“Bawat paggunita sa Araw ng Huwad na Kalayaan ang nagpapaalala sa atin sa mga tanikalang ginagapos tayo sa kahirapan.”
Ito ang mensaheng itinatak ng iba’t ibang progresibong grupo mula sa Timog Katagalugan na nagtungo sa lansangan ng Cavite at Laguna upang markahan ng isang kilos-protesta ang ika-124 na taon ng Araw ng Kalayaan, ika-12 ng Hunyo.
Kasama ang mga aktibista at progresibo, dinaluhan ng mga magsasaka, manggagawa, estudyante, at urban poor ang protesta sa Binakayan Market, Kawit, Cavite upang ipakita ang tunay na katayuan ng mga Pilipino at ipanawagan ang katapusan ng pasismo, pyudalismo, at imperyalismo sa Pilipinas.
Iba’t-ibang representante mula sa youth groups na Anakbayan Southern Tagalog, Gabriela Southern Tagalog, Kabataan Partylist Cavite, at Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST) Southern Tagalog ang nanawagan sa mga kabataan na tumindig at isulong ang tunay na reporma sa lupa, pagpapataas ng sahod, at paggalang sa karapatang tao.
“Hindi tunay ang kalayaang tinatamasa ng ating bansa dahil mismong sa mga karapatan natin, makikita na patuloy ang mga atake hindi lamang ng mga imperyalista kundi ng mismong nasa kapangyarihan sa ating gobyerno,” ayon sa tagapagsalita ng YAPJUST ST.
Idinaing din ng mga grupong Samahang Magsasaka ng Tartaria (SAMATA) at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang inhustisya at patuloy na kawalan ng paggalang sa karapatan ng mga magsasaka. Binigyang-diin din nila ang mga problema ng mga manggagawa sa presyo ng langis at bilihin, maliit na sahod, problema sa tubig at kabuhayan, at mahal na pamasahe.
Kinondena rin ng mga grupo ang patuloy na pamamasista ng rehimeng Duterte sa masa at pagsupil sa karapatan ng mga progresibong grupo, indibidwal, at mga organisasyon.
Nagtanghal naman ang Southern Tagalog Cultural Alliance ukol sa inhustisya sa mga inosenteng taong pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ang Panday Sining Cavite ay nagbigay-pugay sa mga patuloy na nakikibaka upang ipaglaban ang tunay na kalayaan ng Pilipinas.
Sa Laguna, iba’t ibang sektor at grupo ang nagkasa rin ng mobilisasyon sa Los Baños at Brgy. Pulo, Cabuyao City upang gunitain ang Araw ng Kalayaan.
“Sa isang bansang malaya, ang mga mamamayan ay hindi na kailangan pang magmakaawa para sa mga batayang serbisyong panlipunan. Ngunit dito sa Pilipinas, ang edukasyon [at] ang healthcare system ay ginagawang negosyo ng mga dambuhalang korporasyon,” pahayag ng isang kinatawan ng Lakapati Laguna.
“Kung tayo ay tunay na malaya, walang dugo na dadanak sa pagdepensa sa ating soberanya, walang mamamayan na nagdurusa dahil sa labis na kahirapan at pananamantala na dulot ng panghihimasok ng mga dayuhang mananakop,” dagdag nila.
Larawan kuha ni Claire Sibucao
Bakas ng imperyalismo
“Napakaraming beses na pinatunayan na ang mamamayan ay may kadena pa rin sa kanilang mga leeg. 124 taon nang nakakalipas mula noon hanggang ngayon, walang pagbabago. Ang mahihirap ay kulong pa rin sa kahirapan buhat ng pananamantala ng imperyalistang Kano,” ani ng tagapagsalita ng Solidarity of Cavite Workers na si Marcus Confesor.
Dagdag pa ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite Provincial Coordinator Jerry Caristia, mananatiling huwad ang kalayaang ipinagdiriwang nang higit sa isang siglo dahil sa impluwensya ng imperyalistang Estados Unidos sa pamahalaan.
Giit ng BAYAN Cavite sa kanilang opisyal na pahayag sa Facebook page, hindi makakamtan ng Pilipinas ang tunay na kalayaan habang hindi naitatakwil ang malalim na imperyalismo sa bansa, lalo na’t ngayon ay nagbabadya ang bagong administrasyong pamumunuan ng tambalan ng mga anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at outgoing na pangulo na si Rodrigo Duterte.
Pahayag ng Panday Sining Cavite: “At tulad ng kanilang ama, ang tambalang Bongbong Marcos-Sara Duterte ay handang humalik sa paa ng mga dayuhan. Kamakailan lamang nang maganap ang eleksyon, tanaw pa lang ng US ang pagkaangat ng bilang ng boto kay Ferdinand Marcos Jr. bilang presidente ay agad na itong nagpakita ng suporta. Hindi ba’t hindi naman maaaring makatapak si Marcos Jr. sa Estados Unidos? Hindi malayong mangyari ang sabwatan sa pagitan nila!”
Noong Hunyo 9, sinabi ni US Deputy Secretary of State Wendy Sherman na maaaring gamitin ni Marcos Jr. ang kanyang diplomatic immunity upang maisagawa ang kanyang mga opisyal na tungkulin sa Estados Unidos nang walang pangambang harapin ang mga kaso laban sa kanya.
Hindi pa nakahaharap si Marcos Jr. sa contempt judgment na inisyu ng korte sa Estados Unidos kaugnay ng human rights class suit laban sa ama niyang diktador. Ang halaga ng salapi kaugnay ng nasabing contempt judgment ay aabot na sa $353 milyon, o katumbas ng mahigit P18 bilyon.
Samantala, giit pa ng Panday Sining Cavite, mas lalong paiigtingin ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte ang walang pakundangang pang-aalipusta sa bansa ng mga tuta ng dayuhan.
Larawan kuha ni Claire Sibucao
Patuloy na panggigipit sa kalayaan
Sa mobilisasyon sa Los Baños, tinuligsa ng College Editors Guild of the Philippines Southern Tagalog (CEGP-ST) ang pag-atake sa mga organisasyon pang-midya sa ilalim ng rehimeng Duterte.
“Walang respeto ang alyansang Marcos-Duterte sa pamamahayag kung kaya pinuno nila ang iba’t-ibang espasyo ng disimpormasyon at pinaiingay at pinapalabnaw ang mga importanteng diskusyon gamit ang mga bayarang personalidad at mga vloggers,” pahayag ng alyansa.
Ibinahagi rin ng University of the Philippines Los Baños University Student Council (UPLB USC) ang estado ng mga mag-aaral noong Batas Militar kung saan ipinagbawal ang pag-oorganisa at mga institusyon sa unibersidad na pinangungunahan ng mga lider-estudyante.
Samantala, isang kinatawan mula sa Kabataan Partylist Cavite ang nagsalita sa kilos-protesta upang tutulan ang pagtatalaga kay Sara Duterte bilang susunod na kalihim na Kagawaran ng Edukasyon.
“Hanggang ngayon, patuloy pa rin tayong nagdurusa sa remote learning. Pinatunayan ng rehimeng Duterte ang pagkabulok ng sistema ng edukasyon kaya’t lalong tutulan ang pag-upo ni Sara Duterte sa Kagawaran ng Edukasyon,” aniya.
Dagdag ni Caristia sa post ng BAYAN Cavite: “Bongbong Marcos and Sara Duterte’s succession will pose a deadlier and more alarming human rights situation in the country. What happened in Tinang, Tarlac and alarming police brutality in Manila and other parts of the country is already a hint of what we should expect under the administration of Ferdinand Marcos Jr.”
[“Ang pamumuno nina Bongbong Marcos at Sara Duterte ay magdadala lamang ng mas nakamamatay na human rights situation sa ating bansa. Ang nangyari sa Tinang, Tarlac at ang panghaharas ng mga pulis sa Maynila at iba pang lugar sa Pilipinas ay ilang sa mga pahiwatig ng kung ano ang maaaring asahan sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.”]
Tatlong araw bago ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan, mahigit 80 magsasaka at food security advocates mula Brgy. Tinang, Concepcion, Tarlac ang iligal na inaresto matapos magsagawa ng bungkalan – isang paraan ng protesta kung saan iginigiit ng mga pesante ang kanilang pagmamay-ari sa lupain. Itinuturing ito ngayon bilang “single biggest mass arrest” sa ilalim ng administrasyong Duterte (BASAHIN: 93 pesante, food security advocates, iligal na inaresto sa Tarlac).
Noong Hunyo 12, tagumpay na napalaya mula sa pagkakulong ang 83 na indibidwal matapos ang pag-isyu ng release order ng Municipal Trial Court, na noong una ay hinarang pa ni Philippine National Police (PNP) Concepcion acting police chief Reynold Macabitas.
Noong Hunyo 11 din ay marahas na dinampot at inaresto ang environmental defender na si Daisy Macapanpan sa Pakil, Laguna, na itinuring ng YAPJUST UPLB bilang pagpapakita ng takot nina Duterte at Marcos sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao.
Bago ang panghaharas at pag-aresto ay nagsalita si Macapanpan sa isang pagtitipon hinggil sa pagpapatayo ng Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project. Ang proyekto ay pinangangambahang magiging sanhi ng pagbaha sa mga karatig-bayan ng Sierra Madre dahil sa pagpuputol ng puno at pagkasira ng kalikasan. Kasama si Daisy sa mga nagpepetisyong Pakileño sa pagtigil ng pagpapatayo ng nasabing Hydropower Project.
Samantala, matatandaang noong ika-25 ng Mayo ay ilang riot police naman ang gumamit ng water canons upang harangin ang mga indibidwal at grupong nagprotesta sa Commission on Human Rights (CHR) laban sa mga anomalya kaugnay ng nakaraang eleksyon.
“Hindi pa man nakauupo ang tambalang Marcos-Duterte, talamak na paglabag na sa karapatang pantao ang isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa bilang paghahanda sa kanilang paghalili kay Rodrigo Duterte. Tiyak, walang ibang aasahan ang mamamayang Pilipino mula sa susunod na administrasyon kundi higit na pagkalugmok ng mga batayang sektor sa pagpapatuloy ng kanilang pagpapakatuta sa US-China,” pahayag ng Anakbayan Cavite.
Giit din nila na sa sunod-sunod na paglabag sa karapatang pantao ay walang ibang aasahan sa sambayanang Pilipino kundi ang mas mahigpit na pagtangan sa nagkakaisang layunin na pagkamit sa tunay na pambansang demokrasya. [P]
Mga larawan kuha ni Claire Sibucao
Paglalapat ni Ron Babaran
Pingback: Kakulangan ng aksyon sa ekonomikong krisis, iprinotesta ng mga progresibo sa unang SONA ni Marcos Jr. – UPLB Perspective