Nagtipon ngayong ika-28 ng Hunyo ang iba’t ibang progresibong grupo at indibidwal sa Carabao Park, UPLB upang ipagdiwang ang taunang Southern Tagalog Pride March na may temang “LGBT of Southern Tagalog, Speak Now! RAMPA PARA SA KINABUKASAN, KALAYAAN, AT KATOTOHANAN!”.
Layon ng Pride Month na lumaban para sa tunay na paglaya ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, and Queer (LGBTQ+) community, at maging ang paglaya ng bansa mula sa patriyarkal na lipunan at talamak na pekeng balita at disimpormasyon sa ilalim ng bagong administrasyon na pangungunahan ng tambalan ng mga anak ng pasistang Marcos-Duterte.
Ilan sa mga nagsalita ay ang mga kinatawan ng mga LGBTQ+ na grupo na UPLB Babaylan, Bahaghari Batangas, at Lakapati Laguna. Kasama rin ang mga progresibong grupo sa Timog Katagalugan katulad ng Defend Southern Tagalog (ST) at Gabriela ST.
Kabilang sa mga layunin ng Pride March ang pakikiisa sa laban para maipatupad ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill, na mula noong unang paghain nito sa Kongreso noong 2000 ay kasalukuyang hindi pa rin naisasabatas.
Naglalayon ang panukalang-batas na bigyan ng ligal ng proteksyon mula sa anumang diskriminasyon ang isang indibidwal batay sa kanilang Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC). 12 beses na itong inihain sa Kongreso sa loob ng dalawang dekada ngunit hindi pa rin naipapasa.
Giit ng ST Pride, mahalagang maipasa ang mga ganitong uri ng batas para maprotektahan ang LGBTQ+ community, na hanggang ngayon ay nakakaranas pa rin ng opresyon (BASAHIN: LGBTQIA+ Filipinos still belittled, silenced under Duterte).
Ayon sa tagapagsalita ng UPLB Babaylan, nararapat na patuloy ang panawagan laban sa kahit anong porma ng diskriminasyon, at ang paglaban para maipasa ang SOGIE Bill at mga transgender and non-conforming policies sa UPLB.
Matatandaang ipinasa sa ika-52 na General Assembly of Student Councils (GASC) noong nakaraang Pebrero ang Resolution 2022-005 o “A Resolution to Amplify Campaigns for Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sexual Characteristics (SOGIESC) and the Institutionalization of UP KASARIAN as a Gender Alliance.”
Kabilang na rin ang Resolution 2022-006 na ipinapanawagan ang systemwide na kampanya tungo sa “transgender and gender non-conforming names, pronouns and titles policy” (BASAHIN: 52nd GASC intensifies calls for academic freedom, environmental protection).
Binigyang-diin naman ng Defend ST ang mga kaso ng karahasan at pagpatay sa mga miyembro ng LGBTQ+ sa Timog Katagalugan. Anila, simula pa lang ang Pride sa mga malalaking pagkilos ng mga Pilipino laban sa karahasan at pang-aapi ng administrasyon sa mga progresibo at sangkabaklaan.
Samantala, nagkaroon din ng Pride Fair sa Los Baños noong ika- 24 hanggang ika-25 ng Hunyo, na may iba’t-ibang aktibidad gaya ng kasalang bayan, human immunodeficiency virus (HIV) screening, at pagbebenta ng mga produktong lokal.
Tagumpay na nailunsad ang Pride Fair sa kabila ng insidente sa ikalawang araw kung saan ilang barangay-tanod ang pumasok sa mga tent at nais umanong kunin ang pangalan at address ng mga nagbebenta roon. Ayon sa mga dumalo, maayos namang naresolba ang insidente matapos magkaroon ng negosasyon.
Ang ST Pride ay nagsimula noong 2011, kung saan nagmartsa ang mga progresibong organisasyon ng Timog Katagalugan, sa pangunguna ng UPLB Babaylan, upang magprotesta para sa pantay-pantay na karapatan ng mga Pilipino, anuman ang kanilang kasarian.
Sa pamamagitan din nito, naitatag ang ST Pride Alliance na binubuo ng LGBTQ+ organizations at mga institusyong nananawagan para sa pagkakapantay-pantay ng karapatan at pagwawakas ng gender-based violences.
Karahasan laban sa LGBTQ+ at iba pang sektor sa ilalim ng Marcos-Duterte
Noon pa man ay walang habas na ang paglapastangan sa mga miyembro ng LGBTQ+ community, kagaya na lang ng pagpaslang sa transwoman na si Jennifer Laude. Binigyan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pardon si Joseph Pemberton, na pumatay kay Laude (BASAHIN: We don’t accept pardon for murder).
Nariyan din ang pagkitil sa mga buhay ng mga lider-estudyante at miyembro ng LGBTQ+ community na sina Ian “Ka Danoy” Maderazo at Kevin “Ka Facio” Castro.
(KAUGNAY NA BALITA: Students, rights groups honor slain revolutionary Kevin Castro)
Dagdag din ng Gabriela Youth Laguna sa kanilang opisyal na pahayag sa Facebook, marapat na paigtingin ang kampanya laban sa rehimeng Marcos-Duterte at labanan ang iba’t-ibang anyo ng karahasan laban sa LGBTQ+.
Iginiit ng Bahaghari Batangas na ang mag-amang Duterte at ang legasiya ng programang Build, Build, Build Program ng administrasyon ang nagpapalayas sa mga magsasaka at mangingisda, at maging sa sangkabaklaan sa San Isidro Sur.
Ang lugar ng Sitio Maligaya sa San Isidro Sur ay nakaranas ng mga ilegal na demolisyon at patuloy na mga banta sa ilalim ng proyektong binabangga ang karapatan ng mga residente para sa pangkaunlarang agresyon (BASAHIN: Sitio Maligaya residents mobilize against demolition, eviction threats).
Ani naman ng Lakapati Laguna, “Sinasabi ng pamahalaan na ang bakla raw ang umaagaw ng lakas, pero kung titignan natin, ang pamahalaan, ang umiiral sa sistema sa lipunan – sila ang umaagaw ng lakas ng mga magsasaka, ng mga manggagawa, mga kababaihan, at mga mag-aaral sa buong bansa.”
Isang kinatawan naman mula sa sektor ng mga manggagawa ang nagsalita tungkol sa araw-araw na pagdurusa ng mga mamamayan sa pagpila sa mga terminal, sa gastos sa konsumo at pamasahe. Ipinanawagan nila ang pagsuspinde sa EVAT at excise tax sa langis, pati ang pagbasura sa oil deregulation laws na nagpapahirap sa mga mamamayan.
Kabilang ang pagtaas na presyo ng langis sa mga ipinawagan ng iba’t-ibang progresibong sektor ng kabataan sa Laguna noong nakaraang Marso, dahil sa batas na iniiwan ang kapangyarihan nito sa mga kumpanya ng langis at hindi sa gobyerno. Nagdulot ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis (BASAHIN: “Wakasan na!”: Laguna youth, student sector demands response to remote learning problems, oil price hike for 2nd lockdown anniversary).
Samantala, binigyang-diin naman ng Kabataan Partylist Southern Tagalog na ang Pride ay isang deklarasyon ng laban para sa kalayaan.
“Sa pagmamartsa ng mga Pilipinong LGBT ngayong buwan at maging sa mga susunod pa, nagsisilbing deklarasyon ang Pride na hindi kailanman mapipigilan ang pagnanais ng sangkabaklaan at ng mga mamamayan na makamit ang mga karapatan at kalayaang nais matamasa,” ani ng grupo. [P]
Karagdagang ulat nina Pierre Hubo, Charleston Jr Chang, at Yani Redoblado
0 comments on “Taunang ST Pride, inilunsad upang isulong ang karapatan ng LGBTQ+ community, tutulan ang tambalang Marcos-Duterte”