Words by Mikko Bartolome
“Mag-UP ka? Baka puro rally lang ang gawin mo ‘ron ha.”
Bilang mga baguhang estudyante sa unibersidad, tiyak akong nasabihan na rin kayo ng ganitong stereotype. Marahil din bilang isang freshie, pumasok na rin sa ating isipan kung tayo nga ba ay makikilahok sa mga ganitong gawain. Mayroong desididong hindi sasali sa ganitong mga pagkilos dahil sa personal na kadahilanan gaya ng pagtutol ng magulang o kakulangan ng seguridad. Ang iba nama’y nais lamang maranasan na sumali sa isang pagkilos dahil hindi kumpleto ang karanasan ng pagiging iskolar kung hindi makikibaka. Ngunit mayroon ding pinilit makihanay sa gitna ng panganib para sa pag-asang matuldukan na ang labis na kalapastanganan na nangyayari sa bansa – katulad ko na nakihanay na may bitbit na panawagan at pag-asa.
Ang paggunita sa ika-158 na anibersaryo ng kapanganakan ng Ama ng Rebolusyong si Gat. Andres Bonifacio ang aking unang mobilization o mob na napuntahan.
Ako ay isang staff ng UPLB Perspective at bahagi ng aming tungkulin ang magsagawa ng on-ground coverage sa mga kaganapan lalo na sa Timog Katagalugan. Bilang tawag ng tungkulin, pinag-isipan ko ang pagtugon dagdag na rin sa kagustuhan kong makaranas ng bagong bagay bago matapos ang taong 2021 at bago ako makapag-Sablay.
Dalawang araw bago ang ika-30 ng Nobyembre, binalot ako ng parehas na pangamba at pagkasabik. Nakakatakot dahil bukod sa banta ng COVID-19, hindi tiyak ang kaligtasan ng mga nagproprotesta sapagkat maaaring sumulpot ang tensyon sa pagitan ng mga pwersa ng estado at grupo ng mga progresibo. Hindi ko rin alam kung paano ako magpapaalam sa aking mga magulang na makikiisa ako sa ganitong pagkilos. Sinabi ko na lang na makikipagkita ako sa aking mga orgmate, na kung tutuusin ay totoo naman.
Nagdalawang isip din ako kung tutuloy ba ko dahil isinasaalang-alang ko rin ang talamak na kaso ng red-tagging na pinapangunahan ng NTF-ELCAC. Tunay nga na isang mahirap na desisyon ang pagsama sa mga protesta dahil kaligtasan at buhay mo ang nakataya. Gayunpaman, isa rin itong mabigat na desisyon sapagkat ito ay isang uri ng paglaban, pagtutol, at pag-usad ng kabutihang panlahat mula sa masuklam na reyalidad. Ang pagtayo at pakikibaka ang simulain ng pagbabago at kalayaan mula sa kalupitan at karahasan ng mga naghaharing-uri at ng pamahalaan – kaya naman, sumama ako.
Sa Kilos-Protesta
Habang nakatingin sa bintana ng jeep, bumungad sa akin ang mistulang nagkakagulong ingay. Nais pang makaabante ng mga nagproprotesta dahil ang tunguhin nila ay dapat sa Liwasang Bonifacio ngunit ayaw silang paraanin ng mga nakabarikadang kapulisan. Tanaw sa itaas ang hindi mahulugan ng karayom na kahabaan ng mga tao, pati ang mala-dagat na banderang kumakalampay sa hangin na sari-sari ang kulay ngunit pula ang nangingibabaw.
Salamat na lamang at mayroon akong Press ID na kahit papaano ay nagkaloob sakin ng pagkakakilanlan para sa kakaunting pribilehiyong magpaikot-ikot habang tinitiyak ang aking kaligtasan mula sa tila kaaway na mga pulis. Takot na takot ako sa mga pulis noon dahil ang presensya nila, para sa akin ay nakakakaba. “To serve and protect” ang katagang binibitbit nila, ngutnit bakit mistulang naghaharin-uri lang ang kanilang pinaglilingkuran?
Nabunutan ako ng tinik sa lalamunan nang makita ko na ang isa sa aking mga kasama. Napabuntong hininga ako dahil mayroon na akong tunay at kilalang kakampi na may karanasan sa mga ganitong bagay. Dahil dito, nakapagsimula na akong mag-livetweet upang iulat ang mga nangyayari sa kilos-protesta habang ang isa ko namang kasama ay kumukuha ng mga larawan.
Napatunayan ko na totoo nga ang sinasabi ng maraming manunulat at mamahayag na mahirap magsagawa ng on-ground coverage. Bukod sa hindi sigurado ang iyong kaligtasan, mas maraming balakid ang iyong kakaharapin gaya na lamang ng limitadong kagamitan, at higit sa lahat, ang nangingibabaw na takot at kaba.
Mayroong mga pagkakataon na nais ko nang ipasa ang pagla-livetweet sa iba dahil parang hindi ko nagagampan nang lubos ang aking trabaho. Sa bawat tweet na aking pino-post ay padagdag nang padagdag ang pagkadismaya ko sa aking sarili dahil maaari ko pa sana itong mapagbuti kung hindi lamang ako napangunahan ng takot at kaba. Buti na lang ay dumating na ang iba pa naming kasamahan at ang papalit sa akin sa pagla-livetweet.
Nakahinga ako nang maluwag hindi lamang dahil tapos na ang aking tungkulin kundi dahil mararanasan ko nang tuluyan ang makiisa sa pagkilos. Bukod sa mga tagapagsalita na ipinagpapanawagan ang mga karapatan ng magsasaka at manggagawa, pagtaas ng minimum wage, pagbibigay ng ayuda, pagbaba ng presyo ng gasolina, at ang mariin na pagkondena sa mga kapalpakan at karahasan ng administrasyong Duterte, mayroon ding mga kultural na pagtatanghal upang higit na maipahayag ang mga kasing tulad na mga mensahe. Ito ay mga himig at sining na malaya at mapagpalaya.
Bilang first-timer sa ganitong uri ng pagkilos, may mga bagay na hindi ko pa gaano nalalaman tulad ng mga chants. Bukod sa mga kilalang linya gaya na lamang ng, “Iskolar ng Bayan, ngayon ay lumalaban” at “H’’wag matakot! Makibaka”, marami pa palang chants ang binibigkas sa mga ganitong programa. Partikular sa okasyong ito ang, “Bayan, bayan, bayan ko. ‘Di pa tapos ang laban mo. Rebolusyon ni Bonifacio…”. Ang bawat sigaw ay ekspresyon ng samu’t saring emosyon, galit, poot, pagkamuhi, dismaya, at higit sa lahat, paglaban para sa katarungan at pag-asa ng mainam na kinabukasan. Ang patuloy na pagsigaw para sa kalayaan at kaunlaran hanggang sa kasalukuyan ay pagpapatuloy ng simulain ni Bonifacio sa Sigaw sa Pugad Lawin. Ito ay manipestasyon na tunay ngang hindi pa rin tapos ang kanyang rebolusyon bunsod ng talamak na problema na kinakaharap ng sambayanan.
Marahil ang aking pinakapaboritong bahagi sa karanasan kong ito ay ang pagkawasak sa effigy ni Pangulong Duterte. Nakakatindig balahibo na masaksihan ang representasyon ng pagpapabagsak sa tuta ng Tsina, pasista, at misodyinistang pangulo ng Pilipinas. Sa saliw ng mapanglaw na himig, ang mga galit na sigaw ng mga nagproprotesta ay tila isang tikim ng tagumpay dahil matapos ang paghahain ng mga pinaglalaban, sa wakas ay napabagsak nila ang effigy na simbolo ng tagumpay ng kanilang protesta. Ito ay nagsisilbing sagisag ng pag-asa para sa mga susunod pang kilos protesta upang magpatuloy sa pag-usad at pag-abante. Gayunpaman, ramdam ko ang kolektibong kasiyahan ng mga taong naroon; ang magtagumpay sa mapulang labanan.
Taas noo at kamao, hawak ang ilaw mula sa flashlight ng cellphone, wagayway ang mga bandera, at kasangga ang mga tarpaulin, natapos ang programa nang mapayapa, organisado, at malinis. Sa kabila ng maraming camera na nakatutok sa amin at firetruck na nakaantabay upang kami ay bombahan ng tubig, payapang kumalas ang mga nagprotesta. Hindi lamang ito pag-uwi kundi isang martsa, sa saliw ng kolektibong pagsigaw ng chant, matapos ang isang matagumpay na pakikipaglaban. Nakita ko rito ang tunay na bayanihan ng mga Pilipino na tila mga Katipunero ni Bonifacio, sapagkat kami ay pinagbubuklod-buklod ng iisang sentimyento at hangarin na ipaglaban ang Inang Bayan; parang nakahawak-kamay at kapit-bisig na bumubuo ng isang barikada. Makabayan at Maka-Pilipino; ito ang aking naramdaman at impresyon sa protestang aking nadaluhan. Kasama ang mga kapwa Pilipino, ipaglalaban ang Bayan ng mga Pilipino, para sa mga Pilipino.
Kung susumahin, valid naman ang mga pag-aalinlangan tungkol sa pagsama sa mga pagkilos, mga nagproprotesta, at ang mismong mobilisasyon. Maaaring sa paningin ng iba ay hindi ito ligtas, nakakaperwisyo lang sa trapiko, o hindi kaya ay walang saysay. Ngunit ang aking unang karanasan sa kilos protesta ay taliwas sa mga sabi-sabi na ito. Hindi ko man naranasan ang EDSA People Power Uprising o ang 1896 Philippine Revolution, ang protestang ito ay singtulad din ng iba pang mga nagdaang protesta. Ang layunin ng ganitong pagkilos ay hindi lang protesta kundi mobilisasyon ng mga hinaing na dapat solusyunan. Hindi man direkta at agarang natutugunan, ang mahalaga ay naipapahayag ang saloobin at pangangailangan ng sambayanan sa pamahalaang dapat pinaglilingkuran sila.
Ang baka sa pakikibaka ay alinlangan. Gaya na lang ng aking naranasan, nagduda muna ako bago makiisa. Ngunit matapos ang aking pagdalo, aking natuklasan na wala palang dapat ikabahala sa pakikibaka. Huwag magalinlangan sa pagsama dahil mayroon kang kasangga, kahanay, at karamay sa paglaban na aalay at gagabay sa’yo. Huwag kang magduda sa kabuluhan ng pagkilos protesta dahil ito ay mayroong mahalagang saysay sa pagpapairal ng tama at katotohanan. Virtual man o personal, anumang uri ng pakikiisa, huwag mong indahin ang mga baka sa pakikibaka dahil tiyak ang pagprotesta, pagkilos, at pagtindig laban sa mga nang-aapi. [P]
0 comments on “Ang bakā ng pakikibāka”