Mga salita ni Alex Delis
“Kung itinuturing nilang krimen ang pagtatanggol sa kalikasan at interes ng mga katutubo, ito po ay naglalahad kung anong klaseng gobyerno ang mayroon tayo para sa mga nagtatanggol ng mas matiwasay at [mas] masaganang bukas para sa ating lahat,” giit ni Victoria Lavado, representante ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), sa naganap na press conference noong ika-12 ng Hunyo.
Isinagawa ang nasabing press conference noong Araw ng Kalayaan, sa pangunguna ng Defend Southern Tagalog at kasama ang mga progresibo at makakalikasang grupo, upang ipanawagan ang agarang paglaya ng environmental defender na si Vertudez “Daisy” Macapanpan mula sa kamay ng pulisya.
Ito ay matapos iligal at marahas na inaresto ang biktima noong ika-11 ng Hunyo sa kanyang bahay sa Pakil, Laguna ng humigit-kumulang 24 na elemento ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) nang walang anumang ipinakitang warrant of arrest.
Kinilala ang biktima na dating propesor ng humanidades sa UP Baguio at tagapayo ng Outcrop, na opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng nasabing unibersidad, noong Dekada ‘80. Aktibo rin si Daisy sa pangunguna ng mga kultural na pagtatanghal tungkol sa Batas Militar noong siya ay propesor pa.
Bukod pa rito, si Daisy ay isa ring tagapagtanggol ng kalikasan at masugid na kritiko ng Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project o Ahunan Hydropower Plant na itatayo sa bahagi ng Sierra Madre, partikular sa ibabaw ng bayan ng Pakil.
Ang proyektong ito ay mariing tinututulan ng environmental advocates, maging karamihan ng mga Pakileño, dahil sa magiging epekto nito sa kalikasan at suplay ng tubig sa kanilang lugar.
Magsisilbi ang Ahunan Hydropower Plant bilang water distributor ng Kaliwa Dam sa Laguna. Kabilang sa Build, Build, Build program ang Kaliwa Dam na magsisilbi namang water source sa mga probinsya ng Rizal at Quezon.
Matatandaang matagal nang nakikipaglaban ang mga katutubong Dumagat sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam dahil sa mga masamang maidudulot nito sa kalikasan at sa kanilang sagradong kultura (BASAHIN: Defending Makidyapat’s land: Dumagats continue fight against Kaliwa Dam project).
Mga iregularidad sa pag-aresto
Sa nasabing press conference, isinalaysay ng pamangkin ng biktima na si Ryan Macapanpan ang serye ng mga pangyayari noong araw ng pag-aresto kay Daisy.
Nagkaroon umano ng pagtitipon sa Pakil Church ang mga residente kasama si Daisy, umaga ng Hunyo 11. Ito ay isang people’s consultation na pinangunahan ng biktima upang talakayin ang kanilang pagtutol sa pagbebenta ng lupa sa lugar upang ipatayo ang nasabing planta.
Bandang alas kwatro ng hapon matapos ang naturang konsultasyon, dumating ang hindi bababa sa 24 na PNP-SAF bitbit ang kanilang mga matataas na kalibre ng baril at sapilitang inaresto si Daisy. Wala rin umanong ipinakitang arrest warrant ang kapulisan at hindi rin binasahan ng karapatan ang biktima.
Mariing kinokondena ng mga progresibo at makakalikasang grupo ang sapilitang pag-aresto kay Daisy. Ayon sa kanila, ito ay isang malinaw na pag-atake sa mga tagapagtanggol ng karapatan at kalikasan.
“The arrest of Daisy Macapanpan reeks of many irregularities. Why send around 20 members of the Special Action Force to arrest a 68-year old woman? That’s overkill. This is a clear reprisal against her for standing up against a potentially destructive dam project,” pahayag ni Leon Dulce, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE).
[“Ang pag-aresto kay Daisy Macapanpan ay puno ng iregularidad. Bakit magpapadala ng humigit-kumulang 20 na miyembro ng Special Action Force para arestuhin ang isang 68 anyos na babae? Overkill iyan. Ito ay isang malinaw na paghihiganti laban kay Daisy dahil sa paglaban niya sa pagpapatayo ng dam na maaaring maging mapanganib sa kalikasan.”]
Kinumpirma ng alkalde ng Pakil na si Vincent Soriano, maging ang chairman at konsehal ng Brgy. Burgos, na hindi umano ipinabatid ng PNP-SAF sa local government units ang pag-aresto sa biktima, bukod pa sa hindi nila pagpapakita ng warrant. Ito ay matapos ang isinagawang panayam ng paralegal team ng Karapatan Southern Tagalog (ST) sa alkalde at ilang opisyal ng barangay noong ika-15 ng Hunyo.
Mariing kinokondena ng naturang organisasyon ang anilang kawalan ng koordinasyon ng kapulisan sa LGU hinggil sa naganap na pagdakip. Ayon sa kanila, ito ay isang “breach in protocol” lalo na’t isang malaking unit ang PNP-SAF.
Inilabas din ng Karapatan ST sa kanilang Facebook post ng parehong araw ang bahagi ng liham galing kay Daisy, kung saan isinalaysay niya ang kanyang naging karanasan sa kamay ng kapulisan sa General Nakar.
Ayon sa biktima, pilit na idinidikit sa kanya ang alyas na “Tian/Tiyang/Tyang/Tsen” na dawit umano sa 2008 rebellion case, na agad naman niyang pinabulaanan.
“Aba ay hindi ako pumayag dahil hindi ako iyan. At ipinipilit pa din nila ako at hinihingi ang tunay kong pangalan ay hindi ako pumayag,” saad niya.
Isinalaysay rin ni Daisy ang intimidasyon na ginawa ng mga pulis sa kanya at sa kanyang abogado, sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensya na ipinaparatang sa kanya.
Base sa inilabas na Facebook post ng Karapatan ST, patuloy ang panghaharang ng hepe ng General Nakar police station na si P/Lt. Jo T. Alvarez sa mga pangangailangang medikal at paralegal ng biktima.
Bukod sa panghaharang sa pagkuha ng remedyo, iniipit din daw umano ni Alvarez ang pagkuha ng abogado ni Daisy ng mga dokumento patungkol sa nangyaring pagdakip. Ilang beses din daw pinagpabalik-balik ng hepe ang letter of request na isinumite ng abogado at inakusahan pang paso ang lisensya nito.
Hindi rin pinayagan ng istasyon na makipag-usap si Daisy sa Commission on Human Rights (CHR). Hinarang din ang pagdalaw ng mga kaanak ng biktima.
Samantala, iginiit ni Daisy sa kanyang liham na ang nangyaring iligal na pag-aresto ay dahil sa kanyang pagtindig laban sa itatayong Ahunan Hydropower plant sa kanilang bayan.
“Tulungan niyo po akong kagyat na makalabas ng kulungan dahil wala po akong kasalanan… Tulungan niyo po akong makalaya para patuloy [na] makalahok sa pagsisikap na mapigilan ang pagtatayo ng malaking dam sa Sierra Madre, sa Pakil, Laguna, at iba pang lugar,” panawagan ng biktima sa kanyang liham.
Bidyo mula sa Defend Southern Tagalog / Facebook
Dambuhalang panganib
Ang Ahunan Hydropower Plant ay isang 1400-megawatt pumped-storage hydropower plant na may kabuuang lawak na 299.4 ektarya at pinaplanong itayo sa munisipalidad ng Pakil, Laguna. Sakop ng proyektong ito ang apat na barangay sa Pakil kabilang ang Baño, Burgos, Rizal, at Taft.
Layunin ng proyektong ito na maging isa sa mga pangunahing suplay ng kuryente sa Luzon, partikular sa pangangailangan ng mga kumpanyang pinaaandar ng kuryente.
Nagkakahalagang $1.1 bilyon ang nasabing proyekto na popondohan ng JBD Water Power Inc., at ng Prime Metro Power Holdings na pagmamay-ari ng negosyanteng si Enrique Razon. Nakatakdang simulan ang naturang proyekto sa first quarter ng 2023 at inaasahang matatapos sa 2027.
Ayon sa pahayag ng Ahunan Power, “RE [renewable energy] projects including hydropower energy play an essential part in the Philippine government’s strategy in addressing the challenges of climate change, energy security, and access to clean energy”.
[“Ang mga proyektong RE, kabilang na ang hydropower energy, ay mayroong mahalagang gampanin sa estratehiya ng gobyerno upang masolusyonan ang mga pagsubok hinggil sa climate change, seguridad sa enerhiya, at akses sa malinis na enerhiya.”]
Ngunit, taliwas ang pahayag na ito sa ipinaglalaban ng mga tagapagtanggol ng kalikasan at karamihan sa mga Pakileño.
Nakakakuha ng libreng akses sa tubig ang mga residente ng Pakil dahil sa mga talon at bukal na matatagpuan sa Sierra Madre, ayon sa pahayag ni Karl Begnotea, representante ng Network Opposed to Kaliwa, Kanan, & Laiban Dams (NKKLD) sa ginanap na press conference. Subalit giit ng mga progresibong grupo, ang pagpapatayo ng naturang planta ay magkakait ng libreng akses ng tubig sa mga residente at magdudulot ng pagkatuyo ng mga anyong-tubig sa lugar.
Bukod pa rito, isa rin sa mga dahilan ng mariing pagtutol ng mga residente at advocates kagaya ni Daisy ay ang posibleng pagkakaroon ng masamang epekto sa kalikasan habang at pagkatapos maipatayo ang Ahunan Hydropower Plant.
Ayon sa praymer na inihanda ng Protect Sierra Madre for the People (PSM) noong Pebrero 2022, ang pagpapatayo ng dam o hydropower plant ay magdudulot ng pagputol sa mga puno at pagyanig ng paligid dahil sa mga gawaing konstruksyon. Bukod pa rito, magdudulot ang nasabing proyekto ng pagkasira ng tirahan ng mga halaman at kahayupan sa kabundukan.
Matapos maipatayo ang dam, magdudulot din daw ito umano ng pagbaha o kaya’y pagkatuyo ng mga anyong tubig dahil sa paglihis ng agos sa loob at ilalim ng kabundukan. Posible ring magkaroon ng landslides at flashfloods sa lugar.
Malaki umano ang posibilidad na bumaha sa mga mabababang lugar na nakapaligid sa Lawa ng Laguna sa oras na maipatayo ang Ahunan Hydropower Plant. Ito ay dahil mayroon na ring dalawang dam sa lugar na nagdudulot ng pagtaas ng lebel ng tubig sa lawa.
“Sa kasalukuyan ay mayroong dalawang dam (hydropower plants sa Laguna) ang nagpapakawala ng tubig – ang Kaliraya Dam sa Lumban-Cavinti at Botocan Dam sa Majayjay-Luisiana – na nagdudulot ng biglaang [pag]taas ng [tubig] ng Lawa [ng Laguna]. Idagdag pa ang malaking bolyum ng tubig na pinakakawalan ng Kalayaan Hydro tuwing bumubuhos ang malakas na ulan,” paliwanag ng PSM.
Kabilang din ang Pakil sa mga lugar na mayroong moderate to high seismicity dahil sa presensya ng active faults at subduction zones sa 150-km radius ng lugar. Ibig sabihin nito, maaaring makaranas ng lindol sa lugar na pagtatayuan ng planta na magiging delikado sa mga residente roon.
Bukod sa mga nakaambang peligro sa kalikasan, isa rin sa mga ipinaglalaban ng mga Pakileño ay ang pagiging sagrado ng lugar kung saan itatayo ang dam. Sagrado kung ituring ng mga katutubo at residente ng lugar ang bundok ng Ping-as sa ibabaw ng Pakil, kung saan idinadaos ang “Ahunan sa Ping-as” tuwing huling Sabado ng Mayo, na isang pagpupuri sa kabanalan ng lugar.
Dahil dito, patuloy ang pangangalampag ng mga residente ng Pakil na itigil ang nasabing proyekto. Nagkaroon ng samu’t-saring petisyon para sa pagtutol dito.
Kabilang ang alkalde ng Pakil na si Soriano sa mga “major player” ng proyektong Ahunan Hydropower Plant. Patuloy na itinutulak ni Soriano ang proyekto sa kabila ng mga hinaing ng kanyang mga nasasakupan.
Matatandaang naglabas ng statement ang nasabing alkalde noong Araw ng Kalayaan hinggil sa warrantless arrest kay Daisy na hindi umano dumaan sa due process. Isang araw matapos ang kanyang pahayag, ipinaliwanag ni Soriano na nakatanggap umano siya ng mensahe mula sa “kababayan na aktibo pa sa serbisyo” na nagsasabing ang pagkakaaresto kay Daisy ay dahil umano sa pagiging top-ranking communist nito.
“Malinaw na walang kinalaman sa No to Dam campaign ang kaso [ni Daisy Macapanpan],” aniya.
Taliwas ito sa sinasabi ng mga kaanak ng biktima at mga progresibong grupo, kung saan diin nilang ang naturang pagdakip ay parte ng matinding crackdown laban sa environmental defenders at mga katutubo.
“Sana po ang hustisya ay bumalik sa matahimik at napakagandang bayan ng Pakil… Sinira po ito ng katakawan sa salapi ng kung sinumang pulitikong ganid. Gusto nilang sirain ang aming bundok na minana pa namin sa aming mga ninuno,” saad ng pamangkin ni Daisy sa inilunsad na press conference.
Dekadang laban para sa kabundukan
Bago pa man umusbong ang proyektong Ahunan Hydropower Plant, ilang dekada nang nakikipaglaban ang mga katutubo at residenteng naninirahan sa kahabaan ng Sierra Madre bunsod ng mga industriyalisadong proyektong itatayo sa bulubundukin.
Noong panahon ng rehimeng Marcos, taong 1979, pinlanong itayo ang Laiban Dam sa lalawigan ng Rizal na nagdulot ng matinding pagtutol mula sa mga katutubo, magsasaka, at mga residente dahil sa nakaambang panganib na dulot nito. Kaagad ding napatigil ang naturang proyekto bunsod ng kabi-kabilang human rights abuses at civil unrest noong panahon ng Batas Militar.
Muling nabuksan ang proyektong ito sa termino ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007, matapos maaprubahan ang pagpopondo nito sa ilalim ng China Loan, ngunit kaagad ding nabasura matapos madawit sa isang corruption scandal ang naturang magpopondo ng proyekto.
Taong 2013 hanggang 2015, sa ilalim ni Benigno “Noynoy” Aquino III, isinagawa ang isang feasibility study kung saan ang dating Laiban Dam ay pinalitan ng New Centennial Water Source (NCWS) na mahahati sa siyam na maliliit na dam, kabilang ang Kaliwa Dam.
Itinuloy ito sa pamumuno ni Rodrigo Duterte na itinuturing bilang flagship water security project ng administrasyon. Inaprubahan ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam project ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nagkakahalagang P12.2 bilyon. 85% o halos P11 bilyon ng proyekto ang popondohan ng Export-Import Bank of China (China Eximbank) sa pamamagitan ng loan.
Itinuloy ang naturang proyekto sa kabila ng panawagan ng mga indigenous peoples (IP) sa Sierra Madre laban sa konstruksyon ng dam.
Matatandaang minadali ng gobyerno ang pagpapapirma ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng mga Dumagat at Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) noong kasagsagan ng pandemya. Marami sa mga IP at tagapagtanggol ng kalikasan ang umalma sa nasabing MOA dahil bukod sa minadali ito, pinilit din umano ang mga katutubo na pirmahan ang kasunduan (BASAHIN: Government agencies rush negotiations on Kaliwa Dam construction; MOA signatories for Kaliwa Dam ‘bribed’ by gov’t agencies – Dumagat leader).
Maliban kay Daisy Macapanpan, marami ring mga environmental at human rights defender ang nakaranas ng karahasan at pagbabanta sa kamay ng mga pwersa ng estado. Taong 2001, walang habas na binaril ng mga sundalo ng gobyerno ang isa sa mga lider ng mga katutubo sa Southern Tagalog na si Nicanor “Tatay Kanor” delos Santos.
Si Tatay Kanor ay naging tagapagsalita ng Kaisahan ng mga Katutubo sa Sierra Madre (KKSM) na magiting na ipinaglaban ang karapatan ng mga katutubo at residenteng naninirahan sa kahabaan ng Sierra Madre. [P]
Sa mga nais magpadala ng tulong pinansyal para sa legal fees, piyansa, logistics, pagkain, at iba pa para kay Daisy Macapanpan:
BDO
006820607783
PAOLO R FELICES
GCASH
0908 424 4151
MHERLO M.
Larawan mula sa Karapatan ST
Paglalapat ni Arianne Paas
Pingback: Walang pinagkaiba ang anak ng diktador – UPLB Perspective
Pingback: Student leaders, activists call on fellow graduates to serve the people in 2022 grad rally – UPLB Perspective
Pingback: NEWS | SCs conduct mobilization, deliver unit reports in first day of GASC 53 – UPLB Perspective
Pingback: UPLB Feb Fair back on-ground; binds up calls for education, democratic rights – UPLB Perspective