UPDATE (Hunyo 12, 2022): Tuluyan nang nakalaya ang mga inarestong magsasaka at advocates sa bisa ng release order mula sa Municipal Trial Court. 83 ang tama at kabuuang bilang ng mga inaresto. Una pang naantala ang kanilang paglaya matapos umanong harangin ni Philippine National Police (PNP) Concepcion acting police chief Reynold Macabitas ang nasabing release order.
Sa isa na namang insidente ng panghaharas ng mga pwersa ng estado sa mga pesante, 93 na mga magsasaka at food security advocates ang kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya matapos ang pag-arestong naganap noong Huwebes, ika-9 ng Hunyo, sa Brgy. Tinang, Concepcion, Tarlac.
Itinuturing ito ngayon bilang “single biggest mass arrest” sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon sa alyansa ng mga artista na Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), nasa Tinang ang food security advocates para sa isang solidarity mission upang suportahan ang mga benepisyaryo ng repormang agraryo.
“Ang bungkalan na ito ay nagsisilbing pambawi sa 200-ektaryang lupa na ngayon ay inaangkin sa kanila,” ayon sa organisasyon ng mga artista at manggagawang pangkultura na Artista ng Rebolusyong Pangkultura (ARPAK).
Habang nasa gitna ng aktibidad, bigla na lang umanong dumating ang mga pulisya at ginambala ang kolektibong pagsasaka.
“Around 20 police personnel, some bearing long arms, cornered them in a hut, dismantled its doors, then forced themselves into it to drive the others out. It was the local police chief, at the time wearing civilian clothes, who ordered that everyone be rounded up and brought to the Concepcion police station,” ani ng SAKA.
[“Nasa 20 pulis, na ang iba’y may bitbit pang armas, ang sapilitang pumasok sa kubo, winasak ang mga pinto nito, at sapilitang pinalabas ang mga nagsasagawa ng bungkalan. Ang hepe, na noon ay naka-sibilyan pa, ang siyang nag-utos na arestuhin at dalhin ang mga boluntaryo sa Concepcion police station.”]
Nang tanungin ng mga boluntaryo kung bakit sila inaaresto, inakusahan sila ng isa sa mga pulis bilang mga miyembro umano ng New People’s Army (NPA).
Giit naman ng Police Regional Office 3, winasak umano ng mga magsasaka ang sugarcane plantation na pagmamay-ari ng Agriculture Cooperative. Gayunpaman, hindi malinaw kung ano ang pinsalang naidulot ng programa sa lupain.
Ayon din sa ARPAK, karapatan ng mga magsasaka na bungkalin ang nasabing lupa.
“Ang mga magsasaka ng Tinang ay kinikilala ng DAR [Department of Agrarian Reform] bilang mga Agrarian Reform Beneficiaries. Karapatan nilang bungkalin ang kanilang lupa,” ayon sa ARPAK.
93 katao ang inaresto, na karamihan ay mga boluntaryo mula sa iba’t-ibang progresibong organisasyon at alyansang pangkultural katulad ng SAKA, ARPAK, Rural Women Advocates (RUWA), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), at Anakbayan.
Samantala, hatinggabi matapos ang pag-aresto, pinatulog lamang sa labas ng presinto ang mga boluntaryo habang inaantabayanan nila ang release order.
Ayon sa ARPAK, kasalukuyan pang nakakulong ang mahigit 90 boluntaryo.
“Sa ngayon, kakasuhan sila ng walang basehang ‘obstruction of justice’ at ‘malicious mischief’ para lang bigyan rason ang kanilang iligal na detensyon,” dagdag pa ng grupo.
Ang “obstruction of justice” ay dahil umano sa pagtutol ng mga magsasaka sa pag-aresto, kahit na wala itong warrant. Depensa ng ARPAK, sa simula pa lang ay wala nang ligal na basehan ang pagkakaso.
Ayon naman sa Facebook post ng SAKA, dahil sa mga gawa-gawang kasong ito, maaaring maharap ang mga boluntaryo sa malalaking halaga ng piyansa.
Ang malalim na dahilan ng bungkalan
Ang bungkalan ay isang paraan ng protesta kung saan iginigiit ng mga pesante ang kanilang pagmamay-ari sa lupain.
“Such land cultivation, called ‘bungkalan,’ is a form of protest in which peasants — usually ARBs [agrarian reform beneficiaries] — assert ownership of land by planting agricultural products that primarily address their immediate need for food. It is a method of guaranteeing a peasant community’s own food security,” ayon sa SAKA.
[“Ang bungkalan ay paraan ng protesta kung saan ang mga pesante – na kadalasan ay mga ARB – ay iginigiit ang kanilang pagmamay-ari sa lupain sa pamamagitan ng pagtatanim. Ito ay isang paraan ng pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng komunidad ng mga pesante.”]
Ang bungkalang isinagawa ng Malayang Kilusang Samahang Magsasaka ng Tinang (MAKISAMA-Tinang) ay paraan ng protesta laban sa pagsamsam ng mga opisyales ng pamahalaan sa kanilang Certificate of Land Ownership Awards (CLOAS).
Ayon sa RUWA, nagawaran na ng karapatan sa lupa ang mga magsasaka ng Tinang, ngunit hindi pa rin nila lubusang magamit ang 200-ektaryang lupain.
“Farmers of MAKISAMA – Tinang are the rightful agrarian reform beneficiaries (ARBs) to the 200-hectare agricultural land in Tinang, having been awarded their Certificate of Land Ownership Awards (CLOAS) in 1995 under the Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). For almost three decades, a total of 236 agrarian reform beneficiaries have been deprived of the 200-hectare land due to non-installation,” dagdag pa ng RUWA.
[“Ang mga magsasaka ng MAKISAMA – Tinang ay ang marapat na ARBs sa 200-ektaryang agrikulturang lupain sa Tinang, matapos silang magawaran ng CLOAS noong 1995 sa ilalim ng CARP. Sa halos tatlong dekada, 236 na ARBs ang pinagkaitang magamit ang 200-ektaryang lupain dahil sa non-installation.”]
Legasiya ng palpak na programang pang-agraryo
Ang pag-aresto ay naganap sa bisperas ng anibersaryo ng CARP, na inaprubahan noong ika-10 ng Hunyo, 1988.
“On one hand, it is ironic that peasant and food security advocates are arrested on the eve of CARP’s anniversary, as if CARP were not a government program. But on the other hand, this latest incident of police brutality and feudal aggression is little more than further proof that CARP is a sham,” ani ng SAKA.
[“Sa isang banda, kabalintunaang naganap ang pag-aresto sa mismong bisperas ng anibersaryo ng CARP, na para bang hindi programa ng gobyerno ang CARP. Subalit sa isa pang banda, ang pinakahuling insidenteng ito ng karahasan ng pulisya at agresyong pyudal ay isang patotoo na pakunwari lang ang CARP.”]
Sa ilalim ng CARP, ang mga benepisyaryong magsasaka ay pinagbayad ng amortization fees para ligal na makapagmay-ari ng mga lupain. Sa kabila nito, hindi natiyak ng programa ang tunay na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Ani ng SAKA, dinisenyo ang CARP upang paburan ang mga panginoong may-lupa at mga komprador, na patotoo lang na binigo nito ang mga benepisyaryong pesante.
Samantala, iginiit naman ng ARPAK na ang naganap ng pag-aresto sa Tinang ay larawan ng kung paanong tratuhin ng rehimeng Duterte ang mga pesante.
“Ang mga gawa-gawang kaso na ito ay sanhi lamang ng pag-trato ng rehimeng Duterte sa mga magsasaka at aktibista na sumusulong para sa pamamahagi ng lupa,” dagdag pa ng ARPAK.
Matatandaang noon lang Marso, sunod-sunod ang panghaharas at pag-aresto sa mga magsasaka sa Timog Katagalugan.
Noong ika-10 ng Marso, sampung magsasakang mula rin sa mga progresibong grupo ang inaresto sa Bacoor, Cavite. Sa parehong araw ay inaresto naman sa Silang, Cavite si Jonathan Mercado, coordinator ng Anakpawis Southern Tagalog. Sa parehong buwan, hinaras at ni-red-tag ng pulisya si Red Clado, coordinator ng Anakpawis Partylist Laguna. Noong Marso ay mainit ding minatyagan si Felizardo Repaso, miyembro ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) (BASAHIN: State forces target peasant leaders in a series of raids, arrests).
Ayon sa ARPAK, ang “legasiya” na ito ng panghaharas sa mga pesante ay inaasahang magpatuloy sa paparating na administrasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Maaalalang ang isyu ng coco levy funds ay mauugat sa rehimen ni Ferdinand Marcos, Sr. Pinagbayad ng P60 kada 100 kilong kopra ang mga magsasaka para sa buwis na ilalaan umano para sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa. Sa kabila nito, napunta ang mga pondong nakolekta para sa mga personal na interes nina Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., pamilyang Marcos, at iba pa nilang kaalyado.
(KAUGNAY NA BALITA: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon)
“Patuloy na sinusupil ang demokratikong mga karapatan na maihahalintulad sa nangyari sa ilalim ng absolutong kontrol ng diktador na si Marcos Sr. Hindi natin ito hahayaang magpatuloy at mamayani muli,” dagdag pa ng ARPAK.
Mariin naman ang pagkondena ng mga grupo sa naganap na malawakang pag-aresto.
“We, Rural Women Advocates, denounce in strongest terms the state-sanctioned acts of violence committed against participants in the Hacienda Tinang bungkalan. We stand against all forms of land grabbing and express solidarity with the MAKISAMA farmers in asserting their right to the 200-hectare land,” ani ng RUWA.
[“Mariing kinokondena ng RUWA ang karahasan ng estado laban sa mga kalahok ng bungkalan sa Hacienda Tinang. Tumitindig kami laban sa lahat ng anyo ng pangangamkam ng lupa, at kaisa kami ng mga magsasaka ng MAKISAMA sa paglaban para sa kanilang karapatan sa 200-ektaryang lupain.”]
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng mga pesante para sa Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Ayon sa Anakpawis noong 2016, GARB ang solusyon sa mga butas sa mga umiiral na batas kaugnay ng repormang agraryo. Layunin ng GARB ang pagtanggal sa amortization fees at pagtiyak na hindi mababawi ang CLOAS ng mga pesante.
(KAUGNAY NA BALITA: Southern Tagalog peasants form unity caravan commemorating Mendiola Massacre)
Biyernes ng umaga ay nagsagawa ng pagkilos ang mga progresibong organisasyon upang ipanawagan ang pagpapalaya sa mga inaresto. Nananawagan din ang mga grupo para sa mga tulong at donasyon.
“Makiisa tayo sa mga artista, ang iilan ay miyembro ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura (ARPAK), at mga agrarian reform beneficiaries sa paglaban sa kalapastangang pamamasista na ito,” panawagan ng ARPAK. [P]
Para sa mga donasyon, maaaring magpadala ng mensahe sa Facebook page ng mga sumusunod na grupo:
Artista ng Rebolusyong Pangkultura – ARPAK / Facebook
Rural Women Advocates – RUWA / Facebook
Larawan mula sa Rural Women Advocates (RUWA) / Facebook
Pingback: Walang tunay na kalayaan sa rehimeng Marcos-Duterte – UPLB Perspective
Pingback: Ika-124 na taon ng “huwad na kalayaan”, sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibo mula sa Timog Katagalugan – UPLB Perspective
Pingback: Dekada ng paglaban sa mapagpalayang pamamahayag – UPLB Perspective
Pingback: NEWS | SCs conduct mobilization, deliver unit reports in first day of GASC 53 – UPLB Perspective
Pingback: Marcos noon, Marcos ulit ngayon: Ang pag-uulit ng kasaysayan ng mga makapangyarihan – UPLB Perspective