Patnugot: to ay isang arkibo mula sa UPLB Perspective Bolyum 11, Isyu 2, na inilathala noong Disyembre 15, 1982.
Lumalala ang militarisasyon sa pangunahing rehiyon sa produksyon ng niyog — sa Timog Katagaiugan (TK). Laganap ang panunupil ng militar sa mga mangagawa sa industriya ng niyog, rnga magsasaka sa niyugan, mga organisasyon ng mga magniniyog at iba pang indibidwal na lumalaban sa kasalukuyang sistem ng industriya.
Sa Magdalena, Laguna, natagpuang patay sina Emmanuel Bautista, dating mag-aaral ng UPLB at isang nagngangalang Marlo noong Oklubre 8, 1980. Sila ay pinaslang sa Calauan, Laguna sa paratang na mga kasapi ng New People’s Army (NPA).
Noong Nobyembre 9, 1980, nasunog anf Sunripe, isang pabrika ng “dessicated coconut” na nakabase sa Magdalena. Pinaghinalaan ng management ang manggagawa na may kinalaman sa pagkasunog ng pabrika “sa pakikipagtulungan ng mga subersibong kumikilos sa bahaging iyon ng Laguna.
Enero I8, 1981. isang araw matapos “alisin” ang Martial Law, dinukot at pinaslang ng mga puwersang 233rd PC Coy sina Mario Malong ng Magdalena at isang nag ngangalang Miguel ng Bo Calumpong, Liliw. Natagpuan na lamang silang patay sa Luisiana, Laguna.
Madaling araw, Pebrero 19, 1981, sapilitang isinasama sa kampo si Bartolome Alcantara (Baryo Butnong, Magdalena).Dahil walang Search Warrant/ Warrant of Arrest, hindi pumayag si Alcantara na tumuloy sa kanilang bahay ang mga militar at siya ay pinaputukan ng armalite hanggang bumulagta habang kalong ang bunsong anak na panandaliang nabulag sanhi ng mga talsik ng pulbura. Saksi ang kanyang pamilya sa kanyang kamatayan.
Simula noon, mahigit na sa lima ang napapatay, walo ang nawawala at marami pang iba ang napapahirapan.
Pati ang mga organisasyon tulad ng Alyansa Laban sa Monopolyo sa Industriya ng Niyog (ALAMIN) ay biktima ng iba’t ibang porma ng panunupil at pananakot. Sa hindi iilang ulit, ang mga opisyales at ilang aktibong kasapi nito ay tinutukan ng mga militar. Sa mga pagtitipon ng samahan, nagkalat ang mga elementong militar na sumusubaybay dito. Sa isang simposyum sa Gen. Luna, Quezon na itinaguyod ng samahan, hinarang ng mga militar ang mga dadalong magsasaka at sinabihang huwag nang tumuloy dahil “ang pagpupulong na iyon ay isang NPA front.”
Noong Oktubre 9, 1982, dinakip si Aristedes Sarmiento at ang asawa nitong si Laura, kapwa dating mag-aaral ng UPLB at kasapi ng UP Varrons Ltd., habang dumadalo sa isang kumbensiyon ng KSMN o Katipunan ng mga Samahan ng mga Magsasaka sa Niyugan. Ang magasawa, kasama ng iba pang delegado ay kasalukuyang patungo sa kanilang silid sa Rosarian Hotel (lugar na pinagdausan ng kumbensiyon) nang harangin sila ng labindalawang sundalo ng 232nd PC Company. Tinutukan ng armalite ang mga delegado at sapilitang inagaw si Aristedes at ang asawa nitong nasa ikapitong buwan ng pagbubuntis.
Pagdating sa Camp Natividad (Gurnaca, Quezon), kinasuhan ang dalawa ng subersiyon. Pinaratangan si Aristedes na pinuno ng isang NPA team na kumikilos sa Quezon-Bicol area at si Laura naman ay pinagbintangang finance officer ng grupo.
Makalipas ang dalawang buwan ay pinayagang makapanganak si Laura sa isang ospital sa Gumaca na natatanuran ng mga sundalo. Tatlong raw pa lamang makalipas ang panganak, ibinalik si Laura sa kulungan. Hanggang ngayon ay nakadetine pa rin ang mag-asawa.
Oktubre 19, sa Gumaca pa rin, pinaputukan ng ilang sundalo ang mga opisyales ng KSMN na naghihintay sa umpisa ng pagpupulong. Isa ang kumpirmadong napatay na sa bandang huli ay pinainan ng baril at pinaratangang isang Rebelde. Samantala, hinuli at idinitini (detained) ng ilang araw sa Camp Natividad ang mga nakasaksi sp karahasang yaon.
Sa Candelaria, Quezon, apat na manggagawang kagagaling lamang sa trabaho ang minasaker ng mga sundalong pinaghihinalaang kabilang sa Central lntelligence Service (CIS) noong Oktubre 7, 1982. Ang mga napatay ay Sina Rogelio Aguila at Reynaldo Comple. Nakaligtas naman Sina Juan Comple at Domingo Rubico na kapwa sugatan. Ang masaker ay naganap sa Sta. Catalina, Candelaria.
Ayon Sa mga nakasaksi, ang apat ay bigla na lamang pinailawan ng flashlight at binantaang huwag tatakbo. Suballt bago pa man natatapos ang sigaw ay pinaputukan na agad ng isang sundalong kasama ng CIS team. Ang dalawang namatay ay nilagyan ng carbine rifle at granada at pinaratangang mga kasapi ng NPA.
Naganap ang kalupitang nabanggit habang sariwa pa sa pandama ng mga mamamayan ang makasaysayang Guinyangan Masacre kung saan dalawa ang napatay at mahigit sa dalawampu ang grabeng nasugatan. Ang mga napatay at nasugatan ay kabilang sa mga mamamayang naglulunsad ng martsa-protesta hinggil sa pagsasamantala at pang-aaping ginagawa sa kanila at upang maipaalam ang kanilang mga lehitimong kahilingan.
Sa harap ng krisis panlipunan, at sa lumalalang suliranin sa industriya ng niyog, ang mga magsasaka at manggagawa ay nagkakaisa para sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan. Subalit sa kabila ng paglulunsad ng mga legal na pagkilos, sila ay sinasalubong pa rin ng mga karahasan at panunupil sa kamay ng pasistang puwersa ng estado.
May militarisasyon sa mga nayon at baryo. Mga magsasaka at manggagawa ang tahasang hinaharap ng mga baril ng sundalo. At may panunupil din sa mga pagawaan.
Saan ngayon babaling ang mga mamamayan kung ang pamahalaan na dapat sana’y magtatanggol sa kanilang mga karapatan ang mismong yuyurak dito?
Sa hanay ng mga manggagawa, patuloy pa rin ang pagwawalang-bahala ng management sa kanilang mga kahilingan hinggil sa pagpapabuti ng kundisyon sa paggawa, pagpapataas ng sahod, pagpapatupad sa mga batas-paggawa na may kinalaman sa dagdag na sahod at alawans sa pagbabalik ng karapatang mag,welga.
Sa paghahangad na kumita ng limpak, sinusupil ng management ang mga karapatan ng mga manggagawa at ipinagkakait dito ang tamang kalagayan sa paggawa at suweldo. Bukod dito, naging gawain na rin nila ang makipagsabwatan sa mga militar at iba pang awtoridad upang maipagpatuloy ang kanilang panlilinlang sa mga manggagawa.
Sa mga malalaking pagawaan ng dessicated coconut sa Lucena sunud-sunod ang isinagawang protesta ng mga manggagawa laban sa mga mapanlinlang na taktika ng management. Sa Red-V Coconut Products, isa sa pinakamalaking pagawaan ng niyog-desikada sa Pilipinas, nagdaos ng mahigit sa isang buwang welga ang mga manggagawang kasapi ng militanteng unyon sa pagawaan.
Ilan sa mga demanda ang pagtigil sa pakanang rotasyon kung saan ang mga manggagawa ay makapagtatrabaho lamang ng kaunting oras. Sa Inter-island Coconut Products, ganito rin ang sitwasyon kaya napilitan ang mga manggagawa na magpiket nang kung ilang linggo.
Isa sa pinakamalaking kilos-protesta ang inilunsad ng mga mangagawa ng Blue Bar Dessicated Coconut, Inc., Tiaong, Quezon. Mahigit sa dalawandaan ang tinanggal sa trabaho noong 1980, hindi kinilala ng management ang Collective
Bargaining Agreement, binale-wala ang Blue Bar Worker’s Union at nilabag ang PD 525 at 1713 (ang mga dekretong nagtatakda ng pagtaas ng sahod ng P 0.63 at P 2.10), diskriminasyon sa hanay ng mga manggagawa at pananakot sa mga ito.
Ang mga manggagawa ay naglunsad ng welga. Bilang ganti, ipinahuli at ipinakulong ng kompanya ang ilang lider at manggagawang kasapi sa unyon. Sa pakikipagsabwatan pa rin ng management sa ilang dilawang unyonista, nagawa ng management na patalsikin ang pangulo ng unyon at napasok ng ilang kakampi ng kompanya ang unyon. Sa panahong sing ito, dinukot at pinaslang ang isa sa mga tagapagsulong ng unyonism sa Bule Bar– si Petronillo Turnoc hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita ni labi man lamang.
Marami pang kaso ng karahasan ang naisasagawa ng pasistang puwersa ng estado. Sa mga nangangahas ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, ito ay maaring mangahulugan ng malupit na kamatayan. Sa mga nagsasawalang-bahala, matiisin, at natatakot na mga mamamayan, ibayo pang panunupil at pagyurak sa makataong karapatan.
Mahirap maging mausisa sa bayan natin…
Hindi maitatatuwa ang kahalagahan ng industriya ng niyog sa Pilipinas. Nagmumula rito ang walo sa bawa’t sampu ng mga produktong niyog sa pandaigdigang pamilihan. Ang mga produktong niyog ang pinakamalaking kumita ng dolyar sa lahat ng iniluluwas ng Pilipinas mula 1970. Noong 1978, nagawang sagutin ng kinita ng industriya ang 87% o $908 milyong panlabas na utang ng Pilipinas.
Bilang pagkilala ng pamahalaan sa kahalagahan ng industriya ng niyog, nagsulputan ang mga institusyong nangangalaga sa industriya. Nagkaroon ng PCA, COCOFED, UNICOM, COCOMARK, UCPB, at iba pa. Namutiktik sa letra ang industriya. Nguni’t sa dami ng mga institusyong may basbas ng pamahalaan upang mangalaga sa industriya, hindi napigilan ang krisis ng 1981.
Bumaba ang presyo ng langis sa pandajgdigang pamilihan. Bumagsak ang presyo ng kopra sa Pilipinas. Natutok ang pansin sa coco levy na pinanggagaljngan ng lahat ng pondo ng mga programa ng industriya. Aalisin ba o hindi? Nagturuan ang mga pulitiko. Naghatian ng mga kampo.
Pag inalis ang lebi, paano ang proyekto? Mawawala ang mga scholarships. Mawawala ang mga benepisyo. Lalong magkakagulo ang industriya.
Napakababa na ng presyo, kakaltasan pa ng lebi? Bakit pinababalikat sa mga magsasaka ang pagpapaunlad sa industriya ng niyog sa pamamagitan ng lebi samantalang hindi naman sila nakikinabang dito?
Sa loob ng isang taon, ang natatarantang pamahalaan ay pabagu-bago ng isip. Inalis ang lebi. Ibinalik ang lebi. Muling iaalis ang lebi. Nguni’t hindi lamang ang lebi ang isyu dito. Maraming bagay ang naungkat na hindi basta maibabaon na lang.
Sa Pilipinas nanggagaling ang malaking bahagi ng produktong niyog sa pandaigdigang pamilihan nguni’t hindi tayo makapagtakda ng presyo. Bakit para tayong nakatali sa sintas ng sapatos ng dayuhang mangangalakal?
Malaki ang kinikita ng industriya. Bakit naghihirap ang mga magsasaka at manggagawang lumilikha ng yaman nito? Sino bang talaga ang nakikinabang?
Bakit iilang tao ang nagpapalakad sa industriya? Mapapaunlad ba ito sa pa- mamagitan ng pagtatayo ng kung anu-anong institusyon?
Kung Saan nagsisiksikan apg mga puno ng niyog, planta ng langis, pabrika ng dessicated, naging maigting ang protesta.
Buwagin ang monopolyo sa industriya ng niyog!
Itayo ang tunay at demokratikong samahan ng mga magsasaka!
Itaas ang sahod ng mga manggagawa sa pabrika!
Isabansa ang mga plantang pag-aari ng dayuhang kapitalista!
Mahirap ang maging matanong sa bayan natin. Ang sagot sa mausisa ay pananakot, pandarahas… sa madaling salita, militarisasyon.
Ang init ay di maaaring ikahon …
Anupa nga at hindi naging hiwalay ang iba pang Lugar ng Timog Katagalugan sa haplit ng pasistang rehimeng Estados Unidos — Marcos. Maraming mga kaso ng militarisasyon ang sapilitang itinatago ng nabubulok na kaayusan. Samantalang ang iba’y napipilitang magpiring ng mga mata kahit umaayaw ang kalooban. Subalit ang init, kailan man ay di maaring ikahon sa habang panahon. Pilit itong sasabog.
Ang dugong Batangan ay may kasaysayan ng pakikipaglaban. Tulad ng sambayanang Pilipino laban sa kolonyal na mananakop na Kastila at Amerikano. Kung gayo’y may kasaysayan din ng hagupit ng kaaway. Tulad ngayon.
Mula pa noong Pebrero 1982, nagsimula na ang pananalakay ng Philippine Constabulary (ng 213th PC Coy ng Rehiyon IV na may punong tanggapan sa Camp Nakar, Lucena City, Integrated National Police (INP) at Civilian Home De- fense (CHDF) sa mga residente ng mga bayan ng Lobo, Taysan, Rosario, San
Juan at iba pang mga baryo sa Batangas City.
Ang mga naninirahan sa mga nasasabing lugar ay nakakaranas ng iba’t ibang porma ng pang-aabusong militar.Subalit ang pinakamasaklap, marami na ang napapatay sa salang “pinaghihinalaang NPA”.
Pinapanay ng mga militar ang pananakot at pandarahas sa mga Batangueno. Dalawang kaso ng pagpaslang o “salvaging” ang naitala ng Concerned Citizens for Justice and Peace (CCJP).
Ang mga biktima nang walang awang pag- patay ay Sina Loreto Balmes ng Bgy. Haybanga, Lobo, Batangas at Danilo Maderazo ng Bgy. Kalantas, Rosario Batangas. Ganoon din ang nangyari kina Antoni Garcia ng Laurel, Taysan, Ruben Acob at Magalena Closa ng Hanaw-Hanaw San Juan Batangas. Walang habas na binura ang kanilang ngalan sa mundo na hanggang sa ngayo’y di pa nabibigyan ng katarungan.
Kung kaso naman ng pang-aabuso at pagpapahirap, mahaba ang listahan. Tulad ni Maximo Guno ng Bry. Palakpak, Rosario, minsan na siyang hinabol ng umuulang bala. Napilitang lumipat ng tirahan ang pamilya upang makaiwas sa lupit ng militar.
Ganoon din si Conrado Maderazo ng Kalantas, Rosario. Muntik na siyang mamatay sa bala mula saisang “sniper” na militar.
Hindi na rin mabibilang sa daliri ang mga kaso ng “arbitrary arrests” pambubugbog, at tortyur. Mga pangalang pangkaraniwan tulad nina Nestor Mendoza ng Bry. Tulos, Rosario; Marianito Alcantara, Ninoy Delica, Victoria at Pedro Delica at Danilo Bayani ng Calumpit, Lobo; Maximo Asi, Atanacio Almares at Benito Asi ng Sto. Domingo, Batangas City.
Mga pangkaraniwang mamamayang walang limpak na salapi at lakas pampulitika upang lumaban sa korte. At sino nga ba ang nagmamay-ari ng mga korte sa Pilipinas? Kung hindi tunay na papet lamang at bahag naman ang buntot na ipagtanggol ang hustisya.
Maging ang mga organisasyong nagnanais tumulong sa mga kaawa-awang mamamayan ay pinipilit na magsawalang-bahala na lamang. May ilang nagtatangka. Tulad ng CCJP. Subalit noong Hunyo, inaresto ang dalawang madre, Sina Sister Zenaida at Sister Pilar ng Good Sheherd [sic] Sisters kasama ang tatlong kabataan, Sina Edith Bravo, Arnel Salvador at Marcelino Atentar. Pinagbintangan silang mga NPA. Ayon sa ulat, nakumpiskahan daw ng mga subersibong dokumento ang mga naaresto sa Batangas.
Sa katunayan, ang grupo ng CCJP ay nagtungo sa Taysan, malapit sa bayan ng Rosario dahilan sa balitang patuloy ang pang-aaresto ng ti-rga maralitang magsasaka. Umabot sa kanilang kaalaman na mahigit na sa dalawampung magsasaka ang idiniditine mula pa noong Pebrero. At napag-alaman din na ang mga magsasaka ring yaon ang mga nagpepetisyon sa kaso ng lupa laban kay Palacio, isang panginoong maylupa sa Taysan, Batangas.
Ito ang hanging nagdala sa CCJP sa lugar na yaon. At nahulihan daw sila ng mga “subersibong” dokumento. Ang mga “subersibong” dokumentong nakumpiska ay ang mga ulat at testimonya ng mga mamamayang inaabuso ng mga militar sa Taysan, Batangas, at mga kalapit lugar.
Sino ngayon ang subersibo?
Kung bakit pag may protesta ay may militarisasyon…
Mula hilaga hanggang sa timog ng Pilipias, isa-isang nagsulputan ang mga binhi ng pagtutol ng mga mamamayan sa pagmamalupit-militar. Unti.unti’y nabubuksan ang kanilang mga isipan sa kasalukuyan nilang mga suliranin at kalagayan.
Kabi-kabila ang kilos-protesta upang ang mga makataong karapatan na sa mahigit na sampung taon ay niyurakan ng pamahalaang nagpapasasa sa palasyo ng Malacanang. At sa bawat pagkilos na inilulunsad, tila mga agilang naghihintay ang mga unipormado at di- unipormadong militar. Maraming buhay na ang pumanaw dahil sa karahasang nagmula sa pagdetine. Tortyur, salvaging at masaker – laban sa mga mamamayan -at para sa pamhansang seguridad.
Nguni’t naitanong na ba natin sa ating sarili kung bakit ayaw pakinggan ng gobyerno ang mga hinaing ng maraming mamamayan? Bagkus ay pananakot kadalasan ang isinasagot nito? Kung bakit kahit pinakasimpleng pag-gigiit ng manggagawa o magsasaka sa kanilang karapatang mabuhay nang makatao ay ,tinatatakan kaagad ng salitang subersyon?
Ito kaya’y palatandaan ng pagkatakot ng gobyerno sa mismong mamamayan nito? Kung ating pagtutuunan ng kaukulang pansin ang tunay na kalagayan ng bansa sa ngayon, marahil ay mauunawaan natin ang mga kadahilanan.
Kamakailan lamang ay buong-pusong ipinagkaloob ni Marcos ang kayamanang-likas ng Pilipinas sa dayuhang pamumuhunan, partikular sa mga Amerikano. “Kung noo’y katawan lamang ng Pilipinas ang pinagsasamantalahan ng dayuhang kapitalista, noong Setyembre, pati kaluluwa nito’y isinangla na ni Marcos,” habang ang mga mamamayan at mga lider-unyong nasa bilangguan ay nagngingitngit sa nagdaang palabas.
Kapalit nito, muling ipinagkaloob ni Reagan ang suporta ng Estado Unidos sa pamamagitan ng “military aid” at pautang na napadagdag sa S 1 5.8B panlabas na utang ng Pilipinas. Nagwakas ang isang “friendly state visit” na nagkahalaga ng 20M dolyar sa lalong pagkalubog ng mga Pilipino sa kumunoy ng pagkakautang.
Ang ating pagkakautang kung tutuusin hanggang sa pagtatapos ng 1982 ay tinatayang aabot sa $ 18.8B. Kaya’t utang kaagad ang bubulaga sa pagsilang ng ating mga anak.
Ang ganitong kalaking pagkaka-utang ng Pilipinas ang siyang dahilan kung akit si Dr. Jose Rizal sa piso ay “unti- unti nang namamayat.” Kung ihahambing sa halaga ng piso noong 1972, pagkatapos ng sampung taon, ang halaga nito’y P O.25na lamang. Sapagkat nakatali ang ating bansa sa utang, may karapatan ang ating mga pinagkakautangang mangangalakal na tagapagtaguyod ng World Bank-IMF at namumuhunan dito sa Pilipinas na idikta ang magiging takbo ng ating ekonomiya.
Kaya naman ang ating oryentasyon ay magluwas ng mga hilaw na materyales na binibili nila sa murang halaga at tumanggap ng yaring produkto ng dayuhan. Ito rin ang nagtali ng piso sa dolyar. Kaya’t “laging nakasunod si Rizal kay Washington” kapag bumababa at tumataas
ang palitan nito.
Ang implasyon ay tumaas ng 11%. Kasabay nito ang pagbaba ng “gross national product” (o kabuuang halaga ngkita sa produkto at serbisyo ng bansa) sa 3.8% na lubhang napakababa upang mailigtas ng mga ekonomista ni Marcos ang ating bansa sa kahirapan. Kabaligtaran ang tunay na nangyayari, sapagkat mga dayuhan lamang at ilang Pilipino ang nagpapasasa sa buong yaman ng ating bansa.
Samantala, 85% ng kabuuan ng mga Pilipino ang hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw; hindi nakaka-bili ng dalawang pirasong damit para sa kanilang anak; walang kakayahang pagtapusin ang mga anak sa elementarya at walang kakayahang makabili ng mga kailangang gamit. Marami sa kanila ang kumikita ng hanggang 3,000 piso lamang sa buong isang taon. Sa kabuuang salita, 15% lamang ng ating populasyon ang hindi napapailalim sa poverty line.
Ang mababang kita ng mga mamamayan at kawalan ng mapagkakakitaan ang siyang patuloy na nagpapalayo ng agwat ng kakaunting mayayaman at nakararaming mahihirap. Sa isang bansang tinaguriang umuunlad, ito’y isang ‘ ‘bangungot sa katotohanan.”
Ang nakapagngingitngit na sitwasyon ng ating ekonomiya ay hindi maaaring itago sa mata ng publiko sa habang panahon. Sa harap ng pang-araw-aray na suliraning pangkabuhayan, unti-unting natutong magsuri ang taumbayan. Kaya’t upang masawata ito, kinakailangan ang isang pamumunong mapanlinlang. Sa sariling salita ni Marcos, ang kanyang pamahalaan ay nanghahawakan sa prinsipyo ng “awtoritaryanismong nakabatay sa konstitusyon”. Subali’t kasabay din daw itong naglaho nang tanggalin ang Batas Militar sa bansa.
Pero sino ang gustong makipaglokohan sa kanila? Samantalang bago pa man tanggalin ang Batas Militar (sa pangalan) ay sinadya na nilang maisatitik sa saligang balas ang awtoritaryanismo. Ito ang malinaw na kaso ng panlilinlang sa pamamagitan ng pagsasabatas o ,paglelegalisa ng panunupil. Nariyang palakasin at palakihin ang “emergency powers” ng pangulo sakaling malagay sa alanganin ang “pambansang (o kanyang) seguridad.”
Tinanggal na nga ang Arrest ang Seizure Order o ang nakapanginginig na ASSO narito naman ang Presidential Commitment Order (PCO) upang sagpangin ang sinumang malasing matawag na “subersibo”. Lumabas din ang National Security and Public Order Codes, na anumang detalye ay hindi ipinaalam sa mga tao. Sa panig naman ng paggawa, ipinagbawal ang karapatang magwelga ng mga manggagawa; maging ang magpiket ay bawal na rin; mga batas na pumapabor lamang sa mga may-ari ng kumpanya. Ilan lamang ito sa mga mapanupil na batas. Marami pang dekreto at batas-pambansa ang inaprubahan nang walang pa, tumangga sa Batasang Pambansa.
Kabila ng ganitong panlilinlang ng estado sa tulong ng ‘ ‘establishment media” hindi pa rin nasawata ang namumuong lakas ng kilos-protesta ng mga mamamayan. Kaya’t natural na “kapag di nakuha sa santong panlilinlang, kailangang daanin sa santong barilan.” Militarisasyon at Pasismo ang mga salitang dumadagundong sa apat na sulok ng Pilipinas. Magmula sa 60,000 tauhang-militar noong 1974, ngayo’y may 300,000 nang katao ang lakas-militar ng estado.
Bukod dito ang mga inarmasang sibilyan o Civilian Home Defense Force (CHDF), barangay brigade at mga kabataan. Kung ating titingnan, napakalaki ng sandatahang lakas ng estado para sa isang bansang wala namang panlabas na kaaway. Samakatuwid ay mismong sa mamamayan ginagamit ang mga militar na ito. Ang Ialo pang nakapagngingitngit dito ay sila pa ang binibigyan ng malaking badyet upang kaipala’y gamitin laban sa mamamayang siyang tagapagbayad ng buwis at tuwirang sumusuporta sa kanila.
Hindi nakapagtatakang bigyan ng pangunahing pansin ng estado ang militar sapagka’t ito ang siyang gulugod ng isang pasistang rehimeng tulad ng sa kasalukuyan. Kinakailangang “suyuin” palagi at bigyan ng malaking kapangyarihan ang militar upang patuloy na makapaghari ang mga nasa itaas. Ang labis na pagbibigay na ito ang siyang dahilan ng di-mabilang na pang-aabusong-militar sa bansa. At hindi maaaring pabayaan ng gobyerno ang sandigan ng lakas nito sapagka’t oras na talikdan ito ng mga sundalo, tiyak ang magiging pagbagsak nito.
Subali’t ang pinakamalaking salik sa pananatili ng naghaharing-uri sa kapangyarihan ay ang patuloy na pagsuporta ng Estado Unidos sa rehimeng Marcos kahit na bukambibig na ng mga mamamayan ang kalupitan nito. Napakalaki na ng “military aid” na naipagkaloob at ipagkakaloob ng gobyernong Amerikano sa kabila ng mga paglabag ng rehimen sa karapatang pantao ng maraming mamamayan.
Bukod dito ay patuloy ang pananatili ng mga base at instalasyong militar ng EU sa bansa na naglalagay sa ating bayan sa tiyak na panganib sa anumang panlabas na pagsalakay. Ito rin ay nagsisilbing isang banta sa sinumang magtatatangkang banggain ang kapangyarihang Amerikano.
Hindi tuloy malayong isipin na magmistulang isang Biyetnam ang Pilipinas kapag nagkaroon ng armadong tunggalian sa loob ng bansa.
Malaki ang papel na ginagampanan ng imperyalistang Estado Unidos sa kinabukasan ng rehimeng Marcos at sa iba pang katulad nito. Sapagkat kapalit nito ang walang sawang pakikjpagsabwatan nggobyerno upang tighawin ang pagkauhaw ng mga namumuhunang Amerikano sa limpak-limpak na tubo. Habang sa kabijang panig ay patuloy na nagdarahop ang maraming Pilipino. Sa mas malaking saklaw, kailangan ng EU ang ating bayan upang ipadama ang kanyang paghaharing-militar sa Asya at sa buong daigdig.Nguni’t sa kasaysayan, walang pamahalaang di-makabayan ang nabuhay nang matagal sa dulo ng baril. Unti-unti, ang puwersa ng nagkakaisang sambayanan ang siyang dudurog dito. [P]
0 comments on “Sa Timog Katagalugan: Kapag bala ang itinanim”