Editorial

Hindi natatapos sa halalan ang laban

Bagamat may mga ganitong pagkakataon ng pumili ng bagong tagapangasiwa ng bansa, hindi mawawala sa isang saglit ang mga suliraning kinakaharap ng masang Pilipino.

TALA NG PATNUGOT: Unang pinalabas itong editoryal noong ika-9 ng Mayo, 2022 sa Special election episode ng Perspective Live, kung saan nagsagawa ng black-out ang pahayag gawa ng lantarang dayaan na naganap.

Ubod ng anomalya na maaaring indikasyon ng pandaraya at pagkait ng karapatan sa pagboto ang naiulat sa iba’t ibang mga presinto sa buong bansa sa kamakailang naganap na pambansang halalan.

Sa pinakahuling ulat ng Kontra Daya Southern Tagalog hindi bababa sa 272 ang bilang ng anomalya sa halalan ang pumapasok mula sa iba’t ibang botante ng Timog Katagalugan. Kabilang dito ang pagkasira at pagkakaroon ng mali sa mga Vote Counting Machine (VCM), presensya ng pulis sa loob ng mga presinto na walang malinaw na tungkulin, pamimigay ng mga sample ballot at iba pang ilegal na paraan ng pangangampanya, at lantarang panre-redtag – partikular sa mga Makabayang kandidato at ibang grupong sumusuporta kina Leni Robredo na sinusuportahan ng mga pwersa ng demokrasya mula sa iba’t ibang sektor at political party. Hindi rin nawawala ang ganitong pandaraya at pagpapanganib sa mga botante sa labas man sa Timog Katagalugan. Dagdag sa mga nabanggit umabot pa sa puntong nagkaroon ng barilan sa Maguindanao kung saan patay ang tatlong myembro ng barangay peacekeeping action team, at sa Negros Occidental kung saan naman patay ang isang guro.

Sa hapon din noong araw ng halalan, pinanawagan ng mga poll watcher at election watchdog tulad ng Kontra Daya, pati ang malawak na populasyon ng mga botante na pahabain pa ang oras ng pagboto gawa ng maraming anomalyang humaharang sa mga mamamayang nais bumoto.

Hindi kulong sa araw ng halalan ang ibang insidente ng pandaraya. Mula pa sa panahon ng pangangampanya hanggang kahapon, nagkakaroon na ng ulat tungkol ng vote-buying, pag-eendorso ng mga kandidato mula sa isang opisyal ng gobyerno, pag-iikot ng pekeng pag-diskwalipika sa ibang lehitimong progresibong kandidato. Sa ganitong paraan ay binabastos ang mamamayang Pilipino at ang kanilang demokratikong karapatan.

Bukod sa pandadarayang iniulat ngayong eleksyon, ay matagal ding itinatanim ng tambalang Marcos-Duterte ang kanilang makinarya upang manatili ang kanilang kapangyarihan. Nariyan ang midterm na halalan kung saan pumutok din ang isyung misinformation at malawakang pandaraya matapos ang blackout na tumagal nang halos 8 oras.

Sa eleksyon naman ngayong taon, kitang kita sa mga pahayag ng DILG, COMELEC, at iba’t ibang institusyon sa pamahalaan kung sino ang kinakampihan ng mga opisyal na ito.

Bago pa ang halalan, naganap sa ilalim ni Duterte ang pagpapalibing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani, kung saan nasemento ang pag-alyansa ng mga Marcos-Duterte at inunang ibaluktot ang kasaysayan para manatili sa pwesto.

Pareho ang taktika ng administrasyong Marcos kina Duterte pagdating sa pangunguna ng dayuhang interes, pati sa paniniktik at pamamasista sa taumbayan.

Bagamat may mga ganitong pagkakataon ng pumili ng bagong tagapangasiwa ng bansa, hindi mawawala sa isang saglit ang mga suliraning kinakaharap ng masang Pilipino. 

Sa bahagi ng mga komunidad sa Quezon, hinaharap pa rin ang matinding militarisasyong kaakibat ng land conversion at pagmamadali ng mga proyekto sa ilaim ng palpak na programang Build! Build! Build! (BBB) ng administrasyong Duterte. Nariyan din ang walang katapusang laban para sa pagbabalik ng coco levy funds sa mga magniniyog.

Sa Batangas, hinaharap ng mga komunidad dagdag sa panghaharas ng estado ang demolisyon gawa ng BBB, partikular ang Batangas Provincial Livelihood Center (BPLC) na nakapailalim sa Batangas Port Development Project (BPDP).

Patuloy pa rin ang mga insidente ng land-grabbing sa Cavite at ang paggamit ng dahas para intimidahin ang mga magsasaka sa para gawing mga subdivision at tayuan ng iba’t ibang proyekto ang lupain nila.

Mas lalong hindi nagtatapos dito ang laban para sa kabuhayan, karapatan, at kaligtasan. Katulad ng mga mapang-aping burukrata na nakaupo ngayon sa mga posisyon ng gobyerno, hindi bibitawan basta-basta ng alyansang Marcos-Duterte ang kapangyarihan nila.Mahigpit din dapat ang ating kapit sa mga prinsipyo natin habang isinusulong ang malawakang laban para sa pambansang demokrasya. Mula sa UPLB Perspective, maaasahang tuloy pa rin ang militanteng pagbabalita at mangahas na lalaban ang pahayag sa malawakang pagsasamantala sa mamamayang Pilipino. [P]

0 comments on “Hindi natatapos sa halalan ang laban

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: