News

Pagtulak sa ligtas na balik-eskwela at paglaban sa krisis sa edukasyon, tututukan ng Kabataan Partylist

Sa panayam ng [P] Live kay Kabataan Partylist First Nominee Raoul Manuel, isinusulong ng partylist ang kanilang mga plano para sa edukasyon gayundin sa kalusugan, hanapbuhay, at trabaho para sa mga kabataan.

Mga salita ni Shelow Monares

Plano para sa ligtas na balik-eskwela at suporta sa mga mag-aaral, tugon sa pandemya at pangkabuhayan, pagtiyak sa kapakanan at kaligtasan ng mga kabataan: ang mga ito ang bibigyang prayoridad ng Kabataan Partylist (KPL) sakaling maluklok muli para sa kanilang ika-anim na termino sa Kongreso ngayong eleksyon.

Sa panayam ng Today’s Rundown kay Kabataan Partylist National President at First Nominee Raoul Manuel, inilatag niya ang partikular na mga plano ng partylist ukol sa matagal nang ipinapanawagang ligtas na pagbabalik-eskwela at ang samu’t saring isyu sa edukasyon na mas pinalala pa ng pandemya. 

Kabilang dito ang lumalalang pagkalat ng disimpormasyon at ang naganap na budget cut ng Commission on Higher Education (CHED) na nagresulta sa pagsuspende ng scholarship grants para sa susunod na akademikong taon. 

Ang Kabataan Partylist ang una at natatanging tunay na representasyon ng mga kabataan sa Kongreso. Sa nakalipas na dalawang taon, nasa mahigit 700+ ang mga panukalang batas na naihain nila sa kongreso. Naipasa rin nila ang mga batas tulad ng Free College Education Law na nagbigay oportunidad sa mga estudyanteng Pilipino na makapagtapos sa kolehiyo sa pamamagitan ng libreng tuition sa mga State Universities and Colleges (SUCs).

Bukod sa edukasyon, mga plano sa iba’t ibang isyung panlipunan rin ang nakapaloob sa mga plataporma ng partylist.

Nakasaad dito ang pagpapalawak ng mga serbisyong panlipunan sa gitna ng pandemya, tulad na lamang ng mga libreng testing at pagpapababa sa singil ng mga batayang serbisyo. Kabilang din ang trabaho para sa lahat, pagsulong ng tunay na repormang agraryo, pagwakas sa tiraniya, paglaban sa pambansang soberanya, pangangalaga sa kalikasan, at pagkakapantay-pantay ng kasarian at paglaban sa diskriminasyon. 

“Yun ay isang magandang foundation upang matulungan nating mapagtagumpayan ang ating 9-Point Youth and People’s Agenda. Kasama na do’n ang edukasyon, kalusugan, hanapbuhay, at trabaho para sa kabataan at siyempre ang ating democratic rights,” giit ni Manuel.

Sa isinagawang mock elections ng UPLB sa pamamagitan ng UPVote noong ika-10 ng Pebrero, nanguna ang Kabataan Partylist na nakapagtala ng 972 boto mula sa 1712 mag-aaral, faculty, at Research, Extension, and Professional Staff (REPS) ng UPLB.

Pagsulong sa ligtas na balik-eskwela

Itinanong din kay Manuel ang plano ng partylist upang maituloy ang ligtas na pagbabalik-eskwela nang hindi nalalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga mag-aaral at guro. Kaugnay ito ng paulit-ulit na pagpapaliban ng pagbubukas ng mga paaralan sa bansa dulot ng nagsusulputang bagong variants ng COVID-19.

Mungkahi ng KPL ang pagpasa ng House Bill 10398 o ang “Safe Schools Reopening Bill na inihain sa kongreso ni Rep. Sarah Elago noong ika-21 ng Oktubre ng nakaraang taon. Kasama ang “Php 10k Student Aid Bill” at “Review of K-12 Program”, ang panukalang batas na ito ay kabilang sa tatlong pangunahing panukalang batas na isinusulong ng partylist sa larangan ng edukasyon.

Sa ilalim ng panukalang batas na ito, isinusulong ang implementasyon ng unti-unting pagbubukas ng mga paaralan sa pamamagitan ng paglatag ng malinaw na framework sa tulong ng National and Inter-agency Task Force for COVID-19 at paglaan ng sapat na badyet upang mapondohan ito.

