Opinion

Pula ang unang kulay ng bahaghari

Mga salita ni Lj Verastigue

Bilang isang lesbiyana, personal kong naranasan ang kaliwa’t kanang diskriminasyon sa ating lipunan. Taliwas sa itinalagang “normal” ang paraan ko ng pagpapakita ng aking sarili. Isa akong babaeng hindi mayumi at walang hinhin, tulad ng ating nakasanayang hulma ng pagiging babae. Hindi man direktang sabihin ay ramdam ko ang bigat sa bawat tingin ng aking makakasalubong sa daan dahil lamang sa aking paraan ng pagkilos at pananamit. Madalas pa ay hindi maikakaila sa kanilang mga titig ang pandidiri sa mga katulad kong hindi sumusunod sa itinalagang pagkakakilanlan ng lipunan.

Maraming iginagapos na karapatan ang mga mapanghusgang mga tingin, kagaya na lamang ng kasalukuyang ipinapasang SOGIE bill na hanggang ngayo’y  pagulong-gulong lamang sa parehong Kamara at Senado. Ang pagsasantabi sa isang batas na naglalayong protektahan ang mga kababaihan at LGBTQIA+ community sa gitna ng tumitinding pang-aabuso ay isang dagok sa reyalidad na walang pakialam ang estado sa mga nasasakupan nito.

Ang mga mapanghusgang tingin ay naisasalin din sa karahasan. Sa mga nagdaang taon, sandamakmak at patuloy pa rin ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa bansa, lalo na sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kabilang dito ang walang awang pagpaslang sa transgender woman na si Jennifer Laude. Walang habas na kinitil ang kanyang buhay ng isang dayuhang sundalo na si Joseph Scott Pemberton, ngunit kalaunan ay pinatawan ng absolute pardon ni Duterte. Patunay lamang ito na lantad ang kabulukan ng umiiral na sistemang panlipunan sa ating bansa dahil sa pagiging sunod-sunuran ng papet na administrasyon sa mga imperyalistang bansa tulad ng US. 

Dagdag pa rito ang kaso ni Heart De Chavez na biktima ng extrajudicial killings ng administrasyong Duterte. Walang awa siyang binaril dahil siya umano’y kabilang sa drug watch list ng kanilang barangay.

Si Chad Booc, isang kilalang guro ng mga kabataang Lumad, ay pinatay ng mga elemento ng militar sa Davao De Oro. Kasabay ng kanyang paglilingkod ang araw-araw na banta sa kanyang buhay dahil sa matinding militarisasyon kasapakat ng mga dambuhalang korporasyon na nais kamkamin ang lupang ninuno ng mga katutubo.

Ilan lamang ang mga ito sa marami pang kaso ng inhustisya at kapabayaan ng rehimeng Duterte sa mga kapwa Pilipinong LGBTQIA+. Miski sa itinuturing na “pag-ibig” ng mga LGBTQIA+ ay may kaakibat ding panganib. Si Barbie Ann Riley, dating beauty queen sa mga transgender pageants sa bansa, ay pinatay ng dating nobyong si Tsai Che Yu o alyas Jayson Santos. Natagpuan ang kanyang bangkay na nakasilid sa suitcase sa isang Expressway sa Cavite ika-3 ng Hunyo 2016. Patunay ito na ang mga pang-aabuso ay nangyayari mismo sa loob ng mga tahanan, paaralan, pagawaan, at komunidad sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.

Ang mga karanasan nina Laude, Chavez, Booc at Riley ay manipestasyon na hindi lamang ito usapin ng kasarian bagkus ay usapin kung sino ang naghaharing kapangyarihan sa lipunan. Ang mga haring kumakampi sa dayuhan, pinupuntirya ang mahihirap, at kinikitil ang mga progresibong mamamayan. Makikita na hindi lamang ito laban sa usapin ng kasarian bagkus ay napapaloob ito sa mas malaki pang laban ng kahirapan at kagutuman sa ating lipunan. Ang sistemang nagpapahirap sa mga LGBTQIA+ ay kaparehas ng sistemang lumulumpo sa mga nasa laylayan ng lipunan. 

Ang pang-aaping nararanasan ng LGBTQIA+ ay nakaugat sa paghihirap ng masang-api. May baklang humuhubog ng kabataan sa loob ng silid-aralan. May lesbyanang nag-aararo ng lupa sa mga bukirin sa kanayunan. May bisekswal na kumakayod para sa pang-araw-araw na pangangailangan. May sangkabaklaang tumatangan ng mga panawagan ng bayan. Pula ang unang kulay ng bahaghari dahil ito ang kulay ng pakikibaka; ng pagbuwag sa isang nabubulok at pahirap na sistema.

Ako, kasama ang iba pang mga miyembro at tagasuporta ng LGBTQIA+ community ang buhay na patunay na nakaukit na sa kasaysayan ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang labanan ang karahasan, pang-aapi at pananamantala. Tiyak na sa gitna ng kadiliman ay marami pa ang bahaghari na sisibol upang tuldukan ang makauri at pangkasariang tunggalian sa ating lipunan. [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “Pula ang unang kulay ng bahaghari

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: