News News Feature Southern Tagalog Spotlight

Mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON, nanguna sa Halalan 2022

Patuloy na maghahari sa lalawigan ang mga prominenteng dinastiya sa Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal. Samantala, tuluyan namang nagapi ang Dinastiyang Suarez sa Quezon.

Mga salita nina Alex Delis at Shelow Monares

Binigyang pokus sa artikulong ito ang dalawang pinakamataas na posisyon sa mga pamahalaang panlalawigan, partikular ang mga gobernador at bise-gobernador ng CALABARZON. Bagaman may pagbanggit sa ibang mga posisyon, hindi saklaw ng artikulo ang kabuuan ng dinastiyang politikal sa ibang mga lokal na puwesto sa rehiyon.


Tagumpay na nadepensahan ng mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON ang kani-kanilang mga base-politikal matapos ang nagdaang halalan.

Reelected ang mga gobernador sa Cavite, Laguna, at Batangas, na ang mga pamilya’y may nabuo nang dinastiyang politikal sa kani-kanilang mga lalawigan. Sa Rizal, anak naman ng nakalipas na gobernador ang umuupo bilang bagong pinuno ng probinsya. 

Samantala, sa Quezon, tuluyan nang nagapi ang dinastiyang Suarez matapos makuha ng mambabatas at doktor na si Helen Tan ang posisyon sa pagka-gobernador.

Bakas din ang mga dinastiyang politikal sa naging resulta ng pambansang eleksyon. Maliban sa pagiging anak ng mga dating pangulo, sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pangalawang-Pangulo Sara Duterte-Carpio ay may kani-kanila ring kapamilyang kasalukuyang nakaupo bilang mga politiko.

Kasalukuyang senador ang kapatid ni Marcos Jr. na si Imee Marcos, samantalang nasa Kongreso naman ang anak niyang si Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos bilang kongresista ng unang distrito sa Ilocos Norte.

Muli ring nangibabaw ang dinastiyang Marcos sa nasabing lalawigan matapos magapi ang dinastiyang Fariñas. Ito ay bunga ng pagkawagi sa pagka-gobernador ni Matthew Marcos Manotoc, anak ni Imee Marcos. Si Cecilia Araneta Marcos, na asawa ng yumaong pinsan nina Marcos Jr, ang kasalukuyang bise-gobernador sa probinsya.

Nasungkit din ni Michael Marcos Keon ang pagiging alkalde sa lungsod ng Laoag. Sa kabila nito, hindi sinuportahan ng angkan ng mga Marcos ang pagtakbo ni Marcos Keon matapos ang umano’y hindi pagkakaunawaan. 

Malaki ang gampanin ng social media sa pamamayagpag ng mga Marcos sa parehong lokal at pambansang halalan ngayong taon. Patunay rito ang pag-usbong ng sandamakmak na propaganda at disinformation sa Facebook pages at groups, YouTube channels, at iba’t ibang websites tungkol sa mga nangyari noong Batas Militar at rehimeng Marcos.

(KAUGNAY NA BALITA: Southern Tagalog progressives protest vs electoral fraud)

Ayon pa sa inilabas na datos ng fact-checking initiative na Tsek.ph, pabor sa tambalang Marcos-Duterte ang mga lumalabas na fake news sa iba’t-ibang plataporma ng social media noong kasagsagan ng halalan.

Isa sa mga pangunahing disimpormasyong makikita sa social media ang umano’y katahimikan at kaayusan ng bansa noong ipinatupad ang Batas Militar. Ito ay sa kabila ng kaliwa’t-kanang human rights violations na nauwi sa pagkawala at pagkamatay ng maraming Pilipino. 

Pumalo sa mahigit 11,000 ang mga kaso ng human rights violations mula 1972 hanggang 1986. Kabilang dito ang mga kaso ng tortyur, pagpatay, enforced disappearance, rape, detention, at involuntary exile, ayon sa tala ng Human Rights Victims’ Claims Board.

Gayundin, sa ilalim ng administrasyong Duterte ay tinatayang nasa 30,000 na indibidwal ang pinatay sa ilalim naman ng Drug War, ayon sa human rights group na Center for International Law (Centerlaw).

Kaliwa’t-kanan din ang pag-atake sa mga progresibong grupo at indibidwal. Patunay rito ang Bloody Sunday massacre sa Timog Katagalugan, kung saan siyam na progresibo ang pinatay noong ika-7 ng Marso, 2021.

(KAUGNAY NA BALITA: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan)

Samantala, maliban sa pananatili sa ehekutibong posisyon ng mga Duterte, hawak pa rin ng naturang angkan ang lalawigan ng Davao. Ito ay matapos magwagi ang parehong anak ni Rodrigo Duterte na sina Paolo Duterte bilang 1st District Representative ng Davao City at Sebastian “Baste” Duterte bilang alkalde ng parehong siyudad.

Sa Senado, anim sa 24 na senador ang kabilang sa tatlong political families. Ito ay buhat ng pagkapanalo nina Allan Peter Cayetano na kapatid ng kasalukuyang senador na si Pia Cayetano; Mark Villar na anak ng kasalukuyang senador na si Cynthia Villar; at magkapatid na JV Ejercito at Jinggoy Estrada. 

Pamilya ng mga gobernador at bise-gobernador sa CALABARZON.
Paglalapat nina Arianne Paas at Johanne Sebastian Gonzales

Dinastiya sa Cavite

Kasabay ng pagbabalik ni Jonvic Remulla bilang gobernador sa pangalawang pagkakataon, nagwagi rin ang kanyang kapatid na si Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang kongresista ng ika-pitong distrito ng Cavite.

Nito lang ika-23 ng Mayo, pinili ni Pangulong Marcos Jr. si Boying Remulla bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ). Ito ay sa kabila ng pag-red-tag ni Remulla sa mga progresibong indibidwal, at maging sa mga tagasuporta ni Leni Robredo noong nakaraang kampanya (BASAHIN: Incoming DOJ Secretary Boying Remulla, binatikos ng mga progresibong grupo dahil sa red-tagging laban sa biktima ng Bloody Sunday).

Kasabay ng pagpili sa kanya bilang kalihim ng DOJ, sinabi ni Boying Remulla na maghihirang na lang umano siya ng “caretaker” sa kanyang pwesto bilang kongresista, o kaya ay magtatakda ng “special elections”. Walang appointment ban para sa mga nanalong kandidato.

Kilala rin si Boying Remulla sa pagharang nito sa ikatlo at ikahuling reading sa Kongreso ng University of the Philippines – Department of National Defense (UP-DND) Accord, na naglalayong bigyan ng proteksyon ang kaestudyantehan ng UP system sa anumang presensya ng militar o kapulisan nang walang abiso ng administrasyon ng unibersidad.

Samantala, nanalo rin ang anak ni Boying Remulla na si Ping Remulla bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng ikapitong Provincial District.

Nag-ugat ang dinastiya ng mga Remulla kay Juanito “Johnny” Remulla Sr., ama ng magkakapatid na Remulla, na pinakamatagal na naglingkod bilang gobernador ng lalawigan mula 1979 hanggang 1986 at mula 1988 hanggang 1995. 

Samantala, magpapatuloy pa rin ang dinastiya ng mga Tolentino sa Cavite matapos ang landslide na pagkapanalo ng running-mate ni Jonvic Remulla na si Athena Tolentino.

Si Athena Tolentino ay anak ng nagbabalik na alkalde ng Tagaytay City na si Abraham “Bambol” Tolentino. Kasama niyang mamumuno bilang bise-alkalde ang asawang si Agnes Tolentino. Samantala, papalit naman sa pwesto ni Abraham sa pagiging kongresista ng ikawalong distrito ang isa pa nitong anak na si Aniela Tolentino

Si Abraham Tolentino ay kapatid ng senador na si Francis Tolentino, na humawak din sa posisyon ng pagka-alkalde bago mahalal bilang senador noong 2019.

Samantala, ang mga Revilla ang pinakamalaking angkang naghahari sa Cavite, ngayong anim na miyembro ng kanilang pamilya ang nahalal sa mga lokal na posisyon.

Dinastiya sa Laguna

Sa ikatlong pagkakataon, muling pamumunuan ni Ramil Hernandez ang lalawigan ng Laguna matapos itong magwagi sa pagka-gobernador. Nagwagi rin ang asawa ni Ramil Hernandez na si Ruth Mariano-Hernandez sa kanyang ikalawang termino bilang kongresista ng ikalawang Legislative District ng Laguna.

Kasama ni Ramil Hernandez na manunungkulan ang kanyang katambal na si Karen Agapay para sa pagkabise-gobernador. Si Agapay ay anak ng dating board member ng Ikatlong Distrito ng Laguna na si Nelson Agapay at ng dating auditor ng Commission on Audit (COA) na si Vicenta Cartabio. 

Bago pa man magsimulang manungkulan bilang gobernador noong 2016, matatandaang tumayo na si Hernandez bilang gobernador noong 2013 upang humalili sa pwesto ni ER Ejercito, na nasibak dahil umano sa labis nitong paggamit ng pondo sa kanyang kampanya. 

Samantala, tumakbo naman bilang alkalde ng Calamba, Laguna si Ejercito nitong nakaraang halalan, ngunit nabigo siyang makuha ang pwesto matapos manalo bilang alkalde si Ross Rizal. Binasag ni Rizal ang dinastiya ng mga Chipeco sa Calamba na nagsimulang maghari sa pagka-alkalde mula 2004 hanggang 2022

Parehong plataporma at programa pa rin ang inihandog ni Hernandez sa kanyang panibagong termino. Nakapaloob sa kanyang programa ang 8-Point Serbisyong Tama. Kabilang dito ang planong magsagawa ng libreng livelihood trainings para sa mga mamamayan ng Laguna, para matulungan ang paghahanapbuhay ng mga mamamayan.

Gayunpaman, matatandaang sunod-sunod ang panghaharas ng mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), maging ang pwersa ng kapulisan at militar, sa mga unyonistang manggagawa sa Laguna na nagresulta sa takot at posibleng kawalan ng trabaho ng mga ito. Kabilang dito ang mga manggagawa ng Wyeth Philippines Inc. at Nexperia Philippines, Inc. 

(MGA KAUGNAY NA BALITA: Mga manggagawa ng Wyeth, nakaranas ng patuloy na pananakot mula sa NTF-ELCAC; Nexperia union officers harassed by AFP-PNP and NTF-ELCAC, forced to disaffiliate from labor center; 21 Wyeth unionists illegally dismissed after being lured to ‘team building activity;’ labor groups call for immediate reinstatement)

Samantala, pormal na inendorso ni Hernandez noong kasagsagan ng kampanya si Sara Duterte para sa pagka-bise presidente sa pamamagitan ng pagdeklara sa kanya bilang “adopted daughterng Laguna. Sinuportahan din nito ang kandidatura ni Marcos Jr. para sa pagkapangulo. Matapos ang naganap na halalan, nanguna sina Marcos Jr. at Duterte sa karera ng pagka-presidente at bise-presidente sa Laguna.

Dinastiya sa Batangas

Tambalang Mandanas-Leviste ang muling mamumuno sa Batangas matapos magwagi sina Dodo Mandanas at katambal nitong si Mark Leviste sa pagka-gobernador at bise-gobernador. Ito ang ikatlong termino ni Mandanas at ikalawa naman ni Leviste.

Hindi na bago ang apelyidong Mandanas sa politika sapagkat dati ring kongresista ng Marinduque at second nominee ng Anakalusugan Party-list ang asawa ni Dodo Mandanas na si Regina Reyes-Mandanas, bago ito pumanaw noong ika-5 ng Mayo.

Samantala, ang angkan naman ng mga Leviste ay itinuturing na prominenteng politikal na pamilya sa Batangas. Nanungkulan bilang gobernador nang 24 taon ang patriyarkang si Feliciano “Sanoy” Leviste sa Batangas.

Nanungkulan din bilang gobernador ang tiyuhin ni Mark Leviste na si Antonio Leviste, mula 1972 hanggang 1980. Si Antonio Leviste ay dating asawa ni Senador Loren Legarda bago ang naganap na annulment noong 2008.

Nahatulang guilty si Antonio Leviste sa pagpatay sa kanyang aide noong 2007. Taong 2013 nang siya ay makalaya. Binigyan ng parole si Antonio Leviste sa kabila ng paglabas-pasok niya sa New Bilibid Prison (NBP) nang hindi awtorisado ng kapulisan.

Samantala, sumabak na rin sa politika ang anak ni Mark Leviste na si Ronin Leviste bilang kasalukuyang bise-alkalde ng Lian, Batangas.

Dati namang Board of Investments Governor ang ama ni Mark Leviste na si Conrad Leviste, samantalang dating konsehal ng Lipa ang kanyang inang si Patsie Leviste.

Matatandaang nakitaan ng 84 kilo ng shabu na nagkakahalagang P420 milyon ang poultry farm na pagmamay-ari ni Conrad Leviste, na kakambal ni Antonio Leviste. Agad pinabulaanan nina Mark at Conrad Leviste ang paratang na mayroon silang kinalaman sa nasabing illegal drug trade sa kanilang pagmamay-aring poultry farm. 

Kabilang din sa mga miyembro ng angkan ng mga Leviste na dating nasa larangan ng politika ay sina dating Senior Provincial Board Member Sany Leviste, dating kongresistang si Expedito Leviste, at mga dating Constitutional Convention (Con-Con) Delegates na sina Joey at Oscar Leviste.

Samantala, sa kanyang bagong termino, patuloy na isinusulong ni Mandanas ang programang HELP Batangas na naglalayong bigyang-importansya ang mga sektor ng kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at pagpapaunlad ng Batangas.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panggigipit sa ilang mga Batangueño. Nariyan ang malalang banta ng red-tagging at sapilitang pagpapalayas sa mga mamamayan na dulot ng pangkaunlarang agresyon.

(KAUGNAY NA BALITA: Ang laban ng Batangas para sa makataong pamamahala)

Dinastiya sa Rizal

Nasungkit ni Nina Ynares ng National People’s Coalition (NPC) ang posisyon ng pagka-gobernador ng Rizal. Si Nina Ynares ay pumalit sa posisyon ng kanyang inang si Rebecca “Nini” Ynares. 

Patuloy na haharapin ni Nina Ynares ang mga banta sa kalikasan sa Rizal. Matatandaang sunod-sunod ang pag-atake sa rangers ng Masungi Georeserve, habang patuloy pa rin ang banta ng quarrying sa probinsya.

(MGA KAUGNAY NA BALITA: Masungi Georeserve rangers illegally detained after apprehending environmental offender; Masungi Georeserve damaged, threatened with land-grabbing by private company; Grupong maralita, nananawagang pigilan ang quarrying sa Rizal)

Noong 2020, nag-isyu si Nini Ynares ng order na magbabawal sa pagmimina at quarrying sa Rizal. Noon namang nakaraang Hunyo, tatlong alkalde ng National Capital Region (NCR) ang naglabas ng pahayag na nag-uudyok na kanselahin ng lokal na pamahalaan ng Rizal ang quarrying agreements sa Masungi Geopark.

Samantala, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng political clan ng mga Ynares matapos walang mabigo sa kani-kanilang tinakbuhang posisyon sa halalan. 

Ang nakababatang kapatid ni Nina Ynares na si Casimero “Jun” Ynares III ay papalit sa kanyang asawang si Andrea Ynares bilang alkalde ng Antipolo, Rizal. Si Andrea Ynares ay kapatid ni Bong Revilla na bahagi ng pinakamalaking naghaharing angkan sa Cavite.

Ang ama nina Jun at Nina Ynares na si Casimero Ynares Jr. ay nanungkulan din bilang dating gobernador ng lalawigan.

Matatandaang dating sinampahan ng apat na bilang ng graft si Casimero Ynares Jr. noong 2017 dahil sa umano’y overpricing ng mga fertilizer na binili ng Rizal Provincial Government noong 2004 hanggang 2005, na sakop ng kanyang panunungkulan bilang gobernador mula 2004 hanggang 2007. 

Samantala, wagi rin ang tambalan nina Engr. Cesar Ynares at Boyet Ynares, mga kapatid ni Casimero Ynares Jr., bilang alkalde at bise-alkalde naman ng Binangonan. 

Wagi naman sa pagka-bise gobernador si Junrey San Juan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP). Isang San Juan din ang manunungkulan bilang alkalde ng Cardona, Rizal na si Jun San Juan ng NPC.

Kamakailan lang ay itinalaga rin ang dating bise-alkalde ng Rizal na si Engr. Frisco “Popoy” San Juan, Jr. bilang bagong general manager naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). 

Maaalalang mula 1988 hanggang 1992, bago mabuo ang dinastiya ng mga Ynares sa pagka-gobernador, nanungkulan bilang pinuno ng Rizal ang isa pang San Juan na si Reynaldo San Juan.

Dinastiya sa Quezon

Pagtupad sa “Serbisyong Tunay at Natural” ang inaasahan ng mga mamamayan ng Quezon matapos mahalal bilang bagong gobernador ng probinsya ang dating kinatawan ng ikaapat na distrito at doktora na si Helen Tan. 

Saklaw ng plataporma ni Tan ang pagpapatuloy ng mga programa para sa Health, Education, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment, and Good Governance (HEALING) na kanyang sinimulan sa kanyang paninilbihan bilang kongresista. 

Papalit naman sa posisyon ni Helen Tan sa pagiging kinatawan ng ikaapat na distrito ang kanyang anak na si Mike Tan.

Dating naharap sa mga reklamong administratibo at kriminal ang asawa ni Helen Tan na si Ronnel Tan, direktor ng Region 1 Department of Public Works and Highways (DPWH). Ito ay matapos umanong maghagis si Ronnel Tan ng perang nagkakahalagang P2-3 milyon upang pag-agawan ng mga bisita sa isang pagtitipon.

Ayon sa nagsampa ng reklamo, nilabag ni Ronnel Tan ang Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nagsasaad na “public officials and their families must live modest lives”. Pinabulaanan ito ni Helen Tan at dumepensang ang reklamo ay panghaharas lang sa kanila mula sa mga kalaban sa pulitika. 

Samantala, sa pagkapanalo bilang bagong gobernador ng lalawigan, binigo ni Tan ang re-election bid ni Danilo Suarez. 

Hindi rin pinalad na manalo bilang kongresista sa ikatlong distrito ang asawa ni Suarez na si Aleta Suarez, ngunit muling nanguna sa pagka-kongresista ng ikalawang distrito ang anak nilang si David Suarez.

Tinalo ni David Suarez ang dating kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Proceso Alcala. Pinalitan naman ni David Suarez ang isa pang miyembro ng pamilyang Alcala na si Vicente “Kulit” Alcala.

Samantala, mauupo naman bilang bise-gobernador ng Quezon si Anacleto “Third” Alcala III ng NPC.

Sa dako ng dinastiya ng mga Alcala, tambalang anak at ama ang namayagpag sa Lucena City matapos ideklarang alkalde si Mark Alcala, samantalang bise alkalde naman ang pinsan ni Third Alcala na si Roderick Alcala. Wagi rin sa ikalawang Provincial District si Vinette Alcala, na anak naman ni Vicente Alcala. 

Delubyong dala ng dinastiyang politikal

Sa isinagawang pag-aaral ng Ateneo School of Government noong 2016, napatunayang mayroong tuwirang relasyon sa pagitan ng mga mahihirap na lalawigan at mga lalawigang mayroong prominenteng dinastiya. Ibig sabihin nito, karamihan sa political dynasties ay matatagpuan sa mga pinakamahihirap na probinsya ng bansa.

Sa inilabas na datos ng Inquirer para sa mga taong 2007 hanggang 2016, kapansin-pansing mayroong malaking porsiyento ng mga politikong kabilang sa dinastiya at mga malalaking angkan ang namumuno sa mga pinakamahihirap na probinsya sa Pilipinas.

Idiniin ng ekspertong si Ronald Mendoza, dean ng Ateneo School of Government taong 2016 hanggang 2022, ang pag-usbong ng “fat dynasties” noong rehimen ni Marcos Sr. Ayon kay Mendoza, kasabay ng pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas noong naturang rehimen ay ang pag-usbong naman ng mga dinastiyang politikal.

If you add [a] monopoly of political power and the discretion to distribute power minus accountability, the result is a lot of corruption,” dagdag pa niya.

[“Kapag nagdagdag ka ng monopolyo ng politikal na kapangyarihan at ang pagpapasiyang ipamahagi ang kapangyarihan nang walang pananagutan, sangkatutak na korapsyon ang magiging resulta.”]

Bagaman nakasaad sa Artikulo II Seksyon 26 ng 1987 na Konstitusyon ang pagbabawal sa political dynasties, wala pa ring naipapasang batas na tuluyang magbabawal sa ganitong sistema sa politika. Marami nang naihaing bills sa Kongreso at Senado ukol sa pagbabawal ng dinastiya, ngunit nabigong maipasa ang lahat ng ito bilang batas.

The Constitution entrusted to Congress the duty to end political dynasties. Unfortunately, we have failed in our duty and, hence, political dynasty still persists and so does poverty,” pahayag ni dating Senate Minority Leader Franklin Drilon.

[“Ipinagkatiwala ng Konstitusyon sa Kongreso ang tungkuling wakasan ang mga dinastiyang politikal. Sa kasamaang palad, nabigo tayo sa ating tungkulin kaya patuloy ang paglaganap ng mga dinastiyang politikal at kahirapan.”]

Ito ay matapos ang kanyang muling paghain ng Senate Bill No. 11 sa 18th Congress noong 2019, na magbabawal sa mga dinastiyang nasa second degree of consanguinity. Sa kasalukuyan, ang nasabing bill ay pending pa rin sa Senado. [P]

Karagdagang ulat nina Aron Sierva, Yani Redoblado, Pierre Hubo, Charleston Jr. Chang, at Markus Fabreag

Paglalapat ni Jonas Atienza

Mga larawan mula sa:
Cavite Provincial Government Official Website
Gilbert Remulla / Facebook
Ping Remulla / Facebook
Jonvic Remulla / Facebook
Gov. Ramil L. Hernandez / Facebook
Tagaytay City Government Official Website
Michael “Micko” Tolentino / Facebook
Francis Tolentino / Facebook
Abraham “Bambol” Tolentino / Facebook
Athena Tolentino / Facebook
Aniela Tolentino / Facebook
Ruth Mariano Hernandez / Facebook
Atty. Karen Agapay / Facebook
Batangas Provincial Government Official Website
Governor Dodo Mandanas / Facebook
Loren Legarda / Facebook
Mark Leviste / Facebook
Rizal Provincial Government Official Website
LPP Official Website
Nina Ynares / Facebook
Ramon Bong Revilla, Jr. / Facebook
DPWH Official Website
Doktora Helen Tan Website
Atorni Mike / Facebook
Vicente J. Alcala / Facebook
Third Alcala / Facebook
City Government Of Lucena Official Website
Vinnette Alcala / Facebook
Mark Alcala / Facebook
Jun-Andeng Ynares / Facebook

0 comments on “Mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON, nanguna sa Halalan 2022

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: