito ay lalong binalot ng takot ang mga residente at mga magsasaka sa Brgy. Taquico, Sampaloc, Quezon matapos paslangin ang dalawang magniniyog na sina Jorge Coronacion at Arnold Buri noong ika-23 ng Nobyembre, 2021 (BASAHIN: Residents, progressive groups oppose NPA allegations on slain Sampaloc farmers).
Pinabulaanan ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan (TM-TK) ang mga paratang ng militar na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mga biktima at na pinaslang sila sa isang armadong engkwentro. Ayon sa press release ng TM-TK, ang mga biktima ay mga sibilyang magsasaka lamang. Iginiit din ng mga residente ng Brgy. Taquico na walang palitan ng putok ng baril na naganap sa kanilang lugar.
Samantala, kabilang ang mga progresibong grupo, isa rin ang UPLB Perspective sa mga ni-red-tag ng militar sa Quezon, matapos ang balitang inilabas ng pahayagan kaugnay ng pagbulabog ng mga sundalo sa isang “medical mission” ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) sa Agdangan, Quezon.
Ang mga progresibong grupong KASAMA-TK, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Laguna, Kabataan Partylist, at ang pahayagang UPLB Perspective ay tinawag ng 201st IBPA bilang mga “front organization” ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Naglabas ng editoryal ang UPLB Pespective bilang tugon sa kaso ng red-tagging laban sa pahayagan, kung saan mariin nilang kinondena ang pahayag ng 201st IB. Lalong pinaigting ng pahayagan ang kanilang panawagan laban sa red-tagging at ang pagsulong sa press freedom (BASAHIN: OPISYAL NA PAHAYAG NG UPLB PERSPECTIVE HINGGIL SA PAN-RE-REDTAG NG 201ST INFANTRY BRIGADE).
“Ilang taon nang nasa peligro ang mga mamamahayag, litratista, at manunulat mula sa kamay ng estado. Ngayon ay lalo pa itong umiigting nang mas pinalakas pa ng kasalukuyang administrasyon ang pulis at militar upang sapilitang patahimikin ang bawat kumpas ng panulat,” ani ng Perspective.
Samantala, matatandaang nitong ika-9 ng Nobyembre ng nakaraang taon ay pinilit ng 201st IBPA at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pasukuin ang 485 na mga magsasaka sa Agdangan, Quezon (BASAHIN: 485 coconut farmers from Quezon coerced by state forces to surrender as affiliates of CPP-NPA-NDF).
Ang mga pinasukong magsasaka ay mga miyembro ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM), isang organisasyon na naglalayong makamtan ang P105-billion coco levy fund upang matulungan ang kanilang mga miyembro na kinabibilangan ng mga maliliit na magsasaka.
Sa gitna ng pinaigting na militarisasyon sa Quezon, tinatawag ng mga progresibo ang probinsya bilang “impyerno ng militarisasyon”.
“Isa sana itong [Quezon] masiglang lupa ng mga masisipag na magsasaka […] pero dahil sa mga banta sa buhay, nagmumukhang lugar ng ligalig. Nalulungkot ang mga magsasakang ayaw sana mag-bakwit [evacuate] pero naoobliga sila dahil ang kanilang paraiso, ginagawang impyerno ng militarisasyon,” ani Victoria Lavado, na mula sa Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK) at convenor ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan (TMTK), sa isang panayam kasama ang Perspective (BASAHIN: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon). [P]
0 comments on “Humanitarian team ng Karapatan ST, hinaras ng militar sa Quezon”