Mga salita ni Charleston Jr Chang
Ginanap ang Southern Tagalog State of the Youth Address (SOYA) 2022 nitong ika-21 ng Hulyo sa Makiling Ballroom Hall, Student Union Building ng UPLB, na mayroong temang “Youth of Southern Tagalog: Forging Unities, Defending Truths, and Inspiring Change”.
Idinaraos ang naturang kaganapan taon-taon upang talakayin ang mga pinagtagumpayang laban, mga isyung panlipunan, at mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan.
Bago pa man ganapin ang rehiyonal na SOYA sa UPLB ay idinaos din ang mga probinsyal na SOYA sa iba’t ibang lalawigan sa Timog Katagalugan. Ginanap ang probinsyal na SOYA sa Laguna nitong ika-18 ng Hulyo, ika-19 ng Hulyo naman para sa Cavite at Rizal, ika-20 ng Hulyo para sa Quezon, at gaganapin naman sa ika-23 ng Hulyo ang para sa Batangas.
Pagtindig ng kabataan laban sa mga suliranin
Ang programa ay nagbukas sa paglalahad ng mga personal na rason ng bawat isa sa kanilang pagdalo sa nasabing pagtitipon. Nakasentro ang kanilang mga sagot sa pakikiisa at pagbibigay-diin sa responsibilidad at gampanin ng isang kabataang Pilipino sa kasalukuyang estado ng lipunan.
Pormal na sinimulan ang programa sa pambungad na pananalita ni National Union of Students of the Philippines – Southern Tagalog (NUSP-ST) Coordinator Jade Corpuz. Aniya, nararapat lang na ang kabataan ay makilahok at makiisa sa mga kasalukuyang isyu sa lipunan, nang sa gayon ay magkaroon ng tunay na pagbabago.
Pinangunahan ni Kabataan-Partylist Southern Tagalog (KPL-ST) Regional Director at 4th Nominee Jianred Faustino ang pagtalakay sa kasalukuyang lagay at estado ng mga kabataan sa buong bansa.
Inilahad ni Faustino ang kasalukuyang kalagayan ng kaligtasan ng kabataan at kung paanong sila ang mga target ng state terror sa bansa. Inilantad niya na kabi-kabila ang pag-atake sa mga kabataan sa anyo ng mga ilegal na pag-aresto, red-tagging, pag-atake sa mga mamamahayag, demonization ng mga protesta, at ang pagpasa sa kontrobersyal na Anti-Terror Law.
Matatandaang 2021 pa lang ay ginagamit na bilang plataporma ng pwersa ng estado ang mga birtwal na “peace and development forums” upang makapag-red-tag ng mga progresibong organisasyon at indibidwal sa Timog Katagalugan (BASAHIN: State forces’ “peace forums” used as latest avenue for red-tagging scheme).
Nito lang ika-21 ng Marso ay muling naganap ang isang insidente ng pag-red-tag sa isa sa mga seminar ng UPLB National Service Training Program (NSTP). Inilarawan ng tagapagsalita ang mga malawakang pagkilos at international solidarity work bilang mga gawain umano ng mga kasapi ng New People’s Army (BASAHIN: UPLB progressives condemn red-tagging in NSTP webinar; USC calls for ‘thorough review’ of lecture materials).
Ipinanawagan din ni Kabataan Partylist 2nd Nominee at KPL – Ilocos Regional Coordinator Angel Galimba ang mas pinalakas at mas pinaigting na pagtindig at pagkakaisa ng mga kabataan upang maisulong ang isang tunay at makabayang reporma tungo sa pagbabago.
“Kasama ang Kabataan, nagkakaisa nating ipaglalaban ang isang marangal at malayang kinabukasan para sa lahat,” pagtatapos niya.
Banta sa katotohanan, banta sa kabataan
Sa isang presentasyong pinamagatang “Bagong Pilipinas, Parehong Mukha: Prospects Under Marcos-Duterte Administration for the Next Six Years”, inilahad ni Athea Beatrice Papa, opisyal ng National Education & Research ng KPL, kung paano nagsilbing makinarya nina Marcos at Duterte ang social media platforms.
“Marami talagang trolls na puspusang inaatake tayong mga progresibo, pati na rin yung iba’t ibang media outlets, mga social media accounts ng organization natin. So, targeted attacks talaga siya laban sa progressive groups at progressive media outlets, at sa lahat ng naglalathala ng katotohanan,” binigyang-diin ni Papa.
Sa mensahe naman ni Boni Ilagan, manunulat at filmmaker na Martial Law survivor, inanunsyo niyang ginanap nitong ika-21 ng Hulyo sa Quezon City ang media launch ng dalawang-buwang kampanya para sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, na pinamagatang “ML50”. Pinangungunahan ito ng mga aktibista at biktima ng Batas Militar.
Ayon kay Ilagan, ito ay isang koleksyon ng pampublikong impormasyon, kultural na pagkilos, at edukasyong naglalayong labanan ang pagbaluktot sa kasaysayan na namamayagpag sa kasalukuyang panahon, lalo na’t pormal nang nakabalik sa pwesto ang mga Marcos.
“Sa mga panawagang #NeverAgain, #NeverForget, at #TuloyAngLaban, tayo ay naninindigan sa pagsalungat sa agos ng disimpormasyon na pinakikinibangan ng diktadurang Marcos at para sa matapang na komemorasyon ng magiting na pakikibaka ng sambayanan laban sa awtoritaryanismo,” ani Ilagan.
Samantala, nagpaabot naman ng solidarity message si Dr. Janette Malata-Silva ng UPLB Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA).
Ipinahayag niya ang kanyang pagbati sa mga estudyante at mga lider na nanguna sa pag-organisa ng programa at patuloy ang pagtindig laban sa disimpormasyon at pagbaluktot ng kasaysayan, na patuloy na lumalala sa kasalukuyang panahon.
“Kami ay inyong katuwang para sa panawagang matigil ang anumang uri ng rebisyonismo at gayundin ay maitaguyod ang karapatang pantao hindi lang ng mga mag-aaral kundi karapatang pantao ng lahat ng Pilipino,” ani Dr. Malata-Silva.
Sa solidarity message naman ni Kenny ng Youth Defy Marcos and Duterte Southern Tagalog, sinabi niyang gampanin ng mga kabataan ang labanan ang propaganda at historical distortion, na kabilang sa makinaryang politikal na ginamit ng mga Marcos para sa kanilang pagbabalik sa kapangyarihan.
“Bilang mga kabataan, sa kabila ng mga ganoong manipestasyon, sa kabila ng mga ganoong pagmamanipula sa atin, kailangan ipagpatuloy natin ang ating pagtindig laban sa kasinungalingan, laban sa historical distortion, at lalong-lalo na sa pasismo,” dagdag niya.
Sa pahayag ni Jayvie Cabajes, Kabataan Partylist 5th nominee at regional coordinator ng KPL Southern Mindanao Region, hinimok niya ang mga kabataan na palakasin at mas paigtingin ang laban sa pagbaluktot ng kasaysayan na ginagawa ng rehimen ni Marcos upang manipulahin ang katotohanan at gawin itong kasangkapan at makinarya.
“Kailangan tayong mga kabataan na magpalakas para ating maipagtanggol at ating isiwalat ang katotohanan sa ating kapwa mga kabataan at sa malawak na hanay ng sambayanang Pilipino,” ani Cabajes.
Mga laban sa sektor ng edukasyon
Tinalakay naman ni Faustino kung paanong naging pahirap pa lalo sa mga estudyante ang programang K-12. Aniya, hindi nagtagumpay ang K-12 na gawing ‘job-ready’ at ‘globally competitive’ ang mga nagtapos ng Senior High School sa ilalim ng nasabing programa, dahil kinakailangan pa rin ang degree program o pagtuntong sa kolehiyo sa pag-apply sa mga trabaho.
Isiniwalat din ni Faustino na ayon sa sarbey na isinagawa ng NUSP-ST sa mga mag-aaral ng Timog Katagalugan, umaabot sa tinatayang P1,000 hanggang P2,500 ang ginagastos ng isang mag-aaral para sa mobile data o wifi connection. Hindi pa umano kasama rito ang mga ibang konsiderasyon katulad ng kapabilidad ng mga gadget ng mga estudyante o ang mismong pagkakaroon nila ng mga ito.
Samantala, ibinahagi rin ni KPL-ST President Gerard Palma ang daing ng ilang mag-aaral ukol sa patuloy na pagtaas ng tuition fees sa iba’t ibang paaralan sa kalagitnaan ng pandemya.
Sa konsultasyon sa probinsyal na SOYA na ginanap sa Laguna, tinalakay ang parehong mga isyu kung saan pinuna ang patuloy na pagtaas ng tuition fees, kahit na hindi naman nagagamit ang ibang mga pasilidad kabilang na ang mga laboratoryo.
Sa bahagi ng konsultasyon sa SOYA ST, lumabas ding marami ang mayroong hinaing ukol sa pagkuha ng PhilHealth na kinakailangan para sa face-to-face classes. Ito ay nagdulot ng pagtaas sa bayarin ng mga mag-aaral. Nagpahayag din ng mga alinlangan ang nakararami bunsod ng kabi-kabilang isyung kinaharap ng nasabing institusyon.
Kasama rin sa mga isyung binigyang pansin sa nasabing probinsyal na SOYA ay ang hirap na dinaranas ng mga estudyante ngayong nag-anunsyo na ang ibang mga paaralan ng pagdako sa blended learning.
Idinaing din ng mga estudyante ang kakulangan sa dormitoryo ngayong pormal nang inanunsyo ng UPLB ang pagdako nito sa blended learning setup. Kahit na binigyang prayoridad ang mga estudyante mula sa mga malalayong lugar ay kulang pa rin umano ang mga dormitoryo sapagkat paunahan pa rin ang sistema.
Ayon naman sa pangkat ni Paolo mula sa UPLB College of Human Ecology Student Council (CHE SC), hindi lang dapat ligtas ang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante kundi ay inklusibo rin.
“Hanggang sa ngayon, marami nang usapin na magsi-shift na yung mga estudyante mula sa online [patungo sa] blended or sa limited na face-to-face [classes] ngunit sa kasalukuyan ay wala pa ring mga ibinababa na guidelines, kung saan naiipit ang mga estudyante kung paanong preparation ang gagawin nila,” paglalarawan niya.
Matatandaang kamakailan lang ay pormal na inanunsyo ng UP Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) na ang buong UP system ay dadako na patungo sa blended learning, kung saan pagsasamahin ang online at face-to-face na mga aktibidad.
Subalit hanggang sa kasalukuyan, bagaman may nailathala nang iba’t ibang uri ng learning modes, wala pa ring inilalabas na listahan ang Unibersidad ukol sa mga ipatutupad na mode sa bawat kurso.
Bunsod ng mga kabi-kabilang suliranin at mga bantang kinakaharap ng mga kabataan sa kasalukuyan, inilunsad ang 9-point agenda ng mga kabataan sa Timog Katagalugan. Pinangunahan nina Edie Palo at MJ Flores ang paglathala sa mga ito sa naturang programa.
Nanguna sa agenda ang panawagan para sa “ligtas, abot-kamay, at de-kalidad na edukasyon para sa lahat”.
Kabilang din dito ang panawagan para sa maayos na serbisyong panlipunan; para sa nakabubuhay na sahod at trabaho; para sa paglaban para sa karapatan, katarungan, at kapayapaan; at para sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.
Ipinapanawagan din ng mga kabataan ang mabuting pamamahala at pagwawakas sa tiraniya; pagpapanatili ng pambansang soberanya; pagtiyak ng repormang agraryo; at pangangalaga sa kalikasan. [P]
0 comments on “‘Pagkakaisa, katotohanan, pagbabago,’ tinalakay ng mga kabataan sa SOYA ST 2022”