Sa ilalim ng anti-estudyante at anti-gurong setup ng remote learning, ang pag-aaral ng mga estudyante ay nagpatuloy sa pamamagitan ng mga online class at mga printed module, kung saan nakokompromiso ang kalidad ng pag-aaral. Bago nagsimula ang pang-akademikong taon na 2020-2021, nalaman sa isang sarbey ng University Student Council (USC) na apat sa limang estudyante ay walang kakayahang sumabak sa remote learning, at mahigit kumulang na dalawang taon na ang lumipas ay pareho parin ang suliranin ng mga estudyante ang mga guro.
Ngayong araw, inilabas ng pamantasang hirang ang mga resulta ng pinakahihintay na University of the Philippines College Admissions (UPCA), isang panibagong sistema ng pagpasok ng mga mag-aaral sa unibersidad bunsod ng pandemyang COVID-19. Mula sa mahigit kumulang 100,000 mga aplikante, ngunit hindi lahat ay papalaring makapasok sa UP, ang binabansagan ng marami bilang “premier state university” ng Pilipinas.
Ang kasalukuyang panahon ay hindi pangkaraniwan, ipinagkait ang mga Iskolar ng Bayan ng karanasang makapag-aral sa mismong kampus ng pamantasan, bunsod ng kapabayaan ng rehimeng Duterte sa pandemya. Bukod rito ay sasalubungin rin natin ang panunumbalik ng pamilyang Marcos sa Malacañang, at isang Duterte ulit sa dalawang pinkamataas na posisyon ng bansa.
Maraming estudyante ang nagnanais maging estudyante ng UP, ngunit hindi ang unibersidad ang magdidikta ng pagiging iskolar ng bayan. Ang isang tunay na iskolar ng bayan ay ginagabayan ng mga prinsipyo, nagpapamalas ng giting at tapang, at handang bitawan ang pansariling interes para sa mas nakararami. Handa silang paglingkuran ang sambayanan.
Ang libreng tuition fee na natatanggap ng bawat isko at iska ay hindi galing sa gobyerno kundi sa mga sakripisyo ng kapwa kabataan sa nakaraan, na sila ring pinaglaban ang demokratikong karapatan ng mga mag-aaral sa tunay na libreng edukasyon. Ating tularan ang mga nag alay ng kanilang buhay upang ipagtagumpay ang mga karapatan ng kabataan, katulad nina Rona Jane Manalo, John Carlo Alberto, at Ian Maderazo, at ipagpatuloy ang mga panawagan na nasimulan nila.
Ang pagiging iskolar ay hindi lamang nagtatapos sa pagiging mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, ito ay ang pagkakaroon ng tunay na malasakit para sa masang inaapi at pinagsamantalahan; at hindi rin dapat nakukulong ang pagkilos at pagmobilisa base sa “uri” ng edukasyon na ating tinatamasa.
Huwag natin ikulong ang ating sarili sa pang-estetikong halaga ng pagiging Iskolar ng Bayan, dahil ang tunay na mahalaga para sa masang-api ay ang kahandaan nating maglingkod sa sambayanan.
Kaya’t laging pinapaalala sa Unibersidad na ating ibigay ang lahat ng ating makakaya para sa bansa upang mapaglingkuran ang masang Pilipino; at patuloy na maging kritikal sa mga panahong inaabuso na ang ating demokratikong kalayaan at karapatang pantao.
Isang paalala na ang pagiging iskolar ay hindi nagtatapos sa pagiging mag-aaral ng Unibersidad, at hindi rin ito medal o trophy na pangflex lamang sa social media. Ito’y isang responsibilidad at hamon na ipaglaban ang panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Ang maging ganap na Iskolar ng Bayan ang pagtanggap sa hamon ng bayan sa paglabas ng unibersidad.
Pagpupugay para sa mga bagong iskolar at patuloy na paglingkuran ang sambayanan! [P]
0 comments on “Pagbati sa mga bagong panday ng lipunan”