News Southern Tagalog

Magsasakang si Maximino Digno, batang si Kyllene Casao, pinaslang sa militarisasyon sa Batangas

Pinabulaanan ng mga progresibong grupo ang pahayag ng militar na napaslang umano sa engkwentro ang dalawang sibilyan. Giit nila, mismong mga sundalo ang pumatay sa mga biktima.

Namatay ang isang magsasaka at isang siyam na taong gulang na batang babae sa magkahiwalay na insidente sa mga bayan ng Calaca at Taysan, Batangas, bunsod ng matinding militarisasyon sa probinsya.

Kabilang sa mga biktima ang sibilyang magsasakang si Maximino Digno, nasa 50 taong gulang, na pinatay sa Cahil, Calaca noong ika-26 ng Hulyo.

Ayon sa testimonya ng mga residente sa lugar, may diperensya sa pag-iisip ang magsasaka at madalas nagsasalita kahit walang kausap. May dala rin umano itong pellet gun kapag umaalis ng kanyang tahanan.

Kaugnay nito,  agad na pinabulaanan ng grupong Tanggol Batangan ang ipinapakalat na ulat ng 59th Infantry Battalion (IB) na biktima umano si Digno ng engkwentro sa pagitan ng militar at ng New People’s Army (NPA).

Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, papunta si Digno sa kanyang lupain bandang alas-dos ng hapon, nang kalaunan ay namataan na lang ng mga residente ang bangkay ng magsasaka. Ito ay halos kasabay ng pahayag ng 59th IB na may isang nasawi sa kanilang sagupaan laban sa NPA sa nasabing lugar. Itinanggi naman ng mga saksi na may engkwentrong naganap sa pagitan ng militar at NPA.

Pinagbawalan pa umano ng mga sundalo ang mga kaanak ng magsasaka na lapitan ang labi nito.

Samantala, binawian din ng buhay ang isang siyam na taong gulang na babaeng si Kyllene Casao sa Guinhawa, Taysan, Batangas noong ika-18 ng Hulyo.

Katulad ng naging sitwasyon sa pagpaslang kay Digno, ipinalabas din ng 59th IB na nasawi sa sagupaan ng kanilang hanay at ng mga NPA ang bata, samantalang wala naman umanong labanan ang naganap, ayon sa mga nakatira sa nasabing barangay.

Depensa pa ng 59th IB, imposible umanong mula sa hanay ng kasundaluhan ang bala na kumitil sa buhay ng bata. Subalit taliwas ito sa pahayag ng mga sibilyang saksi sa mga pangyayaring kumitil sa buhay ng dalawang biktima.

Dahil dito, kinundena ng organisasyong Mothers and Children for the Protection of Human Rights ang naging pahayag ng 59th IB ukol sa mga operasyon nila sa Taysan, dahil ayon sa mga militar, nagkaroon ng hiwalay na engkwentro ang kanilang panig sa Sityo Amatong at Centro, kung saan napaslang si Casao.

Subalit saad naman ng mga mamamayan, sa Sityo Amatong lang nagkaroon ng engkwentro bandang tanghaling tapat na tumagal nang hindi lalampas sa limang minuto, at walang nangyaring tapatan sa Sityo Centro, na itinuturong humantong sa pagkamatay ni Casao.

Ayon pa sa Mothers and Children for the Protection of Human Rights, saksi rin sa insidente ang mismong alkalde ng bayan, na nakita ang ama ng bata na karga ang kanyang anak sa daan bago ito tuluyang pumanaw habang dinadala sa ospital.

Tulad ng panggagambala ng mga sundalo sa bangkay ni Digno, hindi rin umano pinalampas ng militar maging ang lamay ni Casao at patuloy na hinaras ang mga nakikiramay na kaanak ng biktima at human rights volunteers. Inulat ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights ang sapilitang pagkuha ng litrato sa mga tao nang walang mask, tahasang red-tagging, at “unsolicited physical contact” na ginawa ng militar.

Dahil sa panggugulo sa seremonya ay nagkaroon pa ng komosyon sa pagitan ng mga kaanak at tagapagtanggol ng biktima at mga sundalo na tumagal nang mahigit kalahating oras.

Maliban sa Calaca at Taysan, nanggambala rin ang mga sundalo sa Brgy. Malapag na Parang, Lobo, Batangas sa araw mismo ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasunod ng ilang ulat ng paninikil at pananakot sa mga naninirahan sa lugar.

Sa press statement ng Karapatan Southern Tagalog (ST), pinagbabantaan umano ang mga residente at iba pang human rights advocates na kakasuhan sa ilalim ng Anti-Terror Law kapag nalamang sila ay sumusuporta sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Nagsampa pa ang mga militar ng blotter report sa tanggapan ng barangay dahil hinayaan umano ng mga tao sa lugar na makapasok ang mga miyembro ng NPA sa kanilang pamayanan.

Matapos ang paglabas ng mga ulat ng mga progresibong grupo ukol sa umano’y pagsisinungaling ng militar sa mga kaganapan sa Batangas, lantaran ding ni-red-tag ng 59th IB sa kanilang Facebook page ang mga grupong Tanggol Batangan at Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA TK).

Bago pa man ang mga insidente, sinabi ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights na ramdam na ang presensya ng mga armadong tauhan sa mga naturang lugar, na nagsasagawa ng mga aktibidad na naghahasik ng takot at pangamba sa mga residente roon.

Ayon sa Tanggol Batangan, panghaharas ang paraang ginagawa ng militar upang paalisin ang mga magsasaka at mga sibilyan sa Lobo at bigyang daan ang engrandeng planong magtayo ng mahigit 26,000 na ektaryang geothermal power plant, o ang San Juan Project, sa munisipalidad. 

Inilantad din ng Karapatan ST ang isang kaso ng pang-aabuso mula sa mga sundalo sa San Juan, Batangas. Anila, pinasok ng mga pwersa ng estado ang tahanan ng isang miyembro ng Bakasan at Lakas ng mga Magniniyog sa Batangas (BALAYBAY), at sapilitan itong kinunan ng litrato na may hawak na baril upang ipalabas na isa itong rebel surenderee.

Pagsalubong ng pasismo laban sa mga pesante 

Sa parehong buwan, ilang serye na ng panghaharas at atake sa hanay ng mga pesante ang naiulat sa iba pang lugar sa bansa.

Mahigit 94 na mga magsasakang pamilya ang pwersahang pinaalis sa humigit-kumulang na 550 ektaryang lupain sa Cawayan, Masbate sa mismong araw ng SONA ng anak ng diktador na si Marcos Jr.

Pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at 20 miyembro ng 2nd IBPA na umano’y mga bayarang goons ang pagpapalayas sa lupain, bitbit ang mga matataas na kalibre ng baril.

Samantala, dalawang organisador ng mga pesante mula Tarlac ang iligal na inaresto at kinulong noong ika-3 ng Hulyo. Kinilala ang dalawang biktima bilang sina Elgene Mungcal ng Gabriela Women’s Partylist at Ma. Elena “Cha” Cortez Pampoza ng Anakpawis Partylist.

Ayon sa Moncada 2 Network, masigasig na land rights advocates na deka-dekada nang nag-oorganisa at tumutulong sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon sina Mungcal at Pampoza. Dagdag nila, ilang beses na ring naging biktima ng red-tagging at pagbabanta sa kanilang mga buhay ang dalawa.

Kaugnay ng mga sunod-sunod na insidente ng pamamaslang at pag-atake, nagdaos ng social media rally ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng rights group na Karapatan ST nitong ika-27 ng Hulyo.

“Ganito ba ang pagsalubong ni Marcos Jr. sa pag-upo sa pwesto? Paghahasik ng terorismo at pasismo sa mga mamamayan na dapat ay pinagsisilbihan at pinaglilingkuran nila?” ani ng tagapagsalita ng Karapatan ST.

Mariing tinuligsa ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan (TMTK) sa rally ang marahas na pagpaslang kay Digno. Anila, “Tila nauulit ang karanasan ng mga magsasaka sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.”

Sa inilabas namang opisyal na pahayag ng Anakbayan Quezon sa kanilang Facebook page, pinuna nila ang pandarahas sa mga magsasaka sa kabila ng kawalan ng komprehensibong plano para resolbahin ang isyu sa agrikultura.

“Habang patuloy ang pag-itsapwera ni Marcos sa sektor ng agrikultura, patuloy namang kumikilos ang kaniyang mga berdugong alipores para walang habas na paslangin at dahasin ang mga magsasaka,” sabi ng grupo.

Samantala, ipinahayag naman ng TMTK ang kanilang pagkadismaya sa mga militar na sana’y tagapagprotekta ng kapayapaan at karapatan.

“Tinatanong natin ang mga alagad ng batas, sino ba ang dapat magproteksyon? Sino ba ang dapat mangalaga? Sino ba ang dapat magtanggol sa karapatan ng mga sibilyan?” ani ng tagapagsalita ng TMTK.

Galit at habag din ang ipinahayag ng kinatawan ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights sa rally dahil sa sinapit ng menor de edad na si Casao na nagsusuga lang ng kambing kasama ang kanyang ama nang mangyari ang insidente.

Muli ring idiniin ng grupo ang pagtanggi ng mga residente na may naganap umanong engkwentro sa Brgy. Ginhawa.

“Dahil hindi nila maako, hindi nila mapanagot ang kanilang mga sarili sa pagkakasalang ito ay gumagawa ng kasinungalingan at itinuturo na lamang sa NPA ang pananagutan,” dagdag ng kinatawan ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights.

Nanawagan naman ang mga tagapagsalita ng Defend ST at Karapatan ST sa pagpapanagot sa mga militar na may sala, kasabay ang pagpapatigil sa matinding militarisasyon sa probinsya ng Batangas at mga karatig na probinsya sa Timog Katagalugan.

Bilang pagtatapos, nangako ang grupong Tanggol Batangan na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa mga biktima: “Nakakapanlumo pero dito tayo dapat humugot ng lakas na hindi tumigil ipaglaban ang karapatang pantao.”

Sa pahayag ng pakikiisa ng TMTK, ipinanawagan din nila sa Commission of Human Rights (CHR) Region 4A at kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang kagyat na imbestigasyon sa nangyaring pagpaslang sa mga sibilyan, at ang pagpapanagot at pagpapalayas sa 59th IB sa lalawigan ng Batangas. [P]

6 comments on “Magsasakang si Maximino Digno, batang si Kyllene Casao, pinaslang sa militarisasyon sa Batangas

  1. Pingback: Student leaders, activists call on fellow graduates to serve the people in 2022 grad rally – UPLB Perspective

  2. Pingback: Marcos noon, Marcos ulit ngayon: Ang pag-uulit ng kasaysayan ng mga makapangyarihan – UPLB Perspective

  3. Pingback: ‘Lupa, ayuda, hustisya’, panawagan ng mga pesante sa gitna ng ekonomikong krisis, kakapusan sa pagkain – UPLB Perspective

  4. Pingback: ‘Lupa, ayuda, hustisya’, panawagan ng mga pesante sa gitna ng taas-presyo, kakapusan sa pagkain – UPLB Perspective

  5. Pingback: Hustisya at kalayaan, panawagang bitbit ng human rights defenders sa caravan para sa karapatang pantao – UPLB Perspective

  6. Pingback: UPLB students mobilize to slam NCST Bill – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: