Mga salita nina Charleston Jr Chang, Markus Fabreag, at Rainie Edz Dampitan
Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam nina Pierre Hubo, Shelow Monares, at Aira Domingo kina Gean Celestial at Mj Flores.
Hindi inaprubahan ni UPLB Chancellor Jose Camacho, Jr. ang panawagan ng UPLB University Student Council (USC) na i-extend ang deadline ng course requirements hanggang ika-17 ng Hunyo. Ito ay upang ganap na mamarkahan ang lahat ng course requirements kabilang na ang final examinations, nang higit na makapaghanda ang mga guro sa pagsumite ng mga marka sa darating na ika-23 ng Hunyo.
Matatandaang nagpadala ng panawagan ang USC sa Office of the Chancellor noong ika-5 at ika-6 ng Hunyo dahil sa pagdulog sa kanila ng mga estudyante na humingi ng isang linggong palugit upang matapos ang final requirements.
Samantala, ang hirap na dinaranas ng mga estudyante sa gitna ng online learning ay sinabayan pa ng pagputok ng Mt. Bulusan noong ika-5 ng Hunyo. Ayon kay UPLB USC Chairperson Gean Celestial, nasa 56 na mag-aaral ang malapit o nasa mismong lugar na apektado ng pagputok ng bulkan.
Kaugnay ng mga isyung ito, kinapanayam ng UPLB Perspective si Celestial upang mapalalim ang karanasan at panawagan ng mga mag-aaral sa kasalukuyang semestre, at sa kalakhan ng online learning.
Ano ang kadalasang complaints ng mga estudyante kaugnay ng academic workload?
Nag-resort tayo sa pagpapa-extend na lang ng deadlines until June 17 kasi yun din naman yung pinaka-feasible na mangyari given na ‘yung pasahan ng grades ng faculty ay June 23. ‘Yung mga na-raise na concerns ng mga estudyante natin: Una, ‘di naman maiiwasan na parang may mga areas na wala talagang connection. Nawawalan ng connection from time to time so mahirap makapag-comply. Nandiyan din yung nare-raise na reasons ng mga estudyante natin ‘yung [election] campaign. Naging busy kasi sila sa pag-volunteer sa campaign.
So ang pinaka-feasible natin gawin para bigyan ng time ang mga students is ‘yung request for the extension of the deadlines, which unfortunately na-disapprove nga siya ng Chancellor natin. ‘Yun lang naman ‘yung request na nakukuha kasi padulo na naman ng semester so more on pagpapatawag ng extension ng deadlines, kasi hindi naman natin mako-call ‘yung leniency kasi it’s too late for us to call ng magiging lenient yung mga prof.
May mga estudyante ba mula sa Sorsogon na nag-reach out sa inyo at ano yung request nila or ipinarating sa USC?
‘Yung number ng students natin na nasa affected area or malapit sa area na ‘yun ay around 56 students based sa UPLB Agapay record, pero ang meron kasing record doon ay sa OVCSA [Office of the Vice Chancellor for Student Affairs] talaga. Wala namang lumapit na estudyante sa USC pero ang naging contact naming USC doon sa mga estudyante na affected din bukod sa Agapay ay ‘yung Alliance of Varsitarian Organizations [AVO].
Walang actually lumapit na pwede po bang mag-request ng bigyan kami ng leniency, pero parang nung pumutok ‘yung balita na yun, automatic na nag-request na yung USC [para sa leniency], kasi yun naman yung ginagawa natin diba, kapag mayroong calamity, mag-request ng leniency sa part ng students. Sa part na iyon, nakausap ko din naman si VC Jean [Loyola] regarding that. Nag-agree naman yung college secretaries natin, although meron ding dagdag sa recommendation ni Chancy na parang yung ise-set na deadlines or kumbaga ‘yung leniency na ibibigay sa affected students will depend na din sa faculty, kasi nire-reach din nila ma-submit yung grades ng graduating students by June 23. By June 27, kailangan meron na tayong list ng graduating students, so yun din yung consideration na binigay na dapat pa rin maka-comply ‘yung students sa June 23.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumaas sa Alert Level 1 ang Mt. Bulusan matapos ang phreatic eruption noong ika-5 ng Hunyo. Nakaranas ng ashfall ang mga karatig nitong mga munisipalidad, samantalang naulit ang pagputok ng bulkan noong ika-12 ng Hunyo.
