Features

“Tayo ang talo”: Pasakit ng oil price hike sa mga tsuper at masa

Mga salita nina Sam Delis at Aliah Pine

Katulad ng tumatagaktak na pawis ng mga tsuper ng dyip dala ng mainit at nakakapagod na biyahe, tila patak-patak na rin lamang ang natitira nilang kita sa maghapon bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Hindi maikakaila ang bigat ng krisis na ito sa kanila, lalo na’t sa suliraning ito, sila ang talo.

“Lagi na kaming talo – kaming mga tsuper.”

Dama ang bigat sa mga salitang binitawan ni Mang Mario, isang tsuper at taga-pangulo ng pila ng pampasaherong dyip sa rutang Tanauan City-Calamba. Sa edad na 51 taong gulang, sampung taon nang namamasada ng pampasaherong dyip si Mang Mario. Isa siya sa mga biktima ng krisis sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na lubhang naapektuhan ang pamamasada ng mga pampublikong transportasyon gaya ng dyip.

Binansagan ang mga pampasaherong dyip bilang “hari ng kalsada”, ngunit dahil sa kasalukuyang krisis, ang mga tsuper ng dyip ang tila nakayukod.

Taas presyo, dagdag parusa

Mula nang sumapit ang taong 2022, labinsiyam na beses na nagkaroon ng oil price hike sa bansa. Ang nangyaring taas-presyo sa petrolyo sa unang sampung linggo ng 2022 ay higit pa sa taas-presyo noong buong taon ng 2021. Sa kasalukuyang tala, naganap noong Hunyo 28 ang pinakahuling pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. Bagama’t may mga rollback na nagaganap, hindi pa rin nito matutumbasan ang labinsiyam na beses na paglobo ng presyo ng langis.

“Nagdadaingan ang aking mga miyembro, wala halos kinikita dahil mababa ang pamasahe tapos ang taas ng diesel. Sa diesel lang napupunta lahat.”, ani Mang Mario. Batid sa mga wika ni Mang Mario ang kanilang pag-inda sa taas ng presyo ng diesel para sa kanilang mga pampasaherong dyip.

Matatandaan nitong ika-15 ng Marso, ipinatupad ang pinakamalaking pagtaas ng presyo ng petrolyo kung saan umabot sa 13.15 pesos kada litro ang diesel, 7.10 pesos kada litro ng gasolina, at 10.50 pesos kada litro ng kerosene. Umani ito ng mariing pagtutol mula sa mga tsuper at mga progresibong samahan na nagdulot ng mobilisasyon at protesta sa iba’t ibang mga lugar. (Basahin: “Wakasan na!”: Laguna youth, student sector demands response to remote learning problems, oil price hike for 2nd lockdown anniversary)

Isang napakalaking dagok sa mga tsuper at motorista ang paglobo ng presyo ng produktong petrolyo ngayong taon. Kung ikukumpara sa presyo noong nakaraang taon, higit na 31 pesos ang nadagdag sa kada litro ng diesel, 20 pesos sa kada litro ng gasolina, at 25 pesos sa kada litro ng kerosene. Sa nakalipas na pitong taon, ngayon lamang umakyat ng $100 ang isang barrel ng Brent crude oil; habang ang Dubai crude oil naman ay pumalo na rin sa higit $100. Ang biglaan at malakihang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay dulot ng iba’t ibang mga kaganapan sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Department of Energy o DOE, ang Russia-Ukraine War ang isa sa mga pangunahing dahilan ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo. Hinadlangan ng European Union (EU) ang pag-angkat ng petrolyo mula sa Russia na pinagkukunan ng 40 porsyento ng gasolina sa mga bansang kabilang sa EU

Ang bansang Russia ay pumapangatlo sa mga bansang may pinakamalaking produksyon ng petrolyo at pumapangalawa sa mga malalaking eksporter ng petrolyo sa buong mundo.  Kaugnay nito, ang Pilipinas ay kumukuha ng suplay ng produktong petrolyo sa mga bansang China (31%), Singapore (18%), South Korea (15%), at Malaysia (9%) na direktang kumukuha ng suplay mula sa Russia. Ayon kay Rino Abad, bureau director ng DOE-Oil Industry Management, ang Pilipinas ay nagdurusa sa indirect hit dulot ng nasabing alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Dagdag pa rito, itinuturong dahilan ni Abad ang easing of lockdown sa Beijing at Shanghai, China sa pagkabawas ng suplay ng produktong petrolyo na siyang rason umano ng kasalukuyang oil price hike.

Isa ring salik na itinuturo sa taas-presyo ng petrolyo ang napipintong pagsasabatas ng NOPEC (No Oil Producing and Exporting Cartels) Bill sa Estados Unidos. Naglalayon ang batas na ito na tanggalin ang state immunity shield at sampahan ng antitrust lawsuit ang mga bansa sa ilalim ng OPEC dahil umano sa kanilang ginagawang market manipulation. Aakyat ng mula 200 porsyento hanggang 300 porsyento ang presyo ng mga langis sakaling ito ay mapatupad. Ang napipintong pagsasabatas ng NOPEC Bill ay diumano nakaaapekto na ngayon pa lang sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala, pinabulaanan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) transport group ang mga dahilang itinuturo ng mga oil companies sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ayon sa pahayag ng PISTON na ibinahagi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa kaniyang personal Twitter account, hindi ang pisikal na suplay o ang ilang mga sigalot sa aktwal na bentahan ng langis ang dapat iturong dahilan sa taas-presyo ng langis. Ani PISTON, “Ang supply at demand at ang pagtatakda ng presyo batay dito ay pinagdedesisyunan lang ng mga monopolyo[ng] kapitalista, kartel at mga lokal na komprador. Layunin nilang kumamal ng malalaking tubo sa pinakamabilis na paraan.”

Deregulation at tax: Ang dalawang salarin

Matunog ang Oil Deregulation Law kasabay ng oil price hike sa buong bansa. Ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 (RA 8479) o mas kilala sa tawag na Oil Deregulation Law ay isinabatas noong administrasyong Ramos upang tanggalan ng kontrol ang gobyerno sa presyo, eksportasyon, at importasyon ng mga produktong petrolyo. Dahil dito, tanging ang pandaigdigang merkado lamang ang nagdidikta sa presyo ng petrolyo na iaayon depende sa oil price movements sa buong mundo. Samakatuwid, hindi pinahihintulutan ang kahit anong interbensyon ng gobyerno sa kabila ng walang tigil na paglobo ng presyo ng langis sa bansa.

Alinsunod nito, iminungkahi ng Department of Energy sa Kongreso na amyendahan ang Oil Deregulation Law sa pamamagitan ng paglikha ng framework na pahihintulutan ang interbensyon ng gobyerno sa kasalukuyang isyu. Samantala, naglatag naman ng mga proposal ang ilang mga kongresista kabilang na ang paglikha ng strategic petroleum reserve, pag-unbundle ng retail price ng gasolina, at pagpapaigting ng price transparency

Dagdag naman ni DOE Undersecretary Gerardo Erguiza, dapat ding magkaroon ng amyenda ukol sa pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo sakaling umabot na sa $80 ang presyo ng kada barrel sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan. Bukod sa Oil Deregulation Law, isang malaking dagok din sa mga motorista at tsuper ang excise tax.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, ipinatupad ang TRAIN Law (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) kung saan nagpataw ng labindalawang porsyento ng value added tax o VAT (12% VAT) sa mga produkto kabilang na ang petrolyo. Patuloy ang pagkalampag ng mga tsuper at iba’t ibang samahan pang-transportasyon upang suspindehin ang 12% VAT at iba pang mga higher excise tax na isang mabigat na pasanin sa mga tsuper at motorista. Agad namang kinontra ng Department of Finance ang panawagang ito sapagka’t mawawalan diumano ng 141.7 bilyong piso ang gobyerno kung isususpinde ang sinasabing excise tax.

Dagdag pa rito, kontrolado ng mga malalaking negosyante ang pinagkukunan ng langis sa ating bansa. Kilala ang Malampaya gas field bilang pinakamalaki at tanging pinagkukunan ng komersyal na produktong petrolyo sa bansa. Sampung porsyento lamang ang bahagi ng Philippine National Oil Company, na kontrolado ng gobyerno, sa langis na galing sa Malampaya. Samantala, ang 90 porsyento ay hawak ng mga negosyante – 45% sa Shell Philippines Exploration B.V. at 45% sa Udenna Corporation. Matatandaang nitong 2019, binili ni Dennis Uy, isang bilyonaro mula sa Davao at kilalang taga-suporta ni Pangulong Duterte, ang 45% ng Malampaya gas field mula sa Chevron Philippines. Samakatuwid, tanging sampung porsyento lamang ng Malampaya gas field ang hawak ng gobyerno; samantala, 90 porsyento nito ay kontrolado ng mga bilyonaryong negosyante at korporasyon.

Monopolyado rin ng kartel ang merkado ng produktong petrolyo sa bansa kung kaya’t nagagawa nilang itaas nang biglaan ang presyo ng langis. Mula sa infographics ng League of the Filipino Students – Cagayan Valley, makikitang 24.88% ng merkado ng langis ay hawak ng Petron. Samantala, 18.25% ang bahagi ng Shell, 6.7% sa Phoenix, 6.48% sa UniOil, at 6.13% sa Caltex.

Dahil sa dalawang salarin na Oil Deregulation Law at excise tax dulot ng TRAIN Law, mananatiling dehado pa rin ang masa, partikular na ang mga tsuper. Hangga’t monopolisado at hawak ng mga malalaking negosyante at korporasyon ang langis sa bansa, magpapatuloy pa rin ang kawalan ng kontrol sa paglobo ng presyo nito.

MaGAStos

Gaano nga ba kapait ang naging sitwasyon ng mga tsuper dahil sa oil price hike?

Wika ni Mang Mario: “Ang problema, talo kami. Sa buong maghapon, bibiyahe ka, let’s say kukuha ka ng apat na biyahe. Ang katawan mo bumabagsak, para lang makaabot ka sa kita, aabot ka ng gabi. Ito reyalidad lang talaga ha. Hapon na, magkano lang ang hawak mo? Iba-boundary mo pa. Hahabol ka pa sa gabi, latang lata na ang katawan mo.”

Isang mabigat na kalbaryo para sa mga tsuper ang pagkayod ng mahigit labindalawang oras para lamang kumita ng napakaliit na halaga. Pagod na katawan para lamang sa katiting na kita – tanging mga walang puso lamang ang hindi mahahabag sa binitawang mga salita ni Mang Mario.

Sa katunayan, marami sa mga tsuper ang nagbabalak na ibenta na lamang ang kanilang mga pampasaherong dyip; anila, mas sigurado pa ang kikitain sa pagbebenta ng kanilang dyip kaysa sa pagpapasada. Dagdag pa rito, ang epekto ng pandemya sa mga tsuper ay dama pa rin hanggang ngayon. 

Ayon sa datos, 98 porsyento ng mga pampasaherong dyip ang tigil-operasyon noong mga unang buwan ng pandemya sa Metro Manila pa lamang. Nang dahil sa oil price hike ngayong taong 2022, bahagya nang nakabangon ang mga tsuper sa sunod-sunod na suliraning kinakaharap nila. (Basahin: Byaheng Kalbaryo: Gaano na kalayo ang narating ng ating mga tsuper?

Kaakibat na kalbaryo ng pandemya

Hindi lamang sa mga tsuper na bumabagtas sa mga main roads madadama ang kalbaryo ng oil price hike. Maging ang mga tsuper na may ruta sa mga unibersidad at institusyon ay dumadaing na rin. Mahigit dalawang taon nang nananatiling pasakit ang pandemya na nagdulot ng pagpapahinto ng mga gawaing pang-akademiko sa ilang unibersidad. Hindi na lingid sa ating kaalaman na ang dating puno ng mga estudyante at kaguruan na unibersidad, ngayon ay bihira na lamang ang makikitang kumpol ng mga tao. Kung kaya’t ang dating ruta ng ilang mga tsuper – pa-kaliwa, pa-kanan, o pataas man – sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños (UPLB) ay hindi na muli nila sinusubukang suungin. 

Isang patunay sa daan-daang kuwento ng kalbaryong dulot ng pandemya ang karanasan ni Mang Ben, isang tsuper mula sa Batong Malake, Los Baños, Laguna. Ayon sa artikulo ng LB Times, napipilitan pa rin siyang hindi iabandona ang trabahong bumubuhay sa kaniyang pamilya mula pa man dekada setenta. Ayon kay Mang Ben, hindi lamang pisikal na pagod ang dulot nito kundi maging emosyonal na pahirap bukod pa ang kakarampot na kinikita. Noon umano ay hindi maikakailang malaking kita ang naibibigay ng maingay at ang kalsadang puno ng maraming tao sa loob at labas ng unibersidad. Ngunit mula nang sumapit ang krisis ng pandemya, ang dating inaabot ng dalawang libong kita o higit pa ay naglalaro na lamang sa P300 hanggang P500 bawat araw. Ito ay kailanman hindi sasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan, kung kaya’t ang solusyon na nakita ni Mang Ben ay ang pagsasabay ng iba pang maaaring trabahuhin nang sa gayon ay mapanatiling buhay at may panglaman-tiyan ang kaniyang pamilya.

Kaugnay nito ay ang kaakibat din na panibagong hamon mula sa napipinding malawakang jeepney modernization program ng UPLB kasama ang Local Government Unit (LGU) ng Los Baños at ang Samahan ng Nagkakaisang Drivers at Operators ng Los Baños (SNODLOB) sa pagpapalaganap ng “eLBeep” o electric jeepneys. Maganda ang hangarin ng nasabing inisyatibo, ngunit tila limitado pa rin ang kakayahan at kapasidad nito. Dagdag pa rito, hindi lahat ng mga tsuper sa Los Baños ay may kakayahang bumili ng nasabing e-jeepney, lalo na’t limitado lamang ang bilang ng unit ng mga ito.

Sa kasalukuyang oil price hike, ang kanilang lubog na hanapbuhay dulot ng pandemya ay mas lalo pang inilubog ngayon. Nang dahil sa epekto ng TRAIN Law ng administrasyong Duterte, doble ang parusa nito sa mga tsuper dahil sa pinagsamang deregulation at oil taxes. Mula 1996 hanggang 2018, lumobo ng 131 porsyento ang pagtaas ng presyo ng diesel sa Metro Manila. Samantala, 27 porsyento lamang ang itinaas ng minimum wage sa parehong time period. Ayon sa IBON Foundation, ang TRAIN Law ay mas lalo lamang nagpayaman sa mayayaman at nagpahirap sa mahihirap. Sa ganitong sitwasyon, dehado palagi ang masa at mga nasa laylayan.

Kaakibat nito, naglunsad kamakailan ang Serve the People Brigade – UPLB kasama ang UPLB University Student Council (UPLB-USC) ng isang donation drive upang mabigyan ng ayuda ang mga tsuper ng Los Baños. Kasabay nito ang panawagan sa pamahalaan na buwagin na ang Oil Deregulation Law at fuel excise tax upang agarang masolusyunan ang lumalalang pagtaas ng presyo ng langis.

Sigaw ng mga patuloy na lumalaban

Kaugnay ng matinding kalbaryo ng mga tsuper ay ang hindi patas na pag-uuri ng batas at ang tila pikit-matang pagtingin ng mga nasa itaas ng tatsulok. Hindi lamang ang pakikibaka sa lansangan ang kanilang kalaban, kundi pati na rin ang mga matang sila ang puntirya upang makapamulsa.

Matagal ng hinaing ng mga iba’t ibang grupo ng tsuper ang dagdag sa minimum na pamasahe. Matatandaang nanawagan noong Pebrero ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP) na magdagdag ng 1.50 pesos kada kilometro sa tuwing lalampas ng apat na kilometro ang biyahe.

Nito lamang unang linggo ng Hunyo, nanawagan muli ang FEJODAP na tulungan ng gobyerno ang mga small operators sa pagbili ng e-jeepneys upang makatipid sa pagtaas-presyo ng langis. Dagdag pa rito, nagbanta ang PISTON transport group ng tigil-operasyon ng kanilang mga miyembro sakaling tumaas na naman ang presyo ng diesel at gasolina. Ani PISTON, wala na halos kinikita ang mga tsuper dahil sa parusa ng oil price hike. 

Patuloy din ang sigaw ng mga local transport groups kagaya ng 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), at ang  Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) mula sa Central Luzon, Metro Manila, at CALABARZON sa petisyong itaas hanggang 14-15 pesos ang minimum fare sa dyip.

“Kitang kita naman nila na tumataas ang krudo at mas mataas pa sa gasolina. Kung pupwede lang ay gumawa sila ng tamang tuos. Bigyan nila kami ng taripa, mas mainam. Para lahat mababalanse. Pero dapat at least 12 pesos ang aming minimum. Gawin nila ng taripa ‘yung susunod na per kilometer. Pero sa totoo lang talaga, bagsak talaga [ang kita namin]… E wala e, napaka-unfair,” saad ni Mang Mario.

Kaugnay nito, isinusulong din kaakibat ng mga petisyong nasabi ang temporaryong dagdag sa minimum fare. Nito lamang ika-29 ng Hunyo, inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional P2 fare increase sa lahat ng rehiyon sa bansa na nagtatakda ng P11 minimum fare sa buong bansa. Matatandaan na noong ika-walo ng Hunyo, itinaas na rin ng LTFRB sa P10 ang minimum fare ngunit para lamang ito sa NCR, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.

In issuing this resolution, let it not be said that the agency is indifferent to the plight suffered by the transport sector due to the increase of fuel prices.”, ani LTFRB.

[Sa pagpapatupad ng resolusyon na ito, wala nang makapagsasabi na ang ahensya ay kibit-balikat sa pagdurusa ng mga tsuper dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.]

Ayon kay Mang Mario, mayroon pang pagkakabalanse noon sa parehong kinalalagyan ng mga drayber at pasahero. Ngunit ang problema ngayon, aniya’y sila ang mas malaki ang kawalan. 

Sa bawat napipinding kaso at nababasurang petisyon, dito nakasalalay ang pag-asa ng mga tsuper na patuloy nilalaan ang kanilang mga pawis para sa isang serbisyong patuloy na naisasantabi at hindi napahahalagahan. 

Mga aberya’t pagsuspinde ng nakatataas

Ang ganitong mga uri ng petisyon ay direktang naka-address sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), isang ahensya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na may mandatong isaayos ang mga land-based public transportation at panatilihin ang kaligtasan ng mga commuters at pampublikong mga sasakyan kaugnay sa pagsunod nito sa mga batas pantrapiko at mga regulasyon ukol sa fare adjustments

Kaakibat ng labing siyam na beses na oil price hike ngayong taon ay ang malakihang pagtaas din ng mga bilihin. Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), ang anumang petisyon ukol sa pagdaragdag ng bayad sa mga publikong transportasyon ay may direktang tama sa mga basic commodities at services na siya namang palaging kailangang isaalang-alang sa gitna ng krisis na ito. 

Kaugnay nito, mapapansing sa tuwing may isyu at petisyong ipinaglalaban ang minorya, tatapatan ito palagi ng mga pinansyal na ayuda sa halip na bigyan ng isang pangmatagalang solusyon. Ang parating aksyon ng gobyerno: isang pansamantalang “solusyon” para sa isang pangmatagalang krisis.

Iniutos kamakailan ni Pangulong Duterte sa Department of Finance (DOF) ang dagdag na ayuda para sa mga mahihirap na pamilya na mula sa 200 pesos monthly subsidy na proposed budget ng DOF ay gawin itong 500 pesos. Inilunsad ang programang ito bilang pampalubag-loob diumano sa hindi pagsuspinde ng gobyerno sa excise tax sa gitna ng oil price hike.

Masasabing ang hakbang na ito ay isang sampal sa mga mahihirap dahil sa tila gawa-gawa lamang na kompyutasyon nito. Sa kasalukuyang isyu tungkol sa daily minimum wage rate ng mga taga-NCR, kung tutuusin ay dapat mas pagtuunan ng pansin ang mga panawagan sa kabila ng pag-apruba ng dagdag 33 pesos na sweldo na epektibo mula Hunyo 4 ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon sa IBON Foundation, ang pagdagdag sa minimum wage sa NCR ay hindi pa rin umabot sa kalahating porsyento ng P1,093 living wage na kinakailangan upang makapamuhay nang disente ang isang ordinaryong pamilyang Pilipino na may limang miyembro.

Dagdag pa rito ay ang hindi maayos na sistema ng fuel subsidy program ng gobyerno na pinamamadaling aksyunan noon ni dating senador Kiko Pangilinan. Subalit hanggang ngayon, ito ay puno pa rin ng mga aberya. Samantala, ayon naman sa kaka-proklama lamang at re-elected Senator Risa Hontiveros, ang fuel subsidy na ito na siyang ipamamahagi sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ay hindi magiging sapat dahil sa patuloy na pagtaas ng langis. Dahil dito, kinakailangan na ng gobyerno na baguhin ang kanilang aksyon sa isyung ito upang mas matulungan ang mga transport group at commuters sa mahabang panahon.

“Lahat naman ay tumaas e, pati bilihin tumaas. Dapat naman ay matugunan ang problemang ito. Dahil hindi lang kaming mga drayber apektado, pati mga mamamayan.”, pahayag ni Mang Mario.

Ika nga, ang oil price hike ay simula pa lamang ng kalbaryo. Sa patuloy na paglobo ng presyo ng produktong petrolyo, apektado rin ang presyo ng mga bilihin. Lahat ng mga produkto at pagkain ay nangangailangan ng transportasyon, kung kaya’t lahat ng presyo ng bilihin ay patuloy ring tataas. Ang domino effect na ito ay hindi lamang pahirap sa mga tsuper, kundi pati na rin sa lahat ng mamamayan ng bansa.

Kung kaya’t bilang tugon mula sa pwersa ng progresibong masa ay kasalukuyang pinapatibay ang PULTANK o Pagkakaisa Upang Labanan ang Taas Presyo ng Krudo. Isang alyansang binubuo ng iba’t ibang sektor kagaya ng mga tsuper, opereytors, manininda, MSMEs, manggagawa, magsasaka, kabataan, ekonomista, guro, at iba pa na siyang nagkakaisa upang labanan ang malawakang krisis na ito. 

“Hangga’t may Oil Deregulation Law ay magpapatuloy ang kontrol ng mga kapitalista’t ito ay pagkakitaan. Sa kasalukuyan na hanay ng grupo ng mga transportasyon, kami po ay umaasa na ang ating administrasyong Marcos ay tutugon sa kahilingan ng mga mamamayang Pilipino,” madamdamin ngunit puno ng pag-asang pahayag ni Mang Elmer Lustado mula STATIONER- PISTON sa kabila ng bulok na sistema at problemang naglilimita sa layunin niya umanong magserbisyo sa masa sa ngayon, sa nakaraang talakayang pinangunahan ng PULTANK at BAYAN Timog Katagalugan.

Hindi lamang ang kuwento ni Mang Mario, Mang Ben, at mga ipinaglalaban ni Mang Elmer, maging ang daang libong mga paghikbi at paghihirap ng mga nasa laylayan ay dapat ding mapakinggan. Kung ang susunod na administrasyon ay wala pa ring maayos na mga plataporma at tulong sa masa, ano na nga ba ang kinabukasang naghihintay sa ating lahat? O kung may bukas pa nga ba tayong hinihihintay?

Dahil sa huli, kung walang pagbabago, tayo pa rin ang mananatiling talo. [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

1 comment on ““Tayo ang talo”: Pasakit ng oil price hike sa mga tsuper at masa

  1. Pingback: Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022 – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: