Salita nina Toni Dimaano at Felipa Cheng
Sa Pilipinas, ang yaman na hawak ng 20 pinakamayamang indibidwal ay katumbas sa pinagsama-samang yaman ng pinakamahirap na 54 milyong Pilipino. Habang nadadagdagan ang yaman ng bilyonaryo sa Pilipinas, lalo namang naghihirap ang uring manggagawa.
Sentro sa layunin ng pag-uunyon ang malaya at malawak na paglaban para sa makatao at nakabubuhay na kondisyong pangtrabaho ng mga manggagawa. Ang unyon ang siyang kumakatawan sa mga negosasyon sa pagitan ng mga miyembro at ng pinamamasukan.
Kasaysayan ng KMU
Isinilang ang unyonismo sa bansa sa pagwawakas ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas noong 1989. Ang Union Obrero Demoratica Filipina ang kauna-unahang unyon sa bansa at sa pangunguna ni Isabelo Delos Reyes, ipinaglaban nila ang makatwirang sahod ng manggagawa sa mga planta ng tobacco.
Noong May 1, 1980, sa kasagsagan ng Martial Law ni Marcos, itinatag naman ang Kilusang Mayo Uno (KMU) upang itaguyod at palaganapin ang karapatan ng mga manggagawa sa buong kapuluan, sa pamamagitan ng “tunay, militante, at anti-imperyalistang unyonismo.”
Ang KMU ay produkto ng masigasig na pagkilos ng progresibong manggagawa upang ipaglaban ang kahirapang dinanas sa Martial Law ni Marcos. Maaalala pa nga noong Mayo Uno 1982, sa Labor Day address ng dating pangulo, sinabi niya na “[to] the elements of the labor movement…hindi kami nasisindak sa inyo…Pananagutin ko kayo sa inyong panlilinlang.” Pagdating ng Agosto ng parehong taon, inaresto ang 79-taong-gulang na lider-manggagawang si Felix Olalia kasama ang 13 na kasama. Ito ang una sa crackdown ng administrasyong Marcos sa kilusang paggawa.
Ang deka-dekadang laban kontra kontraktwalisasyon ay nagsimula rin sa panahon ni Marcos. Pinirmahan ng diktador ang Philippine Labor Code noong 1974, na pinayagan ang anim na buwang “probationary status” para sa mga empleyado. Sa ganitong paraan naiiwasan ng mga empresa ang pagregularisa sa kanilang manggagawa, kaya’t hindi nabibigyan ng sapat na benepisyo, insyurans, paid leave, at sapat na bonus ang mga empleyado. Nalilimitahan sila sa paulit-ulit na pag-renew ng kanilang anim na buwang kontrata.
Ngunit wala pa ito sa kalingkingan ng pandarahas na sinapit ng mga manggagawa sa ilalim ni Marcos, lalo na sa Timog Katagalugan (TK). Matatandaan ang mga manggagawang martyr mula sa mga probinsya ng TK gaya nina Noel Clarete, Ronilo Evangelio, Aurelio Magpantay, at Ismael Umali, o kilala bilang Lakbayan martyrs, na mga estudyante’t lider-manggagawa mula sa Batangas. Matapos dakipin sa Lakbayan, natagpuan ang kanilang pinira-pirasong katawan sa Cavite noong 1984. Si Florencio Pesquesa naman, isang magsasaka at lider-manggagawa sa Hacienda Inchian sa Laguna, ay dinakip noong 1979 at hindi na muling natagpuan.
Ang mga anti-manggagawang polisiya at crackdown sa kilusan sa ilalim ni Marcos ay hindi nalalayo sa kasalukuyang administrasyon ni Duterte.
Mga panawagan ng PAMANTIK-KMU
Ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno o PAMANTIK KMU ang “militanteng sentro ng paggawa sa Timog Katagalugan” ayon sa kanilang Facebook page. Ipinagmamalaki ng kilusan ang tunay, militante, at anti-imperyalistang unyonismo na matinding pinaglalaban ang kontraktwalisasyon sa bansa. Sa rehiyon ng Timog Katagalugan (TK), lampas lamang sa 3% ng manggagawa ang unyonado. Gayunpaman, may 2,274 na unyong kumakatawan sa halos 200,000 manggagawa sa rehiyon.
Ngayong Mayo Uno 2022, una sa panawagan ng Pamantik KMU ang pagtutol sa mga repormang nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, regularisasyon at pagsasabatas ng P750 national minimum wage, hustisya para sa mga biktima ng Bloody Sunday, at ang pagbuwag ng NTF-ELCAC.
Sa kasalukuyan, may tatlong kinikilalang batas ang kilusan na nagdudulot ng pagsirit ng presyo ng bilhin at pagpapahirap sa manggagawa: ang RA 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law), ang RA 11213 o Amnestiya sa Buwis ng Lupa, at RA 11346 na nagbibigay dagdag-buwis sa sigarilyo at katulad na produkto. Para sa manggagawa ng TK, hindi kinikilalang tunay na ‘reporma’ ang mga batas na ito, kundi mga oportunidad para sa mga empresa na magpiga ng tubo.
Ang epekto nitong mga batas na nagdagdag presyo sa mga bilihin ay tumutulay sa pang araw-araw na pamumuhay ng maralita. Ang ‘reporma’ na hinahain ng TRAIN law ay hindi reporma para sa karaniwang tao, kundi reporma para pondohan ang Build Build Build program ni Duterte, na negatibong nakaaapekto sa hanapbuhay, lalo na sa uring manggagawa. Halimbawa na rito ang reclamation projects na nagbabanta sa kabuhayan at komunidad ng mga mangingisda sa Cavite, at ang pagtigil ng operasyon ng mga dyip at pagpapalayas sa manininda sa Batangas Pier para sa isang development project.
Mga banta sa manggagawa ng Timog Katagalugan
Matapang din na tinutulan ang pananakot, panghaharas, at pag-reredtag ng NTF-ELCAC sa mga unyon ng manggagawa. Para sa mga manggagawa sa Laguna, hindi na bago sa kanila ang makatanggap ng “bisita” mula sa mga tauhan ng AFP at NTF-ELCAC. Noong nakaraang taon, sa kalagitnaan ng krisis ng COVID-19, sunod-sunod ang pagbisita ng NTF-ELCAC sa mga bahay ng miyembro ng unyon ng Wyeth Philippine Progressive Workers Union (WPPWU) sa Canlubang at Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) sa Cabuyao. Pinilit ng NTF-ELCAC ang mga lider-manggagawa na “sumuko” at itinulak silang tumiwalag sa KMU.
Paliwanag ng WPPWU, labag sa kanilang karapatan ang pagpupumilit sakanila ng PNP na tumiwalag sa KMU. Dagdag ng unyon, ang KMU ay kakampi nila sa panawagan ng pagpapataas ng sahod at benepisyo sa manggagawa, kaya’t wala silang dahilan upang tumiwalag sa organisayon.
Pahayag din ni Mary Ann Castillo, ang Presidente ng NPIWU, “we were wrong to think that COVID-19 is the biggest threat to our lives right now.” Lalo na’t ang mga bisitang ito ay nangyari ilang buwan lang ang nakalipas matapos ang Bloody Sunday o COPLAN ASVAL, kung saan pinaslang ng PNP ang siyam na lider-manggagawa at aktibista sa rehiyon ng CALABARZON, at kay Dandy Miguel tatlong linggo paglipas ng Bloody Sunday.
Nakakapangilabot, ngunit mahalagang balikan ang marahas na pagpaslang kina Manny Asuncion sa Cavite, sa mag-asawang mangingisda na sina Chai at Ariel Evangelista sa Batangas, maralita at aktibistang sina Melvin Dasigo, Mark Bacasno, Edward Esto at Abner Esto sa Rizal, at sina Puroy at Pulong Dela Cruz na miyembro ng mga Dumagat na matagal nang tinututulan ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam.
Gaya ng mga banta ni Marcos noong 1982 sa mga manggagawa ng bansa, tinupad din ni Duterte ang utos na nanggaling mismo sa kanyang bibig, “I will kill you.” Ngunit ngayong Mayo Uno 2022, nakita na lalong tumindig ang masang Pilipino upang singilin at panagutin ang presidente sa paglabag sa karapatan ng manggagawa.
Mayo Uno 2022: “Masang anakpawis, biguin ang tambalang Marcos-Duterte”
Kahit na desentralisado ang mga Martsa ng mga Manggagawa sa iba’t ibang probinsya ng Rizal, Laguna, Davao, Cebu, Pampanga, Iloilo, Bacolod, Camarines Sur, at Baguio, makikitang iisa ang kanilang tinig – ang pagwawakas sa tambalang Marcos-Arroyo-Duterte sa papasok na eleksyon.
Nais ng kilusang paggawa na panagutin si Duterte sa mga naturing isyu – ang kahirapan at pang-aapi na dinanas ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng kanyang administrasyon, partikular sa mga patakaran na kaninang nabanggit na pabor lamang sa maliit na populasyon ng burgesya at panginoong maylupa, ang napakong pangako ng dagdag sahod, ang patuloy na pag-iral ng kontraktwalisasyon, kawalan ng tunay na repormang agraryo sa bansa, at ang paglaki ng bilang ng extra-judicial killings at red-tagging sa mga indibidwal at mga unyon. Klaro, malakas, at nagliliyab ang panawagan ng mga manggagawang ipaglaban ang kanilang karapatan sa sapat na sahod at ligtas na kondisyong paggawa, ang kanilang kaligtasan laban sa mapangahas na estado, at ang paninigurado na hindi manunumbalik ang mga administrasyong nagdulot ng kanilang paghihirap. [P]
0 comments on “Maikling Talakayan sa Kilusang Mayo Uno”