“Kinompute natin ano ba ang mga kailangan upang masabing ‘ligtas’. Kasama diyan ang ventilation sa mga campuses, suplay ng mga bus, at iba pang mga measures. Yung mga clinic, sanitation facilities na dapat ay matagal nang nandiyan, nilista natin iyan lahat tapos kinompute natin magkano ang kailangan,” giit ni Manuel. 

Partikular ring nakasaad sa panukalang batas ang patuloy na testing para sa mga mag-aaral at guro na dapat sakop ng PhilHealth, pondo para sa libreng gamot, pagbibigay ng sapat na pasilidad at suplay tulad na lamang ng mga health and safety facilities at libreng face masks at alcohol, at pagdadagdag ng Human Resources for Health sa bawat paaralan. 

Sa bahagi naman ng mga guro, isinusulong ang pagbibigay ng mga kagamitan at sapat na Internet allowance, 25% overtime premium upang mapunan ang karagdagang 77 na araw na ilalaan ng mga guro sa kaugaliang 220 working days sa isang school calendar year, hazard pay para sa mga teaching and non-teaching personnel upang matumbasan ang mga banta sa kalusugan habang sila ay nagtuturo, at overload pay upang matumbasan ang karagdagang workload na lampas sa kanilang regular na workload.

Nasa kabuaang 184 bilyon para sa mga pampublikong institusyon habang nasa 17 bilyon para sa mga pampribadong institusyon ang mungkahing badyet ng partylist sa Department of Education (DepEd), CHED, at Department of Health (DOH) upang maitulak ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. 

Ang roadmap ukol sa ligtas na pagbabalik-eskwela na nakasaad sa panukalang batas ay ginawa ng iba’t ibang organisasyon sa buong bansa.

Kaugnay rito, isinaad din ng KPL na nararapat lamang agad na mabayaran na ng angkan ng mga Marcos ang P203 bilyon na hindi pa nababayarang estate taxes. Ang halagang ito ay sapat na matutustusan ang pangagailangan sa pondo para sa ligtas na pagbabalik-eskwela. 

“The P203 billion unpaid Marcos estate tax is more than enough to provide for the 184 billion pesos needed to ensure retrofitted campus facilities, health services and personnel among other requisites to safely open schools for physical learning amid pandemic,saad ni Manuel sa isang ulat. 

[“Ang hindi nababayarang P203 bilyong estate tax ng mga Marcos ay higit pa sa sapat upang tustusan ang P184 bilyon na kailangan upang matiyak ang mga na-retrofit na pasilidad ng kampus, serbisyong pangkalusugan at mga tauhan bukod sa iba pang mga kinakailangan upang ligtas na magbukas ng mga paaralan para sa pisikal na pag-aaral sa gitna ng pandemya.”]

Ayon sa UNICEF, ang matagalang pagsasara ng mga paaralan at paghinto sa mga harapang aktibidad ay nakaapekto sa higit 27 milyong mag-aaral ng bansa. Mas malinaw ang epekto nito sa nakikitang paglawak ng educational gap at paglala ng krisis sa edukasyon. 

Sa pinagsanib na ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), at World Bank na “Where are We on Education Recovery?”, ang Pilipinas ay ang may pinakamahabang panahon ng pagsasara ng mga paaralan sa 122 bansang sakop ng ulat. 

“Schoolchildren around the world have missed an estimated two trillion hours – and counting – of in-person learning since the onset of the pandemic and subsequent lockdowns,” pahayag ng UNICEF.

[“Nakaligtaan ng mga mamamayan sa buong mundo ang tinatayang dalawang trilyong oras – at binibiliang pa – na harapang pag-aaral mula nang magsimula ang pandemya at sunod-sunod na lockdowns.”]

Sa parehong ulat, isiniwalat rin na hindi aabot sa 10 porsyento ng mga mag-aaral sa Pilipinas ang nakakaintindi ng simpleng kwento o nakakabasa ng simpleng teksto. 

Hindi lamang sa larangan ng edukasyon ngunit pati na rin sa kalagayang pang-ekonomiko nakakaapekto ang pagsasara ng mga paaralan. Ayon sa ulat ng Social Weather Stations (SWS), nasa 40% ng mga mag-aaral ang walang kagamitan upang makatulong sa distance learning

Malaking suliranin din ang Internet accessibility sa bansa. Ayon sa TIME na sumangguni sa datos mula sa World Bank, nasa 52.6% ang mga Pilipinong nakatira sa mga kanayunan at nahihirapang maka-access ng stable internet connectivity.

Pinuna rin ni Manuel ang aniya’y blanket approach na tugon ng gobyerno sa krisis ng edukasyon sa pandemya. Bagama’t hinihikayat ang pagpapabakuna, dapat bigyang tuon rin ng gobyerno ang iba pang mga plano upang masolusyonan ang lumalalang mga problema sa edukasyon.

“Yung gobyerno natin, sobrang fixated niya dun sa vaccine. Tayo ini-encourage natin yung vaccination ngunit it’s just one part of the whole COVID response. Hindi lang pwede doon nakatutok dahil sa buong bansa, 57% palang ng population ang bakunado,” aniya ni Manuel.

Tinalakay rin ang mga hamon ng mga mag-aaral ng UPLB ukol sa mahigpit na pagproseso ng mga dokumento na kinakailangan isumite upang makapag-apply para sa face-to-face classes

Matatandaan nitong Pebrero lamang ay 81 undergraduate at graduate na mga mag-aaral ng UPLB ang kabilang sa inaprubahang makapag-limited face-to-face activities para sa ikalawang semestre ng akademikong taon na ito.

Critical ‘yong pag-complete ng documents; talagang napakahirap kaya ‘yong iba [estudyante] nag-back out na lang. Not necessarily pinili, basta graduating okay na ‘yon but at the same time, they have to comply with the requirements kasi ‘yon ang hinihingi ng CHED,” saad ni Dr. Analyn Codilan, ang Ad Hoc Committee chair ng Gradual Reopening and Conduct of Limited F2F Activities sa UPLB (BASAHIN: 81 UPLB students approved for limited face-to-face activities).

Ani Manuel, ang mga ganitong kahigpit at patong-patong na requirements ay resulta ng kapabayaan at kawalan ng pananagutan ng gobyerno.

“Ang mga ganong sobrang higpit at patong-patong na mga requirements para makatuloy tayo sa limited F2F [face-to-face], parte kasi iyan ng sobrang pagpapabaya ng national government. Ang accountability sa schools mapupunta. Mapupunta sa students ang burden,” giit ni Manuel.

Suliranin sa scholarship grants at tuition fee increase

Pumutok din noong Pebrero ang pansamantalang pagpapatigil ng CHED sa kanilang Student Financial Assistance Program (STU-FAP) dahil sa kakulangan ng pondo. Ito ay makakaapekto sa mga papasok na first-year college students sa susunod na akademikong taon.

Mainit din ang pag-apruba sa sunod-sunod na tuition fee increase ng mga malalaking pribadong unibersidad sa bansa. 

Sa mga suliraning ito, hinikayat ni Manuel ang kabataan na makisangkot sa pagtulak sa ating mga panawagan sa edukasyon, “Sa mga isyu na ito, dapat talaga sa ating mga kabataan, mas call ito sa atin na itulak pa ang karapatan sa edukasyon.” 

Kinundena rin ni Manuel ang kapabayaan ng gobyerno na magtaas ng tuition fee sa gitna ng pandemya at budget cut mula sa CHED.

“Kung totoong ika-cut yung budget for CHED scholarships, bakit niya hahayaan ang mga paaralan kahit ngayong pandemic na magtaas ng fees? And hindi ito yung mga maliliit na private schools, large private schools na ang mga nagmamay-ari ay yung mga capitalist educators. With that, wala talagang aasahan sa Duterte admin,” aniya ni Manuel.

Sa kabila ng budget inadequacy, may laan namang 17.1 bilyon na budget ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pangunahing nang-reredtag sa mga progresibong grupo at mga lider-estudyante.

Pagsugpo sa fake news, disinformation, at red-tagging

Sa nalalapit na krusyal na pilian ngayong ika-9 ng Mayo, mas dumadami ang mga nabibiktima ng mga maling impormasyon. Ang ganitong mga pagpapakalat ng mga fake news at disinformation ay nagreresulta rin sa pagkalat ng historical revisionism. 

Krusyal na masugpo ang historical revisionism lalo na sa malakas na banta ng pagbabalik ng isang Marcos-Duterte na rehimen. 

Sa isang analysis na iniulat ng Rappler noong 2019, iginiit kung paano ginamit ng mga Marcos ang Facebook pages, Youtube channels, at influencers upang patuloy na baguhin ang mga pananaw ng mga tao, igiit ang “golden era” sa panahon ni Ferdinand Marcos, Sr., at kalaunan ay umangat muli sa politika. 

Marami sa mga pahayag na ito ay napatunayang walang katotohanan at tinanggal sa Facebook sa ilalim ng “spammy content” at “coordinated inauthentic behaviour”.

Mungkahi ni Manuel ay parehong short-term at long-term na solusyon upang labanan ang pagkalat ng maling impormasyon.

“Sa short term, dapat talaga maging systematic ang ating efforts upang i-debunk yung mga kasinungalingan nila. On the long-run, ayusin ang educational system. We can’t expect na matuturuan yung mga tao ng maayos na kasaysayan kung mismo yung educational system ‘di niya binibigyan ng pansin yung kasaysayan,” dagdag ni Manuel.

Matatandaang noong 2014, sa ilalim ng DepEd Order No. 20, S. 2014, tinanggal ang Kasaysayan ng Pilipinas na dating tinuturo sa first year high school at pinalitan ng Araling Asyano.

Depensa ni Education Secretary Leonor Briones noong 2017 na “naturally-integrated” na ang mga diskusyon sa mga kaganapan ng ating kasaysayan sa ibang asignatura.

Ngunit, hindi makikita sa competencies sa Araling Panlipunan (AP) ang kasaysayan ng Pilipinas. Mula Grade 7 hanggang Grade 10, nakapokus ang AP sa Araling Asyano, Kasaysayan ng Daigdig, Ekonomiks at mga Kontemporaryong Isyu ngunit hindi binanggit ang Philippine History na dating kabilang sa AP.

Noong Nobyembre 2021, naglabas ng pahayag ang Teacher’s Dignity Coalition (TDC) at sinabing ang desisyon na pagtanggal sa Philippine History ay isang “strong statement that our people’s struggle for freedom, justice and equality is not significant, and need not be remembered let alone learn from.”

[“Isang malakas na pahayag na ang pakikibaka ng ating bayan para sa kalayaan, katarungan at pagkakapantay-pantay ay hindi makabuluhan, at hindi na kailangang alalahanin at matuto mula dito.”]

Let it be said, over and over again: a grateful nation must not forget its past,” giit ni TDC National Chairperson Benjo Basas. 

[“Sabihin nang paulit-ulit: ang isang mapagpasalamat na bansa ay hindi dapat makalimot sa nakaraan.”]

If we forget about our past, we can forget all about our future,” dagdag ni Basas.

[“Kung kakalimutan natin ang nakaraan, maaaring makalimutan natin ang lahat sa hinaharap.”]

Sa papalapit na halalan, lalo pang itinutulak ng TDC ang panunumbalik at pagbabalik ng Philippine History sa lahat ng antas. 

Mariing kinondena ng iba’t ibang progresibong grupo ang insidente ng red-tagging sa mga tagasuporta ng tambalang Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan matapos ang kanilang campaign rally sa Cavite noong Marso na dinaluhan ng halos 50,000 katao.

Nagbigay naman ng saloobin si Manuel lalo na’t kabilang ang Kabataan Partylist at iba pang mga progresibong grupo ay madalas ring biktima ng red-tagging mula sa mga pwersa ng estado.

“Ang pinakamabisang panabla natin sa red-tagging ay mismo paano tayo nagpaparami sa ating mga progressive organizations at sa mga rally natin”, diin ni Manuel.

Kaugnay nito ay bahagya ring napag-usapan ang tila’y pag-i-“snob” ng ilan sa mga supporters ni Vice President Leni Robredo sa pag-endorso ng Makabayan bloc sa tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan. 

On our part, yung Kabataan Partylist kasama ang ibang mga progressive partylist sa Makabayan bloc and inendorse natin si Neri Colmenares at “Ka Bong” Labog, tuloy pa rin ang endorsement natin diyan…habang may cooperation tayo sa fellow ‘Kakampinks’ on the basis sa issues na pinagkakaisahan at yung pag-prevent sa pagkapanalo ng Marcos-Duterte tandem,” giit ni Manuel.

Hiniling rin ni Manuel ang suporta mula sa buong komunidad ng UPLB gayundin ng Southern Tagalog. Ani Manuel, hindi lamang sa mga suliraning pangkabataan nakikisangkot ang partylist ngunit pati na rin sa mga iba’t ibang isyung panlipunan.

“Tayo lang ang natatanging kinatawan ng kabataan sa kongreso. Hindi lang tayo boses ng kabataan, may say rin tayo sa maraming issues ng mamamayan,” saad ni Manuel. [P]

1 comment on “Pagtulak sa ligtas na balik-eskwela at paglaban sa krisis sa edukasyon, tututukan ng Kabataan Partylist

  1. Pingback: Olivar, Ac-ac to lead 2023 UPLB USC roster Students demand resols, accountability amid issues – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: