Tuwing Mayo Uno ay pinagdiriwang ang Araw ng Manggagawa, kung saan libo-libong manggagawa ang nakikilahok sa protesta sa lansangan upang ipabatid ang mga problemang kinahaharap ng mga manggagawa. Ang unang pagkilos ay naganap noong Mayo 1, 1903, kung saan 100,000 na manggagawang kasapi ng Union Obrero Democratica de Filipinas ang nag protesta at sumigaw ng “ Ibagsak ang Imperyalismong Amerikano!,” sa harap ng Malacañang.
Matapos 119 na taon ay patuloy pa rin ang pagpapahirap sa uring manggagawa. Patuloy pa rin ang kontraktwalisasyon na syang pumapako sa minimum wage na nasa pagitan ng P274.44 hanggang P353.67 sa CALABARZON, walang habas na panggigipit at pambubudol ng gobyerno at ng mga kapitalista sa mga manggagawa, at ang patuloy na paglabag ng mga ahensya ng gobyerno, tulad ng NTF-ELCAC, TF UGNAY na pinangungunahan ng AFP at PNP, mga mapagsamantalang kapitalista na syang lumalabag sa karapatang pantao ng mga manggagawa.
Dagdag sa malakas na kilusang manggagawa, ipinapakita ng kasaysayan ang malakas na pagtindig ng kabataan sa laban ng mga manggagawa. Noong Oktubre 1964, nakiisa ang mga estudyante sa hanay ng manggagawa tutol sa parity rights at pagtatag ng mga base militar ng US, sa harap mismo ng embahada nito. Tumuloy ang maalab na pagkilos sa ika-25 ng Enero sa susunod na taon noong dumugtong sa kanilang hanay ang mga pesante laban sa imperyalistang US at sintomas ng pyudalismo sa lipunan.
Malinaw na kailangang ipagpatuloy at bigyang buhay ang palabang diwa ng mga kabataang nagkaisa sa manggagawa’t magsasaka. Hindi nalalayo ang panawagan ng mga sektor na ito, bilang madaming kabataan ngayon ay napipilitang magtrabaho nang maaga habang tuloy na tinutulak sa kahirapan ang masang Pilipino.
Ang tanging katangian ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte ay madugo ang kanilang kamay. Sa ilalim ng mga rehimen nila, lalong lumala ang pagbaon ng Pilipinas sa utang at ang unang nakikinabang sa mga produkto at likas-yaman ng bansa ay dayuhang kapitalista. Sa kabilang banda, tinitipid—at kung tutuusin, lantarang binubulsa—nila ang nararapat na mapunta sa mamamayan.
Kung hindi man sa neoliberal na polisiyang ipinapatupad, mismong dahas ang tinututok sa mamamayang Pilipino. Hindi nalilimutan ng rehiyon ang pagpaslang sa mga aktibista at lider-manggagawa noong Bloody Sunday; at ang taktikang ito ay hindi rin bago noong namumuno sina Marcos at Arroyo. Kinikilala natin sa palapit na eleksyon ang pangangailangang harangin ang pagbabalik nina Marcos, Arroyo, at Duterte pati ang kanilang mga crony sa pwesto.
Habang pinapalawak ang hanay, matibay pa rin pinaninindigan ang panawagan para sa kabuhayan, karapatan at kalayaan. Napakahalagang panatilihin na nasa unahan ang laban ng manggagawa at ang masang Pilipino. Hadlangan ang pananatili at panunumbalik ng pasistang paghahari ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte! Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya! [P]
0 comments on “Pagtindig ngayong Mayo Uno”