Editorial

Walang pinagkaiba ang anak ng diktador

Sa unang State of the Nation Address (SONA) ng anak ng diktador at pagbubukas ng ika-labing siyam na Kongreso, natunghayan ng madla ang pagsisimula ng huwad na panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr. na markado ng pagbabaluktot ng katotohanan, pagtapak sa karapatang pantao, at lubos na pagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino. 

Hindi nakakagulat ang kawalan ng prayoridad na bigyan ng konkretong solusyon ang mga mabibigat na isyung kinakaharap ng ating bansa. Sa kabila ng hirap na dinaranas ng mga mag-aaral sa gitna ng pandemya, tila mas prayoridad pa ng administrasyon ni Marcos Jr. ang militarisasyon sa akademya. Patunay rito ang pagtutulak ni Marcos Jr. sa pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bilang pagiging “mandatory” sa mga paaralan. Maaalalang samu’t saring mga isyu ang kinaharap ng ROTC katulad ng korapsyon at pag-abuso sa mga karapatang pantao.

Sa halip din na pakinggan ang hinaing ng mga mamamayan na suspendihin ang pagpataw ng buwis sa langis at pagsuspinde sa Oil Deregulation Law, mas palalawigin pa ni Marcos Jr. ang pagbubuwis na papasanin ng ordinaryong Pilipino, katulad ng pagpapataw ng value added tax (VAT) sa digital service providers. Sa kabila nito, plano ni Marcos Jr. na gamitin ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law na bibigyan ang mga korporasyon ng bilyon-bilyong tax cut, para umano maisulong ang productivity-enhancing investments. Ang mga mandatong itong nagpapasa ng pasanin ng pagbubuwis sa ordinaryong Pilipino ay lalo lang nagpapalaki ng agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap sa bansa.

Dagdag pa rito, bagaman nabanggit niya ang pagpapatuloy ng repormang agraryo, hindi nakakagulat na malabnaw ang mga plano ni Marcos Jr. ukol dito – patunay na huwad ang kaniyang mga adbokasiya para sa mga magsasaka. Kung ating maaalala, ang isyu ng coco levy funds ay maiuugat mismo sa ama niyang si Marcos Sr. P60 kada 100 kilong kopra ay puwersahang kinolekta sa mga magniniyog sa Quezon. Subalit ang pondong ibinayad ng mga magsasaka para sana sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa ay napunta lang sa mga personal na interes nina Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., pamilyang Marcos, at iba pa nilang kaalyado (BASAHIN: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon).

Kinikilala rin ng human rights groups na patuloy na haharapin ng bansa ang banta sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Binigyang-diin nila ang kawalan ng pokus ng pangulo sa kapayapaan, katarungan, at karapatang pantao.

Wala pa mang isang buwang nakaupo ang anak ng diktador, kabi-kabila na ang naitalang panghaharas sa mga progresibo. Kasalukuyan pa ring nakakulong ang environmental defender na si Vertudez “Daisy” Macapanpan, na iligal na inaresto noong ika-11 ng Hunyo sa kanyang tahanan sa Pakil, Laguna. Kilala si Daisy bilang kritiko ng proyektong Ahunan Hydropower Plant na isasagawa sa bahagi ng Sierra Madre (BASAHIN: Mga progresibo at makakalikasang grupo, patuloy na nananawagan sa paglaya ng inarestong environmental defender).

Ikatlo ng Hulyo naman nang mapag-alamang nawawala ang mga pesante at human rights defenders na sina Ma. Elena Pampoza at Elgene Mungcal. Ang insidente ay kinilala bilang “extrajudicial arrest and detention” ng mga progresibo.

Noon namang ika-17 ng Hulyo, inaresto ng pulisya ang Lumad-Manobo na si Gary Campos – senyales ng patuloy na militarisasyon sa komunidad ng mga Lumad at ng pagsupil sa kanilang mga karapatan. Kinikilala si Campos bilang prominenteng pigura sa laban ng mga Lumad para sa kanilang lupang ninuno. Maaalalang nito lang Pebrero ay pinaslang ang mga guro ng mga Lumad na si Chad Booc at Gelejurain Ngujo (BASAHIN: ‘Iskolar para sa Bayan’: Progressives, relatives testify to the spirit of service lived by slain Lumad teacher Chad Booc).

Nito namang kasalukuyang linggo sa Batangas, patay ang magsasakang si Maximino Digno at batang si ”Ineng” (hindi niya tunay na pangalan) dulot ng militarisasyon sa probinsya. Bagaman iginigiit ng 59th Infantry Battalion na may naganap na engkwentro, pinabulaanan ito ng mga progresibo. Ayon mismo sa mga residente roon ay walang naganap na engkwentro.

Patuloy pa rin ang pang-aagaw ng mga kapitalista sa mga lupa ng mga pesante sa Nasugbu at Hacienda Roxas sa Batangas; at Montalban, Rizal. Umusbong ang mga gusali, quarries, at landfills sa mga lupaing taniman sana ng mga pesante. Daing din nilang napako ang pangako ng pamahalaan na ipamamahagi ang lupain sa mga magsasaka.

Samantala, sa gitna ng pag-usbong ng mga pekeng balita at disimpormasyon mula pa noong kampanya ng tambalang Marcos-Duterte, patuloy pa rin ang atake sa mga mamamahayag. Noong Hunyo, ilang araw bago magsimula ang termino ni Marcos Jr., pinaghigpitan ang akses sa websites ng mga alternatibong midyang Bulatlat at Pinoy Weekly, samantalang pinagtibay ang shutdown ng Rappler. Noong ika-8 ng Hulyo, pinagtibay rin ng Court of Appeals (CA) ang cyber libel conviction ng Rappler CEO na si Maria Ressa.

Bunsod ng mga pag-atakeng ito, tila nakaamba ang pagsalamin ng administrasyon ni Marcos Jr. sa rehimen ng diktador niyang ama at ni Rodrigo Duterte.

Tinatayang nasa 3200 ang tala ng extrajudicial killings mula 1972 hanggang 1986 sa ilalim ng rehimen ni Marcos Sr., at libo-libo pang mga biktima ng tortyur, desaparecidos, at iba pang mga uri ng karahasan. Kabilang sa mga biktima ang mga progresibong kabilang sa “Southern Tagalog 10” – na kinabibilangan nina Rizalina Ilagan, Gerry Faustino, Jessica Sales, and Cristina Catalla – mga estudyante at guro ng UPLB na biktima ng desaparecidos. Dalawang taon bago mawala ang Southern Tagalog 10, una nang nawala si Leticia Ladlad – unang babaeng patnugot ng Aggie Green and Gold, ang sinundang pahayagan ng UPLB Perspective. Huling nakita si Ladlad noong 1975 (BASAHIN: Recalling UPLB in martial law).

Samantala, nasa pagitan naman ng 12,000 hanggang 30,000 ang pinatay sa ilalim ng giyera kontra droga. Tinatayang nasa 400 na progresibo pa ang pinatay sa ilalim ni Duterte. Kabilang dito ang mga progresibong sina Manny Asuncion, at Ariel at Chai Evangelista, mga biktima ng Bloody Sunday massacre – ang karumal-dumal na pagpatay sa siyam na progresibo sa Timog Katagalugan (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).

Walang puwang sa administrasyon ni Marcos Jr. ang kalayaan ng taong magtipon, maghayag, at magprotesta para sa kanilang karapatan. Sa malawakang protesta ng mga progresibong grupo noong araw ng SONA, sinalubong sila ng humigit kumulang 300 na mga pulis mula CALABARZON upang tiyakin umano na magiging mapayapa ang unang SONA ng anak ng diktador. Naging mahigpit din ito sa mga organisador ng mga protesta pati sa mga kalahok, kung kaya kinailangan nilang kumuha ng permiso upang hindi umano pigilan ng mga awtoridad. May mga pulis din na nanggaling pa sa ibang mga rehiyon para intimidahin ang mga nagprotesta at sikipan ang kanilang hawak sa mga progresibong grupo na nais lang iparating sa taumbayan ang totoong estado ng Pilipinas na lihis sa mga kasinungalingan sa Malacañang. Matatandaan ding tinangka ng kapulisan na pigilan ang isasagawang protesta at pagtitipon ng mga progresibo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City matapos nila itong ideklarang  no rally zone

Sa kabila ng mga ito, nanaig ang karapatan ng malawak na hanay ng masa sa kalayaan nila sa pagtitipon at ipahayag ang kanilang pagtutol at paglaban sa rehimeng Marcos at Duterte. Humigit kumulang 8000 indibidwal ang dumalo sa pagtitipon sa Tandang Sora, Quezon City bitbit ang mga panawagang nakaugat sa problema ng bawat Pilipino ngayon: ang problema sa kalusugan, sa kagutuman, sa edukasyon, sa pabahay, sa transportasyon, sa pagsirit ng presyo ng krudo at langis, sa tumataas na presyo ng kuryente at tubig, at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin – mga bagay na hindi narinig at nakitaan ng agarang aksyon mula sa rehimeng Marcos at Duterte.

Para sa mga mamamayan ng Timog Katagalugan, ang pagdalo at pagprotesta sa mga opisina ng gobyerno ay ang kanilang huling paraan para maipaabot ang kanilang mga panawagan at mga hinaing. Kaugnay nito, tungkulin nating lahat bilang mga mamamayan na samahan sila na harapin ang gobyerno at singilin ang mga Marcos at Duterte sa kanilang maraming mga pagkukulang at kasalanan.

Tuloy pa rin ang laban para sa kasaysayan. Dapat nating tatagan ang pagtindig laban sa pilit na pagbabaluktot ng katotohanan ngayon, higit kailanman. Itakwil ang huwad na panunungkulan ng Marcos-Duterte! [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “Walang pinagkaiba ang anak ng diktador

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: