Mga salita ni Hope Sagaya
Nakamit ng mga manggagawa ng J&T Express ang tagumpay sa pangangalampag para sa kanilang mga benepisyo at karapatan sa pagtatayo ng unyon.
Matatandaang noong ikaapat ng Hunyo ay nagsagawa ang mga manggagawa ng protesta sa Cabuyao Branch ng J&T Express sa Laguna nang hindi naging maayos ang isinagawang mediation conferences sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) sa Region IV-A.
Tinanggal din sa trabaho si Jesher Fariñas, na siyang pangulo ng United Rank and File Employees ng J&T Express sa ilalim ng pamamahala ng Federation of Free Workers (FFW).
Ayon kay Fariñas, ang protesta ay dulot ng “unfair labor practice” ng nasabing kompanya o hindi nila pagbibigay ng tamang pasweldo at benepisyo sa kanilang mga manggagawa.
Dagdag pa niya, silang mga driver ng mga ten-wheeler truck ay nakararanas ng kawalan ng sapat na benepisyo katulad ng meal allowance at overtime pay. Kanila ring inireklamo ang mababang pasahod na kanilang natatanggap.
“Sumusweldo lang po kami ng P10,400 sa isang buwan, na hindi po sapat para sa aming mga pamilya,” ani Fariñas. Samantala, P373 naman gabi-gabi ang pasuweldo sa mga sorter.
Bukod sa mababang pasahod, hindi rin nakatatanggap ng benepisyong medikal ang mga manggagawa.
“‘Pag sila po ay naaksidente diyan sa loob ng J&T Express, wala po silang proper medication na nakukuha. Wala rin pong benepisyo para sa kanilang mga sarili, o kahit medikal man lang,” dagdag pa niya.
Inilihad din niyang ginigipit ng J&T Express ang kanilang mga manggagawa na huwag dumalo sa pag-uunyon.
“Ang pag-uunyon po ay isang karapatan ng mga manggawa para po kami ay magkaroon ng disenteng trabaho,” depensa ni Fariñas.
Habang isinasagawa naman ang protesta, isang babaeng lider ng mga manggagawa ang pinalo ng mga guard habang pilit nitong inaagaw at kinukuha ang tolda ng unyon.
Ang nasabing unyon ng FFW ay mayroong higit 200 na mga miyembro sa loob ng kompanya. May 392 na mga miyembro ang kasama sa bargaining unit at higit 1,000 ang mga manggagawa sa buong kompanya.
Ayon naman kay FFW President Atty. Sonny Matula, hindi naging makatarungan ang pagsususpinde kay Fariñas noong Pebrero 5 at tuluyang pagsibak sa kanya noong Marso 6.
“Hindi nabigyan ng pagkakataon ng management si Fariñas na ilahad ang kaniyang mga hinaing,” aniya. Sinabi rin ni Atty. Matula na ang pagtanggal kay Fariñas sa trabaho ay para patahimikin at pigilan ang pagtatayo ng unyon ng mga manggagawa.
Hinihikayat din ni Matula ang ibang local trade unions sa mga karatig-bayan na samahan sila sa kanilang pakikipaglaban at magkaroon ng pagkakaisa sa kanilang ginagawang kilos-protesta laban sa kompanya.
Humingi naman ng paumanhin at pag-unawa ang mga manggagawa sa publiko na hindi makakatanggap ng kanilang mga deliveries sa panahong ito.
“Ang sama-sama naming pagkilos na ito ay ang tangi na lamang paraan upang makinig ang management at umaksyon ayon sa kung ang nararapat at makatarungan,” saad ng unyon.
Tatlong araw matapos ang isinagawang kilos-protesta, nakamit ng unyon ang tagumpay sa paggiit ng kanilang mga karapatan at kabuhayan.
Sa pamamagitan ng isininagawang pagpupulong na isinagawa NCMB, nangako ang kompanya ng J&T Express sa pagkilala nito sa kanilang mga manggagawa. Kasama rito ang pagbabalik sa trabaho ng mahigit 70 na manggagawa nang walang suspensyon, pagbibigay ng mga benepisyong hindi naibigay sa kanila katulad ng PhilHealth at kakulangan sa sahod, at pangakong pahahalagahan ang karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa, magwelga, at lumahok sa mga unyon. [P]
Larawan mula kay Atty. Sonny Matula / Facebook
0 comments on “Mga manggagawa ng J&T Express, tagumpay sa isinagawang kilos-protesta”