Opinion

Sa ngalan ng pamamasada

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ni Alex Delis kay Mang Mario, taga-pangulo ng mga tsuper ng dyip sa rutang Tanauan-Calamba.

Isa ang sektor ng mga tsuper sa nakararanas ng matinding krisis buhat ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa ilalim ng administrasyong Duterte. Pumalo na sa 41.15 pesos ang pagtaas ng presyo ng diesel kada litro mula noong Enero 2022 hanggang ngayong buwan ng Hunyo. Labis itong naging pahirap sa kabuhayan ng mga jeepney drivers, kung kaya’t panawagan ng mga ito na pakinggan ang kanilang mga hinaing. 


Ilang linggo nang nagtataas ang presyo ng krudo at gasolina, kumusta ang naging pasada n’yo? Kumusta ang kita ninyo sa pang araw-araw na pamamasada?

Wala nang halos kinikita dahil mababa ang pamasahe tapos ang taas ng diesel. Sa diesel lang napupunta lahat. Nagbo-boundary pa ang iba. Buti pa ang mga katulad namin na sarili ang sasakyan, okay lang na ang maiuuwi ay anim na daan e amin naman ang sasakyan. ‘Yung iba nag-uuwi lang ng 200 [pesos], magpapa-krudo pa sila. Ang natitira na lang ay 200 [pesos at] tsaka boundary. ‘Yun lang ang kinikita ng aking mga miyembro. Wala ng natitira.

Lahat apektado. Hindi lang naman kaming mga drayber pati mga pasahero namin. Kasi malaki ang impact sa amin niyan. Ang problema niyan, magrereklamo ang mga pasahero edi kami ang maaapektuhan. Papaano mababalanse ang bagay na iyon? Doon kami nahihirapan. Dati mayroon pang balanse, nagbibigayan ang bawat isa: para sa mga pasahero at para sa drayber. Ang problema ngayon, kami ang mas malaki ang nawawalan. Kasi kami, pagdating din sa mga gagamiting materyales ng sasakyan syempre nandiyan ang gulong, nandiyan ang langis, nandiyan ang krudo na mas mataas pa sa gasolina. Wala na sa piso ang pagtaas, wala na sa porsiyento.

Sana ay matugunan ang aming hinaing–kaming mga drayber. Sana ay tugunan ang aming hinaing na bumaba ang presyo ng krudo, kung ‘di lang din naman sila magtataas ng aming pamasahe. ‘Yung hinaing ng aking mga miyembro na itaas ‘yung pamasahe ay madagdagan naman sana. 

Kung iyong papansinin, ang drayber nasa kalagayang mahirap. No choice kami. Kapag dinesisyon nila na pababain ang pamasahe, wala kaming magagawa. Ngayon kung sila’y may puso talaga, pare-pareho lang kaming tao. Bagama’t ‘yung mga nanunungkulan, madali lang magdesisyon e. Dapat may puso sila. Sa totoo lang, kung sila ang nasa kalagayan namin baka sabihin nila unfair ‘yung mga bagay nila. Isipin mo pababain pa nila ang aming pamasahe, wala naman silang binibigay na taripa. Kitang kita naman nila na tumataas ang krudo at mas mataas pa sa gasolina. Kung pupwede lang ay gumawa sila ng tamang tugon. Bigyan nila kami ng taripa, mas mainam. Para lahat mababalanse. Pero dapat at least 12 pesos ang aming minimum [fare].  Pero sa dulo, bagsak talaga [ang kita namin]–napaka-unfair.

Itaas ang pamasahe, at kung maibababa rin sana nila ang produkto ng langis. Kasi tumaas ang langis at saka ‘yung krudo. Lahat naman ay tumaas e, pati bilihin tumaas. Dapat naman ay matugunan ang problemang ito. Dahil hindi lang kaming mga drayber apektado, pati mga mamamayan.


Patuloy ang pangangalampag ng iba’t ibang mga apektadong sektor na tugunan ang isyung ito, ngunit pawang mga pantapal na solusyon lamang ang naging sagot ng administrasyong Duterte. Malaking insulto sa mga tsuper na ang dagdag pisong pamasahe at buwanang ayudang ang naging tugon ng gobyerno sa kanilang mga panawagan, dahil sa ganitong kalubhang krisis, konkreto at makataong solusyon ang kailangan. Patuloy ang panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law na nagpapahirap sa mga tsuper at mamamayan. Simula nang naisabatas ito, hindi na maaaring kontrolin ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng langis ng mga oil company. Sa madaling salita, ang naturang batas ay maaaring maabuso ng mga pribadong kumpanya ng langis dahil sa kawalan ng interbensyon ng gobyerno. 


Hindi rin maipagkakaila ang kawalan ng agarang aksyon ng Department of Energy (DOE) upang magbigay ng konkretong solusyon sa suliraning ito. Bilang ahensyang namamahala sa ganitong isyu, tungkulin nilang maglabas ng mga mandato upang mapigilan ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Ngunit sa halip na maglatag ng solusyon, tila nagiging tagapagsalita ng mga oil company ang nasabing ahensya dahil sa patuloy nilang pagpanig sa mga ito. Bukod sa mga tsuper, apektado rin ang mga mamamayan sa naturang krisis bunsod ng pagtaas ng mga bilihin dahil dito.

Patunay ang mga sitwasyong ito na palpak ang pagtugon ng kasalukuyang administrasyon sa mga suliraning kinakaharap ng mamamayang Pilipino. Tahasan ang pagyakap ng administrasyong Duterte sa imperyalismo kasama ang kaakibat nitong neoliberal adjustments na matagal nang kumikitil sa pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas. [P]

Si Mang Mario ay taga-pangulo ng isang pila ng pampasaherong dyip sa rutang Tanauan-Calamba. Si Mang Mario ay 51 na taong gulang na, at sampung taon nang namamasada.

Ang artikulong ito ay mga sipi mula sa panayam ni Alex Delis kay Mang Mario.

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “Sa ngalan ng pamamasada

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: