Sinalubong ng kilos-protesta ang inagurasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Huwebes, ika-30 ng Hunyo.
Naunang nakatakdang maganap ang protesta sa Liwasang Bonifacio, na halos isang kilometro lang ang layo mula sa dako ng inagurasyon. Upang makaiwas sa anumang tensyon kasama ang mga tagasuporta ni Marcos Jr., inilipat ang lugar ng kilos-protesta sa makasaysayang Plaza Miranda, para masiguro ang mapayapang pagdadaos nito.
Sumentro ang kilos-protesta sa pagtutol sa mga pekeng balita at pagbaluktot ng kasaysayan, at pagpapaigting pa ng mga umiiral nang panawagan ng mga Pilipino.
“It [protest] will highlight our continuing fight against historical revisionism and the people’s demands for real change,” pahayag ng progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa kanilang Facebook post.
[“Paiigtingin ng protesta ang nagpapatuloy nating laban kontra sa pagbaluktot ng kasaysayan at sa pagpapalakas ng ating panawagan para sa tunay na pagbabago.”]
Samantala, nagdaos din ng programa ang mga biktima ng Batas Militar sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Pangako nilang babantayan ang bansa laban sa tiraniya.
Sistemang kumikiling sa naghaharing-uri
Sa programa sa Plaza Miranda, pinuna ng mga progresibo ang pagkiling ng politika para sa mga mayayaman.
“Ang pagkapanalo ni Marcos Jr. ay nagpapakita ng pamamayagpag ng mayaman sa lipunan,” ani Dr. Malou Turalde-Jarabe ng Kontra Daya.
Sa katunayan, mas lalo lang pinalakas ng mga Marcos ang umiiral na nilang dinastiya.
Maaalalang kasalukuyang senador ang kapatid ni Marcos Jr. na si Imee Marcos, samantalang nasa Kongreso naman ang anak niyang si Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos bilang kongresista ng unang distrito sa Ilocos Norte.
Nanalo rin sa pagka-gobernador sa Ilocos Norte si Matthew Marcos Manotoc, anak ni Imee Marcos. Si Cecilia Araneta Marcos, na asawa ng yumaong pinsan nina Marcos Jr., ang kasalukuyang bise-gobernador ng probinsya.
Mainit din ang suportang ibinigay ng mga dating pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo kina Marcos Jr. at Sara Duterte, matapos magkaisa ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Marcos Jr., Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Duterte, Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ni Arroyo, at Partido ng Masang Pilipino (PMP) ni Estrada para buuin ang “UniTeam alliance”.
“Ang bayang Pilipinas ay para sa maralita, hindi sa iilang mayayaman,” pahayag ni Joms Salvador ng Gabriela.
Sinabi pa ni Marcos Jr. sa kaniyang talumpati na ang pangarap ng bawat Pilipino ay kaniya ring pangarap – kapayapaan, kaunlaran, at mas magandang kinabukasan. Subalit ani Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng BAYAN, hindi naman binibigyang-pansin ng pribilehiyadong naghaharing-uri ang mga paghihirap ng ordinaryong Pilipino.
“Marcos, Jr. tells us he shares the same dream as the ordinary Filipino but he omits mention of his privileged position. The major issues such as high oil prices, crushing taxes, low wages, and human rights were altogether ignored or left out,” dagdag ni Reyes.
[“Sinasabi ni Marcos Jr. na ang pangarap niya ay katulad ng sa ordinaryong Pilipino, ngunit hindi niya binabanggit ang pribilehiyado niyang pwesto. Ang mga pangunahing isyu sa mataas na presyo ng langis, mabigat na buwis, mababang sahod, at karapatang pantao ay hindi nabibigyang-pansin.”]
Ayon naman kay Mimi Doringo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), “Ang excise tax sa langis ang nagpatindi ng pagmamahal ng bilihin. Sa aming sektor, nakakadagdag ito sa problemang hinaharap ng maralitang komunidad. Bakit sa mga mahihirap ang pagpapataw ng buwis? Bakit sa mayaman, hindi singilin ang 203-bilyon pisong utang ng Marcos?”
Ang P203-bilyon utang na tinutukoy ni Doringo ay bunga ng hindi pagbabayad ng estate taxes ng mga tagapagmana ni Marcos Sr. – sina Imelda Marcos at Marcos Jr. Noong 1995, nahatulan ding guilty si Marcos Jr. sa hindi niya pagbabayad ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985.
Samantala, binigyang-diin din ng mga progresibo ang umano’y pagpapakatuta ng mga naging pangulo ng Pilipinas sa ibang bansa.
“Nakatali sa dikta ng dayuhan ang anumang patakarang panlabas; ang pangulong nakaupo ay tuta ng dayuhan. Sila ay nagsisilbi sa dayuhang interes, hindi sa sambayanang Pilipino,” ayon muli kay Salvador.
Aniya, kabilang sa mga hamon kay Marcos Jr. ay ang tumindig para sa interes ng mga Pilipino at hindi ng mga dayuhan.
Sigaw ng mga sektor ng manggagawa, magsasaka
Sa pagpapalit ng administrasyon, patuloy pa rin ang daing ng mga manggagawa at magsasaka.
Ayon kay Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno (KMU), mga manggagawa ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa, kaya hinahamon nila si Marcos Jr. na pataasin ang sahod at igalang ang karapatan ng mga manggagawa.
Patuloy rin ang pangangalampag ng mga manggagawa mula sa sektor ng edukasyon at kalusugan.
“Malaki ang kanilang utang sa mga kaguruan – ang mababang sahod, ang dayuhang curriculum,” ani Vlad mula sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Kasama ang mga estudyante, kabilang ang mga guro sa dumaranas ng paghihirap sa ilalim ng remote learning. Sa UPLB, idinaing ng ilang guro ang mga isyu sa Internet connection at paninibago sa pagtuturo sa ilalim ng kasalukuyang learning setup (BASAHIN: Tungo sa multisektoral na pagtingin sa isyung remote learning).
Ayon naman kay Robert Mendoza ng Alliance of Health Workers, puro pasakit at pahirap ang naranasan ng manggagawa mula sa sektor ng kalusugan.
“Ang daming health workers ang namatay sa pakikipaglaban sa COVID-19. Ang hamon sa atin at priority – nakakabuhay na sahod, security of tenure, ibigay agad ang benepisyong nakasaad sa batas,” dagdag pa ni Mendoza.
Mula pa man noong simula ng pandemya, idinaing na ng medical frontliners ang kakulangan ng karampatang kompensasyon, kabilang ang COVID-19 Special Risk Allowance (SRA) at Actual Hazard Duty Pay (AHDP). Ngayong 2022, nagkaroon pa ng budget cut ang Philippine General Hospital (PGH) (BASAHIN: UP budget increased by P2.89 billion, but Hospital Services Program suffers cut in 2022 national budget).
Samantala, panawagan naman ni Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na maisabatas na ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).
Ayon sa Anakpawis noong 2016, GARB ang solusyon sa mga butas sa mga umiiral na batas kaugnay ng repormang agraryo. Layunin ng GARB ang pagtanggal sa amortization fees at pagtiyak na hindi mababawi ang certificates of land ownership (CLOAS) ng mga pesante.
Samantala, maaalala namang ipinangako ni Marcos Jr. noong kampanya ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa P20 hanggang P30 kada kilo, ngunit binatikos ito ng mga magsasaka at progresibong grupo.
“20 pesos kada kilo ng bigas ang pangako ni Marcos. Imposible ang 20 pesos hangga’t kalakhan sa ating magsasaka ay walang sariling lupa. Imposible hanggang liberal at pribado ang patakaran sa bansa,” dagdag pa ni Mariano.
Noong ika-20 ng Hunyo, inanunsyo ni Marcos Jr. na siya muna ang pansamantalang mamumuno sa Department of Agriculture (DA).
Samantala, sa kaniyang talumpati sa inagurasyon, pahapyaw ring tinalakay ni Marcos Jr. ang mga isyu sa edukasyon; imprastruktura; pandemya at kalusugan; pagkain at agrikultura; at kalikasan. Gayunpaman, binigyang-diin ng mga progresibong grupo na wala pa ring kongkretong plano si Marcos Jr.
“He tells us he will ‘get things done’ but fails to give any concrete program how he intends to do so. […] The public however will have to wait until the incoming regime gets its act together, and even then, we are unsure of the outcome of Marcos’ pronouncements,” ani Reyes.
[“Sinasabi ni Marcos Jr. na ‘isasakatuparan niya ang mga plano’, ngunit hindi pa siya nagbibigay ng kongkretong programa kung paano niya iyon gagawin […] Naghihintay ang publiko hanggang sa ang paparating na rehimen ay makapag-organisa para makakilos, at hanggang sa mangyari iyon, hindi tayo tiyak sa kahihinatnan ng mga deklarasyon ni Marcos.”]
Muling umikot ang talumpati ni Marcos Jr. sa pagkakaisa – panawagang bitbit niya mula pa man noong kampanya – ngunit binigyang-diin ng mga progresibong grupo at analysts ang kawalan ng kongkretong plataporma para maisakatuparan ang pagkakaisang kaniyang isinusulong, o kung paanong ang pagkakaisang ito ay malinaw na masosolusyonan ang mga suliranin ng bansa.
Panahon ng paniningil
Sa pagpasok ni Marcos Jr. sa Palasyo ay siya namang paglabas ni Rodrigo Duterte. Ang panawagan ng mga progresibo: singilin si Duterte sa kaniyang mga kasalanan.
“Singilin si Duterte at i-challenge ang papasok na presidente. Binigo na tayo ni Duterte, katulad ng human rights violations, ngunit mas lalo tayong lulugmukin ng paparating na presidente na si BBM Jr.,” ani ng tagapagsalita mula sa alyansa ng Moro at indigenous peoples na Sandugo.
Sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, kaliwa’t kanan ang pinagdusahan ng mga katutubo na panghaharas at pagpatay. Kabilang dito ang pagpatay sa siyam na Tumandok sa Capiz; ang panghaharas sa mga Dumagat; at ang pagpapalayas sa mga Lumad (BASAHIN: 9 Tumandok IP pinaslang, 18 inaresto sa Capiz; MOA signatories for Kaliwa Dam ‘bribed’ by gov’t agencies – Dumagat leader; Deprived dreams of the Lumad).
Hiling ng progresibong grupong Karapatan ang katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, red-tagging, at giyera kontra droga.
Tinatayang nasa 30,000 na indibidwal ang pinatay sa ilalim ng Drug War ni Rodrigo Duterte, ayon sa Center for International Law (Centerlaw). Kaliwa’t kanan din ang pag-atake sa mga progresibong grupo at indibidwal. Patotoo rito ang Bloody Sunday massacre sa Timog Katagalugan, kung saan siyam na progresibo ang pinaslang (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).
“Hinding-hindi magmamaliw: sinong hindi lalaban kung pinapatay na ang iyong pamilya at inaapi na ang sambayanang Pilipino? Lalaban at lumalaban tayo,” ani ng tagapagsalita mula sa Karapatan.
Samantala, idinaing naman ng mga manggagawa ang kahirapan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Walang ginawa si Duterte; puro kasinungalingan. Walang ginawa para sa mga manggagawa! Lalo na kaming mga kawani ng gobyerno,” ani Santiago Dasmariñas Jr. ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE).
Sa Flores de Endo na ikinasa noong ika-31 ng Mayo, ipinahayag ng mga delegado na patuloy pa rin ang panggigipit sa mga manggagawa. Sa Timog Katagalugan, naglalaro lang sa P400 hanggang P500 ang sinasahod ng mga manggagawa, sa kabila ng family living wage na P1065 – ang halaga ng salaping kinakailangan ng bawat pamilya upang magkaroon ng disenteng pamumuhay araw-araw (BASAHIN: Flores de Endo, inilunsad ng grupo ng mga manggagawa upang ipanawagan ang pagtaas ng sahod, pagwakas sa kontraktwalisasyon).
Samantala, binigyang-diin din sa kilos-protesta ang pag-atake laban sa malayang pamamahayag.
Sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, nasaksihan ng bansa ang pagpapasara sa ABS-CBN (BASAHIN: ABS-CBN Regional goes dark). Nito lang ika-29 ng Hunyo, pinagtibay ang shutdown ng Rappler, bagaman nanindigan ang kompanya na aapila pa rin sila at magpapatuloy sa pamamahayag. Pinaghigpitan din ang akses sa websites ng mga alternatibong midyang Bulatlat at Pinoy Weekly.
“Ang peryodismo ay hindi terorismo. Paulit-ulit na iginigiit, pero ang ilang puwersa ng kadiliman, akala yata nila synonyms [magkasingkahulugan] ang dalawa […] Sa hanay ng midya, hindi kami mananahimik,” ani Marjohara Tucay ng Altermidya.
Sa simula pa lang ng panunungkulan ni Marcos Jr., pinangangambahan na ang limitadong akses ng midya sa kaniyang administrasyon. Idinaing ng mga mamamahayag ang kahirapan sa pakikipanayam sa kaniya noong panahon ng kampanya.
Patuloy ang pakikibaka
Mainit ang pagtutol ng mga progresibong indibidwal at grupo sa pagkapanalo nina Marcos Jr. at Sara Duterte. Sa Timog Katagalugan, nabuo ang Youth Defy Marcos and Duterte Southern Tagalog (ST) – isang malawak na alyansa ng mga kabataan na binubuo ng iba’t ibang mga organisasyon, institusyon, at indibidwal na ang layunin ay tutulan at labanan ang alyansang Marcos-Duterte.
Nanalo si Marcos Jr. sa pamamagitan ng makasaysayang majority vote, ngunit ayon kay Dr. Turalde-Jarabe, “kwestiyonable” ang naging resulta ng halalan sapagkat laganap ang mga dayaan at iregularidad.
“Iba’t ibang porma ng dayaan ang ating nasaksihan. Laganap ang disimpormasyon na ipinakalat ng kampo ni Marcos Jr. Talamak ang vote buying, harassment, at intimidasyon,” aniya.
Inulan ng anomalya hindi lang ang halalan kundi maging ang kampanya ni Marcos Jr. Naglabasan ang sandamakmak na propaganda at disimpormasyon sa social media tungkol sa mga nangyari noong Batas Militar at sa rehimen ni Marcos Sr.
Ayon pa sa inilabas na datos ng fact-checking initiative na Tsek.ph, pabor sa tambalang Marcos-Duterte ang mga lumalabas na pekeng balita sa iba’t ibang plataporma ng social media noong kasagsagan ng kampanya.
Ito ay malubhang pagtalikod sa mahigit 11,000 na biktima ng human rights violations sa rehimen ni Marcos Sr. mula 1972 hanggang 1986; sa tinatayang 30,000 na indibidwal na pinatay sa ilalim naman ng Drug War ni Rodrigo Duterte; at sa libo-libo pang mga progresibong hinaras at pinatay sa ilalim ng mga nasabing rehimen.
Sa kaniyang talumpati sa inagurasyon, panay pa rin ang papuri ni Marcos Jr. sa rehimen ng diktador niyang ama.
“As expected, Marcos Jr. used his inaugural speech to again praise his father’s so-called legacy, conveniently avoiding any mention of the fascist dictatorship Marcos Sr. is most notorious for,” ani Reyes.
[“Katulad ng inaasahan, ginamit ni Marcos Jr. ang kaniyang talumpati para muling papurihan ang legasiya ng kaniyang ama, habang iniiwasang banggitin ang diktadurya kung saan kilalang-kilala si Marcos Sr.”]
Sa gitna ng mga isyung ito, binigyang-diin ng mga progresibo na patuloy ang kanilang pagtutol sa pagbaluktot ng kasaysayan. Patuloy rin ang kanilang pangangalampag para isulong ang karapatan ng bawat Pilipino.
“Handa tayong ilantad ang kaniyang pamumuno kung walang ibang nilalatag kundi panggugulo at pangungurakot. Ang pagtaas ng kamao ay simbolo bilang paglaban at pagtindig nating mga kabataan,” ani Raoul Manuel, kinatawan ng Kabataan Partylist.
Upang pormal na tapusin ang programa, hinamon ni Manuel na patuloy na lumaban ang mga kabataang pag-asa ng bayan, kontra sa inutil at mapang-aping rehimen. [P]
Karagdagang ulat nina Felipa Cheng at Reysielle Reyes
0 comments on “Mga progresibong grupo, ipinamalas ang tunay na pagkakaisa sa kilos-protesta sa inagurasyon ni Marcos Jr.”