Nasa pakikibaka.
Hindi na bago ang mga kaso ng diskriminasyon at rebisyunismo para sa mga Pilipinong LGBTQIA+ sa loob at labas ng bansa. Dekada sitenta noong umupo si Ferdinand Marcos, Sr. bilang pangulo at ipinatupad ang Martial Law. Sa ilalim ng kanyang diktadurya, 70,000 na Pilipino ang kinulong kung saan karamihan ay hindi dumaan sa tamang proseso, 34,000 ang nakaranas ng labis na pagpapahirap sa ilalim ng kapulisan at militar, habang 3,240 naman ang mga pinaslang, bukod pa sa mga taong bigla na lang nawala at hindi na muli pang nakita.
Kabilang sa mga numerong ito ang mga bakla na pilit rin tinanggalan ng boses ng administrasyon. Ang panahon ng mga Marcos ay panahon ng patriyarkal, machopyudal, at pasistang lipunan. Panahon ito ng pagtatanggi ng estado sa espasyo at karapatan ng mga baklang Pilipino. Noon pa man, layunin na ng mga Marcos na “ituwid” ang bansa ayon sa interes ng sariling pamilya at ng Imperyalistang US. Ang sinumang hindi sumang-ayon dito ay agad na itinuturing na kaaway ng estado.
Kaya hindi rin nakakapagtaka na noon pa man, sa kabila ng takot at pangamba, madami nang bakla ang piniling makiisa sa pakikibaka laban sa mga Marcos, lalo sa uri ng kultura at pulitika na isinusulong ng kanyang diktadurya.
Ang bakla sa pakikibaka
Isa sa mga unang grupo na nagsulong ng mga hinaing ng LGBTQIA+ community ay mga lesbian na kadikit ng kilusan ng mga kababaihan noong 1980s. Pero dahil sapilitang pinatahimik at kinitil ni Marcos ang anumang progresibong kilusan noon, maraming bakla ang napilitang umalis sa bansa patungong US kung saan naumpisahan na ang kilusan ng mga LGBTQIA+. Doon, sumali sila sa mga progresibong grupo at, nang matapos ang rehimeng Marcos, bumalik sila sa bansa para ipakilala ang konsepto ng “gay” at “lesbian” na ngayon ay ganap nang niyakap ng mga bakla bilang uri ng sexual orientation.
Panahon rin ng mga Marcos noong inilimbag ang lokal na edisyon ng “Tears in the Morning” (1979) ni Eddie Karnes—isang anti-LGBTQIA+ na libro—sa utos mismo ni Imelda Marcos. Laman ng libro ang maduming propaganda laban sa LGBTQIA+ community sa mga kalunsuran ng Amerika. Pilit nitong inilalarawan ang kanilang mga espasyo bilang “madudumi” at “hindi kaaya-ayang” bahagi ng lipunan dahil sa kanilang pamumuhay sa loob ng mga ito.
Bilang pangontra, gumamit rin ng sining at akda ang mga manunulat-artista noong Martial Law. Isa ang “Manila by Night” (1980) ni Ishmael Bernal sa mga unang pelikulang Pilipinong nagtampok ng mga LGBTQIA+ na karakter bilang bida. Ipinapakita ng mga ganitong akda kung paano tinanggihan ng mga bakla ang pagtatangka ng estadong alisin ang kanilang mga espasyo upang gawing “malinis” at “kaaya-aya” ang lipunan sa mata ng mga dayuhang nananamantala.
Naging paraan rin ang mga pelikula gaya ng “Manila by Night,” kasama ang iba pang mga LGBTQIA+ akda at sining na sumibol noong panahon na ito sa kabila ng maigting na media censorship, upang abutin ang mga bakla hanggang sa pinakasuluk-sulukan ng bansa.
Malikhain rin ang mga bakla pagdating sa pakikibaka kahit noon. Panahon ng Martial Law nang umusbong ang swardspeak o gay lingo sa mga maliliit na grupo ng mga bakla na napilitang maghanap ng pamilya labas sa kanilang mga tahanan o komyunidad dahil sa labis na diskriminasyon. Naging paraan ang swardspeak para malayang makapag-usap ang mga bakla kahit sa mga espasyong hindi sila tanggap at para muling angkinin ang sarili sa mga wika—Ingles, Espanyol, Hapon, at kahit Tagalog—na gamit-gamit ng mga tao para saktan sila.
Ang bakla, patuloy nakikibaka
Sa muling pag-upo ng isang Marcos bilang pangulo bago matapos ang taunang pagdiriwang at pagsulong ng sangkabaklaan tuwing Pride Month, buwan ng Hunyo, ‘di maiwasang takot at pangamba ang muling nararamdaman ng bawat Pilipino, bakla man o hindi. Higit pa ngayong katambal ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagpapatuloy ng pasistang rehimen ni Rodrigo Duterte sa ngalan rin ng kanyang anak. Salik ang panunungkulan ng parehong pamilya sa mga danas at kahirapan—mula sa tipo ng kultura at pulitika ng kanilang mga ama hanggang sa mga libo-libong paglabag ng karapatang pantao sa labas ng batas—na patuloy pa rin na binabaka ng mga bakla hanggang ngayon.
Nitong 2020 lang, biglaang pinalaya mismo ni Duterte ang US militar na pumatay sa transwoman na si Jennifer Laude, habang diniinan naman ng anak niyang si Sara Duterte ang baluktot na pagtanaw sa trans community pagdating sa usapin ng pampublikong banyo. Sa kabilang banda, matatandaan na “thumbs down” ang same-sex marriage para kay Marcos, Jr. nitong nagdaang kampanya para sa eleksyon, bagay na sinang-ayunan rin ng kanyang kapatid na si Imee noong kasagsagan ng paglilitis ng senado sa Anti-Discrimination Bill na matagal na ring mithi ng LGBTQIA+ community.
Hamon para sa ating mga bakla ang patuloy na manindigan laban sa rehimeng Marcos-Duterte. Dapat lang nating yakapin ang lugar natin sa pakikibaka — lugar na puno ng pagmamahal at pagtanggap sa ating mga sarili. Tandaan na ang pagiging bakla ay isang porma na agad ng pakikibaka. Ang pagiging bakla ay tugon mismo sa patriyarkal, machopyudal, at pasistang lipunan na sinusubukang buuin ng mga Marcos, noon at ngayon. Kaya sa kabila ng nagbabantang pagpapahirap at pananamantala, ang mga bakla ay dapat manatiling matapang at malikhain sa pakikibaka. Ang mga bakla ay dapat manatiling bakla. [P]
0 comments on “Nasaan ang mga bakla sa panahon ni Marcos?”