Mahigit 11,000 na indibidwal o mahigit 2,800 na pamilya ang lumikas sa Juban, Sorsogon noong nakaraang Linggo, ayon sa Office of Civil Defense.
Matapos ang sakunang ito, nagsagawa ang UPLB USC, kasama ang Serve The People Brigade (STPB-UPLB) at UPLB Agapay ng donation drive upang matulungan ang mga residente at estudyanteng naapektuhan ng pagputok ng bulkan.
Dapat na bang maging University Policy ang konsiderasyon sa sitwasyon ng estudyante at kaguruan, pati na rin ang flexibility sa schedule, deadlines, at academic calendar?
Yes. Matagal na natin kino-call na for as long as nasa pandemic, dapat na may ease na nararanasan. Although ang academic ease, mas naka-focus tayo sa online setup. Need natin ma-consider na same din ba ang demands para sa paparating na semester na magiging wider ang reopening.
Ano yung concerns to the administration kaugnay ng mga panawagan ngayong semestre?
Siguro ‘yung pwede kong ma-cite ay kung paano nag-end up si Chancy sa ganoong decision [pag-decline ng extension of deadlines]. Before naman nag-send yung USC, kinontak na namin si Sir Cris [Lanzaderas] from union. Nag-heads up kami sa kanila or nagtanong kami sa kanila na mayroon po bang patawag yung faculty, particularly ‘yung unyon with regards to the call ng submission naman ng deadline ng grades. ‘Pag nagse-send ‘yung USC ng extension natin sa part natin na students, syempre dapat meron ding coordination sa part ng faculty. Nagkaroon ng go signal, sabi ni Sir Cris, p’wede [kaming] mag-send tas susugan na lang [nila].
Ang unang recommending approval from the Office of the Vice Chancellor for Student Affairs, si VC Ja [Janette Malata-Silva], ang ni-recommend niya ‘yung unang request natin na magkaroon ng extension until June 17, approved ‘yun sa kanya kasi ang reason niya naman, June 23 pa naman yung deadline ng grades submissions, so pwede pa.
‘Yung second na ni-request natin ay walang deduction yung mga late submission. Sabi naman sa recommending approval ni VC Ja ay okay lang naman iyon kasi parang the deduction should be based on the quality of the output of the students, hindi ‘yung mga hindi na nila nako-control kumbaga.
The third one, agree naman si VC Ja na huwag na magkaroon ng additional requirements, kasi nakalagay din naman sa memorandum na yung mga activities na nasa course curriculum, yun lang talaga dapat yung ginagawa natin all throughout the semester.
After nung recommending approval ni VC Ja or simultaneously habang ginagawa ni VC Ja yung recommending approval niya, si VC Jean naman ay nakikipag-coordinate sa faculty natin. So ang unang na-disapprove din ay yung letter ng unyon na i-extend yung grade submission.
After nun tiyaka nag-send out ng replies si Chancy, so na-dissaprove na siya sa level ng acad affairs, kasi yung mga reasons naman ni VP Jean is that una yung sa extension, hindi siya pwede dahil nga sa consideration natin na may mga faculty members na marami talagang hawak na courses, so kumbaga matatambakan sila.
Second, yung deduction naman, nasa prerogative siya ng mga prof. Kasi we have this academic freedom nila so parang pasok kasi yun na kung mag-deduct sila or hindi sila magde-deduct.
Ang na-approve lang talaga sa level ng academic affairs is yung wala nang additional requirements. So parang dun lang talaga nag-meet yung students saka faculty sa no more additional requirements. That is why we feel like si Chancy Camacho, naipit din siya dun sa decision. Tapos binigay niya yung reason niya kung bakit na-disapprove yung letter, na-point-out na na-consider yung mga factors sa part ng faculty na matatambakan sila. Hinahabol din natin yung list ng graduating students.
Yung naplaplanuhan ng USC na gawin kasi ang last resort natin, kung sa level ng UPLB admin na-disapprove siya, pwede kasi nating lapitan pa yung mga faculty. May ilang members naman ng faculty, particularly yung mga nasa unyon, na nag-request na mag-extend din so pwede din nating lapitan sila parang maga-appeal na lang tayo in a form of open letter.
That’s why we are planning to have a CSL [Council of Student Leaders] sa Thursday [June 16] just to check kung ano pa ba yung mga punto ng mga estudyante, kung gusto pa nating ilaban. Kasi ‘di lang naman kasi kami basta-bastang mag-open letter na council considering na ‘di naman pala yun yung gusto ng students or yung call ng students, parang walang pinagbasehan yung call namin, parang nag-open letter lang kami as kami yung mga individual students sa loob ng council.
Kung Thursday magpapa-CSL, meron pa naman tayong one week, pero let’s see what will happen kasi parang na-justify naman na faculty yung reason nila sa letter ni Chancy.
Sa ginanap na CSL noong ika-16 ng Hunyo, napagpulungan ang mga pangunahing hakbang at panawagan para sa academic ease. Kabilang dito ang konsultasyong multi-sektoral; pagsusuri ng mga course curriculum; pagpapaigting ng panawagan pata sa leniency sa deadlines; at pagtanggal sa mahihigpit na polisiya katulad ng pagbabawas ng marka sa late submissions.
Dahil sa bigat ng mga problema at hirap na dinaranas ng mga estudyante ay mas lalong pinaigting ang mga panawagan para sa face-to-face learning setup. 81 na mga estudyante ng UPLB ang naunang sumabak sa limited face-to-face setup nitong ikalawang semestre ng taong akademiko 2021-2022 (BASAHIN: 81 UPLB students approved for limited face-to-face activities).
Ayon kay Dr. Analyn Codilan, Ad Hoc Committee Chair for the Gradual Reopening and Conduct of Limited F2F Class Activities, limited face-to-face activities pa rin ang ibibigay para sa 3rd year hanggang 4th year students para sa darating na midyear classes.
Samantala, sa balitang inilabas ng UPLB Perspective noong Pebrero ng kasalukuyang taon, idinaing ng mga mag-aaral ang mabagal na Internet connection at madalas na pagkawala ng kuryente lalo na sa mga rural na lugar. Sa gitna ng mabibigat na course requirements, dagdag na pasakit pa sa kanila ang pandemya at mga nakalipas na sakuna.
(KAUGNAY NA BALITA: UPLB students, faculty confront persisting challenges 2 years into remote learning)
Upang makapagbigay ng Internet access at mga kakailanganing gadget para sa mga estudyante, binuksan nang 24 oras ang UPLB Learning Resource Center (LRC) mula noong ika-6 ng Hunyo at nagpatuloy hanggang ika-17 ng Hunyo.
Kaugnay ng mga isyung ito, nakapanayam ng UPLB Perspective si MJ Flores, BS Agriculture student, mula sa College of Agriculture and Food Science, upang mapalalim ang karanasan at panawagan ng mga mag-aaral sa kasalukuyang semestre, at bigyang konteksto ang naganap na inisyatibong Occupy SU.
Paano nakatulong ‘yung pagbubukas ng LRC 24/7 para sa mga estudyante na may pangangailangan ng learning space?
Sobrang helpful ng LRC, kasi kumbaga may nagtatao nang students sa LB. And kahit naman may apartment eh minsan ay napipilitan ka pa ring mag-cafe o pumunta [sa campus] kasi hindi rin naman conducive sa loob ng apartments. [Sa LRC], ayon may food nga and may mga gadgets sila tapos 24/7 siya, ‘yung atmosphere din [nakakatulong kasi] nag-aaral ‘yung mga tao, so nakaka-help na mag-aral ka rin. Feel ko ‘yung mga students na kailangan ng Internet o saksakan o nagtitipid sa kuryente sa mga apartment, helpful siya for them para matapos ‘yung sem.
Gaano kahalaga para sa’yo ang panawagang Occupy SU at pagkakaroon ng espasyo para sa mga estudyante?
Ang ginawa ng students ay pinaglaban nila ‘yung spaces, so importante talaga na hanggang ngayon, kung saan nasa ilalim pa rin tayo ng remote learning, na ganoon pa rin ma-uphold ‘yung diwa na mag-assert sa space natin. Ngayon nga na nakikita natin na onti-onti nang bumabalik ang mga estudyante sa paaralan, onti-onti nang binubuksan ang campus. Kita naman natin ang mga tao sa Freedom Park ang dami, mga naglalakad sa campus ang dami, pero hindi pa rin tayo fully na nakakabalik o parang wala pa ring space ang students. So isa sigurong pagpapatibay ng panawagan para sa Ligtas na Balik Eskwela at saka sa pag-assert ng rights nating students at ng espasyo natin sa university [ang Occupy SU]. Kaya lagi akong nandito kasi pinaglaban siya at kailangan nating i-assert ‘yung right for LNBE [Ligtas na Balik Eskwela].
Nagsimula ang Occupy SU ilang taon na ang nakaraan, kung saan pinuntahan at pinuno ng mga estudyante ang gusali upang gawin ang kanilang academic requirements sa tulong ng Wi-Fi rito, mag-ensayo para sa mga pagtatanghal, at magtipon para sa mga meeting. Naging panawagan at paggiit ito ng sangkaestudyantehan para sa pagkakaroon ng espasyo para sa kanila sa loob ng unibersidad (BASAHIN: Why you should care about #OccupySU too).
Ano ang general assessment mo sa kondukta ng kasalukuyang 2nd semester?
Last semester nilaban talaga natin ‘yung i-postpone muna ‘yung school year kasi kita naman natin ‘yung kabi-kabilang [COVID-19 cases] surge, at nakita natin na parang wala pang concrete plan ang UP [System] o UPLB for LNBE, t’saka hindi pa resolved ‘yung students sa pagod mula sa nakaraang semester. Humingi rin tayo ng accountability sa CHED [Commission on Higher Education], DepEd [Department of Education], at kay [Pangulong] Duterte given that the set-up ay nagpahirap [sa students at faculty].
Ngayon naman, nag-request tayo ng acad extension pero hindi pinakinggan. Ang request kasi ngayon ay multi-sectoral, from students to professors, kasi nga kita naman natin ‘yung hirap. Kaya ngayong sem, dahil hindi napakinggan [ang mga panawagan] kahit na may “No Fail Policy” and such at malaking tulong sila, hindi niya pa rin maaaksyunan ‘yung ugat ng paghihirap, which is online learning and ‘yung pagkakaroon ng space sa campus. Hindi niya na-take into account [ang ibang panawagan] at parang band-aid solution lang siya sa need ng students at sa paghihirap ng students.
Sapat ba ang panahon na nakalaan para sa 2nd semester?
Kumbaga ay may divide sa pag-extend o pagpapaigting ng semester, personally feel ko kulang siya kasi minsan ‘yung implementation ng policies, like for example, ‘yung sa deadlines or leniency [ay] hindi nai-implement [nang maayos]. Although hindi ko naman masisisi ang faculty kasi sila ang maaapektuhan, pero hindi talaga nagkaroon ng maayos na implementation based din sa experiences ng mga kaibigan ko. Hindi rin siya sapat kasi hanggang ngayon ay ang dami pa ring naghahabol, pati ang faculty ay naghahabol, so obvious na ‘yon na kulang talaga ‘yung binigay na time for the semester.
Ano ang panawagan mo sa UP Admin tungkol sa kondukta ng semester?
Kailangan pang i-intensify ang panawagan natin for the extension of deadlines at Ligtas na Balik Eskwela. Hindi lang naman ang students ang nagpapatawag kundi ang faculty na rin kasi maghahabol din sila ng grades. Kailangan [ang ligtas na balik eskwela] kasi ang online learning ay nagpalala pa sa pagiging anti-student ng edukasyon, kumbaga kung sino’ng mas privileged [lang sa online learning]. Pagod na rin tayo after two years.
Compromised din ‘yung learning kasi nagpapasa na lang tayo ng requirements, so kailangan talaga we really achieve it. Tapos nand’yan pa rin ang mga problema sa education, for example ‘yung unwanted fees and neoliberalism. Kaya sana ay mapakinggan ‘yung panawagan for academic extension and Ligtas na Balik Eskwela for students and faculty.
In connection sa panawagan for extension ng deadlines, ano ang reaksyon niyo sa naging disapproval ni Chancy sa request letter ng USC?
Medyo nakakalungkot siya at nakakadismaya at the same time kasi yung call naman ay hindi lang for students kundi para sa lahat. Kasi online learning tayo eh, nakikita natin na nagiging aspect of privilege talaga ‘yung classes, kaya kailangan talaga mapakinggan [ang mga panawagan] kasi para ito sa nakakarami. So medyo nadismaya talaga. Do better siguro sa admin to heed our calls.
Makikita sa panayam na ito na lalong lumalala ang kalagayan ng lahat habang tumatagal tayo sa ilalim ng online learning. Kabilang sa lumalalang sitwasyon ang kawalan ng stable Internet connection, at kaaya-aya at akmang espasyo para makapag-aral, kasabay ng lumalalang mental health conditions, at napakaraming requirements na kailangang ipasa ng mga estudyante.
Sa dalawang taon ng online learning ngayong pandemya, tuwing katapusan na lamang ng semestre ay umiigting ang panawagan para sa academic ease at leniency. Tuwing katapusan na lamang ng semestre ay pasan-pasan ng kaguruan at mga estudyante ang kondukta ng buong semestre, lalo na’t mas napaikli pa ang academic calendar ngayong pandemya. Kaakibat nito ang iba’t ibang hamong kinakaharap hindi lang ng mga estudyante, kundi maging ng kaguruan. Gahol na gahol na ang mga estudyante at kaguruan sa mas pinaikling semestre. Hindi pa ba napapansin ng UP admin ang hirap na dinadanas ng mga estudyante at kaguruan sa ilalim ng online learning?
Dapat nang maging pangkalahatang polisiya ng pamantasan ang leniency at flexibility sa academic calendar at deadlines. Hindi sapat ang kakarampot na panahong inilalaan sa kada semestre. Ang nagagawa lamang nito ay pilitin ang mga estudyante na magpasa ng requirements bago ang nakapataw na deadline kahit na hindi siya nasisiyahan sa kanyang output, at wala nang tunay na pagkatuto mula sa mga kurso. Taon-taon na lang din naman nagmamakaawa ang mga estudyante at guro para sa tunay na academic ease, kaya oras na para pakinggan ng administrasyon ang mga hinaing at ipatupad ang mga panawagan ng mga estudyante at kaguruan. [P]
Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam nina Pierre Hubo, Shelow Monares, at Aira Domingo kina Gean Celestial at Mj Flores.
Larawan mula kay Claire Sibucao
Paglalapat ni Mich Monteron
Pingback: Tungo sa multisektoral na pagtingin sa isyung remote learning – UPLB Perspective
Pingback: UPLB student leaders recount student militancy leading to victory of #OccupySU campaign – UPLB Perspective
Pingback: Iskolar ng bayan, patuloy na tumindig para sa sambayanan – UPLB Perspective