News UPLB News

Dating USC Chair Bongon sa UPLB graduates: ‘Tumindig, makibaka laban sa mga inhustisya sa lipunan’

Isang mapagpalayang pagbati sa lahat ng mga iskolar ng bayan, guro, kawani, mga mahal sa buhay at kaibigan! Ating mataas na pagpugayan ang bawat iskolar ng bayan na sa buong tapang, dangal at husay ay nagsipagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños!

Pinagkait man sa atin ng pandemya ito noon, sa araw na ito matapos ang ilang taong paghihintay, hindi na lang telebisyon o cellphone ang kaharap natin sa pagtatapos. Pormal na nabigyang pagkilala ang paghihirap natin sa taas ng entabladong ito. Kilalanin din natin ang lahat ng tulong na ibinigay ng ating mga magulang, mga kaibigan, at ng ating mga guro, na kahit mahirap, ay hindi tumigil sa pagsuporta sa atin upang marating ang ating kinalalagyan. Sa kabila ng matinding krisis pangkalusugan at pangekonomya ay nagawa nating makapagtapos ng pag-aaral dito sa ating pamantasan.

Isa sa pinakamalaking dagok sa atin, lalo na sa huling mga buwan ng pananatili natin dito, ay ang pagpasok ng pandemya ng COVID 19, dahil sa walang-kasiguraduhang pagpapatuloy ng pag-aaral natin bunsod ng iba’t ibang hirap sa kabi-kabilang lockdown, remote learning setup, at dagdag pa ang kakulangan sa sosyo-ekonomikong ayuda. Libong mga estudyante, guro, at kawani ang hindi naging handa sa pagsuong sa remote learning setup. Marami ang napilitang tumigil sa pag-aaral, at marami rin na mga kaklase, orgmates, o mga kaibigan ang kinuha sa atin ng pandemya at sistema ng edukasyon na ito. Kaya’t kagyat na tungkulin natin ang patuloy na paggiit ngayon ng mga estudyante para sa ligtas, dekalidad, demokratiko, at abot-kayang edukasyon kasabay ng ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, upang hindi na muling mangyari ang mga madidilim na taon na ating naranasan.

Sa kabila ng mga isyung kinakaharap natin, hindi maikakaila ang mga napagtagumpayan ng kilusang kabataan at estudyante sa ating pamantasan. Sa panahon natin, dahil sa mithiing nating mawakasan na anti-estudyante at anti-mamayang polisiya sa pamantasan, nagawa nating mapigilan ang term extension ng dating tsanselor Sanchez. Napaapruba ang ‘Student-Crafted Organization Registration Guidelines’ kasabay ng pagpapabasura sa ‘Freshman Recruitment Ban’ upang mas mabigyan ng kalayaan ang mga estudyante na mag-organisa. Matagumpay rin nating napaaprubahan ang mga nakabinbing MRR at Readmission cases at naipabalik sa pag-aaral ang mga kapwa natin iskolar. Ang iba mismo ay kasama rin natin ngayong nagsipagtapos.

Mahalaga na balikan natin ang mga tagumpay na ibinunga ng ating kolektibo at militanteng aksyon. Dahil, sa kasalukuyang administrasyong Marcos-Duterte, minana nito ang lahat ng paglabag sa karapatang-pantao mula sa nakaraang rehimen, at dinagdagan ng higit pa sa pagpapalala ng disimpormasyon at kultura ng impunidad. Una–sa sapilitang pagpapakain ng propaganda ng mga Marcos upang linisin ang kanilang pangalan, at pangalawa–sa pagpapaigting ng all-out-war sa mga progresibo sa ilalim ng NTF-ELCAC. Hindi pa rin tayo nakakalimot sa mga atake sa paglabag sa ating mga demokratikong karapatan sa pagoorganisa at pagpapahayag. Patuloy ang pagbansag sa mga progresibong mga miyembro ng komunidad ng pamantasan bilang terorista ng pasistang estado. Saksi rin ang Timog Katagalugan sa walang habas na pagpatay sa mga lider-aktibista at sa mga atake sa karapatang-pantao ng mga progresibong kabataan. Isang taon na ang lumipas mula nang mangyari ang Bloody Sunday sa ating rehiyon kung saan pinatay ang sampu na lider-magsasaka at manggagawa, kasama ng ilegal na pag-aresto ng labing-isa pa.

Mga kapwa kong nagsipagtapos, ang iba sa atin dito ay mga propesyunal na sa iba’t-ibang mga larangan, o kaya ay nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa loob o labas ng pamantasan ngunit batid nating lahat at danas na danas natin ang krisis pangekonomya sa ating bansa. Pinapatay ang mga mamamayan gamit ang bala at malawakang kahirapan at kagutuman. Ito ang lipunan na sinalubong natin, kung saan sunod sunod ang pagtaas ng presyo ng langis at ng mga bilihin, ngunit nanatiling kakarampot at barat ang pasahod, at atrasado ang sistemang pang agrikultura.

Sa kasalukuyan, labindalawang trilyong piso na ang utang ng ating bansa. At ang sagot ng administrasyong Marcos Jr dito ay taasan ang tax ng mga Pilipino habang ang pamilya niya mismo ay hindi pa rin nananagot sa kanilang bilyon-bilyong ninakaw at hindi pa rin nagbabayad ng kanilang bilyong buwis.

Walang ilusyon sa atin na naging malinis ang naging eleksyon nitong Mayo. Dahil kung malinis ang naging eleksyon, at katotohanan ang nanaig, walang mahahalal sa pwesto tulad nina Marcos Jr at Sara Duterte. Marapat lamang na itakwil natin itong mga taong gutom sa kapangyarihan, mga komprador ng pandayuhang interes, at magnanakaw na araw-araw winawasak ang buhay ng napakaraming Pilipino!

Sa panahon ng disimpormasyon, paghadlang sa kalayaan ng midya, kawalan ng suporta sa pananaliksik, at higit sa lahat, ang kawalan ng hustisya, nasa atin mismong mulat na pagpapasya ang susi upang kumawala sa mga ito.

Itong pagtatapos na ito ay simula pa lang ng mas malaking hamon na paglingkuran ang sambayanan. Napakalaki ng gampanin at kakayahan ng mga kabataan sa pagbabago ng lipunan. Nasaksikhan natin sa nakaraang eleksyon ang kakayanan ng ating sektor upang kumilos at magpakilos para sa ating kinabukasan.

Pakatatandaan natin na ang pagkimi at pagwawalang kibo sa harap ng inhustisya, ay pagpaling lamang sa mga nang-aapi. Hinahamon tayo na patuloy na tumindig at makibaka para sa lipunan kung saan pantay ang lahat ng kasarian. Lipunan kung saan may lupa ang mga magsasaka, may nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa. Lipunan na ginagalang ang mga karapatang pantao. At Lipunan na matatawag nating tunay na malaya. Panahon na upang angkinin muli ng mga mamamayan ang lansangan, at muling gumuhit sa mga papel ng ating kasaysayan.

Hugutan natin ng inspirasyon sina John Carlo Alberto, Rjei Manalo, Ian Maderazo, Kevin Castro, Chad Booc at lahat ng iba pang mga martir ng sambayanan. Sa ngalan nila, pananagutin natin ang rehimen ni Rodrigo Duterte, at buong tapang na itatakwil ang rehimen ngayon ni Marcos Jr at Duterte. Ubos-lakas nating isulong ang pambansa, syentipiko, at maka-masang edukasyon para sa nakararami.

Muli, mga kapwa ko Iskolar ng Bayan taas kamaong pagpupugay. Tumungo sa kanayunan! Paglingkuran ang sambayanan!

Jainno Bongon

BS Nutrition Class of 2021

41st USC Chairperson

2 comments on “Dating USC Chair Bongon sa UPLB graduates: ‘Tumindig, makibaka laban sa mga inhustisya sa lipunan’

  1. Pingback: Iskolar ng bayan, patuloy na tumindig para sa sambayanan – UPLB Perspective

  2. Pingback: Student leaders, activists call on fellow graduates to serve the people in 2022 grad rally – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: