Mariing kinondena ng mga progresibong grupo mula Timog Katagalugan ang naging pahayag ni Cavite 7th District Representative at incoming Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa panayam nito kasama ang Rappler reporter na si Lian Buan noong ika-31 ng Mayo.
Pinag-usapan ni Buan at Remulla ang walang awang pagpaslang sa lider-manggagawa at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite secretary-general na si Emmanuel “Ka Manny” Asuncion sa opisina ng Worker’s Assistance Center sa Dasmariñas, Cavite noong Marso 7, 2021.
Ani Remulla, isang “career helper” si Ka Manny sa mga rebelde, ayon umano sa mga intel.
Kagyat na tinutulan ng mga progresibong grupo tulad ng Panday Sining – Cavite ang walang basehang alegasyon laban kay Asuncion. Mariing kinondena ng grupo “ang pambababoy ni Boying Remulla sa kadakilaan ni Ka Manny” sa kanilang Facebook post, Hunyo 1.
Tinawag naman ng Gabriela Cavite na “lantarang kawalang-hiyaan” ang panre-red-tag at hindi pagkilala ni Remulla sa kagitingan ng yumaong lider-manggagawa. Dagdag din nila ang hindi pagbibigay-pansin ni Remulla sa mga hinaing ng kababaihang Kabitenyo sa usaping violence against women and children (VAWC).
Idiniin din ng League of Filipino Students – Cavite (LFS-Cavite) na ang mga katulad ni Remulla na nasa posisyon at hindi isang masigasig na lider-manggagawa tulad ni Ka Manny ang mga maituturing na katulong ng mga rebelde.
“Kung tutuusin, hindi ba mas kayong mga nasa posisyon ang karapat-dapat na tawaging “helper” ng mga rebelde? Dahil kayo ang nagpapalaganap ng takot at kaguluhan sa sektor ng kabataan, kababaihan, manggagawa, at magsasaka na siyang nagiging rason kung bakit dumadami at nagpapatuloy ang digmaan sa kanayunan,” giit ng LFS-Cavite sa kanilang Facebook post.
Ayon naman sa DEFEND Southern Tagalog (ST), ang binitawang pahayag ni Remulla ay kawangis ng mga alegasyon ng mga pwersa ng estado at mga alibi na inilalahad sa korte para sa mga kasalukuyang nakahaing kasong pagpatay laban sa mga sangkot na pulis at militar.
Noong Enero 2022, 17 pulis ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kumaharap sa mga kasong pagpatay sa mag-asawang lider-mangingisda na sina Ariel at Chai Evangelista.
17 pulis din ang inirekomenda ng DOJ Administrative Order (AO) 35 Special Investigating Team (SIT) na sampahan ng mga murder complaint sa pagkasangkot sa pagpatay kay Ka Manny (BASAHIN: Progressives express support as DOJ sues 17 cops for the murder of labor leader Ka Manny Asuncion).
Kabilang sina Ka Manny at ang mag-asawang Evangelista sa siyam na pinatay sa naganap na crackdown sa Timog Katagalugan kung saan anim ding iba pa ang iligal na inaresto dulot ng simulataenous implementation ng mga search warrant (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan; No blood spared: A year after Bloody Sunday).
Huwad na hustisya
Para sa DEFEND – ST, ang talamak na red-tagging at akusasyon ni Remulla ay sapat na patunay upang siya ay mahirang na “secretary of injustice” matapos niyang tanggapin ang alok na maging bagong kalihim ng DOJ.
Dagdag ng grupo, ang mga pahayag ni Remulla ay nagpapakita ng malabo at malagim na pagkamit ng hustisya sa nagbabadyang administrasyon sa ilalim ng isa pang Marcos.
Una nang tinutulan ng mga progresibong grupo ang pagtatalaga kay Remulla bilang susunod na kalihim ng DOJ noong Mayo 23 dahil sa kanyang mapanganib na panre-red-tag sa ilang mga personalidad habang kampanya para sa nagdaang eleksyon.
Sa isang DZRH radio show noong Marso 5, kinwestiyon ni Remulla ang bilang ng mga dumalo sa campaign sortie nina Vice President at presidential candidate Leni Robredo at katambal na si Senator Kiko Pangilinan sa Cavite, Marso 4.
Sa press release ng human rights group na Karapatan, sinabi nilang walang basehang tinawag din ni Remulla na “hakot” at binayaran ang mga dumalo sa kampanya ni Robredo, kasabay ang mga alegasyong kaalyado ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang mga estudyante at aktibista na kasama sa sortie.
Matatandaang naging sentro ng mga paratang at red-tagging bago at habang panahon ng kampanya ang mga progresibong grupo at party-lists sa ilalim ng Makabayan bloc na nagpahayag ng suporta sa tambalang Leni-Kiko noong Enero.
Sa isang post ng Panday Sining – Dasmariñas, sinabi ng grupo na nagtutulak ng karahasan ang mga akusasyon ni Remulla noong Marso 5 matapos iligal na dakipin ang isang kultural na manggagawa at Anakpawis Southern Tagalog coordinator na si Jonathan Mercado limang araw lang mula ang panayam ni Remulla sa DZRH (BASAHIN: State forces target peasant leaders in a series of raids, arrests).
Isa si Mercado sa mga lider-pesante na biktima ng mga raid at iligal na pang-aaresto ilang araw matapos ang unang anibersaryo ng Bloody Sunday.
Binatikos din ng Gabriela Youth Cavite ang tikom na bibig ni Remulla sa walang habas na paglabag sa karapatang-pantao ng mga human rights defenders sa Cavite at maging ang papel niya bilang pasimuno ng Anti-Terror Law.
Idinagdag nila ang kaso niya ng pag-red-tag sa mga organisador at volunteers ng community pantry habang pandemya, pagharang na maaprubahan ang UP-DND Accord Bill, at pagtanggi sa franchise renewal ng ABS-CBN.
“Sa esensya, wala sa bokabularyo niya ang press freedom at academic freedom! Kaya malinaw lamang na kailan man ay hindi magiging kakampi si Boying sa usaping hustisya!” ani ng Gabriela Youth Cavite.
Ang mga pahayag ni Remulla kamakailan ay pahapyaw nang nagpapakita ng huwad niyang pamamahala sa departamentong nararapat sanang nagtataguyod ng hustisya, ayon sa Panday Sining Cavite.
“Mismong pagdidiin niya na hindi nagreresulta sa kamatayan ang red-tagging na ginagawa ng estado ang pruweba na hindi siya ang nararapat na maging Kalihim ng Katarungan. Kaya naman hinahamon ng Panday Sining Cavite ang mga Kabitenyo na tuligsain ang isang pasista na tumalikod mismo sa kanyang kapuwa,” hamon ng grupo sa mga mamamayan ng Cavite. [P]
Mga larawan mula kina Sonya Castillo at Boying Remulla / Facebook
Paglalapat ni Angel SC
Pingback: Mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON, nanguna sa Halalan 2022 – UPLB Perspective