Culture

Nasaan ang napagwagiang kasarinlan

Karaniwang tagpo kapag malapit na ang Araw ng Kalayaan ay ang pagpapaguhit sa mga mag-aaral ng watawat ng Pilipinas upang maisabit sa bawat bintana ng silid-aralan. Sumasabay sa indayog ng hangin ang mga nakahilerang maliliit na bandilang papel na siyang simbolo ng paggunita sa ika-12 ng Hunyo. Ito ang araw na napagwagian ang rebolusyon at napalaya ang bayan mula sa tatlong daang taong pananakop ng Espanya.

Para sa isang bata at mag-aaral, nakakatuwang malaman ang mga yugtong ito sa ating kasaysayan. Ngunit, lingid sa kanyang musmos na pag-iisip, ang araw na ito ang siyang nagpapaalala sa atin ng mga nakaugat pa rin na sakit ng bayan. Sa pagbabago ng Pilipinas sa modernong mundo, patuloy pa ngang nabago ang pananaw ng karamihan sa atin patungkol sa kasaysayan. Marami na ang nalilito sa pag-usbong ng iba’t ibang bersyon at naratibo nito lalo na sa social media, kahit iisa lang naman talaga ang katotohanan.

Sa muling pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, sariwain natin ang kahalagahan ng mga pambansang araw katulad nito—sa pagbabalik-tanaw ng ating kasaysayan at sa patuloy na pagharap sa kasalukuyang estado ng lipunan.

Kalayaan at Kasarinlan

Tuwing Araw ng Kalayaan, malimit marinig ang mga salitang “kalayaan” at “kasarinlan.” Sa unang tingin ay tila ba magkasingkahulugan lang ang dalawa, ngunit kung susuriin, higit itong mas komplikado. Ayon sa pagtalakay ng historyador na si Xiao Chua, mas karaniwan nating ginagamit ang salitang kalayaan bilang malapit ito sa alam nating konsepto ng laya o freedom. Ang kasarinlan naman ay mas malalim ang ugnayan sa salitang sovereignty o ang lubos na pagsasarili ng isang grupo o bansa mula sa impluwensiya ng iba. 

Sa kabila ng magkalapit na kahulugan, malinaw ang pagkakaiba ng dalawang konseptong ito. Malaya tayo sa ating pananaw dahil napaalis natin ang mga makapangyarihang dayuhang nanakop sa ating lupa, subalit nariyan pa rin ang malawakang bakas ng kolonyalismo at imperyalismo sa ating lipunan na pumipigil sa atin na maabot ang tunay na kasarinlan. Kaya patuloy pa rin ang pagtatanong natin sa ating sarili kung lubusang lumaya nga ba talaga ang ating bayan.

Hindi nga ba matapos maideklara ni dating Pangulong Aguinaldo ang paglaya ng Pilipinas sa Espanya noong Hunyo 12, 1898 ay isinuko niya rin ang bansa noong 1901 sa Estados Unidos makalipas ang halos tatlong taong pag-aklas ng bayan sa mga Amerikano. Nagmarka ito ng pagbabalik ng bansa sa halos limang dekadang kolonyalismo sa ilalim naman ng Amerika. Sa ilalim ng kolonyang ito, muli tayong inalisan ng karapatang iwagayway ang sarili nating bandila. Ito ay matapos iproklama ang Flag Law of 1907 na nagbawal sa mga Pilipino na gamitin ang ating sariling watawat sa kahit saang lugar, maging sa kani-kaniyang tahanan.

Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop tayo ng Imperyong Hapon. Idineklara nila na may kalayaan ang bansa sa ilalim ng isang puppet government na kanilang itinalaga noong 1943. Sa pagbagsak ng mga Hapon sa digmaan, muli lamang tayong isinuko sa Amerika noong 1945. Halos isang taon pa ang hinintay bago ganap na naabot ng Pilipinas ang soberanya noong Hulyo 4, 1946, kung saan ito ay sadyang itinapat ng Estados Unidos sa mismong araw ng kanilang kalayaan. Sa kabila ng proklamasyong ito, mas higit pa nga tayong umasa sa Amerika sa mga sumunod na taon dala ng matinding pagkasira ng bansa mula sa kamay ng mga Hapon.

Ibinalik lamang ni dating Pangulong Diosdado Macapagal sa Hunyo 12 ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan matapos hindi tuparin ng Kongreso ng Amerika ang pagbibigay nito ng $73 milyon na suporta sa danyos ng mga nagdaang digmaan.

Kaalinsabay nito ay ang pagsisimula ng cold war sa pagitan ng Amerika at Soviet Union. Muling ginamit ng Estados Unidos ang impluwensiya sa Pilipinas upang isulong nito ang anti-communist agenda. Kaya naman ganap ang suporta ng Amerika sa diktaduryang Marcos, dahil para sa kanila, siya ang susi sa pagsugpo ng anumang uri ng gawain o ideolohiyang ugat sa komunismo rito sa bansa. Sa kasalukuyan, muling pinalalakas ng Amerika ang presensiya nito sa Pilipinas at sa Timog-Silangang Asya upang labanan naman ang umiigting na impluwensiya at militarisasyon ng Tsina sa rehiyon. 

Sa mabilis na pagbabalik-tanaw natin sa mga tagpong ito, higit na napapalitaw na napakaraming pagkakataon na nakamit na sana ng bansa ang kalayaan. Ngunit, nagpatuloy lang ang impluwensya at puwersa ng mga imperyalistang bansa sa polisiya at takbo ng Pilipinas. Kung ganoon, nasaan ang ating ganap na kasarinlan?

Sa Pagbabago ng Kasaysayan

Ngayong Hunyo, isang Marcos ang muling magbabalik ng Malacañang at uupo sa pinakamataas na posisyon sa kapuluan. Bunga ito ng dekadang pagsisikap ng pamilyang Marcos sa “pagre-rebrand” ng kanilang pangalan sa harap ng publiko. Nakakabit dito ang isyu ng historical revisionism lalo na noong nagdaang eleksyon kung saan ginamit ng kanilang kampo ang mga baluktot na naratibo upang patatagin ang kampanya ng anak ng dating diktador. Sabi nga ni Sen. Imee Marcos, “What’s most important to us is of course, our name, the family name that has become so controversial— the legacy of my father is what we hope will be clarified at last.”

Sa pagkaproklama kay Bongbong Marcos bilang bagong halal na pangulo, marami ang nagtanong sa akademya, midya, at iba’t ibang sektor kung ano ang magiging implikasyon nito sa kasalukuyang estado ng kasaysayan.

Maraming limbag na aklat, academic journal, at mga archives na naglalaman ng mga tala ng pang-aabuso ng rehimeng Marcos noon ang pinangangambahan ng ilan na tuluyang ipatatanggal ang access sa publiko. Kasama na rito ang maaaring pag-aalis ng ilan sa mga pangunahing pambansang pista opisyal na gumugunita sa batas militar.

Isa sa mga ito ay ang maaaring pagtanggal sa Setyembre 21 bilang Pambansang Araw ng Protesta. Ang petsa ang siya ring komemorasiyon ng deklarasyon ng batas militar sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Idineklara ito ni Pangulong Duterte noong 2017 kung saan inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na pahintulutan ang lahat ng uri ng mobilisasyon. 

Ang araw ng protesta ay pagkilala sa iniwang bakas na takot at pang-aabuso sa karapatang pantao noong batas militar at ng iba pang pagkakamali at pagkukulang ng pamahalaan. Simbolo ito ng patuloy na pakikibaka at pakikipaglaban ng masa para sa kanilang karapatan.

Ito rin ang pinangangambahan na sasapitin ng Agosto 21, ang Araw ng Pagpatay kay Ninoy Aquino. Bagama’t hindi direktang napatunayan na sangkot ang mga Marcos sa pagpatay sa pangunahin nilang oposisyon, ang araw na ito ay nagsisilbing simbolo sa marami bilang manipestasyon ng lubhang pang-aabuso sa kapangyarihan ng diktadurya. Hindi rin maikakaila na ito ang higit na pumukaw sa maraming Pilipino na tumindig upang patalsikin na ang diktador.

Kaya nga atin namang ginugunita tuwing Pebrero 25 ang EDSA People Power na nagpatalsik sa diktaduryang Marcos. Kung isang Marcos na naman ang nakaupo at handang baguhin ang kasaysayan sa ngalan ng kanilang pangalan, mahirap na hindi isiping kasama ang pagdiriwang ng people power sa mga babaguhin ng susunod na administrasyon.

Sa tulong ng liderato ng bise presidenteng-halal, Sara Duterte, sa Kagawaran ng Edukasyon, hindi malayong gagamitin nila ang edukasyon at kultura para bigyang-katwiran ang mga nilalaman ng kasaysayan na kaso ng brutalidad na nakakabit sa kanilang mga pangalan. 

Totoong nakakabahala na ang mga posibleng pagbabagong ito ang siya ring magdudulot ng malawakang pag-iiba ng pananaw ng kasalukuyang henerasyon patungkol sa kasaysayan.

Pinangangambahan din ang magiging relasyon ng bagong administrasyon at ng sektor ng midya. Tahasang pag-iwas sa mga panayam at debate ang naging taktika ng tambalang Marcos-Duterte noong nakaraang eleksyon, kaya marami ang nagsasabi na maaaring pag-iwas din ang gawin nila sa midya. 

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, naging mapanganib din ang sitwasyon ng midya dahil sa patuloy na red-tagging at panggigipit ng pangulo sa mga kritiko ng gobyerno. Hindi rin ito malayong mangyari sa ilalim ng bagong administrasyon dahil paninira sa kredibilidad ng mga mamamahayag ang siyang naging gawi nila noong kampanya.

Kaalinsabay nito, hinamon pa ang sektor ng malawakang pagpapakalat ng maling impormasyon. Isa na nga sa manipestasyon nito ay ang isyu na itinatapat ang mga vlogger sa mga mamamahayag. Ipinapalitaw lang nito na patuloy ang pagdami ng mga nawawalan ng tiwala sa midya at paglakas naman ng mga personalidad na nagpapakilalang bagong mukha ng balita at katotohanan.

Higit sa mga usaping ito, pinangangambahan din ng marami kung ano ang magiging papel ng susunod na administrasyon sa nananatiling impluwensya ng mga imperyalistang bansa sa Pilipinas. Magiging handa nga ba sila sa pagsulong sa tunay na reporma sa bayan, o mga polisiyang ang dinastiyang pamilya nila at mga kasamang oligarkiya lang ang makikinabang?

Nakagapos pa rin ang Bayan

Marami na ang nagtatangkang baguhin ang ating mga pananaw at paniniwala sa lahat ng mga ito. Hindi natin maikakaila na ang mga pambansang araw at ang kanilang mga simbolo ay maaaring mabago bilang daan sa patuloy na propaganda ng mga nasa posisyon. Ginamit nila ang kultura ng kasinungalingan para linlangin tayo. Lumaya tayo sa pwersa ng dayuhan pero huwad pa rin ang ating kalayaan dahil marami sa atin ay alipin pa rin ng mga naghahari-harian sa bayan.

Hangga’t nananatili ang pagbabaluktot ng katotohanan, panggigipit sa kalayaan ng pamamahayag, pamamayani ng bulok na sistema ng dinastiyang pulitika, at kawalan ng reporma sa nananatiling tatsulok na istruktura ng lipunan, walang tunay na kasarinlan.

Higit sa pagiging petsa, ang mga araw na ito ang nagpakita sa atin ng pinaka- madidilim na tagpo ng ating kasaysayan. Mula sa ating paggunita ng Araw ng Kalayaan, mas lalo tayong dapat manindigan sa katotohanan sa pagharap sa ating kasalukuyang sitwasyon. Huwag nating hayaang mabaon sa limot ang mga ito, na sa loob ng ilang dekada ay nagpapaalala sa bawat Pilipino na huwag matakot balikan at sariwain ang kasaysayan.

Higit sa lahat ng panahon, ngayon natin sikapin na tumindig at mag-aklas laban sa patuloy na lantarang pagrerebisa ng kasaysayan. [P]

0 comments on “Nasaan ang napagwagiang kasarinlan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: