News UPLB News

Hamon ng mga nagsipagtapos na lider-estudyante: ‘Isulong ang interes ng masa; itaguyod ang malayang lipunan’

Sa kanilang talumpati, ipinahayag nina Kabataan Partylist 4th Nominee Jianred Faustino at dating USC Chairperson Merwin Alinea na nararapat ipamalas ang dangal at husay para sa edukasyon, karapatan, at mga mithiing makabayan.

Ang artikulong ito ay sipi ng talumpati nina Kabataan Partylist 4th Nominee Jianred Faustino at dating USC Chairperson Merwin Jacob Alinea. Mapapanood din ang kanilang talumpati rito.

Sabay: Isang mapagpalayang gabi sa lahat ng Iskolar ng bayan, guro, at kawani na nakakarinig ng aking tinig!

Alinea: Taas kamaong pagpupugay at pinakamataas na pagkilala ang ginagawad natin sa mga nagsipagtapos mula sa ating unibersidad.

Faustino: Ating bigyang pagpupugay ang mga magulang, kaibigan, organisasyon at lahat ng taong sumama at sumuporta sa ating paglalakbay upang makamit ang ating pinakahahangad na Sablay.

Alinea: Sinubok ng iba’t ibang unos at krisis ang mga magsisipagtapos ngayon. Karamihan dito ay ang mga unang estudyante ng K to 12. Ipinatupad ito upang gawing “ladderized” umano ang ating sistema ng pag-aaral, upang ihanda ang mga kabataan sa pagpasok sa kolehiyo. Ngunit sa porma nitong output based at walang sapat na paghahanda, hindi nito nagampanan ang ipinangako nitong “job ready youth”. Dalawang taon ang nasayang at kinuha sa atin ng patakarang ito. Dalawang taon. Dagdagan pa natin ng dalawang taon na tanging mga computer at mobile gadgets ang kaharap natin dahil sa palpak na pagtugon ni Duterte sa pandemya. Naging biktima tayo ng pagpupumilit ng CHED na ituloy ang mga klase sa loob ng isang remote learning setup sa kabila ng kakulangan sa kahandaan ng mga unibersidad. Sa mabilisang pag-shift ng remote learning, ipinasa sa kamay ng mga guro at lokal na administrasyon ang pasanin ng implementasyon nito sa kabila ng kakulangan sa rekurso.

Kung tutuusin, gumastos ang DepEd ng 2.4B para sa outdated laptops na bukod sa walang silbi, ay hindi naman natatanggap ng karamihan sa ating mga guro. Base sa COA, ang CHED naman ay hindi naimplementa ang 1.96B worth of projects nito na makakatulong sana sa mga SUCs sa pagpapatupad ng flexible learning. Sa UP msimo ay habang mayroon tayong mga programa na makakatulong sa ating mga guro at estudyante ay nananatiling mabagal ang pagpproseso dahil sa burukrasya na kailangang pagdaanan sa gobyernong ito.

Alalahanin natin na isinilid tayo ng dalawang taon sa iba’t ibang alpabeto ng lockdown. Ipinagkait sa ating mga nagsipagtapos ang buhay kolehiyo—ang makasama ang ating mga barkada at orgmates sa lumbay at ligaya, makatambay sa mga org tambayan, makapagsaya at maipagdiwang ang Feb Fair, tumakbo mula Copeland papuntang CAS Annex 2 para makapag-attendance. Ito ang ilan sa mga karanasang ipinagkait sa atin ng remote learning.

Bagamat may ganitong mga problema, hindi natin maikakaila ang mga napagtagumpayan ng kilusang kabataan at estudyante sa ating pamantasan. Napagtagumpayan natin at hindi na mararanasan ng mga susunod na Iskolar ng Bayan ang kabulukan ng SAIS. Napagtagumpayan natin na ma-institutionalized ang Recovery Break sa ating academic calendar at magkaron ng tunay na Academic Ease. Napagtagumpayan natin na magkaron ng Safe Haven ang mga estudyante at kabataan na hinaharass ng gobyerno dito sa ating unibersidad.

Faustino: Sa ilalim ng administrasyong Duterte nasaksihan natin ang all-out-war sa mga mamamayang Pilipino. Habang tayo ay nasa ilalim ng kabi-kabilang lockdown ay isinabatas ang Anti-Terror Law na nagbunsod ng pagsampa ng kabi-kabilang warrant of arrest ang sa mga lider-aktibista ng ating rehiyon. Ang mga malawakang military at police operations ay nagresulta sa isa sa pinakamadugong araw sa ating rehiyon. Kinitil ng Bloody Sunday Massacre ang buhay ng sampung mga lider magsasaka at manggagawa.

Sa pagkapanalo ni Marcos Jr at Sara Duterte sa pwesto ay lalo lamang iigting ang all-out-war sa mga mamamayan, tulad ng pagpatay ng 59th IBPA kila Maximino Digno at ang siyam na taong gulang na si Kyllene Casao sa Batangas, paghuli kay Daisy Macapanpan na isang environmental defender, samantalang si Duterte, na maraming inutang na dugo, ay makakalusot dahil sa pagtanggi ng administrasyong Duterte at administrasyong Marcos Jr. sa pagsali sa International Criminal Court.

Ano na lamang ang aasahan natin sa isang gobyernong pinamamahalaan ng mga anak ng diktador at mamamatay-tao?

Sa kasalukuyan, ang utang ng Pilipinas ay sa lumolobong 12.7 T ibig sabihin nito bawat Pilipino, bawat isa sa atin na nasa bulwagang ito, ay may utang PHP 114,976. At ang sagot ng administrasyong Marcos Jr dito ay taasan ang tax ng mga Pilipino. Sa gitna ng inflation, sa gitna ng nagmamahal na presyo ng langis, ay paano pa tayo mabubuhay? Saan na lang kukuha ang mga pamilya natin ng pagkain pang-araw-araw? Saan kukuha ng pagpapaaral sa ating mga kapatid kung ang minimum wage sa ating rehiyon ay nasa P300 – P400? Kailangan daw taasan ang tax natin ngunit si Marcos Jr mismo ay hindi nagbabayad ng kanyang tax at tinatanggi na ibalik ang 328B na ninakaw ng kanilang pamilya satin. Dagdag pa dito, ginagamit na armas ng administrasyon ang disimpormasyon upang sapilitang baguhin ang katotohanan at kasaysayan para maging malinis ang kanilang pangalan. Hindi sila ang simbolo ng unity dahil patuloy lamang nila hinahati ang mamamayang Pilipino.

Alinea: Ngayong sa ating pagtatapos, ang class of 2022 ang may pinakaramaraming nagkamit ng latin honors sa kasaysayan ng UP. Ngunit mga kapwa ko Iskolar ng Bayan, hindi pa ito ang ating huling marka. Sa ating pagsablay, tayo ay patuloy na bibigyang grado kung paano natin paglilingkuran ang sambayanan.

Faustino: Sa mga magiging abogado, doktor, inhinyero, ekonomista, guro, historyador, sosyolohista, pilosopo, siyentista, mamamahayag, artista, manunulat, mananaliksik–tumungo tayo kung saan ang mga kalsada ay lubak, kung saan ang mga guro ay salat, at kung saan ang mga pagamutan ay kakarampot. Mangahas tayong sumulat ng mga akdang maglalantad ng kabulukan ng estado, manaliksik para sa katotohanan at pag-unlad ng ating kultura dahil doon tayo tunay na makapaglilingkod sa sambayanan, kung saan ang kaalaman at rekurso ay salat, kung nasaan ang masang api, dun tayo kinakailangan.

Alinea: Kaya hindi pa ito ang ating huling grado. Susunod na kabanata lamang ito ng ating panatang “Paglingkuran ang Sambayanan”. Tayo ay namulat sa realidad na hindi lamang tayo nabubuhay para sa ating mga sarili. Huwag tayong pumikit sa harap ng pananamantala, ating tanganan ang interes ng kapwa nating mamamayan at itaguyod ang malayang lipunan.

Faustino: Lipunan kung saan may demokrasya.

Alinea: Lipunan kung saan pantay ang lahat ng kasarian.

Faustino: Lipunan kung saan may lupa ang mga magsasaka.

Alinea: Lipunan kung saan hindi na kailangang maging OFW ng ating mga pamilya.

Faustino: Lipunan kung saan tayo ay malayang mamuhay.

Kasabay ng pag-alay natin mg tagumpay ng ating pagtatapos sa ating sarili at sa ating magulang ay ialay din natin ito sa mga kapwa Iskolar ng Bayan na nagpasyang paglingkuran ang sambayanan sa pinakamataas na porma ng pakikibaka at maging ang mga Iskolar ng Bayan na kinitil ng mapanupil na sistema. Para sa kabataang bayani na tumugon sa pagtawag ng inang bayan at nagbuwis ng buhay tulad nila Ian Maderazo, Jonas Burgos, Edrean Baez, Carlo Alberto, Rjei Manalo, Jurain Ngujo II, Kevin Castro, at Chad Booc. Ang inyong mga sakripisyo ay daang-libo naming ibabalik sa sambayanan.

Kaya naman, ang hamon para sa lahat ng magsisipagtapos:

Alinea: Ipamalas ang dangal at husay ng pamantasan ng bayan para sa edukasyon, karapatan, at mga mithiing makabayan.

Faustino: Isulong ang edukasyong pambansa, siyentipiko, at makamasa. Iskolar ng bayan, paglingkuran ang sambayanan!

Alinea: Tumungo sa kanayunan!

Sabay: Tuloy ang laban, Iskolar ng Bayan!

Larawan mula kay Sonya Castillo

2 comments on “Hamon ng mga nagsipagtapos na lider-estudyante: ‘Isulong ang interes ng masa; itaguyod ang malayang lipunan’

  1. Pingback: Iskolar ng bayan, patuloy na tumindig para sa sambayanan – UPLB Perspective

  2. Pingback: Student leaders, activists call on fellow graduates to serve the people in 2022 grad rally – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: