Hunyo ika-30 ipronoklama si Bongbong Marcos bilang pangulo at ito ang pinakamatibay na manipestasyon sa bulok ang makinarya ng demokrasya. Wala nang natitirang integridad ang eleksyon sa bansa. Sa dapat, ang eleksyon ay isang plataporma ng mga mamamayan upang mapakinggan ang kanilang hinaing sa susunod na administrasyon; ngunit kinitil nina Marcos at Duterte ang karapatan natin sa malinis na eleksyon. Sa pamamagitan ng disinformation at sistematikong manipulasyon, nagwagi ang Marcos-Duterte tandem sa pagkapanalo ng eleksyon. Ang paglilinis ng kanilang imahe at pag-atake sa mga katotohanan ng Batas Militar ay nasa ibabaw lamang ng dekadang pagmamanipula sa taumbayan. Hinihigpitan nila ang kanilang hawak sa Kataastaasang Hukuman, habang kaalyado na nila karamihan ng nakaupo sa Kagawarang Tagapagbatas. Dala nito ang bantang mawasak ang pundasyon ng ating batayang karapatan.
Sa darating na mga araw, linggo at buwan, asahan natin na ang sunud-sunod na panunupil sa ika-apat na pundasyon ng demokrasya. Mananatili ang fake news, censorship, at pag-discredit sa lehitimong medya at mamamahayag. Unang araw pa lamang bilang president-elect at pinigilan na sa pag-akses ng press conference ang tatlong tagapagbalita. Patuloy pa rin pagpapahirap sa media at tumindi lang ang pag-atake sa mga mamamahayag. Walang nag-iba sa kanilang layunin na patahimikin ang mga kritiko. Habang Marcos at Duterte ang nakaupo sa Malacañang mananatiling nasa panganib pa rin ang malayang pamamahayag.
Ilang araw bago umupo sa pwesto si Marcos, inutusan ng National Security Council ang National Telecommunications Commission na harangan ang pag-akses sa website ng mga progresibong grupo kagaya ng Pamalakaya, Save Our Schools Network, AMIHAN, at ang mga alternatibong pahayagan na Bulatlat at Pinoy Weekly; sa ganitong paraan, lantarang sinusupil ang karapatan nating magsalita, magsulat nang malaya. Ilan din sa mga hinarangan ay mga alternative media outlet, na nagpapalabas ng balita at artikulong nagpapakita ng malalim na suliranin ng lipunan dulot ng mapang-abusong sistema. Ang atakeng ito ay atake sa batayang karapatan natin para sa kritikal na impormasyon. Ang pagpatumba sa malayang pamamahayag ay nagsimula pa sa unang taon ng pandemya, sa pagtanggal ni Duterte ng lisensya ng ABS-CBN. Tumatatag na sila ng isang ‘Firewall’ para itago sa mamamayang Pilipino ang totoong kalagayan ng bansa.
Ang pilit na pagpapatahimik sa Bulatlat at Pinoy Weekly ay simula ng malawakang censorship ng mga iba pang medya outlets na hindi sumusunod sa utos ng gobyerno. Kokontrolin ni Marcos ang media, bilang isa rin ito sa mga ginawa ng kanyang tatay upang sirain ang demokrasya na pinaglaban ng ating mga ninuno.
Naitatag ang UPLB Perspective sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., nanguna ang publikasyon upang makibaka para sa karapatan sa malayang pananalita at malayang pamamahayag sa ilalim ng Batas Militar. Ngayong may panibagong Marcos ang iniluklok,
Patuloy na kinokondena ng UPLB Perspective ang pagsupil sa mga alternatibong midya at mga progressibong mamahayag, disimpormasyon sa sistematikong manipulasyon at pang-abuso ng tambalang Marcos-Duterte. [P]
Pingback: Ang laban para sa malayang pamamahayag – UPLB Perspective