News Southern Tagalog

Flores de Endo, inilunsad ng grupo ng mga manggagawa upang ipanawagan ang pagtaas ng sahod, pagwakas sa kontraktwalisasyon

Binigyang-diin sa mobilisasyon na sa kabila ng mababang sahod at talamak na kontraktwalisasyon, kaliwa’t-kanan ang red-tagging, panghaharas, at pagpatay sa mga lider-manggagawang tumitindig para sa kanilang mga batayang karapatan.

Sa pangunguna ng Alyansa ng Manggagawa sa Probinsya ng Laguna o ALMAPILA, inilunsad ng mga manggagawa ang Flores de Endo sa Department of Labor and Employment (DOLE) Laguna Provincial Office.

Ito ay isang protestang ikinasa upang patuloy na ipanawagan ang pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo, at pagwakas sa kontraktwalisasyon.

“Narito ang mga manggagawa sa harap ng probinsyal na opisina ng Department of Labor and Employment upang mangalampag at iparinig sa departamento ang mga hinaing ng mga manggagawa,” ani ng isa sa mga tagapagsalita sa mobilisasyon.

Binanggit din ng tagapagsalita na karamihan sa mga botong nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ay nagmula sa hanay ng mga manggagawa, dahil sa pangako niyang wakasan ang end-of-contract o “endo” at pagtigil sa kontraktwalisasyon.

Gayunpaman, binigyang-diin ng tagapagsalita na kahit hanggang ngayong mayroon nang naiproklamang bagong pangulo, patuloy pa rin ang panggigipit sa mga manggagawang Pilipino.

“Dito sa ating rehiyon, nananatili na mababa ang pasahod sa mga manggagawa. Naglalaro po sa P300 hanggang P400 ang sinasahod ng mga manggagawa, na kung tutuusin ay hindi sasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” dagdag pa niya.

Sa katunayan, ayon sa think tank na IBON Foundation, nasa P1065 ang family living wage, o ang halaga ng salaping kinakailangan ng bawat pamilya upang magkaroon ng disenteng pamumuhay araw-araw.

Ang kakulangan ng sahod ay lubha pang pinalala ng pandemya, na nagdulot ng pagkawala ng trabaho ng maraming mamamayan. Sa tantiya pa ng IBON Foundation, nasa 8.2 milyong Pilipino ang unemployed noong unang taon ng pandemya, o nasa 17.3% na unemployment rate sa buong bansa.

Binigyang-diin naman ng tagapagsalita ng Liga ng mga Manggagawa para sa Hanapbuhay na sa kabila ng mababang sahod at talamak na kontraktwalisasyon, hindi maipagkakaila ang malaking ambag ng mga manggagawa para sa ekonomiya ng bansa.

“Mga kasama, lagi nating tandaan na ang mga manggagawa ay isa sa nagpapaunlad ng ating bansa, sa pamamagitan ng kinakaltasan tayo ng buwis para sa ating gobyerno […] Maninindigan tayo sa ating mga batayang karapatan para sa regular na hanapbuhay,” aniya.

Samantala, binigyang-linaw naman ng Nexperia ang kontraktwalisasyong patuloy na nagpapahirap sa mga manggagawa.

“Kami ay mahigit 13 taon nang manggagawa sa pagawaan ng Nexperia ngunit hanggang ngayon ay kontraktwal pa rin […] Kami ay may desisyon na mula sa Court of Appeals na gawing regular na ang mga manggagawang kontraktwal sa Nexperia, pero hanggang sa ngayon, hindi maitulak ng departamentong ito ang desisyon na ginawa nila. Hanggang sa ngayon, walang pangil at inutil ang DOLE na ito, dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin maipatupad ang mga desisyon ng departamentong ito,” ani ng tagapagsalita mula sa Nexperia.

Panawagan din nilang maparasuhan ang mga kapitalistang hindi sumusunod sa mga batas para sa mga manggagawa.

“Ipatupad na ang regularisasyon na dapat ay matagal nang nakamtan ng mga manggagawa sa ating probinsya,” panawagan ng tagapagsalita ng ALMAPILA.

Kaliwa’t kanang pag-atake

Patuloy rin ang pagdanas ng pang-aabuso ng mga manggagawa. Noong Marso 2021, pinaslang ang mga lider-manggagawang sina Manny Asuncion at Dandy Miguel (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan; Progressives express support as DOJ sues 17 cops for the murder of labor leader Ka Manny Asuncion; Lider manggagawa Dandy Miguel, patay matapos pagbabarilin sa Calamba).

Patuloy rin ang umano’y pagbisita ng kapulisan sa bahay ng mga lider-manggagawa, katulad halimbawa ni Anakpawis Partylist Laguna Coordinator Red Clado. Inakusahan siya bilang high-ranking official umano ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

(KAUGNAY NA BALITA: State forces target peasant leaders in a series of raids, arrests)

Samantala, ikinuwento naman ng tagapagsalita mula sa NutriAsia kung paano sila nakaranas ng panghaharas mula sa hanay ng kapulisan, matapos silang magkasa ng kilos-protesta noong ika-6 ng Hulyo, 2019.

“Kami po ay binuwag ng hanay ng mga PNP [Philippine National Police] […] Kasabwatan ng estado at ng gobyerno [ang mga kapitalista]. Kami po ay binuwag, at ang aming mga kasama ay binugbog, at higit sa lahat, ang mga babaeng kasama namin ay hinubuan ng mga kapulisan,” aniya.

Ayon sa Facebook post ng Anakbayan Southern Tagalog noong 2019, noong panahong ikinasa ng mga manggagawa ang kilos-protesta, nasa 1000 manggagawa ang kontraktwal. Hindi rin umano tama ang pagbabayad sa overtime at nagkakaroon pa ng mga iligal na deduction para sa uniporme at annual physical examination.

“Nandito kami upang itambol at isigaw na kami ay ibalik na sa pagawaan bilang mga regular na manggagawa!” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng mga manggagawa na hindi ipinagbabawal ang pagbuo ng mga unyon, subalit sa kabila nito, patuloy pa rin ang insidente ng mga red-tagging, iligal na pag-aresto, at pagpatay sa hanay ng mga lider-manggagawa.

“Isang malaki at importanteng pahayag hindi lamang po sa papaalis na rehimeng Duterte, kundi sa papasok na administrasyon ni Bongbong Marcos at Sara Duterte, na kahit anong gawing paniniil, pananakot, paninira, at pag-atake, sama-sama pa rin pong titindig ang manggagawang Pilipino kasama ang iba’t-ibang sektor sa ating bansa upang ipaglaban ang sahod, trabaho, at karapatan.” [P]

Larawan mula sa PAMANTIK KMU

1 comment on “Flores de Endo, inilunsad ng grupo ng mga manggagawa upang ipanawagan ang pagtaas ng sahod, pagwakas sa kontraktwalisasyon

  1. Pingback: Mga progresibong grupo, ipinamalas ang tunay na pagkakaisa sa kilos-protesta sa inagurasyon ni Marcos Jr. – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: