News Southern Tagalog UPLB News

‘Palaban at makabayan’: UPLB USC, pinangunahan ang Halalan 2022 presscon upang ilatag ang mga plano bago at matapos ang halalan

Pinanawagan ni dating tagapangulo Fernando Balmaceda na magpatuloy sa paglabas sa lansangan pagkatapos ng eleksyon dahil tuloy-tuloy ang pagsusulong ng ating kilusan upang ipanalo ang tunay na makabayang pagbabago.

Mga salita ni Mark Angelo Fabreag

Nagpatawag ng press conference noong ika-5 ng Mayo ang mga nagdaan at kasalukuyang konseho ng mga mag-aaral ng UPLB upang mapagpulungan ang Eleksyon 2022 at ang mga hakbang matapos nito.  

“Iguhit na natin ngayon ang pagpapatuloy ng mga adbokasiya para sa susunod pang anim na taon,” pahayag ni Fernando Balmaceda, dating tagapangulo ng UPLB University Student Council (UPLB USC) taong 1989-1990.

Binigyang-diin ng dating tagapangulo ng UPLB USC taong 2017-2018 na si Charm Maranan na noon pa ma’y malaki ang naging papel ng estudyante, guro, at buong komunidad ng UPLB sa iba’t-ibang pagkilos na humubog sa kasaysayan.

“Napakaraming dugo ang nasayang, napakaraming buhay ang kinitil, at maraming mamamayan ang patuloy na pinapahirapan ng kasalukuyang sistema. Nagkakaisa ang estudyante ng UPLB upang makamit ang hustisya at ipahayag ng ang kalayaan,” ani Maranan.

Isa lang sa pagkilos na ito ang pagsusulong ng protesta ng sangkaestudyantehan laban sa unilateral termination ng UP-DND Accord, na nagtatanggal sa kalayaan ng Unibersidad mula sa pamamasok at pangingialam ng mga pwersa ng estado (BASAHIN: UP-DND Accord is unilaterally ‘terminated.’ UP community strikes back).

Kasama rin ang daan-daang estudyante ng UPLB sa mga nasyonal na pagkilos laban sa pagpapatalsik sa nahatulang dating Pangulong Erap Estrada at dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.  

“Ito [eleksyon] ang pagkakaisa ng iba’t-ibang panahon ng alingawngaw ng huling sigaw ng lahat ng kabataang estudyante na dinukot at pinaslang. Ito ang pag-asa sa pangakong  gobyenong tapat at tunay na magsisilbi sa sambayanan,” paliwanag ni Siegfred Severino, kasalukuyan at ika-42 na tagapangulo ng UPLB USC.

Pinapanawagan ni Severino na ang pagkakaisa ay paninindigan para sa tunay na makabayang representasyon ng sambayanang Pilipino sa gobyerno at sa paglaban sa rebisyonismo ng kasaysayan.

Ngayong panahon ng eleksyon, nagkalat ang fake news, at pagtatangka sa pagbaluktot ng kasaysayan, lalo na kaugnay ng panahon ng Batas Militar sa bansa.

Kaya naman maraming midya, unibersidad, organisasyon, abogado, at pinuno ang bumuo ng maraming fact-checking coalition na nagsikap na harangin ang napakaraming disimpormasyon sa nakaraang halalan. 

Inulat ng fact-checking coalition na Tsek.ph na halos kalahati ng mga ito ay target ang kasalukuyang Bise-Presidenteng si Leni Robredo at pinakikinabangan naman ni dating Senador Bongbong Marcos Jr., na ngayo’y nangunguna sa unofficial and partial tally ng mga boto.

“Hindi tayo magpapakulong sa blind loyalty, ang loyalty dapat natin ay sa sambayanan,” dagdag pa ni Severino.

Pinanawagan naman ni dating tagapangulo Balmaceda na magpatuloy sa paglabas sa lansangan pagkatapos ng eleksyon dahil tuloy-tuloy ang pagsulong ng ating kilusan upang ipanalo ang tunay na makabayang pagbabago.

“Mula noon hanggang ngayon, kami ay mga taga-UPLB, iskolar ng bayan, tunay, palaban at makabayan!” sigaw ni Severino sa pagtatapos ng pagpupulong.

Matapos ang mga aberya at manomalyang eleksyon noong nakaraang Lunes, pinangunahan ng UP Office of the Student Regent (OSR) ang walkout ng mga mag-aaral ng UPLB. Ito ay protesta laban sa mga aberya at iregularidad ng halalan, at sa tangkang pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.

Saksi ang Unibersidad sa mga kalupitan ng Batas Militar noong panahon ni Ferdinand Marcos, Sr. Sa katotohanan, ang pagkakatatag ng UP-DND Accord ay nag-uugat sa panahon ng Batas Militar.

Ito ay kasunduang binuo nina dating Defense Minister Juan Ponce Enrile at lider-estudyante Sonia Soto upang protektahan ang Unibersidad mula sa presensya ng mga pwersa ng estado. 

Nag-ugat ito sa pagdukot sa isang dating mamamahayag ng Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Diliman. Ang nasabing mamamahayag ay tinortyur at sapilitang pinaamin sa pagkakapatay umano sa isang Amerikanong sundalo (BASAHIN: Why Defend UP? SR Renee Co and Hon. Sarah Elago talk acad freedom, campus security).

Noong ika-10 ng Mayo, naglunsad naman ng online na protesta ang mga mag-aaral ng UPLB, sa pangunguna ng UPLB USC, upang kondenahin ang malawakang aberya at iregularidad sa halalan, at ang tangkang pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan. [P]

0 comments on “‘Palaban at makabayan’: UPLB USC, pinangunahan ang Halalan 2022 presscon upang ilatag ang mga plano bago at matapos ang halalan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: