Opinion

UPCAlidad na edukasyon?

Words by Rainie Edz Dampitan

Muntik ko nang hindi ituloy ang aplikasyon ko sa UP. Noong panahon na iyon kasi, laganap ang COVID-19 cases at ramdam na ng lahat ang negatibong epekto ng lockdown sa mental health ng mga Pilipino. Idagdag mo pang wala namang konkretong plano ang gobyerno at puro anunsiyo lang kung Alert Level 2 o Alert Level 1 ba ang lugar namin. Hindi ko alam kung gaano katagal akong makukulong sa bahay at kung kakayanin ko ang isa pang taon ng online class. Nakansela ko na rin ang aplikasyon ko sa mga scholarship program at iba pang unibersidad na nais kong pasukan. Naisip ko, huwag na lang muna akong mag-aral nang isang taon dahil nakakapagod at hindi naman sulit ang luhang nauubos ko sa online class. Baka TOTGA ko ang mag-kolehiyo ngayon at, ika nga ni Katy Perry, in another year (life) ay baka matanggap na ako sa isang unibersidad at I will be their girl.

Kaso hindi ako pwedeng huminto sa pag-aaral.

Panganay ako. Kailangang makatapos kaagad para hindi naman kawawa ang mga magulang kong puspos sa pagkayod matustusan lang ang pag-aaral naming magkakapatid. Libre na rin naman ang tuition sa UP, kaya makaluluwag kami kahit papaano sa gastusin. Ang poproblemahin ko na lamang ay kung makapapasa ba ako, kaya pikit-mata kong ipinasa ang UPCA Form 2 at naghintay ng resulta na sa Hulyo pa raw ilalabas.

Inilabas na ang resulta at nakita kong nakapasa ako. Napa-post ako sa Twitter at Facebook sa kilig. Ngunit hindi pa tapos ang araw ay nanlumo na ang pakiramdam ko. Napaisip ako, kung wala kayang COVID-19 at natuloy ang UPCAT, makakapasa kaya ako? Pakiramdam ko kasi ay hindi. Pinaghirapan ko naman ang mga grado kong naging basehan ng UPCA at may tiwala naman ako sa sarili ko, ngunit hindi ko maiwasang isiping hindi ako karapat-dapat para sa kursong aking nakuha. Pinag-iisipan ko pa kasi kung tutuloy ako sa UP o sa iba na lang mag-aaral dahil may ibang kurso akong mas gusto. Ang lakas ng sampal sa akin ng pribilehiyong kaya ko pang isiping tanggihan ang Unibersidad ng Pilipinas kung makapapasa ako sa ibang paaralan. Kaya kong isiping tanggihan ang kursong nais at pangarap kunin ng iba.

Dismayado rin ako dahil hindi naman talaga pantay ang naging basehan. Ang daming hindi nakapasa na dapat namang nakapasa bunsod ng online ang ebalwasyon. Mahirap ding maialis sa isip na marami sa mga nakapasa, kahit noon pa man na may exam, ay iyong mga may kaya namang magbayad ng matrikula sa ibang mga unibersidad. Dagdag pa dito na mas pinahirap pa ng pandemyang patuloy na nararanasan ng mamamayan ang proseso para makapasok. Masama pa ang tingin sa aming mga pasado sapagkat walang naging pagsusulit, na para bang kasalanan naming palpak ang pandemic response ng gobyerno na nagdulot ng pagpapasara sa mga paaralan at pagbabawal ng pisikal na pagkakaroon ng klase at entrance exam.

Alas, lahat tayo ay biktima ng bulok na sistema ng edukasyon sa bansa, mahirap man o mayaman. Ang pagkakaroon ng entrance exams at applications gaya ng UPCA para lamang makapagpatuloy sa pag-aaral ay manipestasyon lamang ng neoliberal na edukasyon sa Pilipinas. Inaasahan tayong maging magagaling sa ating trabaho pagdating ng panahon, ngunit edukasyon pa lamang natin ay mahirap nang makuha. Ang pinirmahang batas na dapat na naniniguradong may dekalidad at accessible na edukasyon na matatanggap ang kung sino mang nais mag-aral ay hanggang sa papel na lamang yata mararamdaman. Kinailangan pa ngang makibaka ng mga estudyante para sa pagkakaroon ng libreng matrikula, kahit na batayang karapatan ang edukasyon para sa lahat. Sa mga prayoridad ng pamahalaan, tila hindi kasama sa pag-unlad ang sistema ng edukasyon. 

Imbes na ang kalidad ng edukasyon at pagtuturo ang pagtuunan ay tinatambakan tayo ng gawain sa klase mula pa sa murang edad, inaasahang masanay tayo sa time pressure at memorization. Para tayong mga baboy na ilalagay sa bulalo at ihahanda kahit kulang ang sahog. Pati scholarships ay mailap sa mga nagnanais kumuha ng kursong kaugnay ng sining at literatura. 

Naipasa ko nga ang UPCA, bagsak naman ang sistema. Nakapasok nga ako sa UP, hindi naman nagbago ang sistemang nagdudulot sa kabataan na dumaan sa butas ng karayom makakuha lamang ng libre at dekalidad na edukasyon na dapat sana’y lahat ng mag-aaral sa bansa ay mayroong access. Ngayong nailabas na ang resulta ng UPCA, hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili kung ganito pa rin ba ang daranasin, iisipin, at itatanong ng mga nais tumuntong ng kolehiyo at nagpasa ng aplikasyon nila.

Hindi ko maiwasang itanong, ngayon kaya, dekalidad na ba ang edukasyon na ang ating matatamasa? Lalo na’t sa loob ng pamantasan, ibang hirap rin ang dinadanas ng mga isko’t iska. Nandyan ang kakulangan sa slots, agawan sa courses, ang bulok na SAIS [na malapit nang mapalitan sa wakas!] at hindi user-friendly na online classroom. Ito ba ang dadanasing hirap ng mga estudyante para sa dekalikad na edukasyon? Para kanino ka UP? [P]

0 comments on “UPCAlidad na edukasyon?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: