News Southern Tagalog

Kakulangan ng aksyon sa ekonomikong krisis, iprinotesta ng mga progresibo sa unang SONA ni Marcos Jr.

Pinuna ng mga progresibo ang kawalan ng agarang aksyon ng pamahalaan para labanan ang krisis sa langis at pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Mga salita ni Mark Angelo Fabreag

Buhat ng lumalalang krisis pang-ekonomiya dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng bilihin, nagkaisa ang mga progresibo sa “Lakbayan ng Mamamayan ng Timog Katagalugan (TK)”, isang kilos protestang may layuning hamunin ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA).

Ang dalawang araw na kilos-protestang ito ay may temang “IGPAW PASULONG TIMOG KATAGALUGAN: Itakwil ang pasistang tambalang Marcos-Duterte, magnanakaw ng kabuhayan, katotohanan, at karapatan! Patuloy na manindigan para sa pambansang soberanya, tunay na demokrasya, at dangal ng bansa! Bawiin ang bayan, tuloy ang laban!”

Kinondena ng mga progresibo ang mababang minimum wage sa rehiyon, na mula lang P378 hanggang P410, ayon sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU). Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng implasyon at presyo ng langis na naranasan ng buong bansa mula sa mga huling bahagi ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nararamdaman pa rin hanggang sa panunungkulan ni Pangulong Marcos Jr.

Ang inflation rate – ang antas ng pagtaas ng presyo – ay pumalo sa 6.1% sa bansa ngayong Hunyo, mula 5.4% noong Mayo, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ang itinuturing na pinakamataas na inflation rate mula noong 2018.

Ayon kay Casey Anne Cruz ng Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog (BAYAN-ST), band-aid at short-sighted solution ang iminungkahing solusyon ni Marcos Jr. na ayuda. Sa halip, kinakailangang tanggalin ang pagbuwis, at gawing basic commodity o pangunahing bilihin ang langis. 

Sa pamamagitan ng pagsama sa langis bilang basic commodity, mapipigilan ng price freeze ang patuloy na pagsirit ng presyo nito. Sa ilalim ng Price Act o Republic Act No. 7581, awtomatikong ipinapataw ang price freeze sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa state of calamity o state of emergency.

Ipinaglaban din ng mga progresibo ang pagsuspinde sa buwis sa langis.

“Marapat na magkaroon na ng suspension ng oil taxes dahil sobrang bigat na ng sitwasyon ng ekonomiya. Hindi sapat ang targeted subsidies. Dapat across the board, lahat ng sektor, ay makinabang sa pagbaba ng presyo ng langis. Ito ay para bumaba ang production at transportation costs, at para mapababa ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin. Tandaan na napapamahal ang presyo ng pagkain dahil sa laki ng gastos sa transportation,pahayag ng BAYAN sa kanilang opisyal na Facebook page.

Panawagan laban sa taas-presyo

Pinangunahan  ng  bagong lunsad na alyansang Pagkakaisa Upang Labanan ang Taas Presyo ng Krudo (PULTANK) ang panawagang labanan ang pagsirit ng presyo ng krudo at mabagal na pagresponde ng rehimen ni Marcos Jr. sa nasabing isyu.

Nagsama-sama ang mga tsuper, operators, manininda, micro, small and medium enterprises (MSMEs), manggagawa, magsasaka, kabataan, ekonomista, guro, at iba pang propesyonal upang tumindig laban sa tumitinding pagpapahirap sa mamamayang Pilipino dala ng tumataas ng presyo ng langis.

“Kapag pinagtipon-tipon ang mga saloobin ng mga apektadong sektor, pwede natin ito ihain sa LGU [local government unit] para maka-draft ng mga resolusyon para matutugunan ang pagtaas presyo ng krudo,” ani ng PULTANK.

Mariing panawagan ng PULTANK ang pagsuspinde ng Excise Tax, Value Added Tax (VAT), at Oil Deregulation Law. Ayon sa kanila, sa pamamagitan nito, P20 bawat litro sana ang maibababa sa mga gasolinahan.

Ang excise tax sa langis ay kasama sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na isinabatas noong 2017. Ito ay dagdag-buwis na ipinapataw sa langis na nakadepende sa uri ng produktong petrolyo at patuloy na tumataas kada taon. 

Samantala, ang Republic Act No. 8479 o ang Oil Deregulation Law ay nagpapataw ng mas mataas na presyo sa gasolina at produktong langis sa merkado. Ito ay nakaugat sa pagtatanggal ng karapatan sa gobyerno na makontrol ang presyo, eksportasyon, at pag-aangkat ng produktong petrolyo sa merkado. Sa ilalim ng batas na ito, kontrolado ng merkado ang pagbaba at pagtaas ng presyo ng petrolyo. 

“Nananatili pa ring hindi naibibigay ang ayuda, partikular sa fuel subsidy para sa sektor ng mga tsuper sa ST. Kaya sigaw ng alyansa na maibalik ang mandato sa pamahalaan at taumbayan,” ani Rich De Guzman, tagapagsalita ng PULTANK. 

Kasama sa mga panawagan ng PULTANK ang pagsasabatas ng re-nationalization ng Petron at pagtatag ng lokal na industriya ng langis at National Petroleum Exchange. Naglalayon ang re-nationalization na ibalik sa gobyerno ang pamamalakad sa Petron, Inc., upang maagapan ang lumalalang sitwasyon sa presyo ng langis sa bansa. 

Larawan ni Claire Sibucao

Suliraning pasanin ng konsyumer

Nagpahayag din ng hinaing si Elmer Portea, tagapagsalita ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER) PISTON: “Marami sa amin ngayong mga drayber ang hindi na pumapasada ngayon.”

Dagdag pa niya, sa iba’t ibang probinsya sa Timog Katagalugan, matindi ang taas-presyo sa mga pamasahe ngunit napakaliit ng kita ng mga drayber.

Samantala, ayon naman sa mga manggagawa mula sa Timog Katagalugan, hindi sasapat ang P378 hanggang P410 na minimum wage sa gitna ng ekonomikong krisis.

“Hindi sapat ang dagdag pasahod, at nananatiling hindi makatao ang turing sa mga manggagawa sa Timog Katagalugan,” dagdag ni Mia Antonio ng PAMANTIK-KMU. 

Binigyang-diin naman ng kinatawan ng Ligtas na Balik Eskwelang Alyansa ST (LNBE-ST) na mas pinabigat ng mataas na presyo ng bilihin at pamasahe ang kalagayan ng mga working student, na lubha nang nahihirapang balansehin ang pagtatrabaho at kanilang pag-aaral. Sinasalamin din nito ang mga suliraning pasanin ng mga guro.

“Maliit lang din ang kinikita ng mga kaguruan at manggagawa sa UP at nagsisilbing breadwinner rin ang mga ito sa kani-kanilang pamilya. Tunay na bumabagsak na ang ating ekonomiya,” dagdag ni Cris Lanzaderas ng All UP Academic Employees Union – Los Baños (AUPAEU-LB). 

Sa panayam ng Perspective kay Prof. Laurence Marvin Castillo, Vice President for Faculty ng AUPAEU-LB, ukol sa suliranin ng kaguruan sa remote learning, nabanggit niyang kabilang sa pasanin ng mga guro ay ang kakulangan sa benepisyo, sahod, at patuloy na kontraktwalisasyon.

(KAUGNAY NA BALITA: Tungo sa multisektoral na pagtingin sa isyung remote learning)

Samantala, kinuwestiyon ng BAYAN ST ang pagtakda kay Raphael Lotilla bilang Department of Energy (DOE) Secretary lalo na ngayong may krisis sa enerhiya.

“Malaking suliranin ang pagkakaupo ni Lotilla bilang secretary ng Department of Energy dahil sa kanyang koneksyon sa mga kompanya ng may pansariling interes. Inaasahan na babalik lamang ang pabarya-baryang rollback sa petrolyo,” dagdag ni Cruz ng BAYAN ST.

Matapos ang pagtatalaga kay Lotilla bilang DOE Secretary, nagbitiw ito sa pagiging independent director ng Aboitiz Power Corp. at ACE Exenor Inc. Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ang Aboitiz Power Corp. ang nagpapatakbo sa ilang coal-fired power plants sa Luzon, habang ang Exenor naman ay isang oil-and-gas exploration unit ng Ayala Group.

Larawan ni Claire Sibucao

Mga pangakong napako 

Naglunsad din ng kilos-protesta ang mga progresibong grupo sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang tutulan ang pagtatalaga ni Marcos Jr. sa kanyang sarili bilang bagong kalihim ng DAR. Binigyang-diin nila ang kinakaharap na mga suliranin ng mga magsasaka at manggagawa. 

Isinalaysay ng isang magsasaka sa Rizal kung paano hindi tinutupad ng gobyerno ang mga pangakong mas maraming lupang sakahan at suporta ang ibibigay sa kanilang mga magsasaka. Sa halip, ang mga bukirin sa Montalban at iba pang lugar sa Rizal ay ginawang residential areas at subdivisions.

Ibinahagi rin ng mga magsasaka mula sa Batangas ang kanilang mga isyu sa mga pangako ng muling pamamahagi ng Hacienda Roxas ng DAR na hanggang ngayon ay hindi pa natutupad.

Sakop ng Hacienda Roxas ang siyam na barangay sa Nasugbu, Batangas na binubuo ng malawak na taniman ng tubo na dating nakapangalan kay Don Pedro Roxas. Sa kabila ng pamamahagi ng DAR ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga magsasaka noong 1993, isinawalang-bahala ito ni Roxas (BASAHIN: Estado ng agraryo sa Timog Katagalugan).

Nanindigan ang Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) na sila’y babalik at babalik sa DAR hanggang sa matupad ang mga pangako nito, kasabay ng pagpapalaya sa mga nakakulong na magsasaka at mangingisda.

Kinondena rin ng mga progresibong grupo ang patuloy na militarisasyon at iligal na pag-aresto sa mga pesante, manggagawa at community organizers sa Timog Katagalugan at panggigipit sa mga miyembro ng Coco Levy Fund Ibalik (CLAIM) sa Quezon.

(KAUGNAY NA BALITA: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon)

If they do not heed the people’s calls, they [progressive groups] will not hesitate to call for an ouster for the Marcos-Duterte regime,” hamon ng BAYAN Cavite sa bagong administrasyon. 

[“Kung hindi nila pakikinggan ang panawagan ng mamamayan, hindi magdadalawang-isip ang mga progresibo na ipanawagan ang pagpapatalsik sa rehimeng Marcos-Duterte.”]

Larawan ni Claire Sibucao

Pagdepensa sa kalayaan at karapatan

Pinangunahan naman ng BAYAN ST, Anakbayan ST, at PAMANTIK-KMU ang pagkondena sa Tsina sa panghihimasok nito sa West Philippine Sea, at sa hindi patas na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa pangunguna ni Marcos Jr.

“Sinasabi ng mga loyalista na maganda ang pakikitungo ni Bongbong sa Tsina. Si Bongbong Marcos ay malinaw na tuta ng Tsina at ng Estados Unidos. Dahil siya ay ilehitimong presidente, ang pinaglilingkuran niya ay ang ibang bansa,” giit ng BAYAN ST.

Sa naganap na kilos-protesta noong ika-12 ng Hunyo, idiniin ng mga progresibong grupo ang pagiging huwad ng kalayaan ng Pilipinas dulot ng pagkakatali sa mga imperyalistang bansa. Pinuna ng Panday Sining Cavite ang tambalang Marcos-Duterte na katulad ng kanilang mga ama ay handa umanong “humalik sa paa ng mga dayuhan” (BASAHIN: Ika-124 na taon ng “huwad na kalayaan”, sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibo mula sa Timog Katagalugan).

Kinondena rin ng mga progresibo ang sunod-sunod na pangre-red-tag, pagdukot, at pagmamanman sa iba’t ibang grupo sa Timog Katagalugan. 

Inilantad ng  Defend Workers ST ang paniniktik ng mga pwersa ng estado sa kanilang unyon at kung paano inilagay sa panganib ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga buhay ng kanilang organizers.

Kinondena ng Karapatan ST ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang pagsupil at pagpapahirap sa mga mamamayang Pilipino sa halip na pagprotekta sa mga ito. Kasabay nito ang pagtutol ng mga progresibong grupo sa pagbibigay ng bilyon-bilyong pondo sa NTF-ELCAC.

“Hindi magpapatinag ang Timog Katagalugan sa kahit anong atake at iba pang karahasan na dinudulot ng militar, estado, at mga iba pang naghahasik ng terror sa Timog Katagalugan. Buwagin ang NTF-ELCAC at isulong ang pangmatagalang kapayapaan!” pahayag ng Karapatan ST. [P]

3 comments on “Kakulangan ng aksyon sa ekonomikong krisis, iprinotesta ng mga progresibo sa unang SONA ni Marcos Jr.

  1. Pingback: Unions demand justice, pro-worker reforms for the upcoming ILO-HLTM – UPLB Perspective

  2. Pingback: Forum highlights economy in shambles in Marcos Jr.’s 7th month in office – UPLB Perspective

  3. Pingback: Mga tsuper mula Timog Katagalugan, tutol sa PUJ phaseout, nakiisa sa transport strike – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: