News News Feature Southern Tagalog

Ang laban ng Batangas para sa makataong pamamahala

Sa gitna ng mga demolisyon at sapilitang pagpapalayas, kasabay pa ng panghaharas sa mga mamamayang tumitindig para sa kanilang karapatan, hiling ng mga Batangueño ang pagpapatupad ng mga maka-mamamayang polisiya at isang makataong pamamahala.

Mga salita ni Kyle Ramiel Dalangin

Karagdagang ulat nina Aira Domingo, Jonel Mendoza, at Aron Sierva

Babala: May banggit ng mga insidente ng karahasan

“Aming patuloy na panawagan ay ang pagwawakas sa pagpapatupad ng mga hindi maka-mamamayang proyekto’t nagsisilbi lamang para sa iilan. At ang pananagutan sa lahat ng may sala sa mamamayan!”

Ito ang pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Batangas sa isang eksklusibong panayam sa UPLB Perspective, kaugnay ng mga kontra-mamamayang polisiya at proyektong laganap sa probinsya.

Patuloy na ipinaglalaban ng mga mamamayan sa Batangas ang kanilang karapatang pantao, lalo na mula sa talamak na red-tagging at sa mga demolisyong sapilitang nagpapalayas sa maraming residente.

Ang mga panawagan laban sa mga isyung ito ay higit pang pinaingay ng mga Batangueño, lalo ngayong papalapit na ang eleksyon. Tatlong kandidato ang tatakbo bilang gobernador at dalawa naman bilang bise-gobernador. 

Ang independent candidate na si Praxedes “Freddie” Bustamante, Prudencio “Dacio” Gutierrez ng Nationalist People’s Coalition (NPC), at incumbent Gobernador Hermilando “Dodo” Mandanas ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) ang mga kakandidato sa posisyon na pagka-gobernador.

Samantala, nauna na ring nagpahayag ng pagtakbo bilang gobernador si Richard “Ricky” Recto na dati nang nanungkulan bilang bise-gobernador ng Batangas, subalit binawi niya ang kanyang kandidatura noong Abril 22  at isinumite ang kanyang notarized statement of withdrawal.

Matatandaang naglabas ng arrest warrant ang Batangas City Regional Trial Court (RTC) Branch 3 laban kay Recto dahil sa kanyang kaugnayan umano bilang mastermind ng pagbomba sa Batangas Provincial Capitol noong 2006. Noong 2014, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kaso laban sa kanya dahil sa kakulangan ng ebidensya. 

Magtutunggali naman bilang bise-gobernador sina Jose Antonio “Anton” Hernandez ng Partido Pilipino sa Pagbabago (PPP) at incumbent Bise-Gobernador Jose Antonio “Mark” Leviste II ng PDP-LABAN.

Sa gitna ng mga demolisyon at sapilitang pagpapalayas, kasabay pa ng panghaharas sa mga mamamayang tumitindig para sa kanilang karapatan, hiling ng mga Batangueño ang pagpapatupad ng mga maka-mamamayang polisiya at makataong pamamahala.

Proyekto kaysa tao

Kalsada ang kapalit ng mga pinapaalis na mamamayan ng Batangas dahil sa mga demolisyong isinasagawa upang magbigay-daan sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ganito ang nararanasang panggigipit ng mga mamamayan ng Sitio Maligaya, San Isidro Sur, Sto. Tomas, Batangas noong Marso 2022 matapos gibain ang mahigit 20 na tirahan upang maisagawa ang Malvar – Sto. Tomas Diversion Road. Ito ay sa kabila ng paglabag ng proyekto sa Republic Act (RA) 7279 o Urban Development and Housing Act dahil sa hindi pagbibigay ng kasulatan na naglalahad ng abiso at kompensasyon sa mga apektadong mamamayan (BASAHIN: Sitio Maligaya residents mobilize against demolition, eviction threats).

“Napag-alaman na kasama ang mga pananim sa mga sinira nang tambakan ito ng semento ng Revere Construction; kung kaya’t malaking dagok ito sa kabuhayan ng mga maliliit na manininda, at mga magsasaka na siyang may malaking ambag sa paglikha ng mga produktong kinakailangan ng lahat,” pahayag ng BAYAN Batangas ukol sa epekto ng proyekto sa kabuhayan ng mga mamamayan.

Ang Revere Construction & Supply Corporation ay ang contractor ng iba’t ibang proyekto sa Batangas kagaya ng paggawa ng CHB Lined Canal sa Lipa City at rehabilitation ng mga kalsada at tulay sa Tanauan City. Sinubukan ng Perspective na kunan ng pahayag ang korporasyon tungkol sa isyu, ngunit hindi pa sila nagbibigay ng tugon. 

“Sa bahagi naman ng Brgy. San Isidro Sur, nandito ang isa sa pinaka-masahol na proyekto para sa mga tao. Ika ng mga nakaupong barangay at city officials ay (non-verbatim) ‘Napakinabangan nyo na ang lupa, kaya umalis nalang kayo’,” ani pa ng BAYAN Batangas sa panayam.

Dagdag pa nila, pinipilit ang mga mamamayang ilipat sa relokasyong nagkakahalaga ng Php 350,000.00 na dating Php 400,000.00.

“Wala [nang] kahit na anong kapalit para sa sisirain nilang bahay at kung ano pa mang kagamitan ng naninirahan!” dagdag pa ng BAYAN Batangas.

(NAUUGNAY NA BALITA: 17 houses in Sto. Tomas, Batangas demolished to make way for road construction)

Ang mga residente ay nananawagang itigil na ang demolisyon at hayaan na silang manirahan sa kanilang lugar.

Ayon sa BAYAN Batangas, “Limpak-limpak na lamang ang mga sasakyan na sasagasa sa kalupaan, kabahayan, at kabuhayan ng mga residenteng mas importante naman kaysa sa mga makikinabang sa malalaki’t malalawak na kalsadang Malvar-Sto. Tomas Diversion Road sa ilalim ng Build! Build! Build! [BBB] Project!” 

Mobilisasyon ng mga mamamayan ng Sitio Maligaya.
Larawan mula sa Maligaya Homeowners’ Association / Facebook

Ang tagapamahala ng Regional Development Council (RDC) na nangangasiwa sa flagship projects sa ilalim ng BBB Program sa Timog Katagalugan (TK) ay si Gob. Mandanas.

(NAUUGNAY NA BALITA: What the Build! Build! Build! Program truly destroys)

Sinuportahan din ni Gob. Mandanas ang kandidatura ni Mark Villar para sa pagka-senador. Si Villar, na dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay nangakong ipagpapatuloy ang BBB Program para umano “makapagbigay ng trabaho” sa mga mamamayan. 

Sa kabila ng pahayag na ito, karagdagan pa sa sapilitang pagpapalayas sa mga mamamayan mula sa kanilang mga tirahan, matatandaang ang mga manininda at tsuper sa Batangas Pier ay nawalan ng hanapbuhay dahil sa development project.

Isinara ng mga tauhan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang yellow gate ng Batangas Pier, o kilala rin bilang Batangas International Port, sa Brgy. Sta. Clara, Batangas City noong ika-7 ng Mayo, 2021. Ito ay upang mabigyang-daan sa pagpapaunlad ng Batangas Provincial Livelihood Center (BPLC) (BASAHIN: Mga manininda, tsuper sa Batangas Pier, idinadaing ang kawalan ng hanapbuhay matapos sapilitang paalisin sa daungan). 

Ang BPLC ay parte ng Batangas Port Development Project at itinayo para bigyan ng pangkabuhayan ang mga residenteng napaalis sa kanilang mga tirahan dahil sa pagpapagawa ng Batangas Port noong 2003.


Matapos mabansagang white elephant” sa loob ng mahigit 10 taon, ipagpapatuloy ang proyektong ito at gagawing lugar na naglalaman ng pasalubong center, mga kainan, at VIP passenger lounge at hotel

Naglaan ng Php 200 milyon ang Batangas para sa proyektong ito kung saan pinangunahan ni Gob. Mandanas ang joint venture kasama ang Square Meter Trading and Construction Corporation. 

Gayunpaman, binigyang-diin ng BAYAN Batangas na ang pagkakaroon ng mga kantina at iba pang mga pamilihan sa loob ng PPA ay nagbubunsod sa “malaking hatian” sa bahagi ng mga manininda, kung kaya hindi sila nakatatanggap ng sapat na kita.

“Isa sa tampok na halimbawa ng kasalukuyang epekto sa pang-ekonomiyang kalagayan ng mga manininda ay ang pagkakalipat sa kanila sa mga relocation site labas sa Brgy. Sta. Clara; dahil kulang na nga ang maiuuwi na kita sa pamilya, ay bababawas pa ang mahal na pamasahe,” dagdag pa ng BAYAN Batangas.

Malaki rin ang negatibong epekto ng pagpapatayo ng BPLC sa kalikasan dahil ayon sa BAYAN Batangas, tinambakan ng lupa at semento ang isang malayang pangisdaan.

Mga maninindang apektado ng pag-develop sa BPLC.
Litrato mula sa Panday Sining Batangas / Facebook

Samantala, kaugnay ng mga usaping ito, kasama sa plataporma ni Bustamante bilang kandidato sa pagka-gobernador ang pagpapaunlad ng imprastraktura sa Batangas. Nais niyang isulong ang libreng pabahay para sa mga nangangailangan.

Si Gutierrez, na isa rin sa mga tatakbong gobernador, ay isang magsasaka, kaya malaking bahagi ng kanyang plataporma ang agrikultura at pangingisda. Kasama rito ang Competitive and Sustainable Agriculture, Livestock, and Fisheries Sector at pagbibigay ng pagsasanay at tulong sa kabukiran at palaisdaan para sa mga mangingisda at magsasaka sa tulong ng Department of Agriculture (DA). Ayon sa kanya, hindi nalalayo ang kanyang mga programa kay Bise-Presidente Leni Robredo kaya naman inihayag niya ang kanyang suporta para rito.


Umiikot din sa kalusugan, pangkabuhayan, edukasyon, at proteksyon sa kalikasan, buhay, at ari-arian ang plataporma ni Gob. Mandanas, kasama ang pagpapatayo ng mga tulay at kalsada. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang sapilitang pagpapalayas sa mga residente sa probinsya dahil sa mga proyektong ito.

Binigyang-diin din ng BAYAN Batangas na ang mga nakamit na ganansya ng mga mamamayan ay dahil sa kanilang paninindigan at pakikipaglaban.

“Mula noon, hanggang ngayon, ay walang maayos at tunay na maka-mamamayang proyekto na ibinubukas ang mga nakaupo; mula sa pam-probinsya hanggang pang-nasyunal na antas,” dagdag ng grupo. 

Pagharap sa takot at dahas

Hindi lang demolisyon ang nagdadala ng takot at dahas sa mga Batangueño. Sunod-sunod ding red-tagging ang naranasan ng mga progresibong mamamayan sa probinsya.

Isa sa pinakamadugong araw ng Linggo ang ika-7 ng Marso noong 2021 nang paslangin ang siyam na aktibista sa isinagawang COPLAN ASVAL o kilala rin bilang ‘Bloody Sunday’. Dalawa sa mga namatay ay sina Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista, mga miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA). (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).

Matapos dakpin ang mag-asawang Chai at Ariel, nakita ang kanilang katawan sa John Paul Funeral sa Nasugbu, Batangas.

Nakatakas man sa raid na ito, ang nakababatang kapatid ni Chai na si Alaiza Lemita ay patuloy na dumaranas ng panghaharas. Halos limang buwan matapos ang Bloody Sunday, inilabas ang subpoena laban kay Alaiza dahil sa umano’y “multiple attempted murder” (BASAHIN: Sister of Bloody Sunday victim subpoenaed for trumped-up ‘multiple attempted murder’ charge). 

Ang pamilyang Lemita ay mula sa sektor ng mga magsasaka at mangingisda na tumitindig para ipaglaban ang karapatan ng kanilang komunidad na manirahan at maghanapbuhay sa Hacienda Looc, Nasugbu, Batangas.

Sina Chai at Ariel Evangelista.
Larawan mula sa PAMANTIK-KMU

Matatandaang tumindig ang mga magsasaka laban kay SM Malls founder Henry Sy nang kamkamin nito ang 8,650 na ektarya ng lupa sa Hacienda Looc. Pinatayuan ni Sy ng Pico de Loro Resort ang lupa (BASAHIN: Nasugbu fishers’ homes ‘trashed’ by Henry Sy-linked company men).

Kasabay ng pagpaslang kay Chai at Ariel ang pagpasok naman ng mga pulis sa tirahan ni Lino Baez, coordinator ng BAYAN Batangas, sa Sto. Tomas, Batangas. Wala si Baez noong araw ng insidente ngunit sinasabing tinaniman ng mga baril at pampasabog ang kanyang bahay. 

Noong ika-6 ng Oktubre sa parehong taon, inaresto si Baez kasama si Willy Capareño, coordinator ng Anakpawis Batangas, sa Sariaya, Quezon. Pinawalang-bisa rin ng Tanauan City Regional Trial Court Branch 6 ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa kanya noong ika-25 ng Oktubre, 2021.

Iligal ding inaresto ang magbubukid na si Rolando “Lando” Obal at ang kasama nitong si Gilbert Orr matapos ang umano’y engkwentro sa pagitan nila at ng Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police (AFP-PNP) sa Brgy. Macalamcam, Rosario, Batangas noong ika-26 ng Mayo, 2021. Si Obal ay nananatiling nakakulong dahil sa kasong “frustrated homicide” at “illegal possession of firearms and explosives” habang si Orr ay hindi pa rin nakikita hanggang ngayon. 

Isang taong nakulong si Lamberto Asinas, isang sibilyang may-ari ng tindahan, matapos siyang i-red-tag bilang isang nakatataas na miyembro ng komunistang grupo. Inaresto si Asinas noong ika-17 ng Abril, 2020 sa Brgy. Bunducan, Nasugbu, Batangas. Noong ika-6 ng Mayo, 2021, pinalaya siya ng Nasugbu Regional Trial Court Branch 14 dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa kanya. Isa na rito ang patunay na si Jojo Castillo, ang umano’y kapitbahay na nagsumbong sa pulisya, ay hindi nakatira sa lugar ni Asinas. 

Harap-harapan namang ni-red-tag ang iba’t ibang progresibong grupo tulad ng BAYAN Batangas, Karapatan, at Gabriela sa online forum na inorganisa ng Philippine Air Force (PAF) Air Education, Training and Doctrine Command (AETDC). Tinawag din sa nasabing forum ang League of Filipino Students (LFS), Kabataan Partylist (KPL), Anakbayan, College Editors Guild of the Philippines (CEGP), Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), at National Union of Students of the Philippines (NUSP) bilang “NPA fronts. Ito ay ginanap sa ilang eskwela sa Batangas katulad ng Batangas State University-Pablo Borbon Campus, Canossa Academy Lipa, at Saint Joseph College of Rosario Batangas, Inc. 

Noong ika-10 ng Agosto 2021, tinawag ding “communist terrorist groups ang mga progresibong grupo tulad ng Anakbayan Batangas at LFS sa Facebook post na ginawa ng isang black propaganda page na “Humanidad”.

Sa isang Facebook post ng Anakbayan Batangas, sinabi nilang ang nagpalala sa patuloy na red-tagging at witch hunting sa mga progresibo ng Batangas ay ang paglagda sa “Stable Internal Peace and Security” Memorandum of Agreement sa pagitan ng mga opisyales ng lalawigan at AFP noong ika-10 ng Marso. Ang paglagda ay pinangunahan nina Gob. Mandanas at 2nd Infantry Division, Philippine Army Major General Greg Almerol.

Matatandaan na binigyan ng P 20-milyon na pabuya ang 11 na barangay sa Batangas matapos silang ideklara bilang “leftist-insurgent free”. Kabilang sa mga ito ang Barangay Patugo at Sukol, Balayan; Barangay Coral ni Lopez at Taklang Anak, Calaca; Barangay Talibayog, Calatagan; Barangay Lumaniag, Lian; Barangay Toong, Tuy; at Barangay Bulihan, Kaylawa, Looc, at Papaya, Nasugbu. (BASAHIN: Sa halip na ilaan sa kalusugan, DILG, NTF-ELCAC, nagbigay ng pabuya ng P20 milyon kada barangay para sa ‘peace, order’). 

Sa isang Facebook post, sinabi ng Anakbayan Batangas na ang termino ni Duterte ay sumasalamin sa rehimeng Marcos kung saan patuloy ang pag-atake sa mga aktibista. 

Matatandaang naglahad ng suporta si Gob. Mandanas kasama ang bise-gobernador na si Mark Leviste sa kumakandidato bilang presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kandidato bilang bise-presidente na si Sara Duterte-Carpio. Ayon sa kanya, ang pagkakaisa ang tamang mensahe ngayon.

Kasunod nito, nakatanggap ng batikos ang gobernador matapos niyang ipakita sa isang Facebook post, na ngayon ay burado na, ang kanyang pakikiisa sa ika-36 na anibersaryo ng EDSA People Power. Dahil dito, maraming mamamayan ang naglabas ng saloobin sa kanyang mensahe patungkol sa pagsuporta sa pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos habang sinusuportahan naman ang anak nito para sa pagkapangulo.

Sinubukan ng Perspective na kapanayamin si Gob. Mandanas at Bise-Gobernador Leviste, ngunit hindi pa sila nakapagbibigay ng tugon tungkol sa mga isyu ng demolisyon at red-tagging sa lalawigan.

Ash fall mula sa Bulkang Taal noong 2020.
Larawan kuha ni Juan Sebastian Evangelista

Pinsala ng Taal

Noong ika-26 ng Marso, itinaas ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal dahil sa pagbuga nito ng short-lived phreatomagmatic burst. Nasa 81 na pamilya o mahigit 200 na mamamayan ang lumikas dahil dito.

Sa isang eksklusibong panayam ng Perspective, inilahad ni Agoncillo Municipal Mayor Daniel Reyes ang mga tulong na napaabot at planong naisagawa para sa mga napinsala ng pagputok ng bulkan.

Ayon sa kanya, walang gaanong napinsala sa pagputok ng bulkan maliban sa iilang pananim. Wala ring naitalang nasugatan sa mga mamamayan. Nasa sampung evacuation centers ang 722 na pamilya o 2470 na indibidwal na napalikas. Ang iba ay nasa kani-kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa loob at labas ng munisipalidad. Hanggang ngayon ay wala pa ring nakakauwi sa kanilang bahay maliban sa mga residenteng nakatira sa mga lugar na may layong 10 km sa bulkan.

Mahigit 4,000 ang naitalang lumikas noong nag-alburuto ang Bulkang Taal ngunit bumalik din agad ang ilang residente matapos ang ilang araw, ayon sa ulat ng Manila Bulletin.

Binanggit din ni Mayor Reyes na ang Red Cross, NGOs, at ilang personalidad ay nagbigay din ng tulong kung saan ang iba ay diretso na sa evacuation centers at ang iba naman ay dumadaan sa donation hubs na ipinapamahagi ng LGU at Red Cross.

Hinggil sa kalagayan ng munisipalidad matapos pumutok ang bulkan noong nakaraang taon, nasa 80-85% na ang natatapos sa mga inaayos na nasirang bahay, kalsada, at imprastraktura ayon sa alkalde. Inilahad din ni Mayor Reyes na nagbigay ng mga materyales sa bubong, bakal, semento, at hollow blocks ang LGU para sa mga nasiraan ng bahay. Mayroon ding mga pribadong korporasyon na tumutulong direkta sa mga mamamayan ng Agoncillo.

Para sa mga nawalan ng kabuhayan, inilahad ni Mayor Reyes ang kanilang mga programa tulad ng trainings para sa mga magsasaka, pagbibigay ng lambat sa mga mangingisda, at mga itinayong organisasyon ng tahian.

Para naman sa kalakhan ng lalawigan, inilahad ng BAYAN Batangas na ang mga nakausap nilang Batangueñong bakwit ay hindi pa rin natitirhan ang mga bahay na ipinangako sa kanila.

“Ayon sa napakaraming bakwit na naaabot ng aming organisasyon, wala pa rin ang bahay na ipinangako sa kanila noong pagputok ng bulkan sa taong 2020. Hanggang sa ngayon ay nakatira sa mga tent at pinagtagpi-tagping kumot lamang ang marami sa kanila.”

Dagdag pa nila, ang mga pagkain at sasakyan na ibinibigay ng LGU sa mga bakwit ay galing lang sa donasyon na umano’y sapilitang ipinababagsak sa kanilang opisina.

“Kung kaya’t malinaw na nakikita ang kawalan ng kongkretong solusyon at tunay na serbisyo para sa mamamayan,” ani ng BAYAN Batangas.

Sa kanyang panayam sa Frontpage Online, sinabi ni Gob. Mandanas na bago pa pumutok muli ang Taal ay nakapaghanda na ng perang gagamitin para rito sa pamamagitan ng pagkuha ng loan sa Development Bank of the Philippines. Kasama rin sa kanyang plataporma ang pagpapagawa ng evacuation centers.

Samantala, isa rin sa mga plataporma ng kandidatong si Gutierrez ang pagtutuon ng pansin sa pagtugon sa kalamidad. Kasama rito ang pagkakaroon ng direct relief at long-term assistance para sa mga komunidad na apektado ng Bulkang Taal.

Sa kanyang panayam sa 95.9 RadyoTotoo, sinabi ni Gutierrez na nakausap niya ang mga residenteng naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkan. Ayon sa kanya, ang mga lugar na ibinigay ng gobyerno para sa relokasyon ng mga mamamayan ay malayo sa kanilang hanapbuhay.

“Hindi po komprehensibo kasi yung ginawang plano para po manatiling maging payapa at ligtas ang ating mga residente,” ani Gutierrez.

Ngayong nalalapit na ang halalan, nananawagan ang BAYAN Batangas na mapanagot ang lahat ng may sala sa mga mamamayan ng Batangas. Hiling nila ang pagbibigay-prayoridad ng pamahalaan para sa mga polisiyang tunay na magsusulong sa karapatan ng mga Batangueño.

“Aming patuloy na panawagan ay ang pagwawakas sa pagpapatupad ng mga hindi maka-mamamayang proyekto’t nagsisilbi lamang para sa iilan,” panawagan ng grupo. [P]

2 comments on “Ang laban ng Batangas para sa makataong pamamahala

  1. Pingback: Hindi natatapos sa halalan ang laban – UPLB Perspective

  2. Pingback: Mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON, nanguna sa Halalan 2022 – